Moonlight Bride (Tagalog) Chapter 31

Lalong diniinan ni Torque ang braso sa leeg ni Deive. “Anong pakakasalan si Callea? Baliw ka ba? Ni hindi nga naglalalabas ang pinsan ko tapos pakakasalan mo.”

“At kilala ko siya,” wika ni Lee. “Kaibigan siya ni Sidney Manlapuz. He is a notorious playboy. Tiyak na sasaktan lang niya si Callea.”

Malaking problema ang kinakaharap nila ni Deive ngayon. Hindi maganda ang reputasyon nito. Overprotective ang mga pinsan niya sa kanya. Matapos ang mga trahedyang pinagdaanan niya, gustong tiyakin ng mga ito na di siya masasaktan. Magkakagiyera kapag may nanakit sa kanya.

“Ikakasal na talaga kami,” giit niya. “Hindi ba sinabi sa inyo ni Lolo?”

It was her grandfather’s plan. Dapat ay alam ng mga pinsan niya lalo na si Torque dahil ayon sa tradisyon ay ito ang dapat na magmana ng Villa Celesta.

“Walang sinasabi si Lolo sa amin,” sabi ni Lee. “Pero kahit pa alam ni Lolo, hindi kami papayag na pagsamantalahan ka ng Deive Hontiveros na iyan. Baka iwan ka lang niyan katulad ng ibang babaeng nabuntis niya.”

“Wala akong babaeng nabuntis,” tanggi ni Deive. “Can we talk about this peacefully? Hindi naman ako tatakas.”

“Talk peacefully?” Ngumisi si Torque. “Gagawin ko lang iyon kapag naibitin na kita ng patiwarik sa puno ng camachile habang umaamin.”

“Señorito Torque, nandito na po si Don Tomasino,” wika ni Mang Lito. Humihingi ito ng paumanhin na tumingin sa kanya. Mas matagal na tumira si Torque sa mansion at mas matagal nitong pinagsilbihan. Marahil ay utos ni Torque na di ipaalam sa kanya ang biglaang pagdating nito.

“Nandito rin si Lolo?” tanong niya kay Lee.

“We are surprised as well,” sagot nito at nagkibit-balikat.

“Mabuti nang si Lolo mismo ang magpaliwanag nito,” matigas na wika ni Torque. “Oras na matiyak kong pinagsamantalahan mo nga si Callea, hihilingin mo na hindi mo nakilala ang pamilya namin.”

At hinila ni Torque si Deive. Di pumalag si Deive bilang respeto na rin kay Torque. Mabuti at naroon na ng lolo nila Ito lang ang makakatulong sa kanila ni Deive. Bingi na si Torque sa mga paliwanag nila. Komplikado din kasi ang sitwasyon nila ni Deive.

Kausap ni Don Tomasino si Marina nang pumasok sila sa bahay. Nawala ang ngiti nito nang makita ang mga itsura nila. “Anong nangyayari dito?”

“Nahuli namin ang lalaking ito, Lolo. And he is molesting Callea’s innocence,” akusasyon ni Torque.

“I told you we are getting married. At hindi ko siya pinagsasamantalahan. I respect her,” giit ni Deive.

“Tomasino, hindi ba nila alam na ikakasal na sina Callea at Deive?” tanong ng lalaking kasing-edad ng Lolo Tomasino niya.

“Lolo,” narinig niyang usal ni Deive. So it was Jorje Hontiveros himself. Kung ganoon ay may iba pa silang kakampi.

“Paanong ikakasal na sila? Tingnan po ninyo ang pinsan ko. Wala iyang alam sa mundo lalo na pagdating sa mga lalaking tulad nito,” anang si Torque at pinakawalan si Deive. “Matibay ang relasyon natin sa mga Hontiveros, alam ko. But this man doesn’t deserve Callea. Hindi maganda ang reputasyon niya.”

“Mas kilala ko siya kaysa sa iyo, Kuya,” depensa niya kay Deive at kumapit sa braso nito. She saw Deive transform from the chauvinistic and self-centered man to someone who could genuinely care for someone. Nagustuhan siya nito kahit ano pa ang katauhan niya. Tinanggap nito pati ang mga kaibigan niya. “Saka matanda na ako. Kung gusto ko man siyang pakasalan, desisyon ko iyon.”

“Apo, mag-uusap tayong dalawa tungkol kay Callea at Deive mamaya. Ipapaliwanag ko lahat. Hindi ito ang tamang pagbati sa bisita natin,” malumanay na wika ng Lolo Tomas niya at sinulyapan si Don Jorje.

“Good morning po,” bati niya kay Don Jorje. “Welcome to Villa Celesta! Hindi namin inaasahan ang pagdating ninyo…”

“Ikaw ba si Callea?” tanong ni Don Jorje.

Marahan siyang tumango at inangat ang ulo. “Opo.”

Nakagat niya ang labi nang maramdaman ang nanunuot nitong titig. Saka niya naalala ang itsura niya. She was wearing a high priestess cult’s black robe. Itim ang lipstick niya pati ang nailpolish. Bagamat nakapony ang buhok niya ay tumatakip sa mata ang bangs niya

It was not exactly the image that she wanted Jorje Hontiveros to see. Hindi niya inaasahan ang pagdating nito kaya di niya napaghandaan.

At hindi niya gusto ang pakiramdam niya lalo na nang mariing nagdikit ang labi nito at itinuktok sa marmol ang tungkod.

“Tomasino, mag-usap tayong dalawa.”

HINIHIPAN ni Callea ang magkasalikop niyang palad na nanlalamig. Mainit ang araw sa labas pero parang nagyeyelo siya mula paa pataas. Nasa library sina Tomasino at Don Jorje habang pinag-uusapan ang kinabukasan nila ni Deive. Kung may kinabukasan pa silang dalawa.

Umuwi pala sina Torque at Lee para sa nalalapit na death anniversary ng mga magulang nito. Dalawang linggo pa bago iyon pero gusto nang paghandaan ng dalawa. Inagahan din ng Lolo Tomasino niya ang pag-uwi para sa naturang okasyon at para kumustahin silang dalawa ni Deive.

Nilingon niya si Deive na nakaupo sa kabilang dulo ng sofa. Malungkot ang mga mata nito pagmasdan siya. As if he was waiting their impending doom.

Pilit siyang ngumiti pero may lungkot sa mga mata nila. Nasa pagitan nila ang Kuya Torque niya na nakahalukipkip at nagsilbing guwardiya nila. Ni hindi nila magawang mag-usap na dalawa.

Bigla nilang inalis ang tingin sa isa’t isa nang tumikhim si Torque. “Hindi ko pa rin alam kung bakit nagawa ni Lolo na itaya ang Villa Celesta para lang pakasalan mo ang lalaking ito.” At itinuro nito si Deive.

“Gusto lang niyang maging normal ang buhay ko,” sagot niya.

“And that’s okay with you?” tanong ni Torque sa mataas na boses. “At sa palagay mo maaayos ang buhay mo kasama ang lalaking ito? Pareho lang kayong napipilitan sa kasunduan na ito. You don’t deserve this.”

“Kuya, kahit magpaliwanag ako sa iyo hindi mo rin ako maiintindihan.” Kokontrahin lang nito anumang maganda sa relasyon nila ni Torque.

Kinuyom niya ang palad. Sana ay nasa tabi niya si Deive para hawakan ang kamay niya. Gusto niyang hawak nito ang kamay niya habang hinihintay nila ang hatol sa kanila. Bago pa tuluyang mawala sa kanila ang lahat. And she could feel that same energy from him. They already have a connection that was forged by their pact. Her colorful days with him were almost over.

She didn’t want to end things this way. Sila lang ang magkakampi sa laban habang pakiramdam nila ay napaglaruan sila ng mundo.

“The deal is off, Tomas.” Mataas ang tono ni Don Jorje nang lumabas ng library kasunod ang Lolo Tomas niya. “Wala nang mangyayaring kasalan.”

Iyon nga ang inaasahan niya. Hindi magugustuhan ni Don Jorje ang tunay na siya. Nanakit ang dibdib niya nang matiim siyang tiningnan ni Don Jorje.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.