MOON BRIDE (Filipino) Chapter 30

(Ayesha)

ISANG PAMILYAR na bulto ng lalaking nakatalikod ang nakikita ko sa hindi kalayuan. Naglalakad siya palayo. Patakbo akong sumusunod sa kaniya. Aware ako na nananaginip ako pero hindi ko pa rin mapigilan ang pagkilos ng katawan ko. Madilim sa direksiyong tinatahak niya, malambot at basa ang sementong sahig na naapakan ko pero ang init ng hanging dumadampi sa balat ko. May liwanag ding nagmumula sa likuran ko at tunog na parang… nasusunog.

Huminto ako sa pagtakbo at lumingon. Napasinghap ako at manghang napatitig sa napakalaking bahay na halos mansiyon na nga na nilalamon ng apoy. Sa sobrang pagkasunog ‘non sigurado na maaabo ang lahat ng laman sa loob. Hindi ko nakita ang pagsisimula ng sunog pero mangha kong ibinalik ang tingin sa lalaking malayo na sa akin. Kasi sa isip ko alam kong siya ang may gawa ng sunog na ‘yon.

“Bakit mo ginawa ‘yon? Bakit?” sigaw ko habang tumatakbo palapit sa lalaki. Naninikip ang dibdib ko at narealize kong tumutulo ang mga luha ko. “Sandali lang!”

Biglang huminto sa paglalakad ang lalaki na para bang noon lang narinig ang pagtawag ko. Binilisan ko pa ang pagtakbo hanggang isang metro na lang yata ang layo ko mula sa kaniya. Dahan-dahang pumihit ang lalaki hanggang sa halos maaninag ko na ang profile ng mukha niya.

“Anong ginawa mo? Bakit – ”

“Tama lang iyan sa kanila. Katapusan na rin naman ng lahi nila. Pinadali ko lang ang lahat bilang ganti sa lahat ng ginawa nila.”

“Ganti?” tanong ko.

Noon siya tuluyang napaharap sa akin. Nagulat ako nang makita ang mukha ng lalaki. “C-cain?!”

NAGISING ako sa malakas na lagabog ng binuksang pinto. Pasinghap akong napadilat. Kadiliman ang bumungad sa akin. Ang tanging liwanag lang ay nagmumula sa bumukas na pinto ng kung anong kinaroroonan ko. Nag-panic ako nang marealize na may takip ang bibig ko. Nang tangkain kong kumilos naramdaman kong nakatali sa likuran ko ang mga kamay ko. Nakagapos din ang mga binti ko.

“Gising na siya!” sigaw ng kung sino sa may pinto.

Kahit na hirap ako pinilit kong tumagilid at lumingon sa may pintuan. Naningkit ang mga mata ko dahil nasilaw ako ng liwanag mula sa labas na mas mukhang fluorescent light kaysa natural na liwanag. May lalaking nakatayo sa may pinto at nakalingon sa labas. Kahit na may sumisirit na sakit sa ulo ko at disoriented pa rin ako alam kong hindi siya ang lalaking nakasalubong ko at nagpaamoy sa akin ng pampatulog.

May narinig akong mga papalapit na yabag hanggang sa may dalawa pang lalaki ang sumilip sa pinto. Hindi ko maaninag ang mukha nila dahil sa liwanag sa likuran nila. Pero hindi ko gusto ang paraan nila ng pag-uusap tungkol sa akin na para bang hindi ako isang tao kung hindi isang bagay. Ni walang simpatya sa boses nila nang sabihing, “Tatlong araw siyang walang malay. Akala ko mamamatay na pero mukhang buhay pa.”

“Gago, paano siya mamamatay e pinatulog lang naman ni boss? May nakita ka na bang dinala niya rito na namatay?” sabi ng isa.

“Pero iyan na kaya ang hinahanap niya? Baka katulad na naman iyan ng ibang mga kinuha natin dati,” sabi ng nauna sa pinto.

Tinangka kong magsalita at magpumiglas sa pagkakatali ko pero ungol lang ang lumabas na tunog sa lalamunan ko dahil sa nakatakip sa bibig ko. Masakit na ang mga labi ko sa higpit ng pagkakabuhol ‘non. Magkahalo na rin ang pawis at laway sa baba ko. Malapit na mahaluan ng luha dahil naiiyak na ako sa sitwasyong kinasusuungan ko. Sino ang mga lalaki at mas lalong sino ang boss nila? Bakit nila ako kinidnap? May kinalaman ba sila sa mga Alpuerto? Sa mga kaaway ng pamilya?

“Sana siya na talaga iyan. Malaki-laki rin ang halaga na makukuha natin kapalit ang babaeng iyan. Iyon ang sabi ni boss.”

Napahinto ako sa pagpipiglas at sa pagtangkang magsalita. Pera? Iyon ang dahilan kaya nila ako kinuha?

“Hindi ba natin pakakainin iyan? Tatlong araw na walang laman ang sikmura niya.”

“Wala naman sinabi si boss na pakainin. Hayaan na natin iyan, tara na,” aya ng isa. Saka nila isinara ang pinto at muling nabalot ng kadiliman ang silid na kinaroroonan ko.

Kumalam ang sikmura ko at nangasim. Nanghihinang inilapat ko ang ulo sa malamig na sahig. Tatlong araw. Diyos ko, tatlong araw na nila akong bihag. Sigurado na nag-aalala na si mama. Sorry mama. At sina Cain, Chance at sir Angus, hinahanap kaya nila ako? At ano ang ibig sabihin ng napanaginipan ko? Na ang lalaki palang hinahabol ko noon ay si Cain?

Mariin akong pumikit at ngumiwi nang sumirit ang sakit sa ulo ko. Pakiramdam ko biglang gumewang ang sahig na kinahihigaan ko. Hindi ko alam kung ganoon ba ang pakiramdam ko dahil pa rin sa pinaamoy sa akin ng lalaking nakaitim o dahil ilang araw nang walang laman ang tiyan ko.

HINDI ko namalayan na nakatulog akong muli kung hindi lang ako naalipungatan sa ingay mula sa labas ng silid kung saan ako nakakulong. May galit na boses, nagmumura. May mga boses na sumasagot pero mas mahina, may takot ang tono. Pagkatapos may narinig akong mga lagabog. Parang may binubugbog.

Paungol akong nagmulat ng mga mata. Na parang hindi ko naman ginawa dahil madilim pa rin ang nakikita ko. Hanggang sa bumukas ulit ang pinto. Naningkit ang mga mata ko at hirap na lumingon. Isang lalaki ang naglakad palapit sa akin. Kumabog ang dibdib ko nang makilala ko ang bulto niya.

Ang lalaking kumidnap sa akin sa likod ng fastfood chain.

Naglakad siya palapit sa akin at nang nasa harap ko na siya paluhod siyang tumalungko para mapalapit sa akin. Kahit natatakot ako lakas loob kong tiningnan ang mukha niya. Kahit madilim hindi niya inaalis ang suot niyang dark shades. Baka disguise niya ‘yon para hindi ko makilala ang mukha niya at hindi ako makapagsumbong kapag nakatakas ako.

Hindi ko napigilang mapaigtad nang makita kong aabutin ako ng mga kamay niya. Baka saktan niya ako! Pero himbis na gawin ‘yon marahas niyang kinalas ang busal ng bibig ko. Suminghap ako para sumagap ng hangin at napaungol kasi nananakit ang panga ko sa matagal na pagkakabusal.

“Kakalasin ko ang tali mo para makakain ka. Pero huwag mong tangkain tumakas kung ayaw mo masaktan,” magaspang na sabi ng lalaki na sumunod namang tanggalin ang pagkakagapos ng mga kamay ko. Pagkatapos walang pag-iingat na hinawakan niya ang mga balikat ko at hinila ako paupo. Nang mapasandal ako sa pader tumayo siya at sumigaw, “Ipasok niyo ang pagkain niya!”

“A-ang mga paa ko,” sabi ko. Noon ko lang narealize na paos ang boses ko. “N-nakatali pa rin.”

Niyuko ako ng lalaki. Walang simpatya ang pagkakalapat ng mga labi niya. “Bakit, paa ba ang gusto mong gamitin sa pagkain? Kung oo, sabihin mo lang. Itatali ko ulit ang mga kamay mo.”

Umawang lang ang mga labi ko at hindi nakapagsalita sa sinabi niya. Walang silbi makipagnegosasyon sa isang kriminal. Bakit ba hindi ko agad narealize ‘yon?

Pumasok ang isa sa tatlong lalaking nakita ko kanina. May dalang tray at lumapit sa amin. Ibinaba niya ‘yon sa harapan ko at nakita kong pagkain at tubig nga ang laman ‘non. Hindi lang ‘yon ang napansin ko. Napansin ko ring namamaga ang mukha ng lalaki at may black eye. Ang lalaking naka-shades ba ang may gawa ‘non? Mabilis na lumabas ulit ang may dala ng pagkain kaya naiwan akong kasama ang kumidnap sa akin.

“Ano pang hinihintay mo? Kain,” utos ng lalaking naka-shades. Tiningala ko siya. Nafu-frustrate ako na hindi ko makita ang mga mata niya. Hindi ko matantiya ang pagkatao niya. “Kapag hindi mo kinain iyan talagang gugutumin kita,” inis na sita niya.

Ibinaba ko ang tingin sa tray ng pagkain. Kapag hindi ako kumain, manghihina ang katawan ko at lalabo ang isip ko. Hindi puwede ‘yon. Kailangan kong maging malakas at alerto para makatakas. Nanginginig ang mga kamay kong inabot ang pagkain at pinilit ang sarili kong isubo ‘yon. Hindi umalis ang lalaking naka-shades, binabantayan ako habang kumakain.

Nang sa wakas mainom ko ang laman ng maliit na bote ng mineral water lumuhod siya ulit sa harap ko at itinali ang mga kamay ko. Nagkaroon ng pagkakataong magkalapit ang mga mukha namin. “Anong kailangan niyo sa akin? Wala kayong mapapala sa pagkuha niyo sa akin. Pakawalan niyo na ako,” usal ko habang nakatitig sa naka-shades niyang mga mata. Baka sakaling hindi ko man makita ang mga mata niya nakikita naman niya ang sa akin. Baka maawa naman siya. Baka kahit papaano may kabaitan pa rin ang lalaking ‘to.

Pero ni hindi natigilan ang lalaki. Kinuha pa nga ang busal at muling itinakip sa bibig ko kahit na pilit kong iniwas ang mukha ko. Ako ang natigilan nang hawakan niya ang magkabilang gilid ng mukha ko at iniharap sa kaniya. “Nagsasayang ka lang ng laway sa pakikusap mo. Hindi ka namin pakakawalan. Matagal ka na naming hinahanap at malaki ang magiging papel mo sa mga plano namin. Manahimik ka na lang at magpakabait dito.” Saka niya binitiwan ang mukha ko at tumayo. Tumalikod siya at naglakad palabas. Napatitig na lang ako sa likuran niya.

Nasa bukana na siya ng pinto nang marealize ko na pamilyar ang nakatalikod na bulto ng kidnapper ko. Pamilyar din ang biglang pagkirot ng puso ko habang nakikita ko ang likod niya. Katulad ng bulto ng lalaki sa mga panaginip ko.

Pero bago ko pa makumpirma ang pagkakapareho humakbang na palabas ng silid ang lalaking naka-itim, walang lingon-likod na isinara ang pinto at binalot akong muli ng kadiliman.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.