IPINAGTIRIK ng kandila at inalayan ng taimtim na dasal ni Callea ang puntod ng Lolo Leandro at Lola Celesta niya sa underground cemetery ng Nagcarlan. Kasama ang mga ninuno niya sa mapapalad na nailagak sa sikat na underground cemetery na ginawa para sa mayayamang pamilya ng Nagcarlan.
Tumalilis siya agad matapos ang misa. Nakagawian na niyang dalawin ang mga yumaong ninuno lalo na ang Lola Celesta niya. Bukod sa mansion ay sa ganoong uri ng lugar lang siya nakakatagpo ng katahimikan.
Nakarinig siya ng kaluskos. Parang may taong nakatayo sa tabi niya. Nang dumilat siya ay katabi niya si Deive at nagdadasal din. Di niya maialis ang tingin sa guwapo nitong mukha habang nakapikit at nagdadasal. He looked so peaceful. Panatag ang loob niya habang mabilis ang pintig ng puso niya. Umangat ang kamay niya para haplusin ang pisngi nito pero bigla itong dumilat at lumingon sa kanya. Pinagsalikop agad niya ang palad at matiim na pumikit at nagkunwaring nagdadasal.
Ito naman ang tumitig sa kanya. Her heart was beating painfully. Lumipas ang ilang Segundo nang pinipigilan niya ang paghinga. Why don’t he just leave her in peace? Bumiling siya ng hanggang sampu at saka pinakawalan ang hininga. Nang dumilat siya ay nakangiti ito sa kanya.
“Kanina pa kita hinahanap. Ang bilis mong nawala pagkamisa. Akala ko umuwi ka na,” wika nito at inayos ang belo niya.
Napaurong siya dahil akala niya ay aalisin nito ang belo. “Paano mo nalaman na nandito ako?”
“Sinabi ng sakristan na dito ka tumutuloy pagkasimba.”
“Mas gusto ko dito dahil tahimik. Dito nakakausap ko ang mga mahahalagang tao na wala na sa akin. Ang mga lolo at lola ko na wala na, ang magulang ko pati ang kaibigan ko,” mahina niyang usal. “Puntahan mo na ang Lindsye mo.”
“Paano naman ang Callea ko?”
Sinibat niya ito ng matalim na tingin. “I am not yours!”
Nainis siya dahil pumapalakpak ang puso niya. Di siya magpapadala sa simpleng salita lang. Nakita niya na mas gusto nitong kasama si Lindsye.
HIndi ito natinag at inalalayan siyang umupo sa bench na naroon. “Bagay sa iyo ang pangsimba mo. Mas magandang tingnan dahil luma itong simbahan. Dapat siguro sa susunod mag-Barong Tagalog din ako para partner tayo.”
“Baka layuan ka rin ng mga tao at isiping nasisiraan ka ng bait.”
“Hindi masamang buhayin ang pagiging makabayan, di ba?” Ginagap nito ang kamay niya. “After all, you will be my bride.”
“Hindi mo ako pwedeng hulmahin sa babaeng gusto mo. This is me. Kung di mo ako kayang tanggapin, ngayon pa lang kausapin mo na ang lolo mo. Sabihin mo na ibang babae na lang ang piliin niya para sa iyo. He will like Lindsye.”
“Aaminin ko na na-shock ako nang malaman kong weird ang mga preference mo. Hindi ako sanay mag-handle ng ganoong klaseng babae. Mas gusto ko iyong babae na kaiinggitan ako ng mga kaibigan ko dahil maganda at sexy. Iyong di ko kailangang magpaliwanag sa mga tao kung bakit kakaiba siya. And I tried to transform you into that woman because I thought it is best for you… for us. But I was wrong. Dapat nirespeto ko ang katauhan mo.”
“Hindi naman kita masisisi kung aayawan mo ako. It is human nature. We like what’s pleasing to our eyes. Kinatatakutan natin ang mga bagay na madilim. Maiintindihan ko kung pipili ka ng ibang pakakasalan.”
Umiling ito. “No! I still want to marry you.”
“YOu don’t really have to. Kami na ni Lolo ang maghaharap tungkol sa Villa Celesta. Hindi ako karapat-dapat para pakasalan mo o ng kahit sinong lalaki.”
“No! We are in this together. Okay lang sa akin kahit na maglakad-lakad ka sa bahay nang duguan o mukhang zombie. Hindi ako mahihiya na kasama ka. Kung gusto mo mag-costume din ako para hindi ka mailang…”
“Baka pati ikaw itakwil ng lolo mo.” But she appreciated that he was trying to compromise with her. Ginagawa nito ang lahat para sa kanya kahit na di iyon ang nakasanayan nito. “Deive, kung dadating ang lolo mo pwede akong humarap sa kanya nang nakaayos. Ayoko lang magmukhang maganda sa harap ng maraming mga tao. Natatakot ako.”
“Hindi kita pipiliting maging maganda kung ayaw mo. You can do whatever pleases you. Di ka pwedeng magkunwari habambuhay. Mas mapapasama pa tayo kapag nalaman ni Lolo na nagkukunwari ka lang, di ba?”
“Pero hindi ba masyado iyong malaking pabor para sa akin?” Marami itong isasakripisyo para sa kanya. “Anong kapalit nito?”
Inangat nito ang belo niya at tiningnan ang mga mata niya. “I want you to smile for me. Kahit na mukha kang bampira o aswang, ngumiti ka lang.”
“Ngiti lang?”
Tumango ito. “Yes.” He tipped her chin with his finger. “Mula ngayon.”
Unti-unting umangat ang gilid ng labi niya pero parang nanigas na ang muscles sa mukha niya dahil sa lapit ng mukha nito sa kanya. Magka-share na sila sa belo. Pakiramdam tuloy niya ay ikakasal siya at inangat nito ang belo niya para halikan siya. Napalunok siya nang tumitig ito sa labi niya.
Nabasa nito ang iniisip niya at inangkin ang labi niya. A fierce hunger awakened inside her. As if kissing him something she had been wanting all her life. Nawala na ang lahat ng kaibihan sa pagitan nila. It was just the two of them melting together as one.
Bigla silang naghiwalay ni Deive nang may tumikhim. Nang lumingon sila ay ang paring destino ang nakatayo sa may entrada ng underground cemetery. “May mga bisita tayong dumating, mga bata.”
Saka nila narinig ang mga turistang pababa ng hagdan. Di siya makatingin nang diretso kay Deive. Maingat nitong itinakip ang belo sa mukha niya. But she caught a glimpse of his mischievous smile.
“Pasensiya na po,” sabay nilang wika ni Deive.
Nakasalubong nila ang mga turista. “Wow! Ang ganda naman ng suot niya,” sabi ng matandang pinaka-head ng mga turista. “Siya ba ang tourist guide?”
Sinenyasan siya ng pari. Kailangan niyang bumawi dito dahil nahuli sila ni Deive. Pinisil ni Deive ang kamay niya. “Hihintayin kita dito.”
“PWEDE ka palang maging tourist guide. Parang walking history book ka. Ngayon ko lang naintindihan ang significance ng lugar na iyon. Wala kasi akong hilig sa mga historical landmarks. Mas gusto ko ang mga modern na lugar.”
Pauwi na sina Deive at Callea mula sa underground cemetery. Nakatuwaan kasi sila ng mga tourist at ayaw agad silang pauwiin. Nagsunod-sunod pa kasi ng dating ang mga bisita kaya natagalan sila. Nangako pa ang mga ito na babalik basta siya pa rin ang magga-guide. Hapon na nang makarating sila.
“Kabisado ko na ang bawat istorya sa underground cemetery pati na ang mga katatakutan. Siguro parte iyon ng pagiging writer. Dapat may alam ako sa history ng isang lugar para mas magamit ko sa istorya ko kasama na pati ang mga namatay. That’s why I am drawn to creepy places. At alam ni Padre na nag-e-enjoy akong magkwento tungkol sa history at sa mga katatakutan.”
Tumango ito. “You look great. Mas maganda ka pa kanina kaysa nang ipa-salon kita. Mas komportable ka sa sarili mo. Just stay that way.”
“Thank you.” Di na siya nag-aalinlangan na makasama ito. Tanggap na nito ngayon kung sino siya. And that makes her feel so good.
“May DVD collection ako ng mga bagong Asian horror. Manood tayo.”
Pumalakpak siya. “Sige! Matagal na nga akong di nakakanood.”
Sa palagay niya ay babalik na rin ang gana niyang magtrabaho matapos iyon. Wala na siyang alalahanin tungkol kay Deive.
Papasok sa Villa Celesta ay may napansin silang dalawang sasakyan na nakaparada sa harap. Itinigil ni Deive ang sasakyan at lumapit. Lumabas ang apat na nagguguwapuhang lalaki at tinapik sa balikat si Deive.
“Pare, kanina ka pa namin hinihintay. Di matawagan ang cellphone mo,” angal ng pinaka-cute sa grupo. Dinalaw si Deive ng mga kaibigan nito?
“Galing ako sa underground cemetery kasama si Callea. Walang signal doon.”
Tiningala ng lalaking kasing tangkad at kahawig ni Deive ang mataas na gate. “Ito ang Villa Celesta? Mas mukhang haunted house, Kuya. Tumagal ka dito?” Baka iyon ang nakababatang kapatid ni Deive na si Keiran.
“Kanina pa kami nagdo-doorbell. Walang tao,” anang pinaka-seryoso sa apat.
“Nasaan na ang future bride mo, Kuya?” tanong ni Keiran.
Di siya natinag sa pagkakaupo nang buksan ni Deive ang pinto at inalalayan siyang bumaba. “Gusto ka nilang makilala.”
“Sigurado ka?” Ipapakilala siya nito sa mga kaibigan at kapatid nang iyon ang itsura? Hindi niya inaasahan ang pagdalaw ng mga ito. Sana ay nag-ayos siya.
Tumango ito. Hinawakan ni Deive ang balikat niya mula sa likuran para di makatakas. Naramdaman siguro nito na naiilang siya. “Guys, this is Callea.” Ni hindi nito tinanggal ang belo niya. “This is Keiran.” Itinuro nito ang kapatid. Sumunod naman ay ang mga kaibigan nito. Si Lucian ang seryoso sa apat. Si Averill ang palangiti at si Sidney naman ang mahilig magpa-cute pero nang mga oras na iyon ay namumutla na.
Kinamayan siya ng apat. Bagamat may bakas ang pagtataka sa mukha ng mga ito ay binati naman siya. Nang si Sidney na ang kamayan niya nanlalamig na ang kamay nito.
“Adios patria adorada,” nakangiti nitong sabi pero nanginginig ang boses. “Di na kami mang-aabala pa at mahirap gabihin.” Binitiwan agad nito ang kamay niya at bumaling kay Deive. “Aalis na rin kami.”
Kinawit agad ni Deive ang braso nito sa leeg ni Sidney at kinaladkad papasok sa kotse nito. “Mamaya na. Dito na kayo maghapunan. Masarap magluto si Callea.”
“Ayos! Kanina pa ako gutom!” sabi ni Lucian na mukhang walang pakialam kung mukha siyang sinaunang white lady at haunted house ang bahay niya.
Nagkanya-kanyang sakay na ang tatlo sa kotse ng mga ito habang kinakalampag naman ni Sidney ang windshield sa backseat ng sasakyan. “Guys, magsimba muna tayo. Balik na lang tayo dito mamaya. Baka mamatanda tayo.”
Di niya maiwasang matawa. Pati si Deive ay humalakhak. Mukhang mahilig sa katatakutan si Sidney. “Don’t worry. Nakapagsimba na kami ni Callea kanina. Parang naisimba na rin kita, dude!”
Tinanggal niya ang belo at nilingon si Sidney. “Welcome to Villa Celesta!”