(Angus)
ISANG katok pa lang sa pinto ng laboratory at nagsisilbing opisina ko, alam ko nang si Ayesha ang dumating. I’ve been expecting her to approach me. Alam ko na siguradong nakapag-usap na silang mag-ina at pagdating niya sa campus ay ako ang unang-una niyang pupuntahan.
Hindi ko inaasahan na malalaman niya agad kung sino ako. Wala sana akong balak ipaalam sa kaniya ang tunay kong pagkatao. Ang gusto ko lang ay lihim siyang pagmasdan at tulungan kung kinakailangan. Kung bakit ba naman walang common sense si Cain, dinala si Ayesha sa pagtitipon kung saan naroon ang buong pamilya at ang mga taong nakapalibot sa amin. Naturingang matalino pero hindi naisip ang konsekuwensiya ng ginawa niya. Gusto kong isipin na dahil bata pa si Cain kaya nagkamali ito ng desisyon. Pero kung gusto talaga niyang maging Clan Leader, walang puwang ang mga pagkakamali.
Bumukas ang pinto ng opisina ko pero hindi ako kumilos para tumayo mula sa pagkakaupo ko sa swivel chair. Hinintay ko hanggang sa pumasok si Ayesha. Iginala niya ang tingin sa loob ng laboratoryo hanggang huminto ang tingin sa akin. Nakita ko nang lumunok siya na parang umiipon ng lakas ng loob bago kumislap ang determinasyon at tapang sa mga mata niya, dumeretso ng tayo at nagsimulang maglakad palapit sa akin.
Naalala ko ang unang beses na nakita ko si Ayesha, bago pa man magsimula ang semestre. Ilang taon akong naghanap, ilang taong tiniis mag-‘entertain’ ng mga business acquaintance ng mga magulang ko kapalit ng impormasyon, bago ko nalaman kung nasaan ang mag-ina. Ang nalaman ko lang mula kay papa ay nasa isang bayan na ang tawag ay Tala ang mag-ina. Nagpunta ako agad doon para lang malamang mas malaki pala kaysa akala ko ang bayan na iyon. Hindi ang tinitirhan nila ang hinanap ko dahil alam kong matatagalan kung gagawin ko iyon. Alam ko na sa edad ng anak ni Becky ay siguradong kolehiyo na siya. Isa lang ang kolehiyo sa bayang iyon at nakipagsapalaran akong doon siya nag-aaral.
Nang makita ko si Ayesha sa unang pagkakataon, para akong bumalik sa nakaraan. Kamukhang kamukha niya ang teenager na si Becky. Lalo na kapag nakangiti. Pero nang magkaroon ako ng pagkakataon na makalapit sa kaniya, lalo na noong unang beses siyang pumasok sa opisina ko at nakapag-usap talaga, nakita ko ang pagkakaiba nila ng kanyang ina. It was in their eyes. Ang Becky na kilala ko ay palaging pilya at masayahin ang kislap sa mga mata at halatang lumaking nakukuha ang lahat ng maibigan. Sa kasamaang palad ay mayroon ding innocence at ignorance sa mga mata ni Becky noon. May vulnerability. Palibhasa ay kulong sa maliit na mundo ng mga Malyari at Alpuerto. Kahit naman ako ay ganoon. Noong hindi pa ako ginagamit nila mama para makuha ang gusto nila.
Si Ayesha, nang makita ko ang kanyang mga mata, kahit na mukhang mabait rin siya ay may kakaibang tapang akong nakita. May determinasyon, may kuryosidad, may hunger for knowledge at may stubbornness. Hindi na ako nagtataka kung bakit Journalism ang kursong kinukuha niya. O kung bakit sa kabila ng mga nangyayari, sa kabila ng mga rebelasyong nalalaman niya ay hindi siya katulad ng ibang normal na tao na siguro kung nasa sitwayon niya ay nag-breakdown na. Ayesha is a strong girl.
Ngayon nga ay matapang niyang sinalubong ng tingin ang mga mata ko. Humalukipkip ako at ngumiti. “Alam ko na darating ka.”
Humakbang pa siya palapit. “Alam mo umpisa pa lang kung sino ako. Kilala mo rin si mama.”
“Oo,” nakangiti pa ring sagot ko.
Huminga siya ng malalim at humakbang pa ulit hanggang sa nakatayo na siya sa mismong harap ko. “Bakit hindi mo sinabi agad sa akin?”
“Dahil wala naman talaga akong balak sabihin. Ang plano ko ay bantayan at tulungan ka kung kailangan na lingid sa kaalaman mo. Hindi ako tulad ni Cain at Chance na gusto kang makuha dahil gusto nilang maging clan leader. I just simply want to protect you.”
Kumunot ang noo niya. “Protektahan ako? Bakit?”
“Sinabi ko na sa iyo, dahil sa isang pangako.”
“Ano nga ang pangako na sinasabi mo? Kanino?”
Nawala ang ngiti ko ng maalala ang nakaraan. Noong nagkagulo ang pamilya Alpuerto at Malyari nang madiskubre ng lahat na may karelasyong ‘outsider’ si Becky. Galit na galit ang mga Elder lalo na si lolo Carlos. At si tito Victor, he was murderous. Walong taong gulang lang ako ‘non. Aksidente kong narinig ang pag-uusap ng mga nakatatanda tungkol sa kung ano ang gagawin nila kay Becky dahil sa kahihiyang idinulot ng hindi niya pagtupad sa napagkasunduan ng mga pamilya.
Natakot ako para sa kaniya. Natakot ako sa gagawin ni tito Victor. Kaya kahit na mahigpit na ipinagbabawal sa akin na lumabas ng bakuran ng mansiyon, kahit na hindi ko kabisado ang daan papunta sa compound ng mga Malyari, tumakas pa rin ako para balaan si Becky. Kipkip ko lang ang kapirasong papel kung saan nakasulat ang telephone number at address niya na pilit kong hiningi sa kaniya dati.
Hindi naging madali para sa walong taong gulang kong sarili ang paglalakbay na iyon. Hindi ko pa kontrolado ang kapangyarihan ko noon kaya mas matindi ang hatak ko sa mga tao at kahit sa mga hayop. Naamoy nila ako kahit malayo pa ako sa kanila. And they cannot resist the attraction. Ayos lang sa akin kapag ang mga hayop ang lumalapit sa akin. They are an affectionate specie. Harmless sila magpakita ng pagkahumaling sa akin. Hindi man nila ako nilulubayan ay hindi naman nila ako sinasaktan.
Pero iba ang kaso sa mga tao. Ironically, sila ang asal hayop kapag naapektuhan ng kapangyarihan ko. Hindi mapapakali hangga’t hindi ako naangkin sa kahit na anong paraan. Kaya noon ay palagi akong na-ki-kidnap. I am like an expensive toy everyone wants to possess. Lahat ng mga pagkakataong may estrangherong nagtangka ng masama sa akin, hindi na nawala ang mga iyon sa isip ko kahit ilang beses pang imanipula ni lolo Bartolome ang memorya ko para malimutan ko ang lahat. Laman ng mga bangungot ko ang malisyosong tingin ng mga estranghero na iyon, ang mga haplos nila, ang kahibangan sa kanilang mga mata.
Kaya ang totoo, takot na takot akong lumabas noon. Pero para kay Becky, para sa nag-iisang tao maliban sa pamilya ko na hindi apektado ng kapangyarihan ko, para sa taong naging mabait sa akin, para sa taong alam ko na hindi ako iiwan, naglakas loob ako.
Nasalubong ko siya sa daan bago ako makarating sa compound ng mga Malyari. May kasama siyang lalaki at parehong hinihingal ang dalawa na para bang kanina pa tumatakbo.
“Angus? Anong ginagawa mo dito?” Natatandaan kong gulat na tanong ni Becky nang makita ako. Pinasadahan niya ng tingin ang magulo kong buhok, ang marumi kong damit, ang mga gasgas sa tuhod at braso. Lumuhod siya sa harap ko at niyakap ako ng mahigpit. “May gumawa ba ng masama sa iyo?” Nag-aalala niyang tanong sa akin.
Umiling ako. “Natakasan ko sila, Becky. Pero masaya akong nakita kita.” Sinabi ko sa kaniya ang mga narinig ko. Nakita kong tumiim ang ekspresyon niya at nakipagpalitan ng tingin sa lalaking kasama niya. Pagkatapos ay pumaikot ang braso ng lalaki sa balikat niya at hinila siya payakap. Sa batang isip ko ay nasiguro kong ang lalaki ang sinasabi nilang ‘outsider’.
Ngumiti si Becky, tumayo at hinawakan ang kamay ko. “Ihahatid ka namin hanggang sa gate ng subdivision ninyo. Delikadong manatili ka sa labas nang nag-iisa, Angus.”
“Pero baka makita ka nila. Gusto kitang protektahan, Becky.”
Naging masuyo ang ngiti niya at ginulo ang buhok ko. “Saka mo na iyan sabihin kapag malaki ka na. Ah, pero may iba nang nagpoprotekta sa akin.” Sinulyapan niya ang lalaking kasama bago ibinalik ang tingin sa akin, parang may naisip at masuyong hinaplos ang tiyan. “Ito na lang baby sa tiyan ko ang protektahan mo kapag malaki ka na. Maasahan ba kita, Angus?”
Dahil bata pa ako noon ay hindi ko pa masyadong naintindihan ang sinabi niya pero determinado akong tumango at ngumiti. “Pangako, poprotektahan ko ang baby mo, Becky.”
Matamis siyang ngumiti at muling ginulo ang buhok ko. Naihatid nila ako sa gate ng subdivision namin at nakapagpaalam sa akin na hindi nalalaman ng pamilya ko.