MOON BRIDE (Filipino) Chapter 14

(Ayesha)

SANDALI lang kami nakapag-usap ni Cain nang gabing ‘yon. Hindi rin kasi ako komportable na magtagal. Kahit kasi pinipilit kong umaktong normal palagi ko pa ring naaalala ang anino sa dilim na nagmamatyag sa akin kanina. Mas gusto kong umuwi agad, sa piling ng nanay ko. Saka lang ako makakaramdam ng seguridad.

“Ihahatid ka na namin,” alok ni Cain nang magpaalam ako.

Hindi ako nakasagot agad. Ang una kong reaksiyon ay tumanggi sa alok niya. Kaso naalala ko ang anino sa dilim at kinilabutan na naman ako sa takot. Paano kung nasa paligid pa rin ang anino? Naghihintay lang na mapag-isa ako? Hindi ko alam kung ano ang intensiyon niya sa akin. Kaya huminga ako ng malalim at pilit na ngumiti. “Kung okay lang sa inyo, pumapayag ako sa alok mo.”

“Of course it’s okay,” mabilis na sagot ni Cain. Mukhang natuwa pa nga.

Kaso huli na nang may marealize akong mali sa pagpayag kong magpahatid sa kanila. Makikita ni mama sina Cain!

“Dito na lang ako,” sabi ko ilang bloke ang layo sa inuupahan naming bahay. Huminto ang kotse. “Salamat,” sabi ko kay Cain. Pagkatapos mabilis na akong lumabas ng sasakyan at naglakad palayo. Baka kasi may makakita pa sa akin. Worst, baka makita pa ni mama na may naghatid sa akin.

“Ayesha.”

Napahinto ako sa paglalakad at lumingon sa kotse. Nakababa ang salamin sa likod ‘non at nakasungaw si Cain.

“Bakit?”

Ngumiti siya. “I’ll see you tomorrow.”

Umawang ang mga labi ko at sandaling natulala bago napakurap at nakapagsalita, “Hindi ako pwede bukas. Wala akong pasok.”

“Hindi ba mas maganda nga iyon? Mas mahaba ang oras natin na magkasama.”

Umiling ako. “Family time ko ang weekend. I’m sorry.”

Mukhang nadismaya si Cain. May kumislap ding kung ano sa mga mata niya na hindi ko inaasahang makikita mula roon. Para bang… lungkot na inggit na hindi ko maintindihan. Bago ko pa masiguro kung ano talaga ang ibig sabihin ng emosyong nakita ko sa mga mata niya kumurap na siya at nawala na ‘yon. “Then sa lunes na pala tayo magkikita.”

Napatango na lang ako.

Ngumiti na si Cain. “See you on Monday then. Good night.” Iyon lang at tumaas na ulit ang bintana ng kotse. Saka umandar palayo. Sandali akong naiwang nakatayo roon, nakasunod sa tail lights ng sasakyan. Pagkatapos tumalikod na ako at naglakad papunta sa bahay namin.

Tahimik na sa lugar namin, maliban sa paminsan-minsang pagkahol ng mga alagang aso o kaya’y tunog ng mga kulisap. Maaga magsara ng bahay ang mga tao doon. Alam ko rin na kapag ganoong oras ako lang ang tao sa daan. Kaya nang nakailang hakbang pa lang ako at maramdaman ko na hindi ako nag-iisa kumabog na ang dibdib ko.

Mabilis akong lumingon at doon, sa hindi kalayuan sa kung saan ako ibinaba nila Cain, may nakita akong bulto ng isang lalaki. Nakasakay sa isang itim na motorsiklo. Ang suot niya ay purong itim. Hindi ko makita ang mukha niya dahil nakasuot siya ng itim ding helmet. Kung hindi magiging matalas ang paningin hindi mapapansin ang lalaki. Na para bang ginagamit niya ang kadiliman bilang invisible coat. Mali. Mas tamang sabihin na para bang dala niya ang kadiliman.

Tumalon ang puso ko nang gumalaw ang lalaki. Na para bang nalaman niyang nakita ko na siya. Napaatras ako at handang tumakbo ano mang sandali kung may gagawin siyang kahina-hinala.

Nagulat ako nang buhayin niya ang makina ng motorsiklo. Pagkatapos pinaandar iyon ng lalaki – palayo sa akin at papunta sa direksiyon palayo sa lugar namin.

Napabuga ako ng hangin. Nanlambot ako sa magkahalong relief at kaba. Kinalma ko ang sarili at saka mabilis na naglakad papunta sa bahay namin. Kulang na nga lang tumakbo ako.

Saka lang ako nakaramdam na ligtas talaga ako nang nasa loob na ako ng bahay namin at naisara ko na ang pinto. Hinihingal ako nang isandal ko ang noo ko doon. Mariin akong pumikit habang kinakalma ang emosyon ko.

“Ayesha? Anong ginagawa mo diyan himbis na pumasok ng tuluyan sa bahay?” Boses ‘yon ni mama.

Dumilat ako. Saka nakangiti at pilit umaktong masigla na bumaling ako sa loob ng bahay. Nakasungaw si mama mula sa pinto ng kuwarto niya. May pagtataka at pag-aalala sa mukha habang nakatingin sa akin. “Okay ka lang ba? Masama ba ang pakiramdam mo?” tanong niyang tuluyang lumabas sa kuwarto at lumapit sa akin.

Pasimple akong huminga ng malalim at nakangiting sinalubong siya. “Okay lang po ako mama. Napagod lang po ako sa dami ng customer namin ngayong gabi.”

Nang magkalapit kami ikinulong ni mama sa dalawa niyang palad ang magkabila kong pisngi at pinakatitigan ang mukha ko. “Sinabi ko na kasi sa iyo na huwag ka nang magtrabaho doon. Kaya ko naman ang tuition fee mo kung maghihigpit tayo ng sinturon. Nag-aalala ako gabi-gabi kapag ganitong oras ka na umuuwi. At kagabi, halos alas dose ka na dumating.”

Bigla akong nakonsiyensiya na hindi ko sinabi kay mama na si Cain ang dahilan kaya ako ginabi ng husto. Ngayon din, hinatid niya ako. Hindi ako sanay na naglilihim kay mama. Pero paano ko ba sasabihin sa kaniya ang tungkol sa lalaki? Paano ko sisimulang itanong sa kaniya kung totoo bang Malyari talaga ang apelyido niya at kung oo ay bakit kahit sa akin hindi niya sinabi ang totoo?

Lumunok ako. Ngayon na kaya ako magtanong?

“Lalo na at kailangan kong umalis at mawawala ako ng limang araw. Huwag ka na lang muna pumasok sa trabaho mo, Ayesha.”

Napakurap ako. “Aalis ka mama?”

Bumuntong hininga siya at hinatak ako papunta sa sofa. “May seminar kasi na taon-taong ginaganap. Tungkol sa Governance at Public Serice. At sa taong ito, ako ang napili ng boss ko na maging representative ng munisipyo para ipadala sa seminar. Pagkabalik ko daw galing ‘don sigurado na ang promotion ko. Malaking tulong sa atin kapag na-promote ako. Puwede ka na talagang hindi mag-part time job kapag pasukan. Mas makakapag-focus ka sa pag-aaral mo,” paliwanag ni mama.

“Magandang balita iyan, mama!” Sa sobrang tuwa ko mahigpit ko siyang niyakap. “Magandang opportunity iyan. Go for it, mama.”

Gumanti siya ng mahigpit na yakap. “Pero hindi ako komportableng iwan kang mag-isa ng matagal.”

“Limang araw lang naman, mama. Malaki na ako. Kaya ko na ang sarili ko,” natatawang sagot ko.

Bumuntong hininga si mama. Saka ako alanganing pinakawalan para magkaharap kami. “Alam ko naman na malaki ka na. Ilang buwan na lang, ganap nang dalaga ang anak ko,” usal niyang hinaplos pa ang buhok ko. “Kaya nga mas nag-aalala ako,” aniya sa mas mahinang tinig.

Natigilan ako. “Bakit mama? Bakit mas nag-aalala ka ngayong malapit na ako mag-eighteen?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.