(Ayesha)
Ilang sandali na tahimik lang kaming naglalakad. Maya-maya nasa tapat na kami ng pinakalumang gusali sa Abba College kung nasaan ang opisina ng presidente at iba pang mga may posisyon sa kolehiyo. Ang tawag ng mga estudyante doon ay The Museum. Iyon ang gusali kung saan naka-display ang mga kung anu-anong lumang artifacts mula sa kasaysayan at mga alamat ng Pilipinas.
Kung nandito na kami ibig sabihin malayo na ang nalakad namin. Sinubukan kong magbukas ulit ng usapan. “Sige sasabihin ko na lang sa iyo ang tawag sa mga madadaanan natin. Kung may tanong ka o kahit anong gusto mong sabihin, makikinig ako.”
Biglang huminto sa paglalakad si Chance at humarap sa akin. Napahinto din ako. “Kung ganoon hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa,” umpisa niya. Kinabahan tuloy ako at napalunok. Hinanda ko rin ang sarili ko. Kung may hindi man siya magandang sasabihin lalayasan ko talaga siya. “Ayesha Querol, ako ang piliin mo.”
Napakurap ako. “Ano? Hindi kita maintindihan.”
“Kung tama ako ng hinala, may alam ka na tungkol sa pamilya ko, Ayesha. Nakita ko ang rekognisyon sa mga mata mo kanina nang ibulong sa iyo ng kaibigan mo ang pangalan ko. Ibig sabihin nakilala mo na si Cain. Pinsan ko siya. Malamang sinabi niya sa iyo na siya ang nakatakda mong mapangasawa, tama ba?”
“T-tama ka,” manghang nasabi ko na lang.
“Mayroon siyang hindi sinabi sa iyo,” sabi ni Chance. “Hindi lang siya ang posible mong mapangasawa. Kailangan mong mamili sa amin. Basically, I am also your fiancée.”
Napanganga ako. “Ano? Bakit ko kayo naging fiancée?” Hindi ba isa lang dapat ang fiancée?
Sa totoo lang may palagay akong maloloka na ako sa mga sumusulpot na lalaki sa buhay ko. Hindi pa nga malinaw sa akin ang intensiyon ni Cain, hindi ko pa nga nakakausap si mama, heto at mayroon na namang dumating.
“Dahil ikaw ang susi para makuha namin ang posisyon sa pamilya na hinahangad ng marami. Ikaw ang moon bride,” sagot ni Cain.
“Moon bride…” Humangin ng malakas. Weird pero parang dumilim. Kumurap ako at tumingala sa kalangitan kasabay ng pagyakap ko sa aking sarili. Bigla kasi akong nilamig, tagos hanggang buto. Sa kalangitan nakita kong makakapal at maitim ang mga ulap na parang uulan. Saka ako muling tumingin kay Chance. “Anong ibig mong sabihin na ako ang moon bride? Walang nabanggit si Cain tungkol diyan.”
Umangat ang mga kilay ni Chance. “Kung ganoon nagpapaligoy-ligoy siya sa iyo? That is something I didn’t expect from him. Mukhang gusto talaga niyang siya ang piliin mo kung nag-e-effort siya para talagang suyuin at paibigin ka.”
Kumunot ang noo ko. “Ano nga ang moon bride? Sabihin mo na sa akin.”
“Ang moon bride ay ang babaeng ipinanganak sa araw na bilog na bilog ang buwan. Ang babaeng itinakda at pinagkalooban ng natatanging katangiang minana ng mga ninuno mo sa diyosa ng buwan na si Mayari. Kaya nga bilang pagpupugay sa kaniya, nang dumating ang mga Espanyol at naging required ang apelyido sa mga tao sa bansang ito, Malyari ang piniling apelyido ng mga ninuno mo. Hindi mo ba napansin sa loob ng labing pitong taon mong buhay, na may espesyal kang attachment sa buwan?”
Hindi ako nakapagsalita. Bigla kasing bumalik sa akin ang lahat ng pagkakataon na napapatingla ako sa langit kapag may buwan. Sa tuwing parang may masuyong tinig ang tumatawag sa atensiyon ko kaya nawawala sa isip ko ang ibang bagay maliban sa magandang buwan sa kalangitan. Sa tuwing kapag bilog at maliwanag ‘yon natatagpuan ko ang sarili kong naluluha sa magkahalong tuwa at lungkot. Katulad ng pakiramdam kapag may na-mi-miss kang isang taong importanteng importante sa‘yo. Katulad ng pakiramdam ko kapag naalala ko si papa pagkatapos niyang mamatay.
Pero hindi ba normal lang naman na makaramdam ng ganoon kapag nakatitig sa buwan?
Umangat ang mga kilay ni Chance. “Sinasabi ng facial expression mo na sa tingin mo normal lang ang attachment mo sa buwan. You are wrong. Hindi ka normal na tao, Ayesha.”
Naging seryoso ang mukha niya. Bumakas ang pait sa kanyang mga mata nang magpatuloy sa pagsasalita, “Ikaw at kami… we are different. Mas madali mo iyang tanggapin, mas madaling mo ring matatanggap ang tunay na papel mo sa mundong ito kaya ka ipinanganak. Mas madali mong malalaman na mahirap baguhin ang nakatakdang mangyari. So you just have to go with the flow. No use resisting. Kahit gaano ka mapagod sa kakasubok baguhin ang tadhana mo, wala ring mangyayari. You will still end up where fate wants you to be. Where they want you to be.”
Napatitig ako kay Chance. Nagkahinala ako na hindi na lang tungkol sa akin ang sinasabi niya. Na para bang… tinutukoy din niya ang sarili niya. May kumurot sa puso ko habang nakikita ko ang pait sa kanyang mga mata. “A-anong ginawa nila sa’yo? Ano ba talaga ang pamilya niyo?” garalgal na tanong ko.
Mapait na ngumiti si Chance. “Journalism student ka, hindi ba? Mag-research ka. Sino ba talaga ang pamilya Alpuerto sa tingin ng media at sa tingin ng mga taong nakapalibot sa amin? Kapag nagawa mo iyan maiintindihan mo na hindi mo kami puwedeng takbuhan na katulad ng ginawa ng iyong ina. Akala niya nakatakas siya. Pero ang totoo noon pa nila alam kung nasaan kayo. They are just waiting for the right time to claim you.”
Kinilabutan ako at sa pagkakataong ‘yon walang kinalaman sa malamig na hangin ang panlalamig na bumalot sa akin. Ilang sandaling nagkatitigan lang kami, parehong hindi nagsasalita.
“Anong ginagawa niyo diyan?”
Napakurap ako sa pamilyar na tinig na ‘yon mula sa likuran ko. Lumingon ako. Nakita ko si Miss Roxette, may bitbit na namang mga libro at mukhang kagagaling lang sa lumang gusali. Magulo na ang pagkakapusod ng buhok niya dahil sa hangin. “Wala namang classrooms dito. May kailangan kayo sa loob?” itinuro ng librarian ang The Museum.
“Wala po. Nililibot ko lang po ang exchange student sa campus.”
Nakalapit na sa amin si miss Roxette. “Ah, nasabi nga sa assembly meeting kaninang umaga ng mga professors at staff ng Abba College na mayroon tayong exchange student,” nakangiting sabi niya. Saka lumampas ang tingin sa akin para tingnan si Chance. Lumingon din ako sa lalaki.
Nagulat ako nang makitang natigilan si Chance habang nakatingin kay miss Roxette. Nawala ang kalamigan at boredom sa ekspresyon niya. May rekognisyon din sa kanyang mga mata habang nakatingin sa school librarian namin. Pero nang sulyapan ko naman si Miss Roxette nakangiti pa rin siya at mukhang nagtataka rin sa reaksiyon ni Chance. “So, ikaw pala ang exchange student? Sana mabisita niyo rin ang library.”
“Plano ko naman po talaga siyang dalhin sa library.” Saka ko nilingon ang lalaki na hindi pa rin nagsasalita. “Gusto mo ba na sabayan na natin si miss Roxette papunta sa library?”
Kumurap si Chance at ibinalik ang tingin sa akin. Bumalik na sa dati ang ekspresyon niya. Malamig at bored. Na para bang imahinasyon ko lang ang nakita kong crack sa maskarang suot niya ngayon sa kanyang mukha. “It’s fine,” tipid na sagot niya.
“Kung ganoon halina kayo,” masayang sabi ni miss Roxette na nauna nang maglakad. Sumunod kami ni Chance na sa buong durasyon ng paglalakad namin hanggang sa library hindi na nagsalita. Sa tuwing susulyapan ko siya nahuhuli ko ang kislap sa mga mata niya sa tuwing nakatingin siya sa school librarian. Magkakahalong pagkamangha, lungkot, kaunting tuwa at… pangungulila?
Kilala kaya niya si miss Roxette? Pero bakit parang hindi naman siya kilala ng babae? Isa pa masyadong malayo ang edad namin sa school librarian kaya paano sila magiging magkakilala kung sakali?
Bigla kong naalala ang sinabi ni Chance kanina. Na siya raw ang piliin ko. Paano niya ‘yon nasabi kung siya nga mukhang hindi naman ako ang napili. Kanina, bakit kung magsalita siya parang tinanggap na lang niya ang kung ano mang gusto ng pamilya niyang maging papel niya? Ano ba talaga ang pamilya Alpuerto?
Mag-research ka. Iyon ang sabi ni Chance. At ‘yon talaga ang gagawin ko. Walang gustong magbigay ng mga sagot sa mga katanungan ko. Puwes ako ang hahanap ng mga sagot. Mag-iimbestiga ako. I want to prove him wrong. Gusto kong patunayan sa kaniya na hawak ko ang tadhana ko.