Ilang beses na naikurap ni Suzy ang mga mata habang nilalagyan niya ng shaving cream ang ilalim ng mga pisngi ni Juancho. Dahil naiilang na talaga siya sa makapal na balbas nito ay sapilitan niya itong dinala sa banyo para kumbinsihin na mag ahit.
Kaya lang ay sadyang matigas ang ulo nito at kung hindi pa niya kinumbinsi na siya na lang ang mag aahit ng balbas nito ay hindi pa ito papayag sa gusto niyang mangyari.
Kanina ay binuhat siya nito at inupo sa counter ng sink. Nakapwesto ito sa pagitan ng mga hita niya habang ang mga kamay ay nakatukod sa magkabilang dulo ng lababong de tiles.
Huminga siya ng malalim habang ikinikalat niya sa mga pisngi ni Juancho ang cream. Hindi niya mapigilan ang mailang habang nakatitig ito sa kaniya. Gustuhin man niya itong sawayin ay hindi niya na ginawa dahil mas nangibabaw ang masarap na pakiramdam nang pagtitig ng mga mata nito.
Hinawakan niya ang razor at nagsimula nang ahitan ang binata. Mamaya lang ay sisiguruhin niya na maisasama niya ito sa labas para magpagupit. O kung ayaw man nito ay pwede silang magpatawag ng tao mula sa salon na pag aari ng isang pinsan nito. Gusto niya na bago matapos ang huling araw nang pag aalaga niya rito ay makita niya ang dati nitong hitsura.
Alam na niya ngayon ang totoong dahilan kung bakit halos pinabayaan na ni Juancho ang sarili nito at nagliwaliw na lang ito sa halip na pamahalaan ang sariling mga negosyo.
Kinulit niya si Dorothea at napilitan naman itong ipagtapat sa kaniya ang tungkol kay Eunice. Alam niya na hindi madali ang pinagdaraanan nito dahil sa pagkamatay ng fiancée nito. Masakit ang mawalan ng mahal sa buhay lalo pa at alam mo sa sarili mo na marami ka pang gustong ibigay at iparamdam sa kaniya.
“Ang mata mo.” Pinaningkitan niya ng mga mata si Juancho nang mapansin na sa mga dibdib na niya nakatutok ang mga mata nito.
Sa halip na mainis ay napailing na lang siya at tinampal ito sa balikat. Ayaw niyang magpakaignorante kaya aaminin niya sa sarili niya na muling nagkaroon ng epekto sa kaniya ang simpleng pagtitig nito at pagdidikit ng mga balat nila.
Sa loob ng ilang araw ay parang nagbago ang ihip ng hangin. Naging malambing sa kaniya si Juancho at buong pusong tinanggap naman niya ang paglalambing nito.
Hindi na niya matandaan kung ilang beses na silang kamuntik na madala sa matinding emosyon at atraksiyon na bumabalot sa kanilang dalawa. Sa tuwing nadadarang siya sa mga haplos at mga halik ni Juancho ay nawawala siya sa katinuan at umaabot pa sa punto na nawawalan na siya ng lakas ng loob na tumanggi.
Pero sa huli ay palaging ito ang tumitigil at nagtitimpi na angkinin siya. Alam daw nitong hindi pa siya handa at kahit ilang beses na rin itong kamuntik na matangay ay palaging mas nangingibabaw ang katinuan ng isip nito.
Dinig niya ang marahas na pagbuntong hininga ni Juancho. Hinawakan niya ito sa baba at itinaas ang mukha nito habang patuloy siya sa pag aahit ng balbas nito. Nang matapos ay pinunasan niya ng malinis na face towel ang mukha nito. Napasinghap siya ng malakas nang tumambad sa kaniya ang malinis at gwapong mukha ng lalaki.
“Ang gwapo mo!” humahangang sabi niya at hindi mapigilan na haplusin ang mga pisngi nito. “Hindi ka na mukhang gusgusin ngayon.”
Napahalakhak ito at mas lalo pang inilapit ang mukha sa kaniya. Dahil medyo mataas ang kinalalagyan niyang counter ay kinailangan pa niyang magbaba ng tingin para magsalubong ang mga mata nila ni Juancho. Kinagat niya ang likod ng mga pisngi at agad na tinakpan ng palad ang mga mata niya.
“Ayoko na palang tumingin sa'yo, baka mainlove ako eh!”
“Akala ko dati ka ng in love sa akin?”
Dumagundong ng malakas ang dibdib niya sa narinig at natitigilang ibinuka ng kaunti ang dalawang daliri para makagawa siya ng butas at masilip ito.
“Assuming ang pogi,” nakalabing turan niya.
Ngumiti lang ito at iniyakap ang mga braso sa baywang niya. Malakas ang singhap na pinakawalan niya ng hindi sinasadya na dumaiti ang mga dibdib niya sa katawan nito.
“Oh, my favorite part,”
“Pervert!” sabi niya at mabilis na tinampal ito sa balikat.
Pero hindi naman ito natinag at mas lalo lang siyang hinigit palapit sa katawan nito. Ilang beses siyang lumunok nang hilahin nito ang kwelyo ng damit niya dahilan para mapayuko siya at magdikit ang mga noo nila. Naipikit niya ang mga mata nang pagkiskisin nito ang mga ilong nito.
“G-goodbye kiss na ba ito?” pigil ang paghingang tanong niya nang maalala na ngayon ang huling araw ng pagiging nurse niya dito.
Narinig niya ang pagpalatak ni Juancho at ang pagpisil nito sa baba niya.
“I have plans, love. I told you, letting go is not my style.”
“Anong style mo ba?”
“You.” Tugon nito bago tuluyang inangkin ang mga labi niya.