Moonlight Bride (Tagalog) Chapter 16

NAIIYAK si Callea habang isa-isang inililigpit ang mga kalat sa kuwarto niya. Nalukot ang mga sketches niya pero wala namang nawarat. Nakakalat ang mga costumes niya at nagkalas-kalas na ang mga kalansay. She could easily fix those. Ang hindi niya mare-repair ay ang gulong nagawa niya.

Narinig niya ang padabog na pag-eempake ng gamit ni Deive sa kabilang kuwarto. Hindi niya ito maharap. Paniniwalaan ba siya nito? at ang tanong, matatanggap ba nito ang pagkatao niya kahit na sabihin niya ang totoo?

Sa ganoong ayos siya naabutan ni Marina pagpasok ng kuwarto. “O! Bakit nandito ka pa, Señorita? Paalis na iyong pakakasalan mo. Hindi na daw siya babalik dito sa mansion. Pati nga sa akin nagagalit. Kasabwat daw ako sa pananakot mo. Ano namang kinalaman ko doon?”

“Pasensiya na. Nalaman niya ang totoo tungkol sa akin. Pero ang akala niya tinatakot ko lang siya.”

“Sinabi ko naman sa iyo na sabihin mo na ang totoo, di ba? Hindi ka nakinig sa akin kaya umabot sa ganitong punto.”

“Parang itinaboy ko na rin siya nang direkta. Tiyak na magagalit sa akin si Lolo Tomas kapag ginawa ko iyon. Baka isipin ni Deive na nababaliw ako. Mas lalong mawawalan ako ng pag-asa na mapunta sa akin ang Villa Celesta.” Sariling interes lang naman niya ang pinoprotektahan niya.

“Ngayon ba hindi mawawala sa iyo ang Villa Celesta? Nandito ka lang at nagmumukmok. Parang binibiling mo na lang ang mga huling sandali mo dito. Gusto mo bang mawala sa iyo itong mansion?”

Umiling siya. “Ayoko! Ayokong mawala ito sa atin.”

Di lang para sa kanya ang Villa Celesta kundi para kay Marina rin at Luna. Iyon na ang tahimik nilang mundo kung saan di sila kailangang husgahan ng mga tao. Doon sila ligtas at namumuhay nang masaya.

Ayaw na niyang danasin pa ni Marina ang pang-aalipusta. Nang di hinuhusgahan dahil sa panlabas nitong anyo. Gusto niyang patuloy maranasan ni Luna ang pagmamahal na di maibibigay ng malamig na kalye at ng mga kapwa nito pusa na ang tingin lamang dito ay kaagaw sa pagkain. Ayaw na niyang harapin pa ang panganib na pwedeng idulot ng mundo dahil sa kagandahan niya.

“Kung ganoon, kausapin mo si Deive. Bisita mo pa rin naman siya. Dapat lang na pakiharapan mo siya nang maayos hanggang huli.”

Ayaw niyang harapin pa si Deive o ang makiusap pa dito. Mukhang imposible iyon. Subalit marami itong kabutihang ipinakita sa kanya. Kahit paano siguro ay dapat niya iyong ipagpasalamat. Di niya ito pwedeng paalisin na lang sa mansion nang di silang nagkakalinawan. Mas gusto niyang maghiwalay sila nang maayos. Karapatan nitong malaman ang totoo.

“Magsa-shower lang ako. Pwede bang paghintayin mo siya sa sala?”

Hindi siya nag-aksaya ng panahon. Mabilis siyang nag-shower para mawala ang marka ng synthetic blood sa katawan niya. Matapos mag-shower ay pumili siya ng flowing white gown. Isa iyon sa mga gown na di pa niya naisusuot. Kahit paano ay di naman siya nakakatakot tingnan sa gown na iyon at mukha pa rin siyang presentable. She left her face devoid of make up. Hinayaan na lang niyang nakalugay ang mahaba niyang buhok.

Nang bumaba siya ng sala ay nakatayo sa gitna ng sala si Deive. Hawak nito ang red tea sa isang kamay at ang luggage nito ay nasa paanan nito. Mukhang handa na ito sa pag-alis. Lumingon ito nang marinig ang mga yabag niya. Lalo lang nagdilim ang mukha nito at inisang tungga lang ang tsaa. As if he was on a hurry to end everything and get away from her as soon as possible.

“Salamat sa paghihintay mo.” Napansin niyang may antiseptic na ang mga kalmot dito. Ibinilin kasi niya iyon kay Marina na magamot agad kanina.

“I don’t want to leave yet without thanking you for your hospitality,” he said with sarcasm. “Kung ayaw mo akong pakasalan, sana sinabi mo sa akin sa simula pa lang. You don’t really have to put on this show. Pinahirapan mo lang sarili mo.”

Inilahad niya ang palad. “Take a seat.”

“Mas gusto kong tumayo. Di naman ako magtatagal.”

Umupo siya sa antique wooden sofa at pinag-krus ang hita. “Marami lang akong gustong linawin bago ka umalis. Baka mangawit ka sa pagtayo.”

Napilitan itong umupo sa tapat niya. “Then make it short. Mahaba pa ang biyahe ko pabalik ng Manila. Ayoko na ring sayangin pa ang oras mo.”

Pinagsalikop niya ang palad. “For starters, I want to apologize. Nanunugod talaga si Luna sa mga lalaking ngayon lang niya nakita. Man hater kasi siya.”

“Don’t give me that crap!”

“Ganoon talaga ang pusa ko. Kung ayaw mong maniwala, sana maniwala ka na lang na tinanggap kita dito bilang bisita ko nang maayos. At ginawa ko ang lahat ng inaakala kong dapat ugaliin ng isang host.”

Ngumiti ito nang pauyam. “So this is your version of hospitality. Na palalabasin mong isang haunted house ang bahay mo at ikaw mismo magpapanggap ng multo para magtaboy lang ng bisita.”

“Hindi kita itinataboy,” pagtatama niya. “Hindi rin ako nagkukunwaring multo. Kung anuman ang nakita mo sa akin kanina, parte iyon ng pagkatao ko. I am a horror graphic novelist, Deive. At kasama sa internalization ko ang pagsusuot ng iba’t ibang costume para mas maramdaman ko ang mga characters ko at istorya ko.”

Naningkit ang mata nito. “Try another one. Di ako naniniwala.”

“Iyon ang totoo. Nang unang gabi mo dito nang akala mo white lady ako, iyon ang ginagawa kong novel.” Inabot niya dito ang ilan sa mga drawing niya. “Sa hatinggabi din ako nagsusulat. Doon mas malaya ang utak ko. At kahit na di ka pa dumating, I usually play piano in the middle of the night.”

Napangiwi ito habang tinitingnan ang mga drawing niya. “Creepy!”

“It is a part of an artist that most people won’t understand.”

“Pero iniisip ng mga tao sa bayan na mangkukulam ka, may sumpa, etcera. Doesn’t it bother you?”

“It is okay to be abnormal as long as you are not bothering the rest of the world. Kung natatakot sila sa akin, mas masaya. Di ko hilig makisalamuha sa mga tao. Ganoon din sina Luna at Marina. Dito kami mas komportable. Na di kami kailangang husgahan.”

Ipinilig nito ang ulo. “I don’t know. Everything is just… weird. Na may taong mas gustong mamuhay na parang multo kaysa mamuhay nang normal. And you are too pretty. Bakit kailangan mong magmukhang nakakatakot?”

Matalim niya itong tiningnan. “Ganda? Hindi naman iyon importante sa akin. Hindi mo kailangan ng kagandahan sa ganitong klaseng lugar.”

“Hindi ka naman siguro mangkukulam o miyembro ng kulto?”

Malungkot siyang ngumiti. “Sabi na nga ba’t iyan din ang iisipin mo. No, I am not. Wala akong planong manakit ng ibang tao. That’s why you will never understand. Kaya din siguro gusto ni Lolo na mag-asawa ako. Ayaw ng lolo ko na mag-isa siguro ako habambuhay. Kaya kung di ko pakakasalan ang lalaking gusto niya para sa akin, mawawala ang mansion sa akin. And you are my only chance to get Villa Celesta. Oras na mawala ito sa akin, di ko alam kung saan pa kami pupunta nina Luna at Marina.”

“Ibig sabihin, parang nagpapanggap ka lang sa akin kapag maganda ang ayos mo katulad ngayon?”

“You won’t even look at me without saying a prayer if I look like a witch or a ghost, right? Ayoko rin namang mapahiya si Lolo kapag nakita mo ang totoong ako.”

“Pero ngayong alam ko na, sa palagay mo ba pakakasalan pa kita?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.