MONDEMAR CLAN SERIES Chapter 47

Sa ilang oras na biyahe ay ilang beses na napansin ni Suzy na parang hindi na mapakali si Dorothea. Panay ang tingin nito sa cellphone na para bang may inaabangan itong tawag mula sa kung kanino.

“Thea, may appointment ka bang tinakasan sa Manila kaya parang kinakabahan ka?” tanong niya.

“Ha?” sabi lang nito habang nakatutok ang mga mata sa daan.

Nakahiram ng kotse sa isang kaibigan si Dorothea kaya hindi na nila kailangan pang magcommute. Mabuti na lang at madiskarte ang pinsan niya kaya palagi siya nitong naaambunan ng grasya.

Malaki talaga siguro ang kinikita nito sa pagiging commercial model kaya nagiging galante na ito ngayon. Palagi siya nitong inililibre sa mga mamahaling restaurant at weekly rin kung maggrocery ito. Ibang klase mag alaga ng kamag anak si Dorothea kaya sa loob ng tatlong taon na nakasama niya ito ay tumaba siya.

Maganda ang kinuha nilang apartment. Ang akala nga niya noong una ay mahal ang bayad, pero ito ang nakipag usap sa kasera at humingi daw ito ng kaunting discount. Kaya rin siguro malaki ang naipon niya dahil halos si Dorothea na ang gumagastos sa mga pangangailangan nila.

Hindi naman sa nagkukuripot siya pero madalas siya nitong nauunahan na umuwi sa apartment nila at kapag umuwi na siya ay madaratnan na lang niya ang masarap na ulam na iniluto nito. Para makaganti siya sa kabutihan nito ay palagi siyang naglilinis ng apartment at isinasabay ng dalahin sa laundry shop ang mga damit nito. Madalas din niya itong ilibre ng sine at bilihan ng magandang damit kapag namamasyal sila.

“Kung may appointment ka bang naiwan bago tayo umalis?”

“Wala,”

“'Eh bakit parang hindi ka mapakali? Kanina ka pa natataranta at hindi mabitawan ang cellphone mo.”

Nagtatakang wika niya. Kalahating oras na lang ay makakauwi na sila sa bahay ng lolo niya at habang tumatagal ay lalong dumadalas naman ang pagsulyap nito sa cellphone.

“Sorry na, n-ngayon lang kasi tayo uuwi ulit ng Mondemar kaya medyo kinakabahan ako.”

Umiling na lang siya at hindi na pinansin pa ang sinabi nito. Alam niyang nagdadahilan lang si Dorothea pero hinayaan na lang niya ito. Mas gusto pa niyang matulog kaysa kulitin ang babae.

“Shit!”

Nagulantang siya nang marinig ang malakas na pagmumura nito. Umayos siya ng upo at napahawak sa isang sulok ng upuan nang mapansin ang paggewang ng kotse. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isa pang kotse na humarang sa kanila.

Nanlamig siya nang bumukas ang pinto ng kabilang kotse at bumaba mula doon ang apat na lalake na may suot na mga bonnet sa ulo.

“T-thea…” parang gusto na niyang mapabunghalit nang iyak nang makitang binuksan ng isang lalaki ang pinto ng kotse niya at hinila siya pababa mula doon. Nagsisisigaw siya at tinawag ito pero nanatili lang itong nakatingin sa kaniya.

Anong nangyayari?

“Sorry. Para sa'yo din ito Suzy.”

Iyon ang huling natatandaan niyang sinabi ni Dorothea bago niya naramdaman ang pagtakip ng isang lalaki ng panyo sa ilong niya. Ilang sandali pa ay bumigat na ang ulo niya bago siya tuluyang nawalan ng malay.

xxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxx

“Ano ba talagang gagawin ninyo sa akin! Wala akong pera! Hindi ako mayaman kaya wala kayong mapapala sa akin!” malakas na sigaw ni Suzy habang pilit na nagpupumiglas siya sa mahigpit na paghawak sa kaniya ng lalaking katabi niya.

“Ano ka ba! kapag nagpumiglas ka pa, baka lahat tayo mahulog dito sa bangka!”

Malakas na napasinghap siya nang marinig ang pamilyar na tinig nito. Nawalan siya ng malay kanina at nang magising siya ay nasa bangka na siya at dalawang lalaki na lang ang kasama niya. Kung saan man nagpunta ang dalawa pang kasama ng mga ito ay wala na siyang pakialam pa.

“K-kuya Jepoy?”

Tumango ang dalawang lalaki at saka hinubad ng mga ito ang suot na bonnet.

“Kuya Jonel?” nanlaki ang mga mata niya nang makita ang mga kapatid niya.

Ang mga kamay na nakatali sa likod niya ay pilit na iginalaw niya.

“Ano na naman ba ito, ha?” naiinis na singhal niya sa dalawa.

Letse!

Kamuntik na siyang magkasakit sa puso dahil sa takot, tapos ay ang mga kapatid lang pala niya ang dumukot sa kaniya?

Kaya niyang ipagtanggol ang sarili niya pero naunahan siya ng takot dahil sa kakaibang aura ng mga ito kanina. Ang naunang pumasok sa isip niya ay may baril ang mga ito kaya hindi siya agad nakapalag.

“Punyeta naman! Ganito ninyo ako sasalubungin pagkatapos ng tatlong taon na hindi ninyo ako nakita?” nanggigigil na sabi pa niya.

Kung wala lang tali ang mga kamay niya ay baka naihulog na niya ang mga ito sa dagat.

“Relax ka lang, gusto naming magpaliwanag sa'yo. Dadalhin ka namin sa isla Camito para maayos na ang problema mo."

"Ano ba?!” nagpumiglas siya nang kumuha ng malinis na panyo ang kuya Jepoy niya at itali nito iyon sa bibig niya.

Pinipilit niyang magsalita pero dahil nga may busal ang bibig niya ay alam niyang hindi rin siya maiintindihan ng mga ito.

“Sorry, sis kailangan lang talaga dahil napag utusan lang kami ni lolo at ng mga kapatid ni Juancho. Wala namang bayad itong gagawin namin. Basta ang sabi lang nila, ito na daw ang pagkakataon namin ni Jonel na makabawi sa inyo ni Juancho.”

Naikurap niya ang mga mata at nagsimulang mag unahan sa pagpatak ang mga luha niya. Nang makarating na sila sa isla Camito ay binuhat siya ng kuya Jonel niya habang may piring na ang mga mata niya.

Ilang minutong naglakad ang mga ito habang buhat pa rin siya ni Jonel. Tumigil ang mga ito sa kung saan hanggang sa nakarinig siya ng langitngit ng pinto.

Nag away pa ang mga ito kung saan daw siya ilalagay. Kung sa sala daw ay baka tanghali na magising si Juancho at mawawala na ang thrill dahil ilang oras na siyang nakaupo lang sa sofa. Hindi naman pwede sa kusina o sa kahit saan pa daw.

Mga letse!

Bandang huli ay sa sala na lang siya iniwan ng dalawa. Bahala na daw kung makita agad siya ni Juancho. Umungol siya nang iupo siya ng kapatid sa sofa. Tinapik lang siya ni Jonel sa balikat.

“Ito na ang happy ending mo, sorry sa lahat nang ginawa namin sa'yo. Sana kahit sa ganitong paraan man lang ay makabawi kami.” Sabi ni Jonel bago nagpaalam ang mga ito sa kanya.

Happy ending?!

Nagkakawag siya at inangat ng bahagya ang mga paa. Napaungol siya nang may matabig siya at malaglag iyon sa sahig. Kinabahan siya nang marinig ang malakas na pagkabasag ng bagay na iyon.

Shit!

Nakiramdam siya sa paligid at napahinga ng malalim nang makarinig ng mahihinang mga yabag. May tunog ng parang dulo ng bakal siyang naririnig na lumalagatak sa sahig habang papalapit ang mga yabag sa direksyon niya.

Juancho…

nagkaroon ng bikig sa lalamunan niya nang tuluyan niyang maramdaman ang presensiya ng taong lumapit sa kaniya.

Ikaw ba yan Juancho?

Pigil niya ang paghinga nang maramdaman ang pagdaiti ng mga daliri nito sa pisngi niya at ang pagkalas ng tali ng panyo sa likod ng ulo niya. Kusang nalaglag ang mga luha niya nang tuluyan niyang masilayan ang mukha nito.

Umungol siya habang umiiyak. Napakabilis nang paghinga niya nang mga sandaling iyon. Bumaha ang matinding emosyon sa dibdib niya nang makita ang pagsungaw nang pagkabigla at katuwaan sa mga mata ni Juancho.

Pero sa bandang huli ay napalitan iyon ng galit at pagkailang.

Pero bakit?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.