MONDEMAR CLAN SERIES Chapter 38

“Good morning!” masiglang bati ni Suzy kay Juancho nang magising ito.

Kanina pa siyang alas siyete ng umaga dumating sa hotel at agad na inasikaso ang lalaki. Malinis naman ang suite nito kaya inihanda na lang niya ang damit na isusuot nito at nakaready na rin sa mesa ang mga pagkain na inorder niya. Kahit ang mga gamot na iinumin nito pagkatapos nitong kumain ng breakfast ay inasikaso na rin niya.

Nang maalala ang nangyari may ilang araw na ang nakakalipas ay parang biglang sumama ang pakiramdam niya. Kamuntik na siyang mapahamak ng dahil sa kapabayaan niya. Kung hindi siya iniligtas ni Juancho ay baka isang malamig na bangkay na siya ngayon.

Masyado kasing naging mabilis ang pangyayari kung kaya hindi na niya napag isipan ang lahat. Ang alam lang niya ay umalis siya noon ng bahay na parang wala sa sarili. Narinig kasi niya ang pag uusap ng kuya Jepoy niya at ng bago nitong kinakasama na si Joy. Inatake siya ng matinding takot at pag aalala nang sabihin ni Joy na may posibilidad na buntis na ito kahit sandali pa lang na nagsasama sa iisang bubong ang dalawa.

Ang hinala niya ay hindi pa man naibabahay ng kapatid niya ang kinakasama nito ay may nangyayari na sa dalawa kaya hindi na nakapagtataka kung mabuntis man agad ito.

Nang marinig niya ang pag uusap ng dalawa ay basta na lang siya umalis ng bahay na magulong magulo ang isip niya. Dahil nga wala siya sa sarili at patuloy lang siya sa paglalakad ay kamuntik pa siyang mabangga ng sasakyan.

Nakilala niya ang driver na si Janus Smith. Mabait naman ito at pinilit pa nga siyang dalhin sa ospital kahit alam naman nito na wala siyang kahit anong galos. Gusto lang daw kasi nitong makasiguro na maayos ang kalagayan niya. Nang yayain siya nitong kumain sa labas ay hindi na siya tumanggi pa. Nagsimulang magpakita ng interes sa kaniya ang foreigner at hindi na siya nagpakipot pa.

Naisip niya na baka ito na ang sagot sa problema niya kaya nang yayain siya nitong magpunta sa motel ay sumama na siya.

Iyon lang ang huling natatandaan niya dahil nang magising siya ay nasa ospital na siya. Ayon na rin sa babaeng doktor na tumingin sa kaniya ay maayos naman ang kalagayan niya at wala siyang kahit anong sugat na tinamo sa katawan.

Pero ang kasama daw niyang lalaki ay inoobserbahan pa rin. Nagtaka siya sa sinabi ng doktora at nang malaman niya ang buong pangyayari ay ganoon na lang ang panlulumo niya. Nang dahil sa kapabayaan niya ay may isang tao pa ang napahamak.

Mabuti na lang, bago pa man makatakas si Janus ay dumating na ang mga pulis at agad na hinuli na ito.

Ilang araw na nanatili sa ospital si Juancho dahil sa tama nito ng bala sa bandang balikat at tiyan. Kaya lang ay problema niya ngayon kung papaano mapapaamo ang masungit na alaga niya.

Siguro iniisip ni Juancho na napakalaking 'gaga' niya kaya sa tuwing magkasama sila ay palagi na lang itong nagsusungit sa kaniya.

Pinapalampas na lang niya iyon dahil alam niya na kapag gumaling na ito ay hindi na siya uusigin pa ng konsensiya niya at hindi na siya muli pang magpapakita sa lalaki.

Napaungol siya ng sa halip na tumugon si Juancho sa pagbati niya ay inaantok na tumingin lang ito sa kaniya. Kumurap ang mga mata nito nang makita siya. Hindi nakaligtas sa kaniya ang pagdaan ng katuwaan sa mga mata nito bago nito binago ang reaksiyon. Madilim ang mukha na tumango ito at tumayo na.

Hindi sinasadyang nakagat niya ang mga labi nang tumambad sa kaniya ang hitsura nito. Sinapo niya ang mga pisngi at tinalikuran ang lalaki. Dapat ay sanay na siya sa ganoon dahil ilang araw na siyang nagpapabalik balik sa hotel para alagaan ito. Gusto na niyang pagalitan ang sarili dahil hindi niya mapigilan ang mapangiti.

Kahit kasi magulo pa ang buhok ni Juancho at namumungay sa antok ang mga mata nito ay hindi maitatanggi na napakagwapo pa rin nito. Madalas ay natatagpuan niya ang sarili na kontentong pinagmamasdan lang ito kapag natutulog ito.

Lumilipas ang mga minuto na masaya na siyang nakatitig dito at magmamadali lang siyang kumilos kapag nagsisimula na itong magising.

Kahit nakatalikod siya ay

pinakiramdaman niya ito. Dumiretso ito sa banyo para maghilamos at pagkatapos ay lumapit sa kaniya. Naupo ito sa isang stool habang nilalagyan niya ng kanin ang plato nito.

“May lakad ka ba ngayong araw? Hindi ka ba naiinip na palagi ka na lang nakatago dito sa hotel room?” tanong niya.

Napabuntong hininga siya ng hindi ito sumagot. Nagsimula lang itong kumain at nagsimula na rin siyang mainis dahil hanggang ngayon ay parang hangin pa rin kung ituring siya nito.

Simula nang alagaan niya ito ay palagi nang ganoon ang trato nito sa kaniya. Palaging nakakunot ang noo nito at hindi siya kinakausap. Kahit papaano ay naiilang siya dahil hindi naman ganoon ang nakilala niyang Juancho.

Muli siyang huminga ng malalim habang nagtitimpla ng kape para dito.

“Baka three days na lang akong magbabantay sa'yo. Sabi naman ng doktor ay okay ka na basta iinumin mo ang mga gamot mo.” Turan niya matapos niyang ilapag sa harapan nito ang coffee mug.

Gulat na nag angat ito ng tingin sa kaniya. Pinigilan niya ang mapangiti nang mapansin ang pagkislap ng pag aalala sa mga mata nito. Alam niya na katulad niya ay may nararamdaman din para sa kaniya si Juancho. Isang malaking patunay na ang pagliligtas nito sa kaniya na umabot pa sa punto na ito ang napahamak. Pero kailangan niyang magising sa katotohanan na hindi ang katulad niya ang nababagay sa isang katulad nito.

Alam niyang gasgas nang dahilan na hindi pwedeng magkagusto ang mahirap na katulad niya sa isang mayaman na katulad ni Juancho pero iyon ang katotohanan na hindi niya pwedeng balewalain na lang. Isang perpektong lalaki si Juancho na pag aagawan ng mga babaeng nabibilang sa mataas na mundong ginagalawan nito. Masyado itong perpekto para sa kaniya at sa palagay niya ay hindi niya dapat na isama ito sa magulong mundo niya.

Sino lang ba siya? Ano lang ba siya? Isa lang siyang simpleng babae na may magulong pamilya na hindi niya pwedeng ipagmalaki sa harap ng pamilya ni Juancho. Hindi rin siya professional na katulad ng iba kaya hindi na siya maglalakas loob pang pangarapin ang isang makinang na bituin na katulad nito.

Nagsimulang magsikip ang dibdib niya nang mapansin na nakatingin lang sa kaniya ang lalaki. Sa pagkakataong iyon ay hindi na malamig ang reaksiyon nito at punong puno na rin ng mga tanong ang mga mata nito.

“K-kailangan ko na kasing makaraket agad at saka mukhang okay ka na rin. Juancho…” pilit na ngumiti siya at naupo sa katapat na stool.

“Salamat sa pagliligtas mo sa akin, tatanawin kong utang na loob ang ginawa mo. Utang ko sa'yo ang buhay ko at sa totoo lang hindi ko rin alam kung papaano pa ako makakabawi sa'yo. Sa ngayon ang alagaan ka ang tanging maibibigay ko sa'yo. Marami pa akong kailangang gawin at alam mo naman ang sitwasyon ko.” Paliwanag niya.

“Three days 'di ba?”

“H-ha?”

“Sabi mo tatlong araw na lang kitang makakasama.”

Nalilito man ay nagawa niyang tanguan ito.

“I understand,”

Ha? Iyon lang?

Pinigilan ni Suzy ang makaramdam nang pagkadismaya sa inasal nito. Laglag ang mga balikat na tumayo na lang siya para maghanap ng iba pang gagawin.

“Ilalagay ko na sa banyo ang mga damit mo. Inumin agad ang gamot mo bago ka maligo.”

Nakatalikod siya habang kinakausap ito dahil ayaw niyang makita nito ang lungkot at pagkadismaya sa mga mata niya.

“Naiintindihan ko na tatlong araw na lang ang pwede mong ibigay sa akin pero hindi nangangahulugan iyon na hindi na tayo magkikita ulit. Letting go is not my style, love.” Seryosong wika nito na ikinalingon niya.

“Juancho…..”

Ito naman ang napabuntong hininga at seryosong sinalubong siya ng tingin.

“I know. Pero natauhan na ako, Suzy. Pinilit kong iwasan ka pero natagpuan ko pa rin ang sarili ko na sinusundan sundan ka kahit saan ka magpunta. Nang magising ako sa ospital pilit kong ipinakita sa'yo na galit ako pero hindi ko mapigilan ang sarili kong masanay na nasa tabi lang kita.”

“Tatlong araw na lang—”

“Maliit lang ang Mondemar. Imposibleng hindi tayo ulit magkita dahil hindi rin naman ako papayag na mangyari iyon. Sige lang, gawin mo ang gusto mo pero sinisuguro ko sa'yo na palagi akong susulpot para pakialaman ka sa mga plano mo.”

Umawang ang mga labi niya at hindi mapigilan ang matawa ng mahina.

“Abort mission na nga ako. Dalawang beses na akong pumapalpak sa plano ko. Hindi ko siguro forte ang ganoon kaya mag iisip na lang ako ng ibang paraan para matalo ang dalawang kapatid ko.”

“You can use me.”

Agad na naningkit ang mga mata niya.

“Paano?”

Pero bago man makasagot si Juancho ay marahas na napailing na siya para pigilan ito. Napakaraming posibilidad ang biglang pumasok sa isip niya at hindi iyon matatanggap ng konsensiya niya.

Kailanman ay hindi niya naisip na makinabang ng pera ng ibang tao lalo pa at kung siya naman ang magiging kapalit.

“You wish!” nakasimangot na sabi niya at muli nang tumalikod.

Narinig niya ang malakas na paghalakhak nito at parang isang malamyos na musika iyon sa pandinig niya.

Nakakataba ng puso ang pagtawa ni Juancho. Hindi na naman tuloy niya mapigilan ang pagkahulog ng loob niya dito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.