Taas noong naglakad si Suzy papasok sa entrada ng malaki at magarang hotel kung saan gaganapin ang party. Masquerade party ang theme ng debut celebration ng isang pamangkin ni Don Federico kung kaya sa corridor palang ay marami na siyang nakitang mga guest na pawang mga nakasuot ng maskara.
Nakangiting naglakad siya patungo sa elevator. Sa third floor ang function hall kung saan gaganapin ang malaking party.
Habang naglalakad ay hindi niya mapigilan ang mailang habang nararamdaman niya ang humahangang sulyap sa kaniya ng mga lalaking nasasalubong niya.
Kahit madalas siyang sumasali sa beauty pageant ay hindi pa rin talaga niya magawang masanay na magsuot ng mga sosyal na damit na nagpapakita ng mga hita at cleavage niya.
Ang suot niyang red dress ay talagang nagpalutang sa makinis at maputing balat niya. Lampas man hanggang sa ibaba ng tuhod niya ang haba ng dress ay hindi pa rin niyon nagawang itago ang magandang hubog ng balakang at mga hita niya.
Mababa din ang neckline ng suot niyang dress kung kaya malayang nasisilip ang bandang cleavage niya. Dahil alam niyang party iyon ng mga mayayaman ay hindi dapat siya magpahuli. Kailangan niyang makuha ang atensiyon ni Miguel at maisagawa ang plano niya.
Kailangan niyang makagawa ng paraan para mapansin siya nito. Kung wala man mangyari sa kanila ngayon ay dapat naman niyang masiguro na tatatak siya sa isip nito para hindi na siya mahirapan pang akitin ito sa sunod nilang pagkikita.
Hindi siya pwedeng pumalpak dahil sayang ang magandang ayos niya ngayong gabi. Gumastos pa siya para lang makabili ng magandang dress at nagpaayos sa parlor.
Mabuti na lang at talagang magaling ang baklang nagmake up sa kaniya dahil talagang ginawa siya nitong diyosa. Kung siya nga lang ang masusunod ay mas gugustuhin pa niyang tanggalin na lang ang suot niyang maskara dahil kung face value lang ang pag uusapan ay hindi naman siya magpapahuli sa ibang mga guest.
May tiwala siya sa sarili lalo pa at puring puri siya ng bakla kanina. Lumutang daw ang ganda niya at nagmukha siyang Korean actress dahil sa ayos niya.
Proud na inilayad pa niya ang dibdib at lumabas na ng elevator nang makarating na siya sa function hall. Muli ay naramdaman niya ang mainit na sulyap ng mga lalaking naroon. Magalang na ngumiti lang siya sa mga ito at ibinigay na sa security staff ang dala niyang invitation card.
Tiningnan nito ang pangalan niya sa guest book bago siya sinabihan na pwede na siyang pumasok sa loob. Siyempre pa ay hindi ang totoong pangalan niya ang ginamit niya para makapasok siya sa function hall.
Si Dorothea ang gumawa ng paraan kung papaano siya makakapunta doon ng walang kahit anong problema.
Nakita niya na marami ng mga bisita sa loob. Ang ilan pa sa mga ito ay mga kilalang personalidad sa lugar nila. Karamihan din ay kamag anak ng mga Mondemar o kaya ay mga kaibigan. Ang debutante ay anak ng isang opisyal na second cousin naman ni Don Federico. Kaya hindi na nakapagtataka na higit na mas marami ang mga matatanda doon dahil maraming mga politician ang imbitado.
Narinig niya ang malakas na music na nagmumula sa mini stage at ang bulungan ng ilang mga binatilyo na nakakita sa kaniya. Sinubukang lumapit sa kaniya ng isang matangkad na lalaki pero nilampasan niya lang ito nang makita niya ang pamilyar na bulto ni Miguel.
Kahit nakasuot ng maskara ang lalaki ay hindi siya maaaring magkamali na ito nga ang nakita niya. Base na rin sa tangkad nito at matikas na pangangatawan ay alam niyang ito nga ang lalaking hinahanap niya.
Binilisan niya ang mga hakbang para makalapit sa grupo kung saan ito kabilang. Pero may isang matabang lalaki ang humarang sa harap niya at parang balak siyang kausapin. Nang makahanap siya ng pagkakataon at iniwasan niya agad ito. Pero nanlumo siya nang mapansin na wala na si Miguel sa pwesto nito kanina.
Mahinang napamura siya at hinanap ang lalaki. Kailangan niya itong makita agad bago pa man ito makahanap ng ibang babae. Ang sabi ni Dorothea sa kaniya ay hindi na daw nakapagtataka kung may isamang babae sa prime suite ng hotel si Miguel ngayong gabi.
Kahit palaging busy sa trabaho ay lalaki pa rin naman daw ang boss nito at hindi pinapalampas ang mga pagkakataon na babae na ang lumalapit dito. Ibig sabihin ay malaki ang pag asa niya na makasama ang lalaki ngayong gabi. Kung papalarin ay pwede siyang mabuntis agad o kung hindi man ay sisiguruhin niya na hindi ngayong gabi ang huling beses na magkikita sila.
Shit! Miguel, nasaan ka na ba?
Sa pagmamadali niya ay hindi niya agad napansin ang pagsulpot ng isang matangkad na lalaki sa harap niya. Huli na para makaiwas pa siya dahil tuluyan na siyang bumangga sa matigas na katawan nito.
Napangiwi siya nang maramdaman ang munting kirot sa balikat niya. Sa laki at tigas ng katawan ng lalaki ay masisiguro niya na madudurog ang buto niya sa balikat kung hindi agad siya nito naalalayan at nahawakan sa baywang.
“Hey!”
Napigilan niya ang paghinga ng muling pumaloob ang braso ng lalaki sa baywang niya. Nang tangkain niya kasing tumayo ng tuwid ay nawalan siya ng panimbang dahil sa mataas na takong ng sapatos niya.
“S-sorry.” Halos hindi na kumukurap ang mga matang anas niya.
Napakalapit pa rin ng mukha ng lalaki sa kaniya kaya malaya niyang napagmamasdan ang magandang kulay ng mga mata nito. May suot itong maskara kaya hindi niya makita ang mukha nito. Pero base na rin sa matangos na hugis ng ilong at kulay berdeng mga mata nito ay nasisiguro niya na gwapo ito.
Napasinghap siya nang pumulupot ang mga braso nito sa baywang niya bago siya inalalayang tumayo ng maayos.
Napalunok siya nang manuot sa ilong niya ang mabangong amoy ng katawan nito. Nakakaadik ang amoy ng panlalaking pabango na gamit nito at kahit nang pakawalan na siya ng lalaki ay parang naiwan pa rin sa buong himaymay niya ang init na nagmumula sa katawan nito.
Mahinang tumikhim siya at pilit na kinalma ang sarili. Pinagmasdan niya ang lalaki bago siya natigilan. Ang hugis ng ilong at kulay ng mga mata nito ay kahawig ng kay Miguel!
“Miguel?” gulat na tawag niya sa lalaki.
Saglit na natigilan ito bago mabagal na tumango. Awang ang mga labi na inilahad niya ang kanang kamay dito.
“Suzy.”
Dumaan ang pagkaaliw sa mga mata nito bago tinanggap ang pakikipagkamay niya.
“Miguel Mondemar. Wala ka bang apelyido?”
Umiling siya at matipid na ngumiti dito. Nakakaliyo ang matinding epekto sa kaniya nang pagtatama ng mga balat nila. Para itong isang magnet na unti unting humihigop sa enerhiya niya.
“Mas mabuti ng hindi mo malaman ang buong pangalan ko, Mr. Mondemar.” Makahulugang sabi niya.
“Oh, hindi kaya parang lugi ako?”
Naningkit ang mga mata niya nang magsimula siyang matawa sa sinabi nito. Magaan itong kausap at hindi matapobre na katulad ng ibang nakakaangat sa buhay na kilala niya. Hindi na siya magtataka kung bakit napakaraming mga babae ang naghahangad na makapag asawa ng isang Mondemar.
“Would you like to come with me?” alok nito sa kaniya.
“S-saan?” natitigilang tanong niya.
“Kahit saan. Kanina pa ako naiinip dito.”
“Oh,” tanging nasabi niya.
Saka lang niya naalala na hanggang ngayon ay hawak pa rin pala nito ang kamay niya. Pareho pa silang natigilan at mayamaya ay natawa nang mapansin iyon.
“Sige.”
Ang buong akala niya ay bibitiwan na nito ang kamay niya pero hindi naman nito iyon ginawa. Sa halip na pakawalan ang palad niya ay ipinaloob lang nito iyon sa mainit na palad nito at saka siya masuyong hinila palayo sa lugar na iyon.
Napakunot noo siya at biglang bumilis ang tibok ng puso niya nang dumako ang mga mata niya sa magkahugpong na mga palad nila.
Bakit ganoon? Bakit parang pakiramdam niya ay minsan na niyang nahawakan ang palad nito?
Sa halip na mag isip ay ipinilig na lang niya ang ulo para alisin ang mga bagay na gumugulo sa kaniya. Kailangan niyang magconcentrate dahil kung makakahanap siya ng pagkakataon ay may posibilidad na may mangyari sa kanila ni Miguel ngayong gabi.
Napalunok siya nang isama siya ng lalaki sa loob ng elevator at nang pindutin nito ang button para sa tenth floor ay parang gusto na niyang pagpawisan ng malamig.
Nakatulalang tumitig lang siya sa likod ni Miguel. Bigla ay parang inulan na ng kahalayan ang isip niya. Hindi niya mapigilan ang pagsulpot ng mainit na mga eksena sa isip niya.
Kinagat niya ang mga labi nang mapasulyap siya sa mga balikat nito. Kahit nababalot pa ng long-sleeved shirt ang itaas na bahagi ng katawan nito ay hindi pa rin maitatago ang magandang built ng katawan ni Miguel na bumabakat sa malambot na tela ng damit nito.
My God!!!! Suzy! Ang dumi ng isip mo!
Mas lalo pang tumindi ang kaba niya nang makalabas na sila ng elevator. Magkahawak ang mga kamay na naglakad sila at nilampasan ang maraming mga silid bago sila nakarating sa pinakadulo kung saan may isang maliit na pinto. Naikurap niya ang mga mata nang buksan ng lalaki ang pinto.
Tumambad sa kanila ang mga floor mop at iba pang mga kagamitan na ginagamit sa paglilinis ng hotel. Ang mahaba at yari sa bakal na hagdan ang nakaagaw ng atensiyon niya.
Umakyat sila doon ni Miguel at sa pinadulong baytang ay may pinto na naman. Nang buksan ng lalaki ang pinto at pumasok sila sa loob ay nanlaki ang mga mata niya nang tumambad sa kaniya ang malawak na rooftop ng hotel.
“Wow!” humahangang bulalas niya.