(Ayesha)
TAHIMIK sa lumang gusali na tumatayong main library ng Abba College nang dumating ako. Hindi nakakapagtaka kasi kaninang naglalakad ako papunta doon marami akong nakasalubong na mga estudyante na pauwi na galing sa library. Malamang kaunti na lang ang estudyante sa loob.
Sa ground floor ako unang pumasok. Nakita ko agad si Chance. Mag-isa siyang nakaupo sa isang lamesa na malapit sa malaking bintana. May nakabukas na libro sa harapan niya pero hindi siya nakatingin doon. May iba siyang pinagtutuunan ng atensiyon. Sa sobrang konsentrasyon niya mukhang hindi nga niya napansin na dumating ako. Nagtaka ako. Napasunod tuloy ako ng tingin sa tinitingnan niya.
Si miss Roxette ang nakita ko na abala sa kung anong ginagawa sa librarian’s desk. Bumalik ang tingin ko kay Chance, baka lang kasi nagkakamali ako ng tingin. Pero talagang kay miss Roxette siya nakatingin. Iyong tingin na katulad noong nakasalubong namin ang librarian habang inililibot ko siya sa campus. Hindi kaya –
“Yes, can I help you, student?”
Napakurap ako at napalingon sa librarian’s desk. Nakatingin na sa akin si miss Roxette at mabait na nakangiti. Hinihintay na lumapit ako at sabihin kung ano ang librong kailangan ko. Alanganin akong gumanti ng ngiti. “Ahm, may kakausapin lang po ako.” Nang lumingon ako sa lamesa ni Chance nakatingin na siya sa akin. Mukhang galit. Muntik na ako mapangiwi pero lakas loob pa rin akong lumapit sa kaniya.
“Bakit ka nandito?” inis na tanong niya.
“Gusto kitang makausap.”
Umangat ang mga kilay ni Chance. “Why?”
Huminga ako ng malalim at lumigid sa lamesa para makaupo ako sa mismong tabi niya. Mas makakabuti kung walang makakarinig sa pag-uusapan namin. “Wala ka sa birthday party ng tita mo. Isinama ako ni Cain doon at… hindi ka kasama ng pamilya mo. Bakit?”
Natigilan siya, tinitigan ako at naningkit ang mga mata. “Bakit mo itinatanong? Anong alam mo?”
“Ang alam ko lang, eight years ago isa kang high school student at mukhang fifteen years old. Paano nangyaring… mukha lang tayo magka-edad ngayon?” mahinang tanong ko.
Mahabang katahimikan ang namayani sa pagitan naming dalawa. Akala ko pa nga hindi niya sasagutin ang mga tanong ko. Hanggang sa makita kong nalaglag ang mga balikat niya at sumandal sa backrest ng silya. Naging resigned ang ekspresyon. “I think you already have an idea why.”
“Ang alam ko lang may kinalaman ang nalaman ko sa kapangyarihang ipinagkaloob sa’yo,” mahina at malumanay na sagot ko.
Kumislap ang pait sa mga mata niya at sarkastikong natawa. “Ipinagkaloob? You sound like my family. Katulad nila iniisip mo ring regalo ng mga diyos ang mayroon ako?” Naging galit ang tingin niya sa akin. “No, Ayesha. This,” inilapat niya ang palad sa dibdib na parang tinuturo ang katawan niya. “This is a curse. Alam mo ba na sa nakaraang ilang daang libong taon, ako lang ang ipinanganak ng ganito? Mabagal ang oras sa akin. Mula nang tumuntong ako ng thirteen, ang isang taon sa normal na mga tao, tatlo o apat na taong mas mabagal pagdating sa akin. Mabagal ako tumanda. I look like this but I’m twenty eight.”
May hinala na akong ganoon nga ang kaso pero nagulat pa rin ako. Lalo na nang may maalala ako. “Ibig mong sabihin… mas matanda ka kay Cain at kay sir Angus.”
“Obviously,” mapait na sagot niya. “Sa tingin ng mga magulang ko, lalo na ang aking ina, ako ang may pinakamagandang abilidad sa aming lahat. Ang mga tao ngayon, masyadong obsessed sa pagpapanatili ng kabataan nila. Iyon ang dahilan kung bakit bilyon ang kinikita ng kompanya ng nanay ko. Iyon ang dahilan kung bakit…” Bigla siyang huminto magsalita. Na para bang bigla niyang napigilan ang sarili at naisip na hindi niya dapat sinasabi sa akin ang mga nasabi na niya.
“Bakit ano?”
Mariing itinikom ni Chance ang bibig, matalim akong tiningnan at marahas na tumayo. “Nothing. Ayoko nang pag-usapan pa ito.” At bago pa ako makapag-react nilayasan na niya ako. Ni hindi lumingon sa akin na lumabas ng library.
Kung alam lang niya na pinili kong kausapin siya kaysa pumasok sa trabaho ngayon, magbabago kaya ang pakitungo niya sa akin? Malamang hindi. Napabuntong hininga na lang ako at makalipas ang ilang minuto tumayo na rin at kumilos para lumabas. Nakasalubong ko si miss Roxette na kanina gulat na napatingin kay Chance nang lumabas siya at ngayon worried nang nakatingin sa akin. “Nag-aaway ba kayo? Bawal mag-away sa library.”
Pilit akong ngumiti. “Hindi po kami nag-away. Sige po, alis na ako,” paalam ko. Saka ako mabilis na lumabas ng library para sundan si Chance. Kaso hindi ko na siya naabutan. Nang magpunta ako sa parking lot wala na ang kotse niya. Napabuntong hininga ako. “Ang bilis naman maglakad ‘non.” Laglag ang balikat na naglakad ako palabas ng campus.
Kahit na alam kong pagagalitan ako ng manager dahil late na ako sa trabaho nagdesisyon pa rin akong magpunta sa fastfood chain. Kabababa ko lang ng jeep nang tumawag sa akin si Cain. Napasagot tuloy ako ng cellphone habang naglalakad papunta sa trabaho.
“Hi. Nakauwi ka ba ng maayos kagabi?” worried na bungad niya.
“Oo. Salamat sa pagtatanong. Ikaw, kamusta ang pinag-uusapan ninyo ng tatay mo kagabi?” tanong ko rin. Sumagi sa isip ko ang nalaman kong koneksiyon ni sir Angus at ni mama. Ganoon din ang nalaman kong tunay na katauhan ni Chance. Hindi angkop na pag-usapan ang mga ‘yon sa cellphone kaya sinarili ko na lang. Isa pa mukhang hindi rin magandang oras para kay Cain ang tungkol doon. Narinig ko kasi ang pagbuntong hininga niya sa kabilang linya.
“May kinalaman sa nalalapit niyang pagtakbo sa eleksiyon. May mga aberya sa plano kaya kailangan ko pang manatili dito sa maynila para tumulong maresolba ang problema. Hindi pa kita mabibisita at hindi ko maiwasan mag-alala para sa iyo.”
Sa kabila tuloy ng mga nangyayari napangiti ako. Na-touch ako sa pag-aalala ni Cain para sa akin. Ang sabi ni Chance, katulad din niya si Cain na nilalapitan lang ako at sinusuyo dahil ako ang susi para maging pinuno ng pamilya. Na hindi ‘yon dahil gusto talaga nila ako personally. Siguro nga nagsasabi ng totoo si Chance. Siguro nga nag-aalala para sa akin si Cain hindi dahil gusto niya ako kung hindi dahil ako ang kailangan niyang mapangasawa para maging leader ng mga Alpuerto. Pero gusto ko panghawakan ang sinseridad na nakikita ko sa mga mata niya tuwing nag-uusap kami at sa tinig niya ngayong nag-aalala siya para sa akin. Gusto kong kahit hindi man romantiko ang maging koneksiyon ko sa kanila maging kaibigan ko sila.
“Salamat, Cain. Pero huwag kang mag-alala. Okay lang ako. Magkita na lang tayo kapag maluwag na ang schedule mo.”
Muli siyang bumuntong hininga sa kabilang linya. “Okay. I’ll call you as soon as I can. Mag-iingat ka.”
Nakita kong lumabas ng glass door ng fastfood chain ang manager namin, nakasimangot na naman. Napangiwi ako. “Sige. Mag-ingat ka rin diyan. Bye,” mabilis na paalam ko kay Cain at tinapos ang tawag. Saka ako nag-iba ng direksyon para makaiwas sa manager. Alam ko na sesermunan niya ako pero mas gusto kong sa loob na ng staff room niya gawin at hindi sa labas na siguradong gagawin niya kapag nakita niya ako ngayon. Mabuti na lang may back door na sa kusina ang daan.
Halos patakbo ang ginawa kong pagpunta doon. Pagliko ko sa likod na bahagi ng fastfood chain napasinghap ako dahil may nabangga akong katawan. “Sorry!” sabi ko pa sa pag-aakalang isa sa mga katrabaho ko ang nabangga ko. Hanggang sa maramdaman ko ang paghawak niya sa braso ko para hindi ako matumba at malanghap ko ang magkahalong natural na amoy ng isang lalaki at amoy ng sigarilyo. Wala akong katrabaho na ganoon ang amoy. Napansin ko na rin na hindi uniporme ng fastfood chain ang suot ng lalaking nakabanggaan ko kung hindi… itim na jacket.
Kumabog ang dibdib ko. Mabilis akong napatingala sa mukha niya. Nakasuot ng dark shades ang lalaki, itim na cap at balbas sarado. Ang lalaking dalawang beses ko nang nahuling nakamatyag sa akin! Umatras ako para kumalas sa kaniya, alerto na at aware na masamang tao ang nasa harapan ko. Pero humigpit ang hawak niya sa braso ko at hinila pa ako hanggang maipit na niya ako sa katawan niya. Sisigaw pa lang ako bigla na niyang tinakpan ng panyong hawak niya sa isang kamay ang bibig ko. Nagpumiglas ako, ginawa ang lahat para pigilan ang paghinga ko nang may maamoy akong kakaiba sa panyong itinakip niya sa akin. Pero sa huli hindi ko rin kinayang magpigil ng paghinga. Nalanghap ko ang masangsang na amoy. Hanggang sa mamanhid ang pakiramdam ko at takasan ako ng lakas para manlaban. Nagdilim ang paningin ko.
Ang huli kong natatandaan bago ako tuluyang mawalan ng malay ay ang pagbulong ng lalaki sa tainga ko ng, “Natagpuan din kita sa wakas.”