“BAKIT nandito ka na naman muli?”
Napakislot si Cindy nang marinig ang pamilyar na boses na iyon sa kanyang likuran. Kagaya kahapon ay naging matagumpay na naman muli sa pagpasok si Cindy sa YERS kahit close na iyon. Dumiretso sa kuwadra. Umaasa siya na makikita muli ang lalaki. Isa nga iyon sa mga dahilan niya kung bakit ginusto niya na bumalik ng YERS kahit na ba kagaya ng pagpunta niya roon kahapon, gabi na ng mga sandaling iyon. Pero hindi pa rin naiwasan ni Cindy ang magulat, lalo na nang marinig lang muli ang boses ng lalaki. May kakaibang epekto talaga ito sa kanya.
Nilingon ni Cindy ang nagsalita at hindi nga siya nagkamali. Ang lalaking tumulong nga sa kanya iyon kagabi.
Pero bago pa man nakapagsalita si Cindy, nagsalita muli ang lalaki. Nagbaba pa ito ng mukha. “Sorry. Nagulat lang ako na makita ka. Hindi ko na dapat tinatanong kung bakit ka nandito. Isa ka sa mga taong madalas dito. Nalaman ko na isa ka rin sa mga nagtuturo rito na sikat na equestrienne. Hindi naman masama kung gusto mong pumunta na lang dito,”
“Pero gabi na. Close na ang riding school. May karapatan ka na magtaka kung bakit. Hindi mo kailangang mag-apologize sa pagtatanong.”
Hindi pa rin tumingala ang lalaki. Halatang nahiya talaga ito sa inasal.
“Hindi ka dapat mahiya sa akin. Ako nga ang dapat na mahiya sa `yo dahil sa nangyari kagabi.”
“Trabaho ko ang bantayan ang stable. Trabaho ko rin ang tignan kung sino man ang pupunta upang kumuha ng isang kabayo.”
Kung ganoon ay isang stable boy ang lalaki. Ang kaibahan nga lamang, hindi na ito mukhang “boy”. Sa tantiya niya ay nasa dalawampu’t anim na ito, matanda ng dalawang taon sa kanya.
“Kung ipagkukumpara tayo sa isa’t isa, ako dapat ang mahiya. Napakababa ko kumpara sa `yo,”
Kumunot ang noo ni Cindy. “Hindi ko gusto ang sinasabi mo. Hindi ka dapat ganoon na mag-isip. Lahat ng tao ay dapat na pantay-pantay lang.” Pangarap pa ni Cindy sa lalaki. “Pero siguro, kaya nararamdaman mo iyan ay dahil naiilang ka sa akin. Hindi mo pa kasi ako kilala. I’m Cinderella Soriano pero kagaya ng madalas na gusto ko na itawag na lamang sa akin, puwede mo rin ako na tawagin na Cindy,”
“Ma’am Cindy,”
“Hindi. Just Cindy. Maliwanag ba? Mas lalo kong hindi magugustuhan kung tatawagin mo ako na may Ma’am pa. I hate formalities,” inilahad ni Cindy ang kamay.
“C-Cindy,” wika ng lalaki, bahagya pang naiilang, pagkatapos ay tinanggap ng lalaki ang pakikipagkamay niya. “Ako naman si Kit.”
Gustong matawa ni Cindy. Coincidence lang ba talaga na parehas ito ng pangalan ng lalaking prinsipe ni Cinderella sa fairy tale? Nakaramdam ng kakaibang nginig si Cindy.
“Kit,” pinilit na ayusin ni Cindy ang pagsasalita noon. Hindi niya gustong ipahalata kay Kit na nakaramdam siya ng panginginig dahil lamang sa sandaling pagdadaupang palad nila. Nakaramdam siya ng kuryente mula sa kamay nito na tila niyanig ang kanyang buong katawan. “Nice name. Ikinagagalak ko rin na makilala ka.”
“Ako rin.” Ngayon ay ngumiti na ang lalaki. Mukhang nawala na ang pagkailang nito. Pero kahit ganoon, hindi pa rin nawawala ang nararamdaman ni Cindy. Mas lalo pa nga na lumakas ang tibok ng kanyang puso nang ngumiti ito sa kanya.
Hindi naman bago para kay Cindy ang makakilala ng stable boy. Dahil nasa kabayo ang buhay niya, masasabi niya na ang ilan sa mga iyon ay nakakausap na niya madalas. Kaya ang makipagkilala kay Kit ay maliit na bagay lang para sa kanya. Hindi siya matapobre na tao.
“Bago ka rito, ano? Ngayon lang kita nakita,”
“Mag-iisang linggo na,” sagot naman ni Kit.
“Kaya. Hindi ako bumisita ng riding school noong nakaraang linggo,” nasa Cebu si Cindy para sa shooting isang shampoo commercial. Bukod sa pagiging equestrienne, paminsan-minsan ay kinukuha rin siyang modelo. Ilang beses na siyang lumabas sa commercial ng shampoo. Siya ang palaging endorser noon.
Tumango-tango si Kit. Pagkatapos ay tumingin ito sa kabayo. “Nandito ka ba muli upang sumakay sa kabayo?”
Oo, at para na rin masilayan ka muli. Tumango si Cindy.
“Kung ganoon, tignan muna natin ang mga sugat mo. Baka mamaya ay hindi mo pa muli kaya na sumakay at---“
“Hindi na kailangan. Ni hindi nga nahalata nila Daddy na nagkaroon ako ng mga sugat. I’m perfectly fine. Salamat rin sa pagtulong mo sa akin,”
“Sigurado ka? Wala ng nangyaring kakaiba mula sa pagkakahulog mo kahapon?”
“Kung mayroon, malamang na hindi na ako makakapunta pa muli roon,” tumawa si Cindy. “Nothing’s to worry about. Ni sakit ng ulo, wala akong naramdaman kahapon. Pero salamat sa pag-aalala mo.”
“Natakot ako. Medyo matagal ka rin na nahimatay,”
“Wala iyon. Isa pa, kung mayroon man na iba pang epekto, malalaman natin sa isang linggo. Naka-schedule ako para sa annual general check up ko. Pero sa tingin ko ay wala naman talaga na dapat ipag-alala. Alam ko ang sarili ko, walang masama sa akin.”
“Kung ganoon, ang pagpapatakbo mo na lang pala sa kabayo ang kailangan ko na ipangamba,”
“Ha?” bahagya pa na nagtaka si Cindy sa sinabi ni Kit.
“Baka mamaya, patakbuhin mo na naman ng wala sa sarili ang kabayo.” Paglinaw ni Kit.
“Ah. Sorry pala tungkol roon. Masyado lang masama ang loob ko kahapon kaya napatakbo ko siya nang ganoon,”
“At ngayon?”
Hindi ko masasabi, wika ni Cindy sa isip-isip. Marami ang nangyari ngayong araw na dahilan kung bakit kinailangang mapadpad na naman ni Cindy sa lugar na iyon nang ganoong oras. Pero hindi kagaya ngayong araw, kalmado naman si Cindy. Isama pa na kailangan rin niyang magpakatino dahil kailangan niya na maging positibo ang tingin sa kanya ng lalaki. Parang pakiramdam niya ay ganoon ang kailangan niyang gawin. Kailangan niyang maging isang mabuti at matinong babae. Para ganda points para kay Kit!
Ramdam ni Cindy na parang naloloka na siya dahil sa kanyang naiisip. Siya, nagpapaganda para sa isang lalaki? Ni hindi niya maisip na mangyayari iyon sa kanya. Hindi siya kailanman nagka-crush sa isang tao kaya hindi niya nagagawang lumandi ng ganoon. Minsan na rin siya na nakipag-date pero hindi niya gustong ayusin ang takbo ng utak para sa isang lalaki. Ngayon lang. Ano ba talaga ang mayroon ang Kit na ito at tila nawawala siya sa normal niyang sarili?
“Ahmm... Kapag ba niyaya kita na mangabayo sa oras na ito, sasamahan mo ako?”
“Walang problema. May CCTV na naman dito sa stable kaya kung may mangyari man na kakaiba ngayong gabi ay madali rin na malalaman ang dahilan kung bakit. Sadyang hindi na rin naman kailangan ng magbabantay tuwing gabi dahil sa mga CCTV. Napadaan lang talaga ako kahapon at ngayon kaya nakita kita,” wika ni Kit at inihanda ang dalawang kabayo para sa kanilang dalawa. Maya-maya pa ay mabagal na pinapatakbo na nila ang kabayo sa field. Nagpasalamat si Cindy na maliwanag ang buwan kaya kahit flashlight lamang ang dala nila ni Kit upang makita ang daraanan, nakikita niya pa rin kahit papaano ang mukha nito tuwing nagugustuhan niya na sumulyap rito.
“Ilang taon ka na, Kit?” sinubukang pagaanin ni Cindy ang pangangabayo nila sa pagkausap rito.
“Twenty six,” tumama ang hinala ni Cindy tungkol rito.
“A-at ang pagiging stable boy---“
“Ay ang unang trabaho ko sa Maynila,” tumingin sa kanya si Kit. “Galing akong probinsya, Cindy. Pero dahil nahihirapan akong makipagkompitensya dito sa Maynila, pinatulan ko muna ang trabaho rito. Kailangan ko ng matitirahan habang nasa Maynila na hindi gumagastos ng malaki. Hindi ko kaya. Ako ang inaasahan ng pamilya ko sa Batangas.”
“Kung ganoon, naghahanap ka pa rin ng trabaho sa kabila ng trabaho mo rito?”
Tumango si Kit. “Graduate ako ng college. Business Management. Pero dahil galing ako sa hindi kilalang college at underage na, nahihirapan akong makahanap ng trabaho. Kaya sinubukan ko muna na pumasok bilang stable boy sa panandalian. Sa pagpasok ko rito, may trabaho na ako, may libreng tirahan pa. Isama pa na noong nasa probinsya pa ako, ang pagiging stable boy ang naging trabaho ko. Isa sa mga dahilan kung bakit nakatapos ako sa pag-aaral...kahit medyo huli na. Kaka-graduate ko lang last March.”
Napakurap si Cindy sa kuwento ni Kit. “Ang galing mo naman. Talagang sinikap mo na makapagtapos ng pag-aaral.”
“Hindi madali. Dahil kailangan ko na magtrabaho habang ginagawa iyon, patigil-tigil ako.”
“Nasaan ba ang mga magulang mo? Wala ba talagang kahit sino ang sumusuporta sa `yo?”
“Matagal ng patay ang mga magulang ko. Si Mama, namatay sa isang heart disease noong sampung taong gulang ako. Si Papa naman ay noong labing anim na taong gulang ako dahil sa isang rare disease na nakuha niya mula sa ibang bansa. Pero bago mamatay si Papa, nag-asawa muli siya at mayroon akong dalawang kapatid na babae mula sa asawa niya. Kailangan ko silang suportahan dahil ako ang nag-iisang lalaki sa pamilya. Isama pa na ibinilin rin sila sa akin ni Papa noon bago siya umalis. Gusto kong sundin ang utos niya kahit---“ hindi nito tinuloy ang sasabihin.
“Kahit hindi maganda ang trato nila sa `yo?” sinubukan na manghula ni Cindy.
Bahagya na nanlaki ang mata ni Kit. “P-paano mo naisip iyon?”
“Naisip ko lang, may pagkakahawig mula sa fairy tale kung saan kinuha ang pangalan ko sa kuwento mo, Kit. Pero tama ba ang hinala ko?”
“Oo. Parang buhay ni Cinderella ang buhay ko. At ang nakakatawa pa, isa sa mga stepsisters ko ay pangalan pa mismo ng stepsister rin ni Cinderella,” bumuntong-hininga si Kit pagkatapos. “Maayos naman ang pamilya ko dati. Mabait si Mama. Maganda ang trabaho ng ama ko sa abroad. Masaya kami. Pero nang mawala sila at dumating ang stepmother at stepsisters ko, nagulo iyon. Dahil hindi magandang humawak ng pera ang stepmother ko, nawala ang savings ng pamilya ko. Walang trabaho ang stepmother ko at walang alam sa buhay ang dalawang stepsisters ko na mas bata lang sa akin ng ilang taon. Ako ang lalaki, ako ang sumubok na bumuhay sa kanila dahil sila na rin lang naman ang masasabi ko na pamilya ko, bukod pa sa pangako na binitawan ko kay Papa bago siya namatay.”
“Pero hindi kagaya ni Cinderella, hindi ka humanap ng isang prinsesa para umangat sa buhay.”
“Hindi ako isang prinsesa. Lalaki ako. Ako dapat ang nagliligtas. Ililigtas ko dapat ang prinsesa, hindi siya ang magliligtas sa akin. Kaya sinikap ko na makapagtapos kahit papaano. Pero hindi ganoon kadali ang buhay. Lalo na sa Maynila. Napakahirap makipagkompitensya,”
Naiintindihan niya si Kit. Sadya naman na mahirap na makahanap ng trabaho. Kaya kung tutuusin, masuwerte pa rin sa buhay si Cindy. Hindi kagaya ni Kit, hindi na niya kailangan pang magpakahirap humanap ng trabaho. Ibinibigay na sa kanya... ngunit inaayawan naman niya.
Pero sadyang unfair ang buhay. Wala naman na magagawa si Cindy roon. Kagaya na lang rin ng wala siyang naggawa kanina nang pilitin siya ng kanyang ama at Kuya na pumasok ng opisina. Binigyan siya ng mga ito ng briefing tungkol sa gagawin niya. Buong araw iyon at buong araw rin na masama ang loob niya. Sinubukan niya na sabihin ang punto niya sa mga magulang at kapatid pero kagaya ng Lolo, hindi rin pumayag ang mga ito. Iyon ang dahilan kung bakit gabi na siya nakarating ng riding school. Nagpaalam siya sa kanyang mga magulang na mag-o-overnight sa dating kaibigan at naniwala naman ang mga ito. Pero bagkus, pinili ni Cindy na magpunta sa riding school.
Ipinilit rin niya na pumunta roon dahil gusto niya na sulitin pa ang mga nalalabi niyang oras upang bisitahin ang riding school. Alam kasi niya na kapag tuluyan na siyang pumasok sa opisina, bihira na niya na magagawa iyon. Kagaya na lamang noong mga panahong nasa training siya. Paniguradong mahihirapan siyang pagsabayin ang hobby niya sa pangangabayo at ang trabaho niya sa kompanya ng pamilya.
Wala ng choice si Cindy. Alam niya na sooner or later, bibitawan na niya ang mundo ng mga kabayo. Bibitawan na niya ang career na unang nalaman at mahal na mahal niya...
Sa mga biglang naisip ay naramdaman ni Cindy na tumulo ang luha sa mga mata niya.
“Cindy, may problema ba?” wika ni Kit. Mababakas ang pag-aalala sa mukha nito. Bumaba pa ito ng kabayo upang puntahan siya.
Umiling si Cindy. “W-wala. May naalala lang ako,”
Tinitigan siya nang mataman ni Kit. “Gusto mo ba na pag-usapan natin?”
Kaya ko na ba? Naisip-isip ni Cindy. Alam ni Cindy na hindi pa. Ayaw niya. Dahil alam niya na kapag sinabi niya kay Kit ang problema niya, pareho lang rin ang sasabihin nito at ng kanyang ama. Kahit siya rin naman ay naiisip iyon. Praktikal na gawain iyon. Pero mahal niya ang pangangabayo...
Nawawalan na si Cindy ng pag-asa na may isang tao na makakaintindi sa gusto niya dahil ang akala niyang mga tao ay sumuko na sa kanya. Pero hindi ibig sabihin noon ay hindi gusto ni Cindy na may makaramay sa kanyang nararamdaman. Bumaba siya mula sa kabayo at itinali iyon sa puno kung saan malapit sila. Ginaya siya ni Kit. Nang umupo rin siya sa ilalim ng puno ay ginawa rin nito ang kanyang ginawa.
“So...?”
Sandaling tinitigan muna ni Cindy si Kit. Dahil inilagay ni Kit ang flashlight sa itaas ng puno upang magkaroon sila ng ilaw pa bukod sa liwanag ng buwan, malinaw na nakita niya ang mukha nito. Ramdam niya na bukal sa loob ni Kit ang sinabi nito kanina. Makikita ang interes sa mga mata nito. Gusto nitong makinig sa kanya, ang pag-usapan ang kanyang problema. Wala masyadong kaibigan si Cindy at wala rin siyang maituturing na malapit niyang kaibigan kaya kahit kailan ay hindi niya naggawang magbukas ng damdamin sa iba bukod sa pamilya. Pero sa unang pagkakataon sa buhay niya, naramdaman niya na kailangan niya.
Kahit tila isang estranghero pa si Kit para sa kanya, may malaking bahagi ng puso niya na gustong magbukas ng loob rito.
Pero sa halip na magsalita, napaiyak na lang muli si Cindy. Sa pagkakataong iyon, hindi lang basta iyak iyon. Pakiramdam niya ay kailangan niyang humagulgol.
Ginawa ni Kit ang responsibilidad ng isang kaibigan. He comforted her. Sa kabila ng pagbibigay lamang niya ng iyak at hindi ng mga impormasyon, hinayaan lang siya ni Kit na sa tingin naman ni Cindy ay mas nakatulong. Kailangan niya ng pagbubuhusan ng mga luha.
Kailangan niya si Kit. Kailangan niya ng yakap nito. Gusto niya ang mga ginagawa nito.
SA PAGKAKATANDA ni Cindy, mabigat ang loob niya kagabi. Pero paggising niya ay hindi ganoon ang kanyang nararamdaman. Bagaman pakiramdam niya ay nangangalay siya, tila mabigat ang kanyang mga mata at parang may kung anong makati sa kanyang balat, ramdam niya sa dibdib na maaliwalas ang kanyang pakiramdam. Nang buksan ni Cindy ang kanyang mga mata, doon siya nagkaroon ng paliwanag kung bakit.
Nakaunan siya sa dibdib ni Kit at pareho sila na nakahiga sa damuhan sa ilalim ng puno. Kung paano na nangyari iyon ay hindi na maalala ni Cindy. Ang huling naalala lang niya ay ang pagyakap sa kanya ni Kit hanggang patuloy siya sa pag-iyak dahil na rin sa sama ng kanyang loob. Naisip niyang baka dahil na rin sa pagod, nakatulog na lang siya basta sa isa’t isa. Nakatulog sila na magkasama, magkatabi at halos...magkayakap na. Dahil sa naisip, awtomatikong nag-init ang pisngi ni Cindy. Alam niya na dapat ay mabahala siya sa nangyari, lalo na at pansin niya na nagsisimula nang bumangon ang haring araw. Buong magdamag silang magkasama nito. Pero sa halip, nagustuhan ni Cindy ang nangyari.
Nagustuhan ni Cindy ang yumakap kay Kit. Gusto niya ang pakiramdam na magkatabi sila at kung maaari nga lamang, gusto niyang sumiksik pa rito. Kung hindi lang talaga nakakahiya ay gagawin niya iyon. Pero minalas si Cindy dahil ilang sandali pagkatapos niyang naggising ay naggising rin si Kit.
Napansin niya na kagaya niya, nagulat rin ito sa natuklasan. Dahan-dahan na lumayo ito sa kanya.
“N-natulog tayo ngayong gabi na magkasama,” may halong takot na sabi ni Kit. Bahagya pa na nanlaki ang mga mata nito.
“Hindi ko rin alam kung papaano. Siguro ay dahil pagod ako at---“
“At ganoon rin ako. Pagkatapos mo na makatulog sa bisig ko dahil sa sobrang pag-iyak, inihiga kita at...nakatulog rin ako,” bumuntong-hininga si Kit. “May kasalanan ako.”
“Hey, `wag mo na palabasin na parang masamang bagay ito. As if naman na may nangyari sa atin ngayong gabi. Gawa lang ng pagod kaya tayo nagkaganito.”
“Pero nakatulog ka sa bisig ko. Hinayaan kita. Nakatulog tayo na parang magkayakap at---“
“Wala akong nakikita na masama roon, Kit.”
Tinitigan siya ni Kit nang mataman. Ganoon rin si Cindy rito. Big deal kung ituring ni Kit ang nangyari. Pero hindi ganoon ang nararamdaman ni Cindy dahil gusto niya ang nangyari.
Alam ni Cindy na mali. Dapat ay sa kanila ni Kit, siya ang magpanic. Babae siya. May mawawala sa kanya. Pero kakaiba ang nararamdaman niya kay Kit. May pakiramdam siya na hindi siya sasaktan nito. Nararamdaman niya iyon base sa pagpapahalagang ginawa nito sa kanya sa loob lamang ng dalawang araw. O ganoon ang gusto niya na isipin. Dahil alam niya na kahit dalawang araw pa lamang simula nang magkita sila ni Kit, may kakaiba na siyang nararamdaman para rito. At hindi na niya gustong itanggi iyon.
“Ang totoo niyan, gusto ko talaga ang nangyari, Kit,” nag-iwas si Cindy ng tingin. Tama ba ang ginawa niya? Ayaw niyang magsinungaling kay Kit pero alam niya na may mali. Gusto niya na mapangiwi. Siya ang unang nagtapat rito. Babae siya. Ngunit hindi na lang talaga niya gustong itanggi ang nararamdaman. Minsan sa buhay niya ay tinanong na rin niya ang sarili niya kung abnormal siya dahil hindi niya pa nararanasan ang magkagusto sa isang lalaki. Pero ngayon ay may kasagutan na si Cindy roon...
Ngayon lang dumating ang lalaki na iyon sa buhay niya kaya ganoon.
Maraming kalakip na risk ang ginawang pag-amin ni Cindy. Natakot siya dahil alam niyang maaaring hindi rin masuklian ang nararamdaman niya. Lalo na nang unti-unting pumasok sa utak niya ang reaksyon ni Kit sa mga nakalipas na araw. Ang pagkailang nito. Ang tila hindi nito ikinatuwa na pagkatabi nila na matulog...
Inasahan ni Cindy na maaaring masaktan siya. Kaya nagulat siya sa kanyang narinig. “Ganoon rin ako. Gusto ko rin naman ang nangyari....dahil pakiramdam ko ay nagugustuhan na rin kita, Cindy.”