MOON BRIDE (Filipino) Chapter 13

(Ayesha)

KINABUKASAN ng hapon naabutan ko na naman si Cain sa fastfood chain kung saan ako nagtatrabaho. May nakabukas na laptop sa harap niya. Sa kabutihang palad hindi ko siya naabutan sa labas ng school gate kaninang pumasok ako. Binalaan ko kasi siyang huwag na ‘yong gagawin kagabi. Sinabi ko rin sa kaniya na ayokong makatawag ng unwanted attention.

Pagpasok ko sa fastfood chain nag-angat siya agad ng tingin. Malawak siyang ngumiti nang makita ako. Mainit ang ngiti niya, nakakahawa. Kaya ngumiti din ako at tipid siyang kinawayan. Pagkatapos sumenyas ako sa kaniya na kailangan ko na magtrabaho. Nakakaunawang tumango si Cain, ngumiti sa huling pagkakataon at ibinalik ang atensiyon sa laptop nya.

Nakabihis na ako ng uniform ko nang biglang pumasok sa staff room ang katrabaho ko na si Lina. Lumapit siya agad sa akin. “Ayesha! Totoo ba na boyfriend mo iyong guwapong customer natin? Ikaw ha, tatahi-tahimik ka pero may nasilo ka palang guwapo at mukhang mayaman. Paano kayo nagkakilala? Saan? At ilang taon na siya?”

Napaatras ako sa sunod-sunod na tanong ni Lina. “Hindi ko siya boyfriend.” Mabilis kong isinara ang locker ko, inayos ang hairnet sa ulo para wala ni isang hibla ng buhok ko ang nakakawala sa pagkakatali at saka mabilis na lumabas ng staff room. Para takasan ang mga tanong ng katrabaho ko. Sa tingin ko kasi walang makakaintindi sa ‘relasyon’ namin ni Cain. Kahit sa akin kasi hindi pa malinaw ang lahat.

Ang malinaw lang sa akin sa ngayon ay hindi ako lulubayan ni Cain dahil gusto niyang magustuhan ko siya. Dahil buo ang paniniwala niya na fiancée niya ako. Kasunduan daw ng mga pamilya namin.

Bumuntong hininga ako. Speaking of family. Hindi ako nagkaroon ng lakas loob na tanungin si mama kaninang umaga tungkol sa pamilya niya. Bukas wala akong pasok sa school. Wala ring pasok sa munisipyo si mama. Sisiguruhin ko na makakapag-usap kami ng masinsinan.

Maya-maya pa natuon na ang atensiyon ko sa trabaho. Paminsan-minsan ko lang tinitingnan si Cain na sa loob ng ilang oras ilang babae na ang nagtangkang lumapit para kausapin siya pero agad niyang tinatanggihan. Kapag ganoon mukha siyang masungit. Pero kapag naman napapasulyap siya sa akin at nahuhuli akong nakatingin ngumingiti siya.

Siyempre napapansin ng mga katrabaho ko ang ngiti ni Cain para sa akin. Walang habas tuloy ang tudyo nila sa akin. Nang matapos tuloy ang shift ko, ang init na ng mukha ko sa sobrang pagkapahiya sa pangangantiyaw nila sa akin. Nahuli kami ng manager. Hindi natuwang naghaharutan ang mga cashier niya. Napagalitan kami.

Napangiwi ako nang sa akin matutok ang naniningkit na mga mata ng manager namin. “Ikaw ang dahilan kung bakit hindi makapag-concentrate sa trabaho ang mga kasamahan mo, Ayesha. Huwag ka nga muna sa cashier. Sumunod ka sa akin. May iba akong ipapagawa sa iyo.” Saka siya tumalikod at mabilis na naglakad. Pabuntong hininga akong sumunod sa kaniya.

“Sorry, Ayesha,” nagsisising bulong sa akin ng mga katrabaho kong nadaanan ko. Tipid akong ngumiti para ipaalam na tinatanggap ko ang sorry nila.

“Ikaw na ang maglinis ng mga glass wall, loob at labas. Para mamaya makapagsara na tayo agad,” utos ng manager namin nang makalapit ako sa kaniya.

“Opo, ma’am,” sagot ko na lang. Alam ng lahat ng staff na mas magandang huwag makipagtalo sa manager namin. Masungit kasi at madalas ay namemersonal kapag hindi ka niya gusto. Kaya kinuha ko ang balde at ang panlinis ng glass wall, saka ako naglakad patungo sa entrada ng fast food chain. Iyong sa labas muna ang balak kong linisin kasi may mga customer pa kami sa loob. Nakita ko agad na nasa akin ang atensiyon ni Cain at parang akmang tatayo pa nga para salubungin ako, nakakunot ang noo nang mapasulyap sa bitbit kong panlinis.

Lumingon ako sa pinanggalingan ko. Wala na ang manager namin. Baka pumasok sa opisina. Lumapit ako kay Cain kesa siya ang lumapit sa akin. “Cain, okay ka lang diyan? Nasaan ang kasama mo?”

Bumalik sa pagkakaupo si Cain. “May ipinaasikaso ako sa kaniya. Nandito na siya maya-maya lang. Anong gagawin mo?” Bumaba ang tingin niya sa hawak ko.

“Maglilinis ng salamin. Matatagalan pa ako. Kapag dumating na ang kasama mo at hindi pa ako tapos, umuwi na lang kayo kaysa hintayin pa ako.”

“No. Hihintayin kita kahit anong oras ka pa matapos. Besides, hindi naman ako naiinip. I’m working.” Itinuro pa ni Cain ang laptop niya.

“Anong trabaho mo ba?” naitanong ko bago ko pa mapigilan ang sarili ko.

Nakita kong natigilan si Cain, parang nag-alangan. Pero sandaling sandali lang iyon. “I work for a senator. Ako ang gumagawa ng speech niya, nagbabasa at nag-sa-summarize ng kung ano-anong papeles at kung anu-ano pang trabaho na ipinapagawa niya sa akin. Aside from that I also have business-related jobs.”

“Wow,” hindi ko napigilan sabihin. May sumilay na ngiti sa mga labi ni Cain at kumislap sa pride ang kanyang mga mata. Halata na gusto at ipinagmamalaki niya ang trabaho niya. Kahit naman siguro ako magiging proud kung ganoon ang trabaho ko.

Bigla tuloy akong naging aware sa baldeng hawak ko at sa inutos sa akin ng manager namin.Tumikhim ako. “Sige, maiwan na muna kita. May kailangan pa akong gawin.” Tumango si Cain. Tumango din ako, tipid na ngumiti at saka lumabas para maglinis ng glass wall.

Madilim na sa labas ng kainan. Bukod sa ilaw na nanggagaling sa loob, magkakalayong lamp posts at ang waiting shade para sa mga jeep maraming metro ang layo mula sa fast food chain lang ang nagbibigay liwanag sa paligid. Una akong pumuwesto sa dulong bahagi ng glass wall at nagsimulang magtrabaho.

Hindi pa man ako nagtatagal sa puwesto ko bigla nang nanayo ang mga balahibo ko sa batok. Para kasing may nakatingin sa akin.

Napahinto ako sa ginagawa ko at lumingon sa kadiliman. Tumalon ang puso ko at tumayo ang mga balahibo ko nang para akong may nakitang anino sa bahaging mapuno. Parang bulto ng isang tao na kahit nakatingin na ako hindi tuminag sa pagkakatayo. At may palagay akong nakatitig pa rin siya sa akin. Nakaramdam ako ng takot. Iba ang pakiramdam ko sa tingin ng kung sinong iyon sa akin kaysa sa naramdaman ko noong may nagmamatyag sa akin na ngayon alam ko nang sina Cain at Arnold.

May panganib sa pagmamasid ng aninong ‘yon sa akin. Hindi naitatago ng kadiliman ang hindi magandang aura ng aninong ‘yon. Kahit hindi ko nakikita ang mukha niya, kahit hindi ko nakikita kahit kislap lang ng kanyang mga mata, nararamdaman ko ang galit sa titig niya. Para bang may binabalak siyang hindi maganda.

Sino siya?

Natatakot ako. Pero natagpuan ko ang sarili kong humahakbang palapit sa anino. Hindi ko alam kung bakit. Parang may humahatak sa akin palapit sa kaniya. “Sino ka?” mahinang tanong ko. Pero may palagay akong narinig niya ako. Para kasing gumalaw ang anino. Naningkit ang mga mata ko, pilit inaaninag kung sino siya. Humakbang pa ako palapit, mabilis ang tibok ng puso sa magkahalong kaba, takot at kuryosidad. Kaunti na lang makikita ko na ang hitsura niya, kung lalaki ba siya o babae, matanda o hindi…

“Ayesha?”

Huminto ako sa paghakbang at napakurap. Lumingon ako sa pinanggalingan ko. Nakasungaw sa entrada si Lina at takang nakatingin sa akin.

“Hinahanap ka ni ma’am. Parang hindi ka naman niya nakikitang naglilinis ng glass wall. Bilisan mo na dito sa labas para makapasok ka na ulit.”

“Okay.” Nanginginig pa ang boses ko nang sumagot ako.

Kumunot ang noo ni Lina. “Okay ka lang?”

Pinilit kong ngumiti at humakbang pabalik. “Oo naman.”

Mukhang duda pa rin si Lina pero tumango naman at bumalik na sa loob. Ako naman napabuntong hininga. Lakas loob akong lumingon ulit sa kadiliman.

Wala na roon ang anino. Sandali lang ako nalingat nawala na. Para bang namalikmata lang ako. Kung sana nga talaga iyon ang nangyari. Na talagang hindi totoo ang aninong nakita ko.

Humugot ako ng malalim na paghinga at ibinalik ang atensiyon sa trabahong iniatang sa akin ng manager namin.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.