(ANGUS)
Iyon ang huling beses na nakita ko si Becky. Pero hindi ko nakalimutan ang pangakong binitiwan ko noon. Lalo na nang magkaisip na ako at maintindihan na nang huli ko siyang nakita ay buntis na pala siya at ang anak niya ang gusto niyang protektahan ko.
Si Ayesha. Na ngayon ay kasing tanda na ng Rebecca na huli kong nakita. Napakabilis talaga lumipas ng panahon.
Magagalit sa akin si Chance kapag narinig niyang sabihin ko iyon ng malakas pero at least, para sa akin, iyon ang totoo.
“Sir Angus? Wala ka pa rin bang balak sabihin sa akin kung ano ang pangako na sinasabi mo?” untag ni Ayesha sa pagbabalik nakaraan ko.
Tumayo ako at ibinalik ang ngiti sa mga labi ko. “Ipinangako ko sa mga magulang mo na poprotektahan kita. At iyon ang gagawin ko. Even if I have to protect you from my own family.”
Kumurap siya. Mukhang hindi inaasahan ang sinabi ko. Lumawak ang ngiti ko. “Do you want to know a secret?” Nakita kong sandali siyang nag-alangan bago tumango. “Si Rebecca ang first love ko.”
Namilog ang mga mata ni Ayesha at umawang ang mga labi. Natawa ako. Nang mahamig ang sarili ay napangisi ako. “Kaya huwag mong pagdudahan ang intensiyon kong protektahan ka. Maliwanag ba?”
Nakita kong nawala ang tensiyon sa katawan niya. Bumuga siya ng hangin na halatang nakahinga ng maluwag. “Okay.” Maya-maya ay mukhang may naisip ito at sumeryoso ang ekspresyon. “Ang sabi mo handa mo akong protektahan kahit sa sarili mong pamilya. Ibig bang sabihin ay mayroon sa kanila ang pwede akong gawan ng masama?”
Hindi ako nakasagot agad. Wala siyang ideya kung ano ang tunay na ugali ng mga miyembro ng pamilya ko. Lalo na si tito Victor. Ayoko siyang takutin pero ayoko rin namang maging pabaya siya. “Mas makakabuti kung mag-iingat ka Ayesha. Ang mga katulad ng pamilya ko na mayaman at hindi pangkaraniwan, maraming kayang gawin. Iba rin sila mag-isip kaysa sa mga normal na tao. Maybe it is the ancient blood running through them. Ang punto ay huwag kang basta magtitiwala sa kanila. Nagkakaintindihan ba tayo?”
Ilang sandaling nakatitig lang siya sa akin bago marahang tumango. “Bukod sa mga Alpuerto, may iba pa bang pwedeng magbalak ng hindi maganda sa akin at kay mama?”
“Sa kasamaang palad, oo. Maraming kaalyado ang pamilya namin pero marami ring kaaway. May iba na dating kakampi ang hindi nakasundo ng kung sinong miyembro ng pamilya na ngayon ay ginagawa ang lahat para kalkalin ang sikreto ng yaman at impluwensiya namin. Sila ang pinaka-delikado sa lahat ng mga kalaban ng mga Alpuerto.”
Nagbaba ng tingin si Ayesha, parang may naisip. Naningkit tuloy ang mga mata ko at nagduda. “Bakit?”
Mabilis siyang nag-angat ng tingin, nakangiti na. “Naitanong ko lang. Salamat sa pagsagot sir Angus. At salamat na gusto mo akong protektahan. Pero sana huwag mong isipin na helpless ako. Kaya ko rin protektahan ang sarili ko. Hindi ko pa alam kung paano pero makakaasa ka na hindi ko aabusuhin ang pangako mo sa mga magulang ko. Sige, aalis na ako.” Pagkatapos magsalita ay tumalikod siya agad at mabilis na lumabas ng opisina ko.
Hahabulin ko sana siya pero naramdaman ko ang vibration ng cellphone sa bulsa ko.May tumatawag sa akin. Mamaya ay pipilitin ko siyang sabihin sa akin ang itinatago niya. Miyerkules ngayon. May klase siya ng Ecology. Pero sa ngayon ay uunahin ko muna ng kung sino mang tumatawag sa akin.
Sumama ang mood ko nang makita ang pamilyar na numero ni mama. Siya ang tumatawag sa akin. Gusto kong huwag iyon pansinin pero kapag ginawa ko iyon ay baka magpadala siya ng tauhan para personal akong kausapin. I cannot risk that.
Kaya kahit alam kong hindi ko magugustuhan ang magiging takbo ng usapan namin ay sinagot ko ang tawag ni mama.
“Bakit ang tagal mo sumagot?” iritableng bungad niya. Katulad ng dati ay mukhang sariling oras lang niya ang inaalala niya.
“Busy ako.”
“Well, anyway,” pagpapatuloy niya na parang hindi narinig ang sagot ko. “Magpunta ka dito sa Manila sa lalong madaling panahon. Kailangan ka rito.”
Umangat ang mga kilay ko. “Bakit?”
“Nakita ka nila Mrs. Daza sa birthday party ng tiya Martha mo. They miss you. Gusto ka nilang makita.”
Humigpit ang hawak ko sa cellphone at kumuyom ang isang kamao. “Mama. Ayoko na silang makita pa. Hindi ko na gagawin ang gusto nila.”
“Of course you will. Para sa pamilya natin,” matalim ang tinig na sagot ni mama. Na sa mga sandaling iyon ay gusto ko nang itakwil. Gusto ko na putulin ang relasyon ko sa kanila. Ang mabuhay na malaya at tahimik. Sa kasamaang palad ay hindi madaling kumawala sa pamilya. Lalo na sa pamilya ko.
“Ayoko na mama. Leave me alone.”
Ilang sandaling natahimik sa kabilang linya. Nang muling magsalita ang aking ina ay malamig at may talim na ang tono niya. “Don’t be selfish Angus. Alam mong kailangan ka ng pamilya natin.” Sa tingin ko ang gusto niyang sabihin ay kailangan nila ang kapangyarihan ko. “Ilang buwan ka nang wala kaya hindi mo alam na may kinakaharap na krisis ang pamilya natin. Amg mga business partner na ilang dekada na nating kasosyo sa mga negosyo, sa kung anong dahilan ay binebenta ang mga shares nila sa sobrang murang halaga sa kung sino-sino lang! Kapag nagpatuloy pa ang ginagawa nilang pagbebenta ng shares at kapag gumaya ang iba pang kasosyo ng pamilya, malulugi ang mga negosyo. Maghihirap tayo, Angus. We cannot allow that. Sila Mrs. Daza, nakikinig sila sa iyo. At nakikinig naman sa kanila ang mga asawa nila. You know what to do to help the family Angus.”
Siyempre alam ko kung ano ang gustong ipagawa sa kaniya ni Corazon Viloso-Alpuerto. Una niya iyong pinagawa sa akin nang tumuntong ako ng edad na disis sais, noong kapansin-pansin na ang transformation ko mula sa isang binatilyo papunta sa pagbibinata. Mula nang mapansin ng mga asawa ng business partners at kung sino-sino pang maiimpluwensiyang pamilya na hindi na ako isang bata. That I’m already a man. Noon nagsimula ang mga pahaging na request ng mga may-edad na babaeng makasama akong kumain. Noon nakita ni mama at ni lolo Carlos na pwedeng pwede silang humingi ng kapalit na pabor at kung anu-ano pa sa tuwing pinagbibigyan nila ang mga babaeng makasama ako.
Labing walong taong gulang ako nang ang papel ko ay maging higit sa pagkain sa labas at pagiging date nila Mrs. Daza para ipagyabang na may bitbit silang lalaking katulad ko. Nagsimula sa mga haplos na nagpapatayo sa mga balahibo ko, hanggang sa kakaibang halik sa pisngi ko na naging halik sa mga labi. Hanggang sa isang gabi, tumawag si Mrs. Daza para sabihing masama ang pakiramdam niya at kung pwede ko ba daw siyang dalhan ng pagkain sa bahay nila. Nasa bahay ako ‘non at narinig ni lolo Carlos na may kausap ako sa telepono kaya sinabi ko sa kaniya ang gusto ni Mrs. Daza.
“Pumunta ka. May bago akong negosyong balak itayo at ilang linggo ko nang kinakausap si Mr. Daza para sumosyo sa atin. Nagdadalawang isip pa siya. Go and convince his wife to accept my proposal.”
Nang mga panahong iyon, batas pa para sa akin ang mga utos ni lolo Carlos. Hindi ko rin nakakalimutan ang kalupitang kaya nilang gawin kapag sinuway sila. Katulad ng mga binalak nilang gawin kay Becky. Kaya kahit hindi ako komportableng puntahan si Mrs. Daza sa bahay nila, ginawa ko.
Pagdating ko pinaderetso ako ng isa sa mga kawaksi nila sa master’s bedroom. Hindi makatingin sa akin ang kawaksi, pero napansin kong hindi siya komportable at agad na tumalilis nang ianunsyo sa pinto na naroon na ako. Pagpasok ko sa silid, nakita kong wala naman palang sakit si Mrs. Daza. Nakaupo siya sa gilid ng malaking kama, nakasuot ng manipis na lingerie, may pagnanasa ang kislap sa mga mata at ngiti sa mga labi. “At last you are here.” Tumayo siya at naglakad palapit sa akin. Napaatras ako at gusto nang lumabas pero agad siyang nakalapit sa akin. Umangat sa batok ko ang mga kamay niya. “Wala ang asawa ko. Nasa ibang bansa para sa negosyo. I’m sick of boredom and loneliness. Keep me company, Angus.”
“M-may kailangan pa akong gawin sa bahay. Kung wala kang sakit, aalis na ako.”
Hindi niya ako pinakinggan. Inilapit pa niya ang katawan sa akin na nang mga sandaling iyon ay nakasandal na sa pinto. Huminga siya ng malalim, sinisinghot ako at napapapikit pa habang ginagawa iyon. “Oh, honey. I really love your scent. So subtle but so tempting.” Nang magmulat siya ng mga mata ay nakita kong nabago na ang kanyang mga mata. Wala na ang kislap ng lohika doon. Narealize ko na kahit kontrolado ko na ang kapangyarihan ko ay napasailalim na siya roon. May pagkahibang at matinding pagnanasa sa mga mata niya. Humigpit ang yakap niya sa batok ko at napaigtad ako nang gigil na kagatin niya ang leeg ko. “I’ll be good to you, Angus. Let me do it at lahat ng gusto mo ay ibibigay ko.”
Nagpumiglas ako. Tumanggi ng paulit-ulit sa gusto niyang mangyari. Hanggang sa maging marahas na ang pagkakahawak niya sa akin, hanggang sa bumaon na sa balat ko ang mga kuko niya at ang tingin niya ay naging marahas. “Don’t resist me. Kapag tinanggihan mo ako ay wawasakin ko ang lahat ng mayroon ka! Ang pamilya mo, ang mga negosyo niyo, ang mga taong importante sa iyo, kaya kong sirain. Alam mo kung ano ang kaya kong gawin, Angus.”
Siguro nga bata pa ako noon at marami pang kinatatakutan dahil lumaki akong nakakulong lang sa mansiyon kapag wala sa eskuwela. Nadaan ako sa pananakot niya. Nang bumagsak ang mga balikat ko at mawala ang lakas ng pagpoprotesta sa katawan ko ay napangiti siya. “Good. Don’t worry, I’ll be very generous to you. Nagtiis ako ng ilang taon para hintaying magka-edad ka pa, Angus. Oh, I’m so happy I’m going to have you now.”
Nang sandaling lumapat ang mga labi niya sa akin, parang nag-shut down ang utak ko. Hindi ko na inalala ang mga nangyari pagkatapos niyon. Hinayaan ko siyang gawin ang gusto niya sa akin.
Isang linggo pagkatapos niyon ay nag-selebra ang pamilya dahil pumayag na daw si Mr. Daza na sumosyo sa negosyong itatayo ni lolo Carlos. Pero ako ay walang naramdamang kasiyahan. Lalo na at nang dumalo kaming lahat ng party na inorganisa nila Mr. at Mrs. Daza ay nakita ko ang paraan ng pagtingin sa akin ng mga kaibigan ng may-edad na babae. Na para bang alam nila. They knew I slept with her. And they were waiting for their turn. Nakikita ko sa pagnanasa sa mga mata nilang palaging nakasunod sa akin. Nakikita ko sa palitan nila ng mga tingin na parang tahimik na nag-uusap tungkol sa akin.
It made me angry. Pakiramdam ko ang dumi-dumi ko. Nangako ako na hindi na iyon mauulit. Na puputulin ko na ang koneksiyon ko kay Mrs. Daza at sa iba pang asawa ng mga negosyanteng kasosyo ng pamilya.
Pero ang problema kapag isa kang Alpuerto, hindi ka makakakilos ng ayon sa gusto mo. Lalo na kung mismong mga magulang at lolo mo, pumapayag na gamitin ka ng kung sino-sino kapalit ng matatagumpay na business dealings at marami pang pabor sa pamilya. Para sa kanila, isa lang akong pain, isang paraan para mamanipula ang mga tao sa paligid nila. Para maging mas mayaman. Maging mas makapangyarihan.
Ayoko nang makulong pa sa ‘responsibilidad’ ko sa pamilyang hindi pinahalagahan ang pagkatao ko. Mas lalong hindi ako papayag na maging bahagi si Ayesha ng pamilyang pilit kong tinatakasan.
Huminga ako ng malalim at pilit ibinalik sa usapan namin ng aking ina ang isip ko. “Hindi ko na susundin ang gusto ninyo. Tapos ang usapan. Goodbye, mama.” Iyon lang at tinapos ko na ang tawag. Pagkatapos ay pinatay ko ang cellphone at inilagay sa drawer ng lamesa ko. Ilang sandaling nanatili lang ako doon, kinakalma ang emosyong hindi pwedeng makita ng mga katrabaho at mga estudyante ko. Tumingin ako sa labas ng bintana kung saan may mabining hangin ang gumagalaw sa mga punong parang yumuyuko palapit sa bintana at parang inaalo ako. May mga ibong dumapo sa hamba ng bintana, tinitingnan ako na para bang tinatanong kung ayos lang ang pakiramdam ko.
Napangiti ako. “Sanay na ako sa kanila. Hindi na ako dapat naapektuhan.” Humuni ang mga ibon. Alam ko naiintindihan nila ako. Mabuti pa nga ang mga hayop, madali pakisamahan. Ang mga tao, hindi. Humans are greedy, selfish and evil. Lalo na ang pamilya ko. Kung mapapatunayan na inabandona na kami ng mga diyos at diyosa ay maniniwala ako. Paano pa nila kami poproteksyunan kung naging ganoon na ang mentalidad ng mga Alpuerto? Nabulag na sa kayamanan at kapangyarihan.
Humugot ako ng malalim na paghinga. Saka tumingin sa wristwatch ko. Ilang minuto na lang ay first class ko na. Dumeretso ako ng tayo, sinuklay ng mga daliri ang aking mahabang buhok, saka hinablot sa lamesa ang mga gamit sa pagtuturo at lumabas ng opisina ko.