MONDEMAR CLAN SERIES Chapter 32

Hindi mapigilan ni Suzy na humanga sa mga bagay na nakikita niya sa paligid niya. Para sa kaniya ay mas masarap pang tumambay sa rooftop na iyon kaysa makipagsosyalan sa mga tao sa ibaba.

“Ang ganda!” namamanghang sambit niya nang makita ang malaking tent na naroon na kasya siguro ang tatlong tao.

Sa labas ng tent ay may mesa kung saan may nakahanay na mga pagkain. Ganoon ang nakikita niyang ayos ng tent sa mga Korean drama na napapanood niya.

Sa isang sulok ng rooftop ay may sink at kompleto iyon sa kagamitan. Pwede rin doon magluto dahil may electric stove at refrigerator pa. May mga flowerpot din doon at halatang alagang alaga ang mga halaman dahil malulusog ang mga iyon.

Kung siya siguro ang tatangunin ay mas gugustuhin niyang tumira sa ganoong lugar dahil tahimik at pwede siyang makapag isip isip. Isa pa ay kompleto ang mga gamit doon kaya hindi niya problema ang matutulugan at kakainin niya.

“You like it?” nangingiting tanong ni Miguel sa kaniya. Ngumiti siya at nagniningning ang mga matang sinulyapan ito.

“Dito ka ba madalas nagpapahinga? Pero marami naman magagandang suite sa ibaba 'di ba?” nagtatakang tanong niya.

Nagkibit balikat ito.

“Mas sariwa ang hangin dito sa rooftop at isa pa masarap matulog dito.” Anito at pilyong kinindatan siya.

Iglap lang ay naging malakas na ang tibok ng puso niya. Sa isang simpleng pagkindat lang sa kaniya ni Miguel ay parang gusto na niyang panginigan ng mga tuhod. Kung ganoon na nararamdaman niyang attracted ito sa kaniya ay nasisiguro na siya na hindi siya mahihirapan na isagawa ang plano niya.

Pilit na pinalakas niya ang loob at nginitian ito. Marahang hinigit nito ang kamay niya saka nito masuyong hinalikan ang likod ng palad niya.

Oh heaven!

Halik pa lang sa kamay iyon pero naramdaman na agad niya ang pag iinit ng katawan niya. Hindi niya maintindihan kung bakit sa halip na kabahan siya ay parang nasasabik pa siyang maangkin ni Miguel.

Hinapit siya nito sa baywang at dinala sa mesa. Naupo siya sa silya at ito naman ay pumuwesto sa silyang katapat niya. Inalok siya nitong kumain pero parang wala naman siyang gana.

Hindi na siya nito pinilit nang tumanggi siyang kumain agad habang ito naman ay nagsimula nang uminom ng alak. Hindi siya umiinom kaya hinayaan na lang niya ito. Mas mabuti na rin siguro na malasing ito agad para tuluyan na niya itong maakit mamaya.

“Palagi ka bang nagpupunta dito?” tanong niya kay Miguel.

“Yeah.. actually I’m planning to stay here for the whole night. Bumaba lang talaga ako para maghanap ng makakasama.”

“Ah..”

Makakasama…

Napalunok siya matapos niyang ulitin sa isip ang salitang iyon. Ilang babae na kaya ang nakasama ni Miguel sa lugar na iyon?

“H-hindi pa ba natin ito tatanggalin?” tanong niya at itinuro ang suot niyang maskara.

Baka kapag tuluyan na nitong nakita ang magandang mukha niya ay bumigay na ito sa patibong niya.

Saglit na nag isip ito bago sinulyapan ang suot na mamahaling wristwatch.

“Ang sabi sa party kailangan daw na eksaktong twelve midnight na natin tatanggalin ang mask.”

Natawa siya sa narinig.

“Pakulo lang ng mga kabataan iyon.”

“Wala naman sigurong masama kung makikiuso tayo sa kanila minsan.”

Tumango siya.

“Okay.”

Sa tantiya niya ay may kalahating oras pa naman bago mag alas dose ng gabi. Hindi na rin masama na makipagkwentuhan kay Miguel bago nito tuluyang makita ang mukha niya.

Mamaya na lang siya a-aura kapag lasing na ito. At least kapag may tama na ito ng alak ay hindi na siya mahihiyang akitin ito. Tutal naman ay may posibilidad na makalimutan nito kinabukasan ang mangyayari ngayong gabi.

Nang salinan nito ng wine ang kopitang nasa harap niya ay mabilis na tumanggi siya.

“Naku ayoko!” gulat na sabi niya at hinawakan ang kamay ng lalaki habang nagsasalin ito ng wine sa baso niya. Nagtatakang sumulyap ito sa kaniya.

“Hindi ako umiinom, Miguel. The last time na nalasing ako ay kumanta ako at sumayaw sa gitna ng kalsada. Second year college pa lang ako noong mangyari iyon, kaya hindi na ako pinapayagang uminom ng lolo ko.”

Umawang ang mga labi nito at matamang tiningnan siya. Mayamaya ay tumango ito at hindi na itinuloy pa ang ginagawa.

“S-sana hindi ka galit..” kagat labing sabi niya.

Napansin niya ang pag angat ng isang sulok ng mga labi nito.

“Bakit naman ako magagalit sa'yo? nagulat lang ako pero hindi naman dahilan iyon para magalit ako. Maswerte ang lolo mo dahil masunurin kang apo.”

Napalabi siya.

“Papaanong hindi ako susunod sa kaniya 'eh napahiya rin naman ako sa ginawa ko. At saka isa pa ibang klase manermon si lolo Impeng, talagang tumatagos sa—” nanlaki ang mga mata niya nang maalala ang sinabi niya.

Pasimpleng kinurot niya ang kaliwang binti. Hindi dapat siya nagkwekwento ng tungkol sa pamilya niya. Papaano naman magkakaroon ng interes sa kaniya si Miguel kung ganoon ang topic nila?

Ngumiti ito at prenteng isinandal ang likod sa backrest ng silya.

“Go on.”

“Eh….”

“Eh?”

“Okay lang ba? Hindi ba nakakahiya na ang lolo ko pa ang topic natin?” naiilang na tanong niya.

Napahalakhak ito at pagkatapos ay sumimsim ng alak sa hawak na kopita.

“Wala naman nakakahiya sa kwento mo.”

“Nakakahiya kayang sumayaw sa gitna ng kalsada. Kamuntik pa akong mabangga ng dahil sa kagagahan ko.”

“Bakit ka ba kasi nagpakalasing?”

“Maraming dahilan. Kamuntik na akong bumagsak sa isang subject at nakatanggap pa ako ng indecent proposal sa isang professor ko.” Nang maalala ang nangyari ay biglang kumulo ang dugo niya.

Naniningkit ang mga mata na nagsalita ulit siya.

“Ang akala siguro ng manyakis na iyon ay bibigay ako, hah! Manigas siya!” nakaismid na turan niya.

“And then?” seryosong tanong ni Miguel. Nahimigan niya ang pagkainis sa tinig nito.

Kahit siya ay nakaramdam na naman ng inis nang maalala ang manyakis na professor niya.

“Isinumbong namin siya sa school director, ayun nawalan siya ng trabaho.”

“Namin?”

“Oo, marami kaming nakatanggap ng indecent proposal galing sa kaniya. Lahat kami nagsumbong kaya hindi na siya nakaligtas pa.”

“Good.”

Proud na tumango naman siya.

“Eh, ikaw? Pwede ka bang magkwento ng tungkol sa'yo?”

“Tungkol sa akin?” ipinatong nito ang mga siko sa mesa at saka pinagsalikop ang mga palad.

“Oo, tungkol sa'yo.”

“Nagpakilala na ako kanina, 'di ba?”

Napapalatak siya.

“Mister, hindi porke sinabi mong Mondemar ka ay malalaman ko na agad ang biography mo.”

“Naranasan mo na bang magpakasal pero hindi naman natuloy?” bigla ay tanong nito.

“Ha? Hindi.” Nalilitong sagot naman niya.

“Ako oo,”

“P-paano? Napakunot noo siya.

Walang nabanggit sa kaniya si Dorothea tungkol sa naudlot na pagpapakasal ni Gabriel at ang alam niya ay single pa naman ang lalaki.

“May girlfriend ako, three years na kami bago ko siya niyayang magpakasal. May sakit pala siya sa puso pero hindi naman niya sinabi sa akin. Sa araw ng kasal namin habang hinihintay ko siya at naglalakad siya sa aisle ng simbahan, bigla na lang siyang nawalan ng malay. Cardiac arrest ang ikinamatay niya.”

“S-sorry.” Kagat labing sabi niya.

Mahinang umungol ito at pinagkiskis ang mga palad.

“Nakamove on na ako.”

Hindi. Letse! May balak akong gawin sa'yo tapos hindi ko alam na broken hearted ka pala. Pakshet!

Napadiretso siya nang upo nang mapasulyap siya sa suot niyang wristwatch at mapansin na pasado alas dose na ng gabi. Tumingin siya kay Miguel at naintindihan naman agad nito ang gusto niyang sabihin.

Tumayo ito at inilahad ang palad niya sa kaniya. Pigil ang paghinga na inabot niya ang palad ng lalaki. Inalalayan siya nitong tumayo at dinala siya nito sa gitnang bahagi ng rooftop kung saan walang mga gamit na makakaabala sa kanila.

Nanlaki ang mga mata niya nang hapitin siya nito sa baywang. Dama niya ang pagtulay ng malakas na boltahe ng kuryente sa bawat himaymay niya.

“Let’s start.” Utos nito.

Hindi na siya nakatanggi pa nang hawakan nito ang magkabilang tali ng maskara niya sa likod ng ulo niya. Huminga siya ng malalim at ginaya ang ginagawa nito.

Sa bawat pagdantay ng mga daliri niya sa malambot na hibla ng buhok ni Miguel ay patuloy naman sa pagwawala ang puso niya. Pinigilan niyang mapasinghap ng malakas habang tumatama ang mainit na hininga nito sa leeg niya.

Ipinikit niya ang mga mata at nagsimulang kumilos na. Magkasabay pa nilang nahubad ang mga maskara at dahil doon ay mas lalo pang bumilis ang tibok ng puso niya.

“Open your eyes, love.”

Napalunok siya nang ipaloob ni Miguel ang mga pisngi niya sa mainit na mga palad nito. Dahan dahan niyang iminulat ang mga mata at sinalubong ang nakangiting mga mata nito.

“I-ikaw?!” nagimbal siya nang makita na ibang tao ang kasama niya at hindi si Miguel Mondemar.

Oh my god!!!!!

Natutop niya ang mga labi nang maalala kung sino ang lalaking kasama niya ngayon. Ang lalaking mukhang marungis na tumulong sa kaniya nang manakaw ang kwintas niya. Nanghihinang napaatras siya at hindi makapaniwalang sinalubong ito ng tingin.

“S-sino ka?” tumatahip ang dibdib na tanong niya sa lalaki.

Ngayon na nahubad na ang maskara nito at nakita niya ang manipis na balbas sa baba nito na natatakpan ng maskara kanina ay nasisiguro niya na hindi nga ito si Miguel. Kung bakit malaki ang hawig ng lalaki kay Miguel at halos hindi nagkakalayo ang tangkad ng mga ito ay hindi rin niya maintindihan. Isa rin ba itong Mondemar?

“Juancho Sebastiano Mondemar, at your service.” Nakangising sabi ng lalaki at bahagya pang yumukod.

“J-juancho?”

Shit!

Natutop niya ang mga labi at hindi makapaniwalang napalunok siya. Nang maalala kung sino ito ay muli na naman siyang napaatras.

Ito ang pangalawang kapatid ni Miguel!

Kung bakit ang layo ng hitsura nito sa nakita niya sa litrato ay hindi niya alam. Pero base na rin sa kulay ng mga mata at hugis ng ilong ay sigurado siya na kapatid nga ito ni Miguel.

Nahagod niya ang batok at pilit na binalikan sa isip kung saan niya unang nakita si Juancho. Nang may isang tagpo ang biglang sumulpot sa alaala niya ay naikurap niya ang mga at muling sumulyap sa lalaki.

“A-alam mo?” pigil ang paghingang tanong niya. Natatandaan niya na nakita niya ito sa coffee shop habang nag uusap sila ni Dorothea. Narinig kaya nito ang pag uusap nila ng pinsan niya?

Diyos ko…huwag naman po sana…

“Alam ko ang alin? Na balak mong magpabuntis sa kapatid ko para hindi ka maunahan ng mga kapatid mo at para mapunta sa'yo ang peryahan ng lolo Impeng mo? Na pinsan mo ang assistant ni Miguel at tinutulungan ka niya sa plano mo? Na kapag nabuntis ka ay balak mong itago ang bata sa totoo niyang ama?”

“G-god…” nangangatal ang buong katawan niya dahil sa matinding pagkabigla at takot na lumukob sa kaniya.

Nanlaki ang mga mata niya nang humakbang palapit sa kaniya si Juancho at hinaklit siya nito sa magkabilang braso.

“Juancho….” Lalo pa siyang nanghina nang makita ang pagkislap ng galit sa mga mata nito.

“Hindi ka magtatagumpay.” Mariing sabi nito.

“Balak mo bang sabihin kay Miguel ang mga nalaman mo?”

“Hindi. Kahit sabihin ko naman sa kaniya ay hindi rin ako nakakasiguro na hindi ka na ulit lalapit pa sa kahit sino sa mga kapatid mo.”

Nainsulto siya sa sinabi ng lalaki. Nagpumiglas siya at agad na lumayo dito. Nanlilisik ang mga mata na tiningnan niya ito. Ngumisi lang ito at muling nagsalita.

“Hinahamon kita, tingnan natin kung hanggang saan ang galing mo.”

“Hindi mo alam kung sino ang hinahamon mo, Mr. Mondemar.”

Nakataas ang isang kilay na turan niya.

“Really? Sa tingin mo ba maaakit sa'yo si Miguel? Nakita mo na ba ang mga babaeng nagdaan sa buhay niya?”

Napaismid siya. Kahit huwag nitong sabihin ay alam niya na gusto nitong ipamukha sa kaniya na malayong malayo siya kung ikukumpara sa mga babaeng naugnay sa kapatid nito.

“Kaya ko siyang akitin sa isang kisapmata lang.” Matapang na sabi niya.

Napasipol si Juancho.

“Fine. Tingnan natin kung sino ang unang susuko sa ating dalawa.”

Peste! Peste talaga!

Palpak na agad ang plano niya. Abort mission na agad. Hindi na pwede si Miguel na maging sperm donor niya dahil may nakatunog na sa gagawin niya. Nanggigigil na tiningnan niya si Juancho.

Mayamaya ay may kalokohang pumasok sa isip niya at agad na napangiti.

Pinalamlam niya ang mga mata at ipinaskil niya ang matamis na ngiti sa mga labi niya.

“Kung hindi na pwede ang kapatid mo, bakit hindi na lang ikaw? Tutal….” Naglakad siya palapit kay Juancho at idinantay ang mga palad sa malapad na dibdib nito.

Nakita niya kung papaano magbago ang kislap ng mga mata ng lalaki. Alam niyang sa ginawa niya ay nagkaroon agad nang pagbabago sa loob ng katawan nito.

Ngumiti siya at kinagat ang mga labi. Napalunok ang lalaki at nagbaba ng tingin sa kaniya. Hindi nakaligtas sa kaniya ang kislap ng pagnanasa sa mga mata nito nang mapasulyap sa malusog na mga dibdib niya.

“Mukhang mas masarap ka naman kaysa sa kapatid mo…” anas niya sa kaliwang tenga ni Juancho.

Ipinulupot niya ang mga braso sa leeg nito at inilapit niya ang katawan niya dito. Sa ginawa niya ay hindi niya inaasahan na magkakaroon din iyon ng epekto sa kaniya.

Pakiramdam niya ay tumayo ang lahat ng mga balahibo niya sa batok nang masamyo ang mabangong hininga nito. Yumuko ito at sabik na inangkin ang mga labi niya. Nanlaki ang mga mata niya dahil sa pagkagulat.

Hindi agad siya nakagalaw at hinayaan lang ito sa ginagawa. Napaungol siya nang magsimula itong kagatin ang ibabang labi niya. Iglap lang ay may malakas na pwersa ang binuhay ni Juancho sa loob ng katawan niya.

Nanlaki ang mga mata niya ng mula sa pagyapos sa baywang niya ay gumapang ang isang kamay ng lalaki at masuyong pinisil ang kaliwang dibdib niya. Nagulat siya at agad na itinulak ito palayo.

“Bastos!” habol ang paghinga na sinipa niya ito sa tuhod. Napaluhod ito sa sakit at tiningnan siya ng masama.

“Ngayon pa lang magpractice ka nang umiwas sa mga sipa ko dahil magiging madalas na ang pagkikita natin.” Mataray na sabi niya at saka nagmamadaling umalis na.

Alam niyang wala na siyang pag asa pa kay Miguel pero masyado siyang nainsulto sa ginawa ni Juancho sa kaniya.

HAH!

May araw din ito sa kaniya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.