Three years later…..
Isang mahabang buntong hininga ang pinakawalan ni Suzy habang nakasandal ang likod niya sa backrest ng sofa at nagpapahinga. Ipinatong pa niya ang mga paa sa coffee table at saka hinilot ang sumasakit na binti niya.
Katatapos lang ng interview niya sa isang bangko sa Makati kaya ganoon na lang ang pagod niya. Marami kasi silang aplikante at maswerte siya na isa siya sa mga napili para bumalik sa final interview.
“Kumain ka na ba? Nagluto ako ng pancit kanina.”
Nag angat ng tingin si Suzy nang marinig niya ang tinig ni Dorothea. Hindi niya mapigilan ang matawa nang makita ang hitsura nito habang bumababa ng hagdan.
Kung hindi lang niya alam ang pinagdaraanan ngayon ng pinsan niya ay iisipin niya na ibang tao ang kasama niya sa apartment nila.
Ibang iba na kasi ang kasama niyang Dorothea. Hindi na ito ang dating pinsan niya na parang lalaki kung kumilos. Mas madalas pa nga ay mas maarte at sosyal ito kung ikukumpara sa kaniya o sa ibang mga kakilala nila.
Ang dating Dorothea na palaging nakasuot ng baseball cap at makapal na jacket ay nagbago na ngayon. Marami nga ang nagsasabi dito na may kahawig itong modelo dahil sa malaking transformation nito. Habang pinagmamasdan ang pinsan niya ay hindi niya maiwasan ang mapalabi. Napatingin siya sa mga dibdib niya na natatakpan ng suot niyang blazer.
Kontento na siya noong una sa dibdib niya pero nang makita niya ang katawan nito ay parang gusto niyang mainggit dito. Kahit manipis na t-shirt lang at fitted shorts ang suot nito ay lumulutang pa rin ang magandang hubog ng katawan nito.
“Mamaya na lang ako kakain, magpapahinga na muna ako.” Sabi niya nang maupo ito sa tabi niya.
“Lalabas ako,”
“Ng ganiyan ang hitsura mo?”
“Siyempre magbibihis ako. May racket ako mamaya.”
Tumango siya. Commercial model na ito ngayon at mas malaki na ang kinikita kumpara noong sa Mondemar pa ito namamasukan bilang staff ni Miguel. Mula nang lumipat siya sa Maynila may ilang taon na ang nakakaraan ay nasanay na siya na si Dorothea ang kasama niya.
Ito pa nga ang umalalay sa kaniya dahil wala naman siya noon kaalam alam sa magulong buhay sa Maynila. Basta ang natatandaan lang niya ay nakasakay na siya noon ng bus. Bago pa man umandar ang bus ay bigla na lang itong sumakay at naupo sa tabi niya. Nagulantang siya nang mapansin ang malaking bag na dala nito. Kailangan daw niya itong isama dahil kasalanan niya kung bakit ito nawalan ng trabaho.
Nabisto na pala ni Miguel na nakipagsabwatan ito sa kaniya noon at nagtalo ang mga ito. Pero hindi lang iyon ang dahilan kung bakit mas pinili ng pinsan niya na sumama na lang sa kaniya. Umamin sa kaniya si Dorothea na mahal nito si Miguel at mahabang kwento kung bakit hindi daw pwedeng magkatuluyan ang mga ito.
Nagulat siya sa mga natuklasan. Noon pa kasi ay nakatatak na sa isip niya na tibo nga si Dorothea. Hindi pa naman ito nakipagrelasyon sa babae pero base na rin sa kilos at pananamit nito ay hindi naman maikakaila iyon.
Siguro nga ay totoong makapangyarihan talaga ang pag ibig dahil kahit ang pinsan niya na noon pa man ay iniisip na niya na hindi magkakagusto sa isang lalaki ay umibig rin sa isang Mondemar.
Parang may matulis na bagay ang biglang bumaon sa kaliwang dibdib niya nang maalala si Juancho. Kamusta na kaya ito? Mula nang piliin niyang umalis ng bayan nila ay hindi na siya nagkaroon pa ng balita tungkol dito.
Sa tuwing tumatawag siya sa lolo Impeng niya ay hindi niya magawang tanungin ang tungkol sa lalaki. Ayaw na kasi niya na mas pahirapan pa ang sarili niya.
Katulad nga ng pangako niya kay tita Leticia ay nilayuan na niya ang anak nito. Kapalit na rin ng kalayaan ng dalawang kuya niya. Maayos na rin naman ngayon ang buhay ng mga kapatid niya. May kaniya kaniyang anak na ang mga ito at parehong may mga negosyo na.
Nagtayo ng laundry shop business si kuya Jepoy at ang kuya Jonel naman niya ay kumuha ng vocational course at nagtayo ng cellphone repair shop. Ang lolo Impeng naman niya ay nasa bahay na lang madalas na dinadalaw ng mga kapatid niya.
Maayos na rin ang buhay niya. Pagkatapos niyang masiguro noon na maayos na ang kalagayan ni Juancho –sa tulong na rin ni Allyson na nagbabalita sa kaniya noon ng sitwasyon sa ospital—ay nagdesisyon na siyang umalis ng bayan nila kahit malayo pa naman ang susunod na semestre.
Sa Maynila ay naghanap siya ng trabaho habang hindi pa siya abala sa pag aaral. Ngayon ay natapos na niya ang kursong accountancy at ilang buwan siyang nagreview para sa board exam. Ganoon na lang ang tuwa niya nang makapasa siya sa exam. Maraming mga kompanya na ang nag aalok sa kaniya ng trabaho pero wala pa siyang napagpipilian sa mga ito.
Masyado siguro siyang nalibang sa pag aaral at parang gusto niya na magrelax na lang muna ng kahit ilang buwan lang. Hindi naman niya problema ang panggastos dahil palaging nagpapadala ng allowance ang lolo niya at naiipon niya ang pera sa bangko.
Nang marinig niyang tumunog ang cellphone ay nagmamadaling dinukot niya iyon sa pinakailalim ng bag niya. Napangiwi siya matapos niyang sagutin ang tawag at marinig ang galit na boses ng lolo Impeng niya. Pinindot niya ang loudspeaker ng cellphone para marinig ni Dorothea ang mahabang sermon ng matanda.
“Kayo ba talagang dalawa ay wala ng balak pang bumalik ng Mondemar ha? Aba’y tatlong taon na, dumaan ang birthday ko, ang pasko o bagong taon na hindi ko man lang kayo nakita. Lalong lalo ka na Suzy kailan mo ba balak na umuwi ha? Kapag nakaratay na ako sa kama?”
“Lolo naman!” magkasabay pa nilang bulalas ni Dorothea.
“Umuwi na kayo ngayong linggo. Alam ko naman na wala kayong ginagawa diyan sa Maynila. Kalimutan na ninyo akong dalawa kapag hindi ninyo sinunod ang gusto ko.”
Nanlumo siya ng walang paalam na putulin ni lolo Impeng ang tawag. Kinakabahan na sumulyap siya kay Dorothea.
“Paano kung makita ko…..s-siya?” parang wala sa sariling tanong nito at pabagsak na isinandal ang likod sa backrest ng sofa.
Nakakaunawang tumango na lang siya at nagpakawala ng malalim na buntong hininga.
Papaano kung makita na niya si Juancho? Papaano kung galit ito sa kaniya at sa pamilya niya dahil iniisip rin nito na kasabwat siya ng mga kapatid niya? Naputol ang malalim na pag iisip niya nang makarinig siya ng ugong ng sasakyan mula sa labas ng apartment nila. Nagtatakang hinawi niya ang kurtina at sumilip sa bintana. Nakita niya ang isang kulay itim na sasakyan na humaharurot palayo.
“Parang pamilyar sa akin iyong sasakyan na iyon.” Natitigilang sabi niya nang maalala na ganoon ang kulay at modelo ng sasakyan na nakikita niya madalas sa labas ng university.
“Ang alin?”
“'di ba nga sabi ko sa'yo, matagal ko nang nararamdaman na parang may sumusunod sa akin. Ewan ko ba, Thea, kahit sa school ganito ang pakiramdam ko.”
Ayaw naman niyang isipin na may stalker siya pero nakakapagtaka naman na sa tuwing aalis siya ng apartment ay may sasakyan na ang nakaparada sa labas nila at kung minsan naman ay nakikita niya iyon sa labas ng campus noong nag aaral pa siya.
Minsan ay paiba iba ang modelo ng sasakyan kaya hindi niya malaman kung sinadya ba talaga o nagkakataon lang ang lahat. Napansin niya na naging malikot ang mga mata ni Dorothea bago nito itinuon ang atensiyon sa hawak na cellphone.
“Guni-guni mo lang iyon.” Anito.
“Sana nga.” Sumusukong sabi na lang niya.