Isinaklob ni Callea ang lace na belo sa ulo at itinabing sa magandang mukha. Suot niya ang pangsimba na Maria Clara cut. Puti ang buong damit niya pati ang belo. Hanggang sakong ang saya niya. Mukha pa rin iyong bago ang damit dahil iniingatan niya. Hindi iyon babagay sa modernong damit ng ibang magsisimba. Katatakutan na naman siya. And Deive would be horrified if he sees her.
Ngayon na lang ulit siya lalabas ng kuwarto para magsimba. She’d been sulking for days, trying to heal the wound that renewed. Magsisimba lang siya at gusto pa rin niyang magmukmok pagbalik.
It was Deive’s fault. He was taking over her house. He was taking over her life. Wala siyang balak na makaharap ito sa loob ng ilang araw na dadating.
Wala itong alam sa mga pinagdaanan niya. Gusto niyang kimkimin na lang iyon. Hindi lang niya alam kung paano pa siya mamumuhay ng normal. May kasunduan pa sila. Isa sa mga araw na ito ay kailangan nilang magharap. At kung itutuloy pa rin nila ang kasunduan nila, kailangang malinaw na ang mga patakaran nila. But never would she give up her individuality.
Kinatok siya ni Marina. “Señorita, baka mahuli na kayo sa misa.”
Sumilip lang muna siya para tingnan kung may kasama ito. “Sila Mang Lito?” Ang pamilya nila Mang Lito ang kasa-kasama niyang magsimba.
“Darating na siguro sila. Hintayin mo na lang sa gate.”
Lumabas siya ng kuwarto nang matiyak na walang ibang tao sa labas. “HIndi ka ba sasama sa aking magsimba?”
“Dito na lang ako magdadasal sa bahay.Ayaw akong makita ng taong-bayan.”
Naranasan ni Marina na ipagtabuyan palabas ng simbahan at sabihang malas at kampon ng kadiliman. Nakakatawa kung paanong ang mga taong sumasamba sa Diyos na dapat ay umaktong sibilisado ay napakadaling manghusga sa mga taong iba ang itsura. Di lang siya maitaboy ng mga iyon dahil malaki ang donasyon ng pamilya niya sa simbahan. Pero di na niya mayayaya pa si Marina na sumimba.
Nadaanan niyang sarado pa ang kuwarto ni Deive. Siguro ay tulog pa rin ito. Ayon kay Marina, nagpakapuyat ito sa movie marathon sa entertainment room. Kaya marahan lang ang lakad niya para di ito magising.
“Hindi mo ba yayayaing magsimba si Señorito Deive?” tanong nito.
“Kung magsisimba siya, sana di siya nag-movie marathon. Aalis na ako.”
Mas makakapagsimba siya nang matiwasay kapag wala si Deive sa paligid. Mabuti pang matulog na lang ito. Natatakot pa rin siya. Paano kung pilitin na naman siya nitong magpaganda at iparada sa harap ng maraming mga tao?
Nakarating siya sa gate ng Villa Celesta nang di pa rin namamataan ang owner nila Mang Lito. Gusto niyang maaga sa simbahan para makapili ng lugar habang wala pa halos tao.
Niyakap niya ang sarili nang umihip ang malamig na hangin. Gusto na talaga niyang makarating ng simbahan. Di na siya tatagal at magyeyelo na siya doon.
Nagulat siya nang biglang may magpatong ng shawl sa balikat niya. “Malamig ngayon. Di ka dapat lumalabas ng walang shawl.”
“Deive! Anong ginagawa mo dito? Tulog ka pa, di ba?”
Inunat nito ang dalawang kamay paitaas. “Hindi na ako nakatulog. Excited akong magsimba. Halika na!”
She was tricked. Kasabwat pa nito si Marina. Hindi niya iyon inaasahan. At lalong hindi niya napaghandaan na makita ang kaguwapuhan ni Deive.
Tinanggal niya ang shawl sa balikat at ibinalik dito. “Salamat na lang. Sila Mang Lito na ang kasabay kong magsimba. Mauna ka na kung gusto mo.”
Pumalatak ito. “Hindi makakarating sila Mang Lito. May dadalawin daw silang kamag-anak sa Pagsanjan. Kung pwede samahan na lang kitang magsimba.”
“Ano?” Kung ganoon ay hindi lang si Marina ang kasabwat nito kundi pati si Mang Lito. Alam naman ni Mang Lito na ayaw niyang makita si Deive. Tapos kay Deive pa siya pasasamahan. Naglakad siya palayo. “Magsisimula na lang akong maglakad pasimbahan ngayon.”
Walang magpapasakay sa kanya kahit na tricycle pa o jeep. Kinatatakutan siya sa lugar na iyon at iniisip na miyembro ng kulto kahit pa nagsisimba.
“Sumakay ka na!” At itinuro nito ang sasakyan nitong nakaparada sa di kalayuan. Ni di niya napansin na wala iyon kanina sa garahe.
Tuloy-tuloy lang siya sa paglakad. “Salamat na lang.”
“Kung maglalakad ka, anong oras ka na makakarating ng simbahan? Baka magsisimula na ang misa noon at marami nang mga tao.”
Bigla siyang natigilan sa paglalakad. Iyon mismo ang iniiwasan niya. Pagdating niya ay marami nang tao. Maiilang siya at baka magtatakbo lang siya palayo. Di tulad kapag nauna siya, mararamdaman lang niya ang tinginan ng mga ito pero di makikita ng mga ito ang mukha niya kundi likod lang niya. That was just fine. Kaya niyang magkunwari na walang ibang tao doon.
“Sige. Sasakay ako pero huwag mong isiping utang na loob ko ito sa iyo.”
“Sure! You are the boss,” anito at tumakbo para maipagbukas siya ng pinto. Pasakay siya nang ibalabal pa rin nito ang shawl sa kanya. “Malamig ngayon at mahirap na kung magkakasakit ka, boss.”
Hinapit niya ang shawl sa sarili at umupo sa tabi ng driver’s seat. Muli ay di niya utang na loob ang shawl na iyon. Mukhang bumabawi sa kanya si Deive. Akala nga niya ay pupwersahin na lang siya nito basta para magkausap sila o kaya ay uuwi na lang ito sa Maynila at susukuan siya. Instead he was trying to charm her. Kung ibang babae siguro ay madali nitong palambutin pero hindi siya.
“Nakakakain ka bang mabuti sa kuwarto mo? Nakakatulog ka bang mabuti? Nag-aalala ako kasi baka may sakit ka na. Di man lang kita nakikita.”
Di siya nagsalita o nilingon man lang ito. Hayaan niya itong kausapin ang hangin. Ano ngayon dito kung magkasakit siya? Nakokonsensiya ito?
Hindi ito na-discourage at nagpatuloy sa pagsasalita. “Dinalaw ko iyong mga paniki mo sa attic. Baka kasi nami-miss ka na nila. Kailan mo daw ba ulit sila dadalawin? Doon ka lang kasi lagi sa kuwarto mo.”
Pasimple niya itong sinulyapan. Kinakausap nito ang mga paniki sa attic? Nasisiraan na ba ito ng bait para makipag-usap din sa mga paniki? O sa sobrang pagka-bore nito ay pinatulan na nitong kausapin pati ang mga paniki.
Naningkit ang mga mata niya sa huling ideyang naisip. Baka naman pati mga paniki ay gusto nitong maka-alyansa at nang pagtaksilan siya. Ang mga katiwala, si Marina at maging si Luna ay kakampi na nito. Di pa ba ito masaya?
Natahimik lang ito nang makarating na sila sa simbahan. Mangilan-ngilan pa lang ang tao noon. Tama lang ang desisyon niyang makisakay kay Deive. Although it was an ordeal, she survived. Siguro ay mato-tolerate niya ang presensiya nito habang nagmimisa. Huwag lang itong maging distraction. Lagot ito sa kanya.
Di pa nakakababa si Deive ng kotse ay may babae nang kumatok sa bintana at kumakaway dito. “HI, Deive!” maarteng bati ng babae.
“Hi, Lindsye! Ang aga mo naman.”
“Kanina pa kasi kita hinihintay, eh!” anang babae at pinapungay ang mata. “Alam ko kasi na magsisimba ka.”
Tumaas ang kilay niya nang makita ang suot nito. Naghuhumiyaw ang dibdib nito sa sleeveless na blouse na may plunging neckline. It was a sultry red dress again. Lagi namang iyon ang isinusuot nito kapag nagsisimba. Mas mukha itong mamimingwit ng lalaki kaysa magsisimba.
Kilala pala ito ni Deive. Akala niya ay nabuburo lang si Deive habang nakokonsensiya sa mga ginawa nito sa kanya. Sa halip ay mukhang nagsasaya ito at nakikipagkilala kung kani-kaninong babae para malibang.
Bumaba siya ng kotse at pabalabag na isinara ang pinto. Saka malalaki ang hakbang na tinungo ang pinto ng simbahan.
“Callea, wait! Huwag mo akong iwan!”
Naramdaman niya ang pag-agapay ni Deive sa paglalakad niya. “Thank you for the ride. Pwede na ba akong magsimba nang maayos?”
“Oo naman. Basta dito lang ako sa tabi mo…”
“Deive, let’s go!” malambing na sabi ni Lindsye at kumapit sa braso nito. “Ipapakilala kita sa parents ko.”
Hindi na niya nilingon pa si Deive nang hilahin ito ni Lindsye. Tama iyon. Matatahimik siya kung wala si Deive sa tabi niya. Mas bagay namang magsama ito at si Lindsye. Kahit pa may kasunduan sila, di kasama doon ang pakikipagrelasyon nito sa ibang babae basta maging discreet ito.
Pero bakit may kirot siyang nararamdaman sa puso niya? Hindi ba dapat ay matuwa siya? Pwede niyang gamiting bentahe ang pakikipagmabutihan ni Deive sa ibang babae para hindi nito pakialaman ang itsura niya.
Mas bagay si Deive sa mga katulad ni Lindsye. Magaganda, sosyal, maraming mga kaibigan at handang ipakita ang kagandahan ng mga ito.
Oras na makuha na nila ang kailangan nila ni Deive sa kasal nila, hahanap ito ng babaeng totoong magpapasaya dito. Karapatan nitong maging masaya. Habang siya ay maiiwang mag-isa sa malamig niyang mansion.