Moonlight Bride (Tagalog) Chapter 15

Deive was ready for battle. Malapit nang mag-alas dose ng gabi. Naroon na ang antique na krus mula sa mini museum ng pamilya nila, isang bungkos na Dead Sea salt at ikinuwintas din niya ang bawang. Nagsuot nga rin siya ng kulay pula para di siya lapitan ng mga kaluluwa. Lahat ng natatandaan niyang pamahiin ng lola niya ay ginawa na niya. Bahala na kung nakakahilo man ang amoy ng bawang. Ang importante ay maprotektahan niya si Callea.

Alas diyes pa lang ng gabi ay tinapos na niya ang pakikipag-kwentuhan kay Callea. Gusto niyang tiyakin na mahimbing na ito kapag nakipaglaban siya sa masasamang loob. Oras na matalo niya ang masasamang espiritu, mamahalin siya nito. At di na rin ito magdadalawang-isip na pakasalan siya.

“It is time,” usal niya nang makitang limang minuto na lang bago ang alas dose ng gabi. Lumabas siya ng kuwarto. Nakaamba ang krus sa bawat paghakbang niya. Tahimik pa rin ang gabi. Ilang hakbang mula sa kuwarto ni Callea nang may marinig siyang boses ng isang babaeng kumakanta.

Giliw, bakit mo ako nilisan? Paano na ang puso kong sa iyo ay umaasam.

Isa iyong lumang awitin. Sa palagay niya ay isa iyong kundiman. Maganda ang boses nito, nakakaakit at nararamdaman niya ang lungkot sa bawat salita. Subalit wala siyang oras para makisimpatya dito. Natitiyak niya na ang babaeng kumakanta ay siya ring babaeng nagpakita sa kanya noong isang gabi. Ito rin ang babaeng umiiyak.

Tinakbo niya ang kuwarto ni Callea. Sa kuwarto nito nanggagaling ang kanta. Baka sinasaktan na ito ng multo ngayon. Kailangan niyang protektahan si Callea.

Kinuyom niya ang kamao at binayo ang pinto. “Callea! Callea!”

Malakas na malakas ang kaba niya sa dibdib nang wala siyang marinig na sagot mula dito. Di siya nagdalawang-isip at binayo ang pinto. Hawak niya ang krus nang pumasok at flashlight sa kabila. Patuloy ang pagkanta ng babae subalit wala siyang nakitang ibang tao. Tanging si Callea lang ang nasa gitna ng kama at may kandila sa tabi ng kama.

Tuwid na tuwid ang higa nito at magka-krus ang mga kamay. Di niya alam kung humihinga pa ito. “Callea!” Nilapitan niya ito at hinawakan sa balikat upang gisingin. Subalit nahindik siya nang mapagmasdan itong mabuti. Nakatakip ang buhok nito sa mukha at may dugo sa bahagi ng pisngi nito at sa braso. “C-Calle…a…”

Nabitiwan niya ito nang isang itim na bagay na may berdeng mga mata ang kumarayod sa braso niya. Napaurong siya nang makita ang itim na pusa. Mabilis itong tumalon palayo subalit naghanda na naman sa panibagong pag-atake.

Umurong siya at sinubukan itong sabuyan ng asin subalit mabilis ito dahil binti naman niya ang inatake nito. Sa kabila ng suot niyang pantalon ay bumabaon ang kuko nito. Pinalis ng bisig niya ang pusa. “Let go!”

Napaigik siya nang muli nitong kalmutin ang braso niya. Paano na si Callea? Paano pa niya ito ililigtas kung sa pusa pa lang ay talo na siya.

Sa paglalaban nila ng pusa ay napaurong siya. The next thing he knew, the stuffs behind him toppled over him. Pinagkrus niya ang braso upang protektahan kahit paano ang sarili sa nagbabagsakang mga gamit. Nang idilat niya ang mata ay pawang iba’t ibang libro at sari-saring damit ang nakapaligid sa kanya.

Naramdaman niyang may kamay na humawak sa balikat niya. Narinig niya ang paglagutok ng leeg niya sa dahan-dahan niyang paglingon. Nanlamig siya nang makitang buto lang ang kamay na nakahawak sa balikat niya. Nang sundan niya ang may-ari niyon ay isang bungo ang nakatunghay sa kanya.

Isang kalansay na nakasuot ng pangkasal ang halos nakayakap sa kanya.

MAHIMBING ang tulog ni Callea. Maganda ang nangyari sa araw na iyon. Bukod sa nag-enjoy siya sa pakikipag-kwentuhan kay Deive, maganda din ang development sa ginagawa niyang istorya. Nag-flashback siya sa magagandang parte ng relasyon nila Althea at ng nobyo nito. Dati ayaw niyang I-tackle ang mga love story.

Siyam-siyam ang inaabot niya bago makagawa ng isang eksena. Pero naging madali iyon dahil kay Deive. Kaya nga sa halip na mga nakakatakot na background song at sound effects ang lullaby niya ay pinili niya ang padalang CD na record ng pinsan niya na kumakanta ng mga kundiman. Kahit si Luna ay nagustuhan ang kundiman at nakatulog agad.

Di naman siya pinaligtas ni Deive. Kahit sa panaginip ay kasama niya ito. Bihag daw siya ng isang halimaw. Tinatawag daw nito ang pangalan niya. Dumating ito para iligtas siya. Her eyes flew open when she heard a huge crash.

Nanlaki ang mata niya. Sa tulong ng munting liwanag ay nakita niyang bumagsak ang mga librong nakasalansan at mga damit niya na naka-hanger sa rack dahil di pa ipinapasok ni Marina sa cabinet niya. Maging ang mga kaibigang kalansay niya na sina Napoleon at Marie Antoinette ay halos magkaluray-luray.

“Anong nangyari dito?” tanong niya at binalingan si Luna na sumisingasing na parang ito ang may kagagawan.

Nakarinig siya ng ungol. Sa talaksan ng mga kalansay, libro at mga damit ay natabunan si Deive na pilit na umaahon.

“Deive,” mahinang tawag niya sa pangalan nito.

Naaninag niya ang paniningkit ng mga mata nito. “Masamang espiritu. Anong ginawa mo kay Callea?” May dinukot ito sa balutan at isinaboy sa kanya. “Umalis ka na sa mundong ito. Patahimikin mo na kami.”

“Deive, ano bang…” Saka niya naalala na naka-costume siya ng costume ni Althea. Magulo ang mahaba niyang buhok na parang sinabunutan ng sampung bakla at pinagtaksilan ng suklay. Suot din niya ang nightgown na may bahid ng dugo. May pinta din siya ng synthetic blood sa mukha at katawan. Hinawi niya ang buhok. “Deive, sandali lang. Ako si Callea.”

Itinutok nito ang krus sa kanya. “Di mo ako maloloko. Umalis ka sa katawan ni Callea.” Pumikit ito at animo’y umusal ng dasal.

Binuksan niya ang switch ng fluorescent lamp. Bumaha ng liwanag sa silid niya. Dumilat si Deive at nagulat dahil di pa rin siya naglalaho sa harap nito katulad ng ibang mga multo o halimaw kapag tinamaan ng liwanag.

Namaywang siya. “I told you I am Callea. Naniniwala ka na?”

“Callea? Bakit ganyan ang itsura mo?” Inikot nito ang mata sa kuwarto. Nadoble ang pagkahindik na nabakas sa mata nito. Dali-dali itong kumawala sa talaksan ng mga kalansay at mga kakaibang gamit at props niya. Pinagpag nito ang balikat. “Bakit ganito ang kuwarto mo?” Hinawi nito ang agiw na nasa gilid ng cabinet niya. “Paano ka nakakatagal matulog sa lugar na ito? Paano ka nakakatagal tumira sa bahay na ito?”

“This is my world, Deive. This is who I really am,” aniya at ibinuka ang mga kamay para bigyang-diin ang sinabi niya.

Umiling ito. “No! Don’t even go there. Paanong ikaw ang…” Hinablot nito ang ilang paintings at sketches niya na nasa dingding. “Hindi ka dapat naglalagay ng ganito sa kuwarto mo. These are horrible!”

“Huwag mong pakialaman ang gamit ko.”

“You don’t need these anymore.” Hinarap siya nito. halos magpatong ang kilay nito sa labis na galit. “Akala mo ba matatakot ako sa mga multo-multo mo? Sayang lang ang effort mo. Hindi ako natatakot. Nandito lang ako para protektahan ka mula sa mga multo dito sa bahay mo.”

“Gusto mo akong protektahan?”

“Oo. Ikaw agad ang inalala ko. Kaya nga pumunta ako dito sa kuwarto mo nang ganito ang itsura ko. Nagdasal pa ako sa simbahan kaninang umaga. Nakadalawang oras akong nagdasal kahit di naman ako paladasal para sa iyo. Mabuti na lang pala hindi ako kumuha ng exorcist. Mapapahiya lang ako. Malamang pinagtatawanan mo ako.

Nagpadala ko sa mga ingay na naririnig ko. Na naniwala ako sa white lady at sa pusa niyang pangit.”

Sumingasing si Luna. Akmang susugurin na naman ito ni Deive. Mukhang naintindihan nito ang sinabi ni Deive. Kinalong niya si Luna. “Dito ka lang.” Naalala niyang sinugod ito ni Luna kanina. “N-Nasaktan ka ba?”

Hindi niya inaasahan na gagawin niyon ang lahat ng iyon para protektahan siya. Di niya alam na seseryosohin nito ang tungkol ang mga nakita at narinig nito. Ang kasalanan lang niya ay hinayaan pa niyang umabot sa ganoong punto. Napahiya at nasaktan pa ito dahil sa kanya. He didn’t deserve it.

Umiwas ito nang tangkang hahawakan niya para I-check ang injury nito. “Stop pretending that you care for me. Ito ang gusto mo, di ba? Ang matakot ako at masaktan para umurong ako sa pagpapakasal sa iyo? At bago ako dumating dito, nagplano na kayo para mapaalis ako dito. As if a haunted house ang ghosts and even that ugly cat can scare me!”

“Wala akong ganoong intensiyon,” mahina niyang pagtutol.

Ihinagis nito ang mga sketches niyang hawak nito. “Save your breath! As if I will still believe you.” Naglatang ang matinding galit sa mukha nito. “This is quite a show. Napaikot mo ako. Hindi ko pipiliting magpakasal ang isang taong ayaw magpakasal sa akin. Sana sinabi mo na lang ng direkta para pare-pareho tayong di nagsayang ng panahon.” Tinanggal nito ang bawang sa leeg. “Don’t worry. I will vacate your haunted house soon.”

Mabibigat ang mga hakbang nito nang naglakad patungo sa pinto. Hinabol niya dito. “Deive, wait! Hindi ka pwedeng umalis…”

“You are insane!” Dinuro nito si Luna. “Your cat is insane.” Itinaas nito ang mga kamay. “This whole house is insane.”

Napapitlag siya nang pabalabag nitong isara ang pinto. Nakadama siya ng panlulumo at pinawalan si Luna. Nalungkot din siya na kinailangan pa nilang umabot sa ganoon ni Deive. Ayaw niyang umalis ito nang di sila nagkakaintindihan.

Napaupo siya sa sahig. Her room was a mess. Her life was a mess. At ang lahat ng iyon ay dahil sa pagtatago niya sa tunay niyang katauhan.

“Kasalanan ko ang lahat, Luna. Kasalanan ko ito.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.