“MAY anim na kuwarto sa second floor at meron ding attic. Anim ang anak ni Don Leandro, ang lolo sa tuhod ni Señorita Callea. Pero lumipas ang panahon, wala nang tumira sa bahay na ito dahil pinili ng mga apo niya at anak na manirahan sa ibang lugar. Ang iba ay nangibang-bansa pa nga. Si Señorita Callea lang piniling manirahan dito.”
Napalunok si Deive habang paakyat sa grand staircase. Sinamahan siya ni Marina papunta sa second floor kung saan naroon ang kuwarto na tutuluyan niya. Parang isa itong tourist guide. Mukhang kapag tinanong niya ito tungkol sa bawat parte ng bahay ay may maiku-kwento ito.
Pakiramdam niya ay bumalik siya noong 1920’s nang itayo ang naturang bahay. Luma rin pati ang mga muwebles. But the place gave him creeps. Parang anumang oras ay may gugulong na pugot na ulo o kaya ay white lady.
Natigilan siya sa kalagitnaan ng hagdan nang makita ang painting ng isang babaeng nakasuot ng puting ballgown. Sa lahat ng dekorasyon sa mansion, iyon ang nakakuha ng atensiyon niya. Buhay na buhay kasi ang pagkakapinta. Kahit ang itim na pusa na kandong nito ay nakapangingilag ang matalim na berdeng mata.
“Sino siya?” tanong niya kay Marina.
“Si Doña Celesta, asawa ni Don Leandro,” wika ni Marina. “Siya ang kamukha ni Señorita Callea. Ang mga nakakakita sa kanya iniisip na nabuhay si Doña Celesta. Sa kasamaang palad, namatay siya sa panganganak kay Don Tomasino dito mismo. Nagdalamhati sila ng lubos dahil doon. Mahal na mahal siya ni Don Leandro.”
Iniwas niya ang mga mata sa painting. Nararamdaman niya ang mga mata ni Doña Celesta sa kanya. Parang alam nito kung ano ang tunay niyang pakay sa pagtapak sa mansion. He felt guilty in a way. Itinayo ang bahay na iyon para sa dalawang taong nagmamahalan at sa bunga ng pagmamahalan ng mga ito. Habang naroon siya at pakakasalan ang isang Lopez para sa pansarili niyang interes.
His room was simple yet elegant. Isang malaking four-poster bed ang nasa gitna ng kuwarto. May dalawang lamp sa magkabilang gilid. May replica painting din ni Botong Francisco sa ulunan ng kama. Wala halos modernong kagamitan bagamat may kabitan naman ng kuryente.
“Kung gusto ninyong manood ng TV, meron sa entertainment room sa baba. Mas gusto ni Don Tomasino na magkasama-sama ang buong pamilya kung manood ng TV o kaya ay makikinig ng musika. Kaya kung manonood kayo, makikisalo kayo kay Señorita Callea.”
Tipid siyang ngumiti. “Walang problema. Nasaan pala ang kuwarto niya?”
“Nasa dulo nitong pasilyo. Pero ayaw niyang gagambalain siya.”
Tumango-tango siya at umupo sa kama. Ayos! Nasa malapit lang pala ang pagkaganda-gandang babaeng pakakasalan niya. Wala siyang planong pasukin ang kuwarto nito dahil wala pa siyang pinilit na babae. Maliban na lang kung ito ang papasok sa kuwarto niya.
Hinila agad siya ng antok. Malambot kasi ang kama at malamig din ang hangin. Naririnig din niya ang huni ng mga kuliglig. O maaring ang malamlam na ilaw mula sa makalumang silk cocoon lamp ang nagpaantok sa kanya.
Kadalasan ay itse-check pa niya kung naroon ang lahat ng pangangailangan niya pero pinili niyang sumandal sa kama at pumikit.
“Gusto ninyong ipag-empake ko kayo, Señorito?”
Iwinaksi niya ang kamay habang nakapikit pa rin. “Mas gusto kong magpahinga. Maraming salamat, Marina.”
He had never been so at home before. Nawala ang kilabot na kanina ay nararamdaman niya. He felt better in that room than own condo or any elegant hotel in the world. Kahit nga sa lumang bahay ng mga Hontiveros sa Camarines ay di naman siya parang ipinaghehele. Basta gusto na niyang matulog.
“Sabihin na lang ninyo sa akin kung may kailangan pa kayo, Señorito.”
Dumilit siya at tipid na ngumiti. “That would be all. Goodnight!”
“Señorito, kung anuman ang marinig ninyong ingay sa hatinggabi, huwag na lang ninyong pansinin. Huwag din kayong lalabas ng kuwartong ito.”
At marahang sumara ang pinto pag-alis nito. What did she mean by that?
Wala siyang pakialam sa ingay. Tiyak na magiging mahimbing ang tulog niya. And for the first time, he had a good night’s sleep that he never had for years.
MABILIS ang hagod ng kamay ni Callea sa papel. Nakasubsob siya sa drawing table at isang maliit na lampara lang ang ilaw. The rest of the room was pitch dark. Tahimik ang paligid dahil magha-hatinggabi na. Tanging huni ng mga kuliglig at panggabing hayop ang maririnig.
Walang mag-iisip na kuwarto iyon ng isang magandang dalaga. Nakadikit sa dingding ng kuwarto niya ang iba’t ibang painting at sketches ng mga nakakatakot na nilalang. Parang buhay ang mga kalansay na nakatayo sa magkabilang gilid ng mesa niya. Ang lalaki ay nakasuot ng pang-piratang costume at may espada pa sa tagiliran. Habang ang babae naman ay nakasuot ng pangkasal.
At siya ay nakasuot ng mahabang puting nightdress. Nakalugay ang mahaba niyang buhok at bumabagsak ang ilang hibla sa noo niya. Nanunuot sa ilong niya ang amoy ng dugong naka-mantsa sa damit niya. Hindi siya si Callea nang mga oras na iyon. She was Althea, an avenging white lady.
Unti-unting nabuo ang imahe ng isang guwapong lalaki na nakatingala. His piercing eyes were so powerful, as if it touched her soul. Ito dapat ang nobyo ni Althea na nagpilit itong magpa-abort. Nabuo niya ang imahe ni Deive Hontiveros.
Nahigit niya ang hininga. “No!” Walang pag-atubili niyang nilukot ang papel at ihinagis sa nag-aabang na Luna na kanina pa pinaglalaruan ang mga naunang papel na nilukot at ihinagis niya. Pawang may drawing ng mukha ni Deive Hontiveros.
Binitiwan niya ang lapis sa sobrang frustration at nilingon ang paligid ng kuwarto. Nasabunutan niya ang sarili. “Bakit siya ang laging lumalabas sa drawing ko? Ayoko sa kanya! Ayoko!”
Isa siyang graphic novelist ng mga horror stories. Kadalasan ay sa gabi niya nakukuha ang mood niya. Nakikiisa sa kanya ang kadiliman at malayang dumaloy ang mga ideya sa utak niya. Pero sa gabing iyon ay parang wala siya sa katinuan.
Kanina pa siya nagsimulang gumuhit para sa bagong istoryang naisip niya. At para makuha ang mood niya, nag-aanyo siyang katulad ng mga characters na ginagawa niya. Kaya puno ang kuwarto niya ng iba’t ibang costumes at mga horror movies para gumana ang isip niya. Feel na feel niya ang costume niya bilang isang white lady na namatay matapos piliting ipa-abort ng nobyo ang dinadala. Kaya nga kumpleto iyon sa blood effects na ikinalat niya sa damit at balat niya.
She was particularly bothered tonight. Matapos makita ang kaguwapuhan ni Deive, nagkagulo-gulo ang istorya niya. Di na siya makapag-isip mabuti. Hindi na umeepekto sa kanya kung bilog man ang buwan at kumpleto ang costume niya.
“Ano ba ang kulang?” tanong niya sa magnobyong kalansay na nasa magkabilang gilid ng mesa niya. Walang sagot mula sa mga ito. Nilapitan niya si Luna na nagpapagulong-gulong sa mga bolang papel. “Luna, bakit naiisip ko pa rin siya?” Sinapo niya ang dibdib na mabilis pa rin ang pintig nang sumagi ang guwapong mukha ni Deive. “Bakit malakas na malakas ang tibok ng puso ko?”
Hindi pa siya na-excite nang ganito sa loob ng mahabang panahon. Mas interesado siya sa mga gross, nakakatakot at nakakapandiring bagay na maaring mabuo para sa mga istorya niya.
Deive was neither. He was more of a Prince Charming on a fairy tale. She hated fairy tales with a lovely princess and a handsome prince. Iyon ang tinatakasan niya. At hindi siya mahuhulog sa patibong ng mga fairy tales.
Mas ligtas siya sa mundo nga kadiliman.
Isang ideya ang kumislap sa isip niya. “Alam ko na! Mag-piano tayo.”
Nagpapalag si Luna nang bitbitin niya palabas ng kuwarto. Nangako siya kay Marina na di siya lalabas ng kuwarto sa gabing iyon nang suot ang isa sa mga costumes niya. Di siya tutugtog ng piano at manggagambala sa gabi. Pero di siya matatahimik hangga’t di niya natitipa ang tiklado ng piano. Iyon lang ang pag-asa niya para mabura si Deive sa isipan niya at bumalik ang katinuan niya.
“Huwag kang maingay, Luna. Hayaan mo akong tumugtog. Isang piyesa lang.”
At sa tulong ng liwanag ng buwan ay maingat siyang bumaba ng sala. Pag-upo niya sa harap ng piano ay dumagundong ang lumang grandfather clock na nasa tabi ng hagdan. Alas dose na ng habing gabi.
“Perfect!”