Moonlight Bride (Tagalog) Chapter 5

Nagising si Deive sa dagundong ng grandfather’s clock. Nakakabingi sa katahimikan ng gabi ang tunog niyon. Sa mga horror films, hudyat na iyon ng mga kababalaghan, ng paglalabasan ng mga white lady, mga pugot ang ulo, putol na kamay at iba pa.

Tinanggal niya ang pajama top niya at dumapa. Wala siyang pakialam kung maglabasan man ang mga iyon. Gusto niyang bumalik sa pananaginip.

Nakakatulog na siya nang makarinig siya ng tunog ng piano. Pinalagpas niya ang unang ilang notang pumailanlang. Baka naman imahinasyon lang niya iyon. Sino ang magpi-piano ng disoras ng gabi?

Di naglaon, ang iilang nota ay nabuong malungkot pero nakakapangilabot na musika. Tuluyan nang nawala ang antok niya. That song kept on ringing inside his head.

“I’ll be damned!” usal niya nang nanuot na sa balat niya ang kilabot. Naalala niya ang mga horror film kung saan mga putol na kamay ang nagpi-piano.

Pumapasok sa utak niya ang kwentu-kwentuhan sa pondohan. Villa Celesta was haunted. Walang sinumang matapang na tatagal doon.

Bumalikwas siya ng bangon. Bumaba siya ng kama at kinuha ang flashlight. Patutunayan niya na walang multo. Na likha lang iyon ng malilikot ang isip. Kung sina Callea at Marina nga ay tumatagal sa bahay na iyon nang di natatakot, lalo siya. Kalalaki nga niyang tao. Hindi siya natatakot! Kaya niyang harapin ang lahat. Di siya magpapatalo.

Marahan siyang naglakad sa pasilyo ng mansion. Malamig ang kahoy sa paa niya dahil wala siyang suot na sapin sa paa. Maaring may nagpapatugtog lang mula sa entertainment room. Sabi ni Marina ay naroon ang TV at modernong sound system. He must give credit to the entertainment system. Animo’y nasa isang piano concerto siya. Tama. Baka pampatulog iyon ni Callea.

Bibilhan kaya niya ito ng music pod para hindi siya nagugulat kapag may tumutugtog sa hatinggabi. Muntik nang maging horror ang gabi niya dahil doon.

Tama. Sound system lang iyon.

Malapit na siya sa hagdan nang tumigil ang tugtog. Napakapit siya sa barandilya nang makita ang isang babaeng mahaba ang buhok at nakasuot ng puting nightdress na palabas ng mansion.

Dali-dali siyang bumaba ng hagdan. Totoo ba ang nakita niya o imahinasyon lang niya? Bukas ang lid ng piano. Nagalaw din ang piano bench. Parang may umupo doon kani-kanina lang at gumamit ng piano.

“Luna! Luna!” anang malamyos na tinig ng isang babae.

Napalingon siya sa bukas na pinto. Nanggagaling ang boses sa garden. Humakbang ang paa niya patungo sa bukas na pinto.

Ayon kay Marina, kahit anong marinig niya ay di na niya dapat pang pansinin. Ibig sabihin ay alam nito ang misteryong itinatago ng bahay na iyon. Tutuklasin niya ang misteryong iyon. Nandito na siya. Bakit pa siya uurong?

Bumungad sa kanya ang malaking puno ng camachile. Napaurong siya. Parang mangangain kasi iyon ng tao. “Puno lang naman pala.” Anong magagawa sa kanya ng isang puno? Di naman siya nito masasaktan.

“Luna, nasaan ka na? Lumabas ka na! Huwag ka nang magtago.” Parang iiyak na ang boses ng babae sa pagkakataong iyon.

Isang anyo ng babae ang naaninag niya. Nakatayo ito sa likod ng puno. Humakbang siya palapit dito. His head was telling him to turn tail and go back to the safety of his room. Ngunit nakakaakit ang boses nito. Hinihila siya palapit dito.

Nililipad ng hangin ang mahaba at tuwid nitong buhok. Humahakab din sa katawan nito ang manipis nitong nightdress. Parang di nito iniinda ang lamig ng gabi.

Hinahaplos ng liwanag ang magandang katawan nito. How he envied the moon.

It was like a fairy tale. He had never met someone like her before who arouse his curiosity right away. O dahil hanggang ngayon ay ramdam niya ang lungkot at pag-aalala sa boses nito? Ayaw niyang nalulungkot ang mga babae o umiiyak.

“Miss, are you okay?”

Dali-dali itong nagtago sa likod ng puno. Natakot pa yata ito sa kanya. Saka niya naalalang wala siyang suot na pang-itaas. Napakamot siya sa ulo. Ngayon lang may babaeng natakot sa kanya. Mas nasanay siya na mga babae pa ang nag-uunahang lumapit sa kanya. And they couldn’t get their hands off him.

“Miss, sandali! Hindi naman ako…”

He heard a purring sound. “Luna!” anito sa masayang boses. Mukhang natagpuan na nito ang hinahanap nito. Pusa ba ang Luna na tinutukoy nito? “Hindi ka dapat lumalayo sa akin. Baka may ibang makakuha sa iyo.”

He hated cats but he wanted to see the smile on her face. Kumabila siya ng puno. Narinig nito ang yabag niya at dali-daling tumayo at nagtago sa kabila ng puno. “Miss, sandali! Hindi ako masamang tao. Huwag kang matakot.”

“Anong ginagawa mo dito?”

Marahan siyang lumapit. “Narinig ko kasi na may tumutugtog ng piano. Tiningnan ko. Ikaw ba ang tumugtog?” Wala itong isinagot. Nanatili lang nakayuko. Natatabingan ng mahaba nitong buhok ang mukha nito habang yakap ang pusa nito. Di niya maaninag ang mukha nito dahil natatabingan ng ulap ang bilog na buwan. “I am Deive. Bisita ako dito. How about you? Anong pangalan mo?”

Ang alam niya ay sina Marina lang at Callea ang nasa mansion. O may nakalimutan si Marina na banggitin sa kanya na may iba pang tao doon?

“Hindi ka dapat pumunta dito.”

Umihip ang nakapangingilabot na malamig na hangin. Nahawi ang ulap na nakatakip sa buwan at tumambad sa kanya ang anyo nito. Tumakip ang mahaba nitong buhok sa mukha nito. Nararamdaman niya ang nanunuot nitong tingin.

He was totally horrified when he saw the blood stains in front of her white nightdress. Dugo! May dugo din sa manggas nito at sa laylayan ng damit nito sa paa pero mas maraming dugo sa parteng sikmura nito. Na animo’y biktima ito ng isang malagim na krimen.

Naestatwa siya sa labis na pagkabigla. Humihiyaw ang utak niya subalit walang lumalabas na boses sa bibig niya. Ni hindi niya maigalaw ang katawan sa labis na pagkasindak.

Parang nasa isa siyang masamang panaginip pero di niya alam kung paanong gigising. Nawala na ang magandang babae na animo’y isang magandang panaginip kanina. Napalitan na iyon ng isang bangungot. Isang gising na bangungot.

Kung sasakmalin siya marahil ng babaeng multo nang mga oras ay di siya makakagalaw. At wala siyang magagawa para labanan ito.

Narinig niya ang pagsingasing ng pusang itim na hawak nito. Nanlilisik ang mata ng pusa. Bulag ang isang mata nito. Nagulat na lang siya nang talunin siya nito. Naramdaman niya ang sakit ng pagkarayod ng kuko nito sa balat niya.

“Ahhh!” sigaw niya at hinuli agad ang pusa. He really hated cats but now he hated them tenfolds specially this hellcat. Kahit na anong gawin niyang layo sa katawan niya kinakalmot pa rin siya. Natatalo siya ng isang pusa lamang.

“Luna, tama na!” saway ng babae.

Kumawala ang pusa. Dali-dali niya iyong binitiwan at nagkukumahog na bumalik sa amo nito. Naggiyagis ang mga ngipin niya. Nanggigigil siya sa pusang iyon. Oras na mahuli ulit niya, sasakalin talaga niya ito. Humihingal siya sa galit at kinuyom ang palad.

“Nasaktan ka yata ni Luna,” anang babae sa malamyos na boses. “Gusto mo bang gamutin kita?”

Natigilan siya sa paglapit nang makitang palapit sa kanya ang babae. “H-Hindi! Huwag! Lumayo ka sa akin. Huwag kang lalapit. Bumalik ka na kung saan ka nararapat. Manahimik ka na. Kayo ng pusa mo!”

Naalala niya ang mga kwentong karamihan sa mga kaluluwang ligaw lalo na ang biktima ng krimen ay di matanggap na patay na ang mga ito. Kadalasan ay nagsasama ang mga ito ng kaluluwa ng iba pang tao sa kabilang buhay para may makasama sa pagdadalamhati.

Drat! Gusto pa niyang humaba ang buhay niya. Marami pa siyang pangarap. Kung parurusahan man siya ng langit dahil masyado siya kung maka-appreciate ng magagandang babae, di dapat sa ganitong paraan. A bloody white lady with a hellcat was definitely the last on his list.

Itinaas nito ang kamay at akmang pipigilan siya. “Huwag! Sa likuran mo…”

“Huwag ka sabing lalapit!”

Naramdaman niya na wala na siyang lupang tatapakan. Lumabusaw ang malamig na tubig ng swimming pool nang malaglag siya sa tubig.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.