Moonlight Bride (Tagalog) Chapter 14

“MARAMING salamat po sa blusa at palda, Señorito Deive. Aba’y di kami nagkakalayo ng ganda ni Merian de Vera nito,” tukoy ni Marina sa paborito nitong artista na napapanood nito sa TV. “Kahit paano po ay nagmukha akong tao.”

Hapon na nang dumating siya dala ang mga pinamili niyang pagkain at iba pang pasalubong. Di niya kinalimutan na bigyan pati ang matandang nag-aasikaso ng mansion at si Marina. Masayang-masaya ito dahil noon lang daw may nagbigay dito na ibang tao.

“Pasasalamat ko iyan dahil sa pag-aalaga mo kay Callea.”

Inilapat nito ang bolero sa katawan. Maluwag iyon para kumasya sa depekto nito sa likod. “Ako nga po ang inaalagaan ni Señorita Callea. Kung hindi po dahil sa kanya, baka namatay na ako sa kalye ngayon. Siya ang unang taong tumrato sa akin ng normal na di nagawa kahit ng mismong kamag-anak ko.”

Mabuti talaga ang loob ni Callea. Malayo ito sa mga di magandang perception ng mga tao tungkol dito. Tinatrato nito ng tama ang mga tao kahit ano pa ang anyo o pagkatao. Lalo lang niya itong nagustuhan at gustong protektahan.

“Pwede mo ba akong tulungan, Marina?”

Kumislap ang mata nito. “Opo. Kahit po ano.”

“Totoo ba na may mga multong lumalabas dito sa Villa Celesta? Usap-usapan na ng lahat ng tao sa bayan. Kinatatakutan ang lugar na ito.”

Natawa lang ito. “Laking-Maynila po kayo, Señorito. Bakit kayo nagpapakinig sa mga tsismis?”

“Pero ako mismo ang nakakita sa babaeng duguan. Ako mismo ang nakalmot ng pusang alaga niya. At kagabi narinig ko ang boses ng babaeng umiiyak. Sa palagay ko iisa lang sila. Sino siya? Anong kailangan niya sa akin?”

Naging seryoso ang anyo ni Marina at marahang itinupi ang damit. “Anong sinabi ko nang unang araw mo dito? Huwag kang lalabas kahit anong marinig mo.”

“Ibig sabihin may multo nga dito? Alam ba ni Callea ang tungkol dito? Dahil di ako papayag na tumira pa siya dito kundi niya alam!”

Tinalikuran lang siya nito. “Puntahan na ninyo si Señorita Callea. Kanina pa po niya kayo hinahanap. Nag-aalala na siya sa iyo.”

It was so damn frustrating. Mukhang may alam si Marina pero bakit ayaw nitong direktahin siya? Di ba ito nag-aalala para kay Callea? Natatakot din ba ito kaya di na lang nagsasalita?

Hindi siya magpapadala sa takot niya. Handa na siyang protektahan si Callea.

NAKAPANGALUMBABA si Callea habang tinitingala ang mga nakatiwarik na paniki sa labas ng bintana ng attic. Pawang nakabitin ang mga ito sa bubong. Papalubog na ang araw no’n. Anumang sandali ay naghahanda na ang mga ito na lumipad at maghanap ng pagkain. Naging permanent resident na ang mga ito sa Villa Callea.

“Aba! May baby paniki na pala kayo. Ilang araw lang akong di nakaakyat dito, ang dami-dami na ninyo. Ang cute!”

Hindi na niya pinaakyat si Luna sa attic dahil ayaw niyang bulabugin pa nito ang mga paniki. Itinuturing din niyang kaibigan ang mga paniki. Nakakakuha siya ng inspirasyon sa mga ito. Kaya kahit sina Marina at ang mag-asawang katiwala doon ay di ginagambala ang mga ito.

“Ah! May ikinuwento si Lola Celesta tungkol sa lolo ninyo. Babasahin ko sa inyo, ha?” aniya at binuklat ang koleksiyon ng istorya ng lelang niya. Pawang kathang-isip lang iyon ni Celesta na ikinukwento nito sa mga anak nito. Iniwan nito ang libro para maikwento pa rin daw nito kahit sa mga apo nitong isisilang pa lang.

Madilim na noon at di na niya mabasa pa ang mga letra sa lumang papel. Sinindihin niya ang kandila. May bulbilya naman ng ilaw sa kuwarto pero mas gusto pa rin niya ang kandila kapag binabasa ang mga lumang aklat ng lola niya sa attic. Gusto niyang balikan minsan kung paanong mabuhay ang mga ninuno niya.

“Heto, ha? Makinig muna kayo sa akin bago kayo umalis,” aniya at binitbit ang kandila sa isang kamay at ang aklat naman sa kabila.

Natigilan siya sa pagkukwento nang bulabugin siya ng katok. “Callea! Callea!” tawag sa kanya ni Deive.

“Sandali lang, ha?” aniya at inilapag ang libro sa mesa. Binuksan niya ang pinto ng hawak ang kandila sa isang kamay. “Bakit?”

“Whoa!” sigaw ni Deive at biglang napaurong. “Callea?”

“O, bakit? Parang nakakita ka ng multo.”

Huminga ito nang malalim at sinapo ang dibdib. “Bakit itinapat mo ang kandila sa mukha mo?” Hinablot nito ang kandila. “Paano kung makasunog ‘yan?”

“Hindi naman, ah! Saan ka nanggaling? Nag-alala ako sa iyo kanina.” Usapan nila ay ipapasyal niya ito sa buong bahay sa hapon. Kaya nag-alala siya nang lagpas tanghalian ay di pa rin ito bumabalik. Akala niya ay tuluyan na itong umalis at wala na itong planong kilalanin at pakasalan pa siya.

“I am back! Hindi ba itinawag ko naman kanina na may aasikasuhin ako?”

“Sorry. Nag-alala lang ako.” Excited kasi siya na ipasyal ito sa buong bahay noong hapon na. Nagpalinis pa nga siyang mabuti para lang di siya mapahiya dito.

“Baka kasi hindi ka pa kumakain.” Hinahanap-hanap din niyang makasabay ito sa pagkain. Siguro dahil naghahanap lang siya ng ibang kausap na may bagong ideya at karanasan. Marami siyang natututunan dito.

“Kumain na kami ni Keiran. May importante lang kaming pinag-usapan.” Pumasok ito sa loob ng kuwarto at pinindot ang switch ng ilaw. “Sinong kausap mo?” At luminga-linga sa paligid. Nang walang makitang kakaiba ay isinara nito ang bintana. Nabulabog ang mga paniki at nagliparan. “May paniki!”

Hinatak nito ang kamay niya at patakbo siyang hinila palabas ng kuwarto. Bitbit pa rin nito ang kandila hanggang makababa sila ng second floor. Animo’y mga halimaw ang tinatakbuhan nito.

“Deive, mga paniki lang iyon.”

“Paano kung maging bampira sila at kagatin ka sa leeg. Ubusin dugo mo.”

“Nagpapaniwala ka sa gano’n?”

Hinigpitan nito ang hawak sa kamay niya. “Basta! Pinoprotektahan lang kita.” Kumalma lang ito nang makababa na sila sa sala. “Tingnan mo ang pasalubong ko.”

Naggagandahang modernong damit ang laman ng mga paper bag na inuwi nito. Pawang makukulay at presko sa mata. Masasaya din ang mga disenyo. It was definitely not her style. “Sana di mo na lang ako ibinili. Marami akong damit…”

“Gusto kong ito ang isuot mo. Lulutang ang ganda mo dito.”

“Okay,” mahina niyang usal. She didn’t have the heart to say no to him. Hindi naman siya matutunaw kung pagbibigyan niya ito minsan.

“Sino nga pala ang kausap mo kanina?”

“Ha?” Nadinig pala siya nito. Di naman niya pwedeng sabihing mga paniki. Baka idirekta na siya nito sa mental hospital. “Binabasa ko ang libro ni Lola Celesta. I prefer to read them out loud. Marami siyang iba’t ibang lumang libro. And some of them, she made herself. Iyon ang binabasa niya sa mga lolo at lola ko. Sa palagay ko nga sa kanya ko nakuha ang talent ko.” Tiningala niya ang painting ni Celesta na tampok sa sala. “Magkahawig pa kami. Kaya nga bata pa lang ako gustong-gusto ko na ang bahay na ito. Pakiramdam ko pinoprotektahan din niya ako.”

His eyes sparked as if something dawned in him. Di siya nakahuma nang bigla siya nitong hilahin at yakapin nang mahigpit. “Poprotektahan din kita, Callea.”

She stood still for a while. Ninanamnam niya ang init ng katawan nito. Hanggang unti-unting pumikit ang mga mata niya. She embraced his promise. Gusto din niya ang pakiramdam ng may ibang magpoprotekta sa kanya.

Subalit kilala ba siya ni Deive nang lubusan? Kaya ba siya nitong itago sa mga multong kinatatakutan niya? Kaliliimutan muna niya ang mga multong iyon. Sa ngayon ay isa lang siyang normal na mga babae. Mamayang gabi na siya babalik sa tunay niyang mundo. Sa ngayon ay hahayaan muna niyang lumaya ang sarili niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.