MOON BRIDE (Filipino) Chapter 18

(Ayesha)

MATAGAL na nagtama ang mga mata namin ni Chance Alpuerto. Sa huli ako ang unang nag-iwas ng tingin. May kung ano kasi sa mga mata niya na nakabahala sa akin. Bata pa si Chance katulad naming lahat na naroon sa classroom na ‘yon. Pero ang mga mata niya kakaiba. His eyes look… old. Na para bang sa edad niyang ‘yon ang dami na niyang nakita at napagdaanan. Mga bagay na hindi nakikita ng normal na teenager.

Mas lalong hindi ako komportable sa nakita kong disgusto sa mga mata niya. Emosyong alam ko na para sa akin. Pero bakit? Wala naman akong ginagawang masama sa kaniya ah.

“Ayesha? Bakit nakakunot ang noo mo? Ganiyan ba dapat ang reaksiyon kapag nakakita ng guwapo? Ang weird mo,” bulong sa akin ni Raye.

Kumurap ako at nilingon ang kaibigan ko. “Nakakunot noo ba ako? Hindi ko namalayan. Halika na nga at umupo na tayo.” Hinatak ko na ang braso niya saka tuluyang pumasok sa loob ng classroom.

Kung ako lang ang masusunod gusto kong dumistansya sa exchange student. Kaya lang, wala nang bakanteng desk chair maliban sa nasa tabi niya at sa silya pang katabi ‘non. Uupo sana ako sa silyang pinakamalayo kay Chance pero nagulat ako nang iupo ako ni Raye sa mismong tabi ng exchange student. Nanlalaki ang mga matang napatingala ako sa kaibigan ko. Ngumisi lang siya at kumindat, saka umupo sa silya na balak ko sanang upuan. Ang nangyari tuloy napagitnaan nila ako ni Chance. Nang mapatingin ako sa mga kaklase namin nakita kong nakaangat ang mga kilay ng mga babae. Ang mga lalaki napapailing at may nanunudyong kislap sa mga mata.

Uminit ng husto ang mukha ko. Narealize ko kung ano ang ginagawa ni Raye na napansin din ng mga kaklase namin. Ipinapareha ako ng bestfriend ko kay Chance!

Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong pagalitan si Raye sa ginawa niya kasi dumating na ang professor namin para sa klaseng ‘yon. Pilit kong itinuon sa propesor ang atensiyon ko. Ramdam ko na ganoon din ang ginagawa ng mga kaklase ko. Pero halata namang distracted ang lahat sa pagdating ng bago naming kaklase.

Mukhang napansin agad ng professor namin si Chance. Bumakas ang amusement sa mukha ni ma’am. “May bago pala tayong kasama sa klaseng ito. Bakit hindi ka tumayo at ipakilala ang sarili mo? Siguradong gustong gustong marinig ng mga kaklase mo ang sasabihin mo. Dito ka sa harapan.”

Lumingon ang lahat sa exchange student. Kahit ako hindi ko napigilang sulyapan siya. Halatang natigilan siya at parang ayaw gawin ang sinabi ng professor namin. Hanggang sa bigla siyang sumulyap sa akin. Nagtama na naman ang mga paningin namin at may kumislap na kung ano sa mga mata niya bago binawi ang tingin. Saka siya tumayo at naglakad papunta sa harapan. Nagkaroon ng sabik na bulungan sa paligid habang nakasunod ang tingin ng lahat sa kaniya.

“Ako si Chance Alpuerto,” sabi niya nang nakatayo na siya sa tabi ng professor paharap sa klase. “Exchange student ng College of Chemical Engineering. Isa lang akong simpleng estudyante katulad ninyong lahat.” Huminto siya sa pagsasalita. Na para bang ‘yon lang ang plano talaga niyang ibigay na impormasyon sa mga nakikinig.

Sandaling naging nakakailang ang katahimikan bago tumikhim ang professor namin. “So, bakit sa dami ng kolehiyo sa Pilipinas dito sa Abba College mo napiling maging exchange student, Mister Alpuerto?”

Tumingin na naman sa akin si Chance. Kumabog ang dibdib ko sa kaba. Lalo at nakita ko na naman ang disgusto sa mga mata niya bago nag-iwas ng tingin. “Gusto kong matuto. Gusto kong malaman kung ano pang kaalaman ang makukuha ko sa mga propesor sa kolehiyo na ito.”

Mukhang nabilib sa sagot niya si ma’am. Ang mga babae nakangiting napabuntong hininga. “Okay, go back to your seat now. At kung kailangan mo ng mag-to-tour sa iyo sa campus, feel free to choose someone in our class. Mababait ang mga estudyante namin dito sa Abba College.”

Huminto sa paglalakad pabalik sa silya niya si Chance. Lumingon siya kay ma’am. “Talagang puwede akong pumili ng sasama sa akin mag-tour sa campus?”

“Go ahead. Pumili ka,” susog ng professor.

“Okay then,” sabi ni Chance na nagpatuloy sa paglalakad palapit sa silya niya. Akala ko uupo na siya. Kaya nagulat ako nang bigla siyang huminto sa tapat ko at niyuko ako. Napatingala ako sa kaniya. Pagkatapos sa malakas na tinig ay nagsalita si Chance, sabay turo sa akin, “Siya ang gusto kong makasama.”

Namilog ang mga mata ko at hindi nakapagsalita sa pagkamangha. Hindi siya tuminag sa pagkakatitig sa akin, seryoso ang ekspresyon, halos malamig. Pero may palagay akong hindi napansin ng iba ang malamig na pakitungo sa akin ni Chance.

“Very well. Si Miss Querol na ang bahalang mag-tour sa iyo mamaya,” sabi ng professor namin. “Now let’s start the class.”

Ilang segundong nagkatitigan lang kami ni Chance bago siya kumilos para umupo sa desk chair niya. Hindi na nakapag-focus pa sa klase.

Bakit ba talaga nandito si Chance? Talaga bang coincidence lang na dito siya naging exchange student? O may kinalaman ba kay Cain ang rason kung bakit pinili niya akong makasama sa paglilibot sa campus? Kapatid ba siya ni Cain o kaya pinsan? Ang daming tanong na naglaro sa utak ko na namalayan ko na lang, tapos na pala ang klase at sinisiko na ako ni Raye para kunin ang atensiyon ko.

“Bakit?” tanong ko sa kaniya.

Pinanlakihan ako ng mga mata ng kaibigan ko at may itinuro sa likuran ko. Lumingon ako at nakita kong tumayo na si Chance. Tumingin siya sa akin. Mukhang hindi pa rin niya ako gusto. Hindi ko alam kung bakit at saka ko na lang aalamin. Lihim akong huminga ng malalim, saka ako tumayo at ngumiti. “Hello. Anong oras mo gustong maglibot sa campus? Hanggang alas kuwatro ng hapon ang klase ko ngayong araw,” sabi ko sa palakaibigang tinig. Baka naman kasi mukha lang siyang galit pero hindi naman. Parang si Cain noong una kong nakita. Akala ko masungit pero ‘yon pala mabait naman.

“Four o’clock is fine. Hihintayin kita sa labas ng building na ito mamaya,” tipid na sagot ni Chance. Bago pa ako makasagot tumalikod na siya at dere-deretsong lumabas ng classroom. Ni hindi lumingon at hindi pinansin ang ilang estudyanteng nagtangkang kausapin siya.

“Ang sungit naman ‘non,” bulong ni Raye na nakasunod din ng tingin sa umalis na lalaki. Pagkatapos tinapik niya ako sa balikat. “Mahirap kausap ang ganoong lalaki. Gusto mo bang samahan kita sa pag-tour sa kaniya mamaya?”

“Pero hindi ba may interview ka para sa part-time job na gusto mong pasukan mamayang alas kuwatro?”

“Naku, oo nga pala ‘no?” Halatang nahihirapan magdesisyon si Raye. Kaya ngumiti na lang ako at tinapik siya sa braso.

“Kaya ko naman mag-isa. Huwag kang mag-alala.”

“Sigurado ka?”

“Oo naman,” natatawang sagot ko. “Masungit lang pero hindi naman niya ako gagawan ng masama o kung ano pa man.”

“Sige na nga. Basta kapag inaway ka niya, awayin mo rin.”

Tawa na lang ang isinagot ko at hinatak na palabas ng classroom si Raye. Ayokong mag-alala siya. Mula pa noon ayokong nag-aalala ang mga taong mahal ko sa akin. Kaya kahit may alinlangan ako sa pagkatao ni Chance kakayanin kong mapag-isa kasama siya.

LAMPAS alas kuwatro na ako humahangos na dumating sa labas ng gusali kung saan namin napag-usapan ni Chance na magkikita. Nag-overtime kasi ang huling professor ko. Bukod sa nasa kabilang dulo ng Abba College ang building na pinanggalingan ko.

Naabutan kong naghihintay na si Chance. Nakasandal sa pader. Mukhang bored. Nang makita niya ako bumakas ang inis sa mukha niya. Umayos siya ng tayo at kunot ang noong naglakad pasalubong sa akin. “Ang tagal mo.”

“Sorry.” Sandaling hinabol ko muna ang paghinga ko bago ako dumeretso ng tayo at ngumiti. “So, ano ang una mong gusto na makita?”

“Kahit ano,” sagot niya na nauna na sa paglalakad. Napabuntong hininga ako at malalaki ang hakbang na sumunod sa kaniya hanggang sa magkaagapay na kami.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.