Moonlight Bride (Tagalog) Chapter 30

“We don’t need your money. I want those kids to apologize to Callea, Marina and Luna,” putol ni Deive sa panunuhol nito.

Nagprotesta ang lahat. “Bakit pati sa pusa at sa kubang iyon?”

“Kanino ba sila may kasalanan? Kung may problema kayo sa kondisyon ko, hindi mawawala ang reklamo sa kanila.”

Walang nagawa ang mga nagrereklamo kundi umalis na lang. Tuloy-tuloy na pumasok si Deive sa bahay at umakyat agad ng hagdan. Plano siguro siyang puntahan. “Deive!” tawag niya dito.

Muntik nang magkabisala ang hakbang nito nang makita siya. “Drat! Akala ko may multo sa katanghaliang tapat.” Dali-dali itong lumapit sa kanya. “Bakit bumangon ka agad? Nagising ka ba sa ingay?”

“Mabuti nga narinig ko.” Hinawakan ang dalawang kamay nito. “Thank you sa pagtatanggol sa amin nila Luna.”

“I used to be one of them, remember? Tumitingin ako sa panlabas na katauhan ng mga tao. Sabi mo nga sa isang isinulat mo, pantay-pantay naman ang tingin ng Diyos sa mga tao. Mga tao lang ang gumagawa ng sarili nilang timbangan.”

Yumakap siya sa baywang nito. “Kung ako ang humarap sa kanila, baka hindi ako makapagsalita. There are times that I feel helpless. Akala ko malakas ako kapag katatakutan ako. Pero hindi iyon sapat. Hindi lahat ng gustong manakit sa akin kaya kong takutin. Hindi ko laging maipagtatanggol ang sarili ko.”

“HIndi mo kailangang katakutan dahil kakaiba ka. Basta alam mo kung paano mo ilalaban ang karapatan mo. Hindi lang ang mga batang iyon ang tuturuan natin ng leksiyon. Pati iyong mga kamag-anak nilang makikitid ang isip.”

“Kasama si Lindsye sa kanila. Di ba crush mo iyon?”

Kinintalan siya nito ng halik sa labi. “Kahit na mag-vampire costume ka pa at sipsipin mo ang lahat ng dugo ko, mas maganda ka pa rin sa kanya.”

“Hindi naman kita ginagayuma, ah! Bolero ka lang talaga siguro.”

“I am just being true here.” Hindi na niya kinontra pa ang sinabi nito. Naramdaman niya ang sinseridad nito. She’d treasure that moment in her heart.

CALLEA was ready for a new day. Gagawin niya ang bagong chapter ng novel niya at ang bagong in-introduce na character ay ang high priestess ng isang kulto. That’s why she was wearing a black silk gown. May itim din siyang lipstick at nail polish.

Mamayang gabi ay tutulungan niya si Deive sa interior design ng pirate ship floating hotel and restaurant nito. May kanya-kanyang concept ang magkakaibigan sa design ng mga kuwarto at iba pang parte ng hotel. Deive wanted his to be rustic and eerie. At doon daw siya expert.

Natanaw niya sa poolside si Deive na nakahiga sa lounging chair at naka-robe. Looks like he was ready for a dip. Gamit na gamit nito ang pool at ine-enjoy nito ang araw. Perhaps one day she will also enjoy the sun. Nasasanay na nga siyang lumabas sa garden kahit pa umaga o tanghaling dapat. Nasasanay na siya sa araw.

Pumasok si Mang Lito bitbit ang isang kaing na mga prutas. “Saan po galing?”

“Padala ni Konsehala sa inyo ni Señorito Deive.”

Humalukipkip siya. “Mang Lito, alam ninyong di ako nasusuhulan. Hindi ko gagaanan ang trabaho ng anak niya. Magtrabaho siyang mabuti.”

One hundred hours na community service ang hiniling niya kay Winston at kagrupo nito. Bukod sa paglilinis ng mga kalye, tutulong din ang mga ito sa proyekto ng foundation ng pinsan niyang si Torque na namamahala sa mga feeding programs, night school at livelihood program para sa mga mahihirap.

“Ano po ang gagawin ko dito?”

“Ipadala ninyo sa foundation ni Kuya Torque para sa feeding program.”

May inabot na isang bouquet ng rosas si Mang Lito. “Ipinabibigay po si Miss Lindsye para daw kay Señorito Deive.”

Umabot hanggang hairline ang kilay niya. “Ah! Kay Lindsye!” Nagmartsa siya papunta sa pool side. Nasa tubig na noon si Deive at nagfo-floating. Parang sinasadya talaga nitong ibilad ang katawan. No wonder baliw na baliw dito si Lindsye. “May nagpapabigay sa iyo.” At ihinagis niya sa tubig ang bouquet.

Nilangoy ni Deive ang bulaklak. “Galing sa iyo? Thank you!”

“Hindi sa akin. Sa Lindsye mo. Ilaga mo.”

Nakangiti itong sumampa sa pool. “Nagseselos ka naman?”

“Hindi ako nagseselos!” aniya at itinulak ito.

Nakakainis! Sino ang hindi mai-insecure kahit paano sa tulad ni Lindsye? Alam nito kung paano mag-express ng nararamdaman. Maging panliligaw ng lalaki ay bihasa din ito. Habang di niya alam kung paano sasabihing gusto niya si Deive. He was within her reach but she couldn’t tell him what’s inside her heart. Kahit na binuksan niya ang puso dito, di pa niya lubusang maipakilala ang sarili.

Suminghap ito nang ilitaw ang ulo sa tubig. “Dalawang beses mo na akong ihinulog sa pool. Noong unang gabi ko dito at ngayon.”

“Hindi ko kasalanan iyong dati. Kusa kang nalaglag sa pool.”

Nagdilim ang mukha nito. “Siguro tawa ka nang tawa noon.”

“Hindi. Pero ngayon natatawa ako.” At humalakhak siya nang malakas.

Umahon ito sa pool. “Hindi ako nakaganti sa iyo noon pero ngayon pwede na akong bumawi.”

Naalarma siya nang maglakad ito palapit sa kanya. There was something dangerous about him. Hindi siya pwedeng magpahuli dito. Napahiya ito noong unang beses silang magkita at di niya alam kung nito babawiin ang pride nito.

“Deive, subukan mo lang…”

Tatakbo sana siya subalit nanigas na ang katawan niya sa sobrang kaba. Mabilis ang galaw nito at sinambilat siya sa baywang. Napahiyaw siya nang tumagos ang tubig sa katawan niya mula sa katawan nito. Sinubukan niyang pumiglas pero mas malakas ito sa kanya habang unti-unti siyang nanghihina.

“Now let me see. Ano kayang ipaparusa ko sa iyo?” tanong nito habang lumalapit ang mukha sa kanya. Fear left her and excitement rushed in her veins. Kung hahalikan siya nito bilang parusa, di siya tututol. She had been dreaming about it every minute of the day. And she wanted to taste him again.

“Sino ka at anong ginagawa mo sa pinsan ko?”

Bigla silang naghiwalay ni Deive at nagulat siya nang makita kung sino ang abala sa buhay niya. “Kuya Torque!”

Sa isang iglap ay hinablot nito si Deive at isinalya sa pader. Nagulat rin si Deive kaya hindi nakagalaw agad. Magkasing-katawan at magkasing-taas ang dalawa pero isang mabangis na tigre ang pinsan niya at si Deive ang biktima.

“Kuya, magpapaliwanag kami,” aniya nang matagpuan ang boses.

“Huwag kang lalapit sa kanila,” anang Kuya Lee niya. Nadagdagan ang sakit ng ulo niya. Akala niya ay isang pinsan lang ang haharapin niya. Dalawa pa pala.

Ano bang ginagawa ng mga ito sa Villa Celesta? Nasa abroad ang trabaho ng mga ito. Bakit nagsulputan ang mga ito na parang kabute? Ni hindi man lang niya naramdaman ang pagdating ng mga ito.

“I am Deive Hontiveros. Apo ako ni Don Jorje Hontiveros. Matalik siyang kaibigan ng lolo ninyo. At malapit na kaming ikasal ni Callea.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.