"Ang gwapo pala talaga ng mga anak ni Don Federico, ano?" kinikilig na sinulyapan ni Suzy ang katabing si Dorothea na abala naman sa pagkalikot sa cellphone nito.
Siya naman ay abala rin sa pagresearch sa sarili niyang cellphone tungkol sa magkakapatid na Mondemar. Nakakainis lang dahil hindi kompleto ang mga impormasyon na nakita niya sa google.
Pero hindi na siya nagtaka pa sa bagay na iyon dahil may pagkalowprofile talaga ang mga ito kahit na napakayaman pa. Kahit nga kay Governor Seth Mondemar ay wala rin siyang masyadong nakitang impormasyon sa kahit anong website.
Mabuti na lang at may ipinasang litrato sa kaniya sa Facebook nang nakaraang araw si Dorothea. Inutusan daw kasi ito sa mansiyon ng sir Miguel nito kaya nakapuslit ito sa mini library para kunan ng litrato sa cellphone nito ang family album ng binatang Mondemar.
Kahit katatapos lang ng performance niya bilang clown ay lumabas agad siya ng restaurant nang tawagan siya ni Dorothea at ipaalam nito na hinihintay siya nito sa parking lot. Hindi na siya nag abalang magpalit pa ng damit at agad na pinuntahan sa labas ang pinsan niya.
"Oh, 'yan, nakahingi ako ng invitation card para sa 18th birthday ng isang pamangkin ni Don Federico." Sabi nito.
"Utang na loob naman Suzy, huwag mo akong ipapahamak at baka mawalan ako ng trabaho kapag nalaman ni sir Miguel ang ginagawa natin."
Kontentong isinandal niya ang likod sa puwitan ng kotse at ngumisi habang hawak niya ang invitation card na ibinigay ng babae. Alam niyang naaawa lang sa kaniya ang pinsan niya kaya niya ito napapayag sa plano niya.
At marahil ay tumatanaw lang din ito ng utang na loob sa kaniya dahil noong mga teenager pa sila ay naglayas ito dahil sa problema sa pamilya. Kahit hindi naman ito kamag anak ng lolo Impeng niya ay buong puso itong tinanggap ng matanda dahil na rin sa pakiusap niya. Ilang buwan din itong tumira sa carnabal bago ito nagpaalam na mamamasukan sa Maynila. Pagkalipas ng ilang taon ay bumalik na ito at nag apply naman bilang driver ni Miguel.
Ang sabi ni Dorothea sa kaniya ay wala na itong mahihiling pa sa pagiging assistant at driver ng mayaman nitong boss. Malaki daw kasi ang pasahod at higit sa lahat ay marunong makisama sa mga ordinaryong tao ang boss nito.
Kung tutuusin ay hindi lang naman ito ang may magandang opinyon pagdating sa pamilya nila Miguel. Lahat kasi ng mga nakakakilala sa pamilya Mondemar ay palaging pinupuri ang mga ito.
At iyon ang nagtulak sa kaniya para mabuo ang plano niya. Wala siyang balak mag asawa agad pero kailangan niyang magkaroon ng anak sa lalong madaling panahon. Pero maliban sa dati niyang boyfriend na nanloko sa kaniya at ipinagpalit siya sa isang mayamang matrona ay wala ng lalaki pang naugnay sa kaniya.
Sa edad na twenty four ay masyado nang nabuhos ang atensiyon niya sa pagpapatakbo ng negosyo nila kaya nawala na sa isip niya ang mga ganoong bagay.
At sa bayan nila ay wala ng iba pang bukambibig ang mga tao kundi ang pamilya Mondemar. Ang mga anak na lalaki ni don Federico ay parang mga diyos sa Mount Olympus daw na bumaba sa lupa dahil totoong napakakisig ng mga ito.
Napatunayan na niya iyon ngayon matapos niyang makita ang litratong ipinadala ni Dorothea sa facebook niya. Family picture iyon ng buong pamilya na kinuha lang daw noong wedding anniversary ng mag asawang Mondemar.
Ang nakaagaw ng atensiyon niya ay ang pinakamatangkad sa limang magkakapatid at may kulay berdeng mga mata. Hindi niya maalala kung saan niya ito unang nakita pero sigurado siyang pamilyar ito sa kaniya. Hindi na siya nag abala pang itanong ang pangalan ng gwapong lalaki dahil si Miguel lang naman ang kailangan niyang makilala.
Isa pa ay baka malito lang siya dahil magkakahawig ang limang lalaki na kung hindi lang niya mapapansin ang height ng mga ito ay iisipin niya na iisang mukha lang ang tinitingnan niya.
Nakapagdesisyon na siya na si Miguel Mondemar ang magiging sperm donor niya. Bakit? Simple lang naman ang dahilan.
Una, sa limang magkakapatid ay dito lang siya pwedeng makalapit dahil na rin sa tulong ng pinsan niya. Pangalawa, kung magbubuntis na rin lang siya ay kailangan niyang pumili ng magandang lahi. Kailangan niyang ilevel up ang pangarap niya dahil lugi naman siya kung sa isang lalaking tambay naman niya isusuko ang pagkababae niya. Pangatlo, sigurado siyang malinis ito. Hindi ito katulad ng mga kakilala niya na pumapatol sa mga bayarang babae. Pang apat, ayon na rin sa pinsan niya ay napakabait na anak ni Miguel. Gusto niya na manahin ng magiging anak niya ang mga katangian ng lalaki. Wala siyang balak na magkaroon ng anak na katulad ng dalawang kuya niya dahil baka mas mauna pa siyang mamatay sa lolo Impeng niya. Ilan lamang iyon sa napakaraming mga kadahilanan niya kung bakit si Miguel Mondemar ang napili niyang maging ama ng anak niya.
Sa oras na magawa na niya ang plano niyang akitin ito at magbuntis na siya ay hindi na siya magpapakita pa sa lalaki. Wala siyang balak na maghabol ng karapatan ng bata dito at hindi na nito kailangan pang malaman ang magiging existence ng anak nila.
"Basta kapag nagbuntis ka na quits na tayo, ha? Wala na akong utang na loob sa'yo."
"Oo naman." Sabi niya habang nakangising ipinapaypay sa sarili niya ang invitation card na hawak niya.
Napailing na lang si Dorothea at siniko siya sa tagiliran.
"Aray naman!" halos mamilipit siya sa sakit dahil sa ginawa nito. Kahit pareho silang babae ay iba pa rin ang lakas nito kompara sa kaniya.
Palibhasa ay nasanay na itong kumilos at magbihis na parang isang tunay na lalaki.
"Ano ba!"
"Gaga ka, hindi ka ba natatakot sa gagawin mo? Isang Mondemar lang naman ang batang gusto mong ipagbuntis. Mag isip ka, Suzy."
Napaismid siya sa sinabi nito.
"At kanino mo gusto? Sa mga tambay na kapit lugar namin sa carnabal? Aba magpapakabaog na lang ako kaysa magpabuntis sa ganoon. Mangangarap na rin lang ako, kailangan level up na."
"Bahala ka na nga, basta kapag lumabas ang bata at lumaking kahawig ni sir Miguel, magtago tago ka na at baka mabuking ka pa."
Natigilan siya at hindi agad na nakapagsalita. Kahit nagpaalam na si Dorothea sa kaniya at pinaharurot na nito paalis ang sasakyan nito ay nanatili lang siyang nakatayo sa isang sulok ng parking lot at nauwi sa malalim na pag iisip.
Hindi niya agad naisip ang bagay na iyon. Papaano nga kaya kapag nakapanganak na siya at lumaking kahawig ng mga Mondemar ang anak niya? Siguradong hindi siya patatahimikin ng mga tao sa lugar nila at baka makarating pa iyon kay Miguel.
Ipinilig niya ang ulo at pilit na ipinaalala sa sarili niya na dapat matuloy ang plano niya bago pa mahuli ang lahat. Kahapon lang ay tuluyan nang nakipaghiwalay ang kuya Jepoy niya sa kinakasama nitong si Leonora. Balita niya ay may bago na palang dinidiskartehan ang kapatid niya kaya ang lakas ng loob na paalisin sa bahay nila si Lenora. Ang kuya Jonel naman niya ay marami rami na daw napopormahang babae ayon na rin sa isang tauhan nila.
Kaya bakit siya susuko? Bahala na ang Diyos kung ano ang mangyayari sa kaniya kapag nailuwal na niya ang sanggol. Ang importante ay maisalin ng lolo Impeng niya sa pangalan niya ang property nila para huwag na iyon mapag interesan pa ng dalawang kapatid niya.
Napahinga siya ng malalim at isiniksik ang invitation card sa loob ng makapal na custome niya. Nang makapa sa leeg niya ang kwintas na bigay sa kaniya ng ama noong huling beses na bumisita ito sa bayan nila ay napangiti siya bigla. Hinubad niya ang kwintas at matagal na pinagmasdan iyon.
Parang gusto niyang mapaiyak nang itaas niya ng bahagya ang kwintas at kuminang iyon ng masinagan ng araw. Gusto niyang matawa sa sarili dahil ngayon lang siya nakakita ng clown na malungkot at gusto pang umiyak. Hindi niya magawang tumawa o maging masaya dahil aminado siya sa sarili niya na nahihirapan na siya sa buhay na mayroon siya. Kung magtitino lang siguro ang mga kuya niya ay siguradong magiging magaan kahit papaano ang buhay nila.
"Keri lang, ako pa ba ang aatras? Sa ganda kong ito?" napaismid siya at iwinagayway ang kwintas.
Pero hindi niya inaasahan ang sumunod na nangyari. Bigla na lang ay may sumulpot na binatilyo sa harap niya at hinablot nito ang kwintas mula sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata niya ng bigla itong kumaripas ng takbo at iwan siya. Ilang sandali siyang hindi nakakilos hanggang sa makarinig siya ng malakas na busina ng isang sasakyan. Malakas na sumigaw siya at pilit na hinabol ang lalaki kahit na hirap na hirap na siya sa mabigat na custome niya.
"Ang kwintas ko! Ibalik mo sa akin ang kwintas ko!"