More Than A Fairy Tale (Unofficial Series) Chapter 10

BOOK 2: MY CINDERELLA PRINCE

“BAKIT pa ba kasi kailangang mangyari ang lahat ng ito?” inis na pagkausap ni Cinderella o Cindy para sa mga nakakarami habang nasa harap ng salamin. Ngayon ay ang ika-dalawampu’t walong taon na kaarawan niya. Ngunit hindi kagaya ng mga taong madalas na nagdidiwang noon, hindi niya masasabi na masaya siya. Kahit sinasabihan siya ng mga taong nakakita na sa kanya na napakaganda niya ngayong araw, hindi niya mapuri ang sarili niya nang ganoon. Hindi niya maggawang makita ang sarili niya na maganda dahil hindi siya masaya.

Malaki ang kasiyahan na inihanda sa kanya ng pamilya niya. Isa iyong masquerade ball at imbitado ang lahat ng pamilya mula sa alta-socialidad kung saan sikat ang pamilya Soriano. Partikular na imbitado ang mga binatang lalaki mula sa pamilya. At kagaya ng lahat ng bagay, may dahilan rin kung bakit ganoon. Isa iyong paraan ng kanyang Lolo upang makahanap na siya ng mapapangasawa niya.

Kakatawang nangyayari ngayon iyon kay Cindy. Kagaya ng nasa fairy tale na Cinderella, kasama rin siya sa isang malaking ball. Ang kaibahan nga lamang ay may theme iyon at hindi siya ang mahirap na babaeng dumalo sa ball. Siya ang nasa katayuan ng prinsipe sa fairy tale. Mayaman siya at kailangang humanap na nang mapapangasawa.

Pero hindi niya iyon gusto.

Hindi niya kailangan ng lalaki sa buhay niya. Alam ni Cindy na malakas siya. Kayang-kaya niya na pamunuan ang food manufacturing na negosyo ng pamilya niya ng mag-isa lang siya. Para sa kanya, sapat na ang tatlong taon na pagtatrabaho niya sa kompanya upang mapatunayan iyon. Pero sa kanyang Lolo, hindi pa rin iyon sapat.

Ang gusto ng kanyang Lolo ay ang pamahalaan ng isang lalaki ang kompanya. Wala itong tiwala sa isang babae na kagaya niya. Wala naman sana talaga na problema at hindi sana siya puwersado na gawin ang mga bagay na iyon kung hindi lang dahil sa nakatatandang kapatid niya.

Isang buwan na ang nakakaraan simula nang mag-crash ang eroplano na sinasakyan ng nakatatandang kapatid ni Cindy. Hindi na nakita pa ang katawan nito kaya ipinagpasya na lang na patay na ito. Simula noon ay bumigat ang responsibilidad sa balikat niya. Siya na raw ang magmamana ng kompanyang binuo pa ng mga ninuno nito dahil kagaya ng kanyang Lolo, mahina na rin ang kanyang ama. Ilang buwan ang nakararaan ay na-diagnose pa ito na may sakit sa puso at kahit na ba hindi pa masasabi na severe na iyon, ramdam ng kanyang ama na unti-unti na itong nanghihina. Hindi magtatagal ay malapit na rin itong mag-resign kagaya ng kanyang Lolo na ginawa iyon may sampung taon na ang nakakaraan. Ibig sabihin lang niyon, parte ni Cindy na ang kailangan na magpatuloy ng kompanya. Nag-iisang anak lang kasi ng Lolo niya ang kanyang ama at bilang ngayon ay nag-iisang anak na rin ng ama, siya na lang ang mapapagkatiwalaan ng mga ito. Siya o ang magiging asawa niya.

May karanasan na si Cindy. Sa loob ng tatlong taon, sinunod niya ang gusto ng mga ito na magtrabaho siya sa kompanya. Alam na niya ang pasikot-sikot noon. Ngunit ang tingin pa rin ng kanyang Lolo sa kanya ay mahina. Maka-lumang lalaki ito. Sa kabila ng kagustuhan nito na matuto rin siya ng mga bagay tungkol sa kompanya, ang mamuno roon ay wala sa listahan ng kanyang Lolo. Kaya lang siya pinagtrabaho nito ay para matuto siya kahit papaano. Mag-grow. Pero ang mamahala noon sa mga natitira pang taon sa buhay niya ay hindi kasama sa plano. Isa sa mga bagay na ikinaiinis ni Cindy.

Dahil sa pakiusap ng kanyang pamilya, binitawan niya ang bagay na pinakagusto niya sa buhay---ang kanyang pagiging equestrienne. Sinunod niya ito. Sinubukan niyang gawin ang lahat ng makakaya niya para lang gawin ang gusto nito, ang subukang mahalin ang trabaho na pinaggawa ng mga ito sa kanya. Sinubukan niya ang pamumuhay ng isang office girl. Sinubukan niyang isang magaling na business woman. Pero hindi pa rin sapat iyon upang makuha niya ang tiwala ng pamilya na kaya niya. Kaya ito siya, kailangan na naman na gumawa ng isang bagay na hindi naman niya gusto para muli sa iniingat-ingatang negosyo ng kanilang pamilya.

Pero magpasalamat ka na lang rin na may choice ka, Cindy. Sulsol ng isang bahagi ng utak ni Cindy. Tama naman iyon. At least, hindi siya magiging isang kagaya ng tipikal na pinagkakasundong anak ng isang mayaman. Sa pamamagitan ng ball na iyon, makakapili pa siya kung sinong lalaki ang magugustuhan niya. Hindi kagaya ng isang tipikal na arranged marriage kung saan may partikular na lalaki lang ang ibibigay sa `yo.

Kinalma ni Cindy ang sarili at lumabas na ng banyo. Sa paglabas niya ay nakaabang pa sa kanya ang make-up artist niya sa gabi na iyon.

“Umiyak ka ba? Parang nagulo itong mascara sa mata mo,” inayos pa ng bading na make-up artist ang make-up niya. Protocol rito ng kanyang Lolo na magmukha siyang prinsesa. Kailangan niyang maging napakaganda para sa gabi na iyon para kapag dumating ang punto kung saan nakapili na siya ng lalaking magugustuhan niya, hindi siya mahihirapan na magustuhan ito.

Sinubukan ni Cindy na sawayin ang artist. Hindi kasi talaga siya mahilig mag-make up, lalo na at alam niyang kung sa mata iyon ay hindi naman talaga iyon kakailanganin. “Isang masquerade ball ang party. Malamang, magsusuot ako ng maskara. Hindi na siguro kailangang ayos na ayos ang mga bagay tungkol sa mata ko.”

Hindi vain si Cindy. Wala rin siyang pakialam sa mga theme na iyon. Isang theme na kahit papaano ay nagustuhan ni Cindy dahil mukhang exciting ngunit medyo ipinagtaka rin niya kung bakit ganoon. Ang ama niya ang nagpasya noon. Ang pangunahing layunin kung bakit isinagawa iyon ay para makahanap siya ng mapapangasawa niya. Ngunit paano niya magagawa iyon nang madali kung mahihirapan siya mamili sa aspeto pa lamang ng pampisikal dahil hindi kita ang buong mukha ng isang tao? Sa kabila ng lahat, pinili na lang ni Cindy na makontento. Ginusto niyang sumunod na lang sa pamilya na palagi niyang ginagawa sa mga nakalipas na taon. Hindi na niya gustong magtanong o lumaban. Dahil nang huli niyang gawin iyon, bigo lamang siya.

“Pero darating rin ang punto kung saan aalisin mo ang maskara mo,” dahilan naman ng make-up artist. Hinayaan na lang ito ni Cindy. Pagkatapos ng lahat, ayaw na rin naman niyang makipagtalo. Masyado ng mabigat ang loob niya upang gawin pa iyon.

Dumating ang coordinator ng event. Kagaya ng make-up artist niya ay masusi rin niyang tinignan ng coordinator. At nang makontento ito sa itsura niya ay ngumiti ito sa kanya. “Its time to play princess, Cindy,”

Gustong paikutin ni Cindy ang mga mata. Princess. Ayaw niya ng tawag na iyon. Ayaw nga rin niya ng totoong pangalan niya. Hindi niya gusto na maging isang prinsesa. Dahil ang isang prinsesa, maganda man ang pamumuhay, bigay man ang lahat ng luho at yaman ay hindi malaya. Kagaya niya...

Pero kagaya ng isang prinsesa, kailangan na mamuhay ni Cindy ng ganoon. Kailangan dahil iyon ang gusto ng pamilya niya. Hindi niya maaaring suwayin ang gusto ng mga ito.

Pagkatapos ilagay ang maskara sa mukha ay nagsimula na si Cindy na bumaba ng hagdan.

Kagaya ng inaasahan, lahat ay tila tumigil habang naglalakad si Cindy pababa ng grand staircase ng malaking mansion nila na ilan ang nagsasabi na tila isa raw palasyo. Nasa kanya ang lahat ng atensyon ng lahat ng bisita sa kanyang kasiyahan. Sa pagbaba rin niya na iyon, alam niya na simula na rin ng kanyang pagpili. Kaya sa halip na mailang sa mga tingin ng tao, pinilit ni Cindy na palikutin ang mga mata. Isang gabi lang ang ibinigay sa kanya ng pamilya upang maging malaya sa pagtingin ng lalaki. Kung wala siyang mapipili sa gabing iyon, ipapakasal siya ng mga ito sa lalaking hindi niya kilala at mawawalan na siya ng pagpipilian.

Ayon sa coordinator ng event, pababain lang siya nito ng hagdan kapag nakompleto na lahat ng bisita at sarado na ang malaking pintuan. Pero nagulat si Cindy na habang ginagawa niya ang paglalakad ay muli na naman nagbukas ang malaking pinto. Nawala ang atensyon ng nakararami kay Cindy at sa halip ay napunta kung sino man ang pumasok na iyon. Ganoon rin ang nangyari kay Cindy. Nagulat siya sa naging pagkakamali sa event pero mas nagulat siya nang mapagmasdan niya ang misteryosong lalaki na pumasok. Nagulat si Cindy sa reaksyon ng puso niya.

Kagaya ng karamihan sa mga tao roon, nakamaskara ang lalaki. Nag-iisa lamang ito. Sandaling hindi nakakilos ang lalaki at pati na rin si Cindy. Pero kahit ganoon, ramdam ni Cindy ang kakaibang tibok ng kanyang puso. Kakaiba ang naging lakas noon. Hindi niya maipaliwanag. Nakakatakot pero nagustuhan ni Cindy.

Sa pangalawang pagkakataon, naramdaman ni Cindy ang damdamin na iyon. At ngayong dumalo sa party ang lalaki, ibig sabihin lang noon ay isang lalaki iyong aaprubahan ng pamilya niya....

Hindi kagaya ni Kit.

Lahat ng pamilya at lalaking pumunta sa party ay galing sa alta-socialidad na pamilya. Inimbita ang karamihan sa mga iyon ng pamilya niya. May inimbita rin naman si Cindy ngunit piling-pili lamang iyon. Hindi siya sociable na tao. Kakaunting tao lamang ang maituturing niyang mga kaibigan. At lahat rin naman ng mga ito ay galing sa may kayang pamilya. Kung imbitado ang lalaking ito sa party niya, ibig sabihin lamang noon ay mayaman rin ito kagaya ng kanyang pamilya.

Hindi maiimbitahan ang mga taong kagaya ni Kit, isang example ng taong hindi magugustuhan ng pamilya niya pero gustong-gusto at minsan na minahal niya. Kung nararamdaman niya ang ganoong damdamin sa misteryosong lalaki na ito, hindi na siguro siya mahihirapan pa ngayong gabi. Sa tingin niya ay nahanap na niya ang lalaki na kailangan niya. Hindi pa man niya nakikilala ito nang lubos at hindi pa nakikita nang maayos ang mukha, ang tanging mahalaga ngayon ay ang kakaibang nararamdaman niya sa lalaki.

At napatunayan ni Cindy na hindi lang basta-basta ang nararamdaman niya ng ngumiti ang lalaki sa kanya at nag-bow pa. Dahil pagkatapos ng tatlong taon, naapektuhan siya nang husto sa ginawa ng isang lalaki. Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mukha at naggawa rin niyang ngumiti sa isang lalaki nang totoo na minsan ay inisip niyang hindi na niya magagawa muli simula nang iwan siya ng unang lalaki na minahal niya at naggawa rin siyang iwan sa huli...

Three Years Ago

“WALA ka na ba talagang balak sa buhay mo kung hindi ang mangabayo na lang habang buhay, Cindy?” may halong pang-uuyam ang tinig na ginamit ng Lolo ni Cindy. Biyernes ng gabi ngayon at tuwing ganoong araw ay required ang pamilya nila na kumain ng dinner sa bahay ng kanyang Lolo. Sa tuwina ay ikinaasar iyon ni Cindy pero dahil alam niyang mas lalo lang siyang maasar sa sunod-sunod na sermon na matatanggap niya kapag sinuway niya ang tila tradisyon na ng pamilya, tinitiis na lang iyon madalas ni Cindy.

“Masaya naman po ako sa ginagawa ko, Lolo,” pinilit na ngumiti ni Cindy. Hindi niya gusto ang sinasabi ng Lolo. Hindi dahil nagsasawa na siya dahil tuwing magkikita na lang sila ay iyon na palagi ang tinatanong. Kaya naiinis siya dahil nakakaramdam siya ng pressure sa mga salita nito. Alam niya na kagaya ng ginawa ng kanyang Lolo sa kanyang ama, pipilitin rin siya nito sa isang bagay na hindi niya gusto.

“Malapit ka ng mag-beinte singko. Pero hanggang ngayon, nandoon ka pa rin sa field mo noong umpisa pa lamang. Isa ka pa rin na equestrienne. Hindi mo ba naiisip na magpalit? Ang mag-grow? Ang sumubok ng iba pang gawain bukod diyan?” tumingin ang kanyang Lolo sa kanyang Daddy. “Carlos, may bakante ba ngayon sa kompanya? Bigyan natin ng puwesto si Cindy---“

“Lolo, hindi ko po gusto na maging office girl. Kagaya po ng sinabi ko kanina, masaya po ako sa ginagawa ko. At hindi lang naman po ako basta mangangabayo. I’m a world class equestrienne. I compete in international competitions and---“

“Pero tumatanda ka na. Ilang taon mula ngayon, hindi mo na magagawa ang mga bagay na iyon dahil tumatanda ka na. Paano ka na kapag dumating ang punto na iyon? Nanatili ka na lang sa comfort zone mo. Ni hindi mo ginawang mag-explore. Anong pangsusuporta mo sa sarili mo kapag hindi ka na kumikita? Isa pa, ang pangangabayo, puwede mo naman na maging hobby na lang iyan kung hindi mo gusto na mawala sa `yo. Hindi maganda ang ginagawa mo sa buhay mo, Cindy. Gusto ko na baguhin mo ang pinatutunguhan ng buhay mo. Magtrabaho ka sa kompanya.”

Gusto muli ni Cindy na sumagot. Pero hindi na niya gustong putulin pa ng kanyang Lolo ang sasabihin niya. Ramdam niya ang pagiging determinado nito sa kagustuhan nito. Hindi ito magpapatalo. Patunay na roon ang ilang beses na nitong pagsasabi sa kanya tungkol roon sa mga nakalipas na linggo. Kahit sabihin niya pa ang iba’t ibang dahilan niya, hindi rin nito iyon pakikinggan.

Hindi naman talaga nababahala si Cindy sa hinaharap niya kagaya ng sinasabi ng kanyang Lolo. Hindi niya maisip ang araw na maghihirap siya sakaling hindi na niya maggawa pang magtrabaho. May-ari ng isang food manufacturing company ang pamilya niya. Isa iyon sa mga leading sa kategorya nito. Malayo iyon mula sa pagkalugi. Madali lang dumedepende sa pamilya niya, lalo na at spoiled pa siya sa kanyang Daddy at Kuya Eric na siyang parehong nagtatrabaho roon at may matataas na puwesto. Hindi siya pababayaan ng mga ito. At hindi rin mahalaga kay Cindy na mag-grow at mag-explore. Kahit papaano naman ay may experience siya roon.

Kahit bata pa lamang si Cindy simula nang madiskubre ang galing niya sa pangangabayo, hindi iyon dahilan upang maapektuhan ang kanyang pag-aaral. Nakatapos siya ng kursong Business Management at para ma-kompleto iyon, kinailangan niya rin na mag-undergo sa isang On-The-Job-Training. Sa kanyang OJT, napatunayan niya na hindi niya gusto ang buhay opisina. May katagalan rin kasi ang kanyang OJT na inabot ng apat na buwan. Pinipilit man niya na gustuhin ang ginagawa ngunit sa tuwina ay ramdam niya na may kulang. May hinahanap siya.

At iyon ay ang mga kabayo. Ang field. Hindi niya gusto ang buhay sa opisina. Sinubukan na naman niya at para sa kanya ay sapat na iyon. Nang sabihin rin naman niya sa kanyang mga magulang at nakatatandang kapatid ang tungkol roon ay wala namang problema. Ang Lolo lang niya ang nagsasabi ng ganoon sa kanya.

Gusto nitong manipulahin ang buhay niya kagaya ng ginawa nito sa kanyang ama. Alam naman niya na hindi iyon gagawin ng kanyang ama sa kanya dahil na rin nagkaroon na ito ng sariling karanasan sa kanyang Lolo. Maayos lang rin para rito ang gusto niyang gawin sa buhay niya. Suportado siya ng mga ito at iyon ang dapat mahalaga sa kanya. Hindi naman talaga dapat na sumasagot pa si Cindy rito. Pero paulit-ulit na ang kanyang Lolo. Hindi na niya mapigilan na mainis.

Hinayaan ni Cindy ang kanyang Lolo sa pagsasalita nito. Sinubukan niyang papasukin at ilabas sa kabilang tainga ang mga sinasabi nito. Ayaw niyang magpamanipula rito. Ilang beses na naikuwento sa kanya ng ama ang tungkol sa pagmamanipula rito ng kanyang ama. Naging matagumpay man ito sa larangan ng business kagaya ng gusto ng kanyang Lolo rito, hindi naman daw ito ganoong masaya. May ibang gusto ang kanyang ama kaysa sa paghawak sa negosyo pero dahil nag-iisa itong anak ng kanyang Lolo, wala itong choice kung hindi gawin iyon. Hindi kasi papayag ang kanyang Lolo na hindi pamilya ang maghahawak ng Soriano Food Manufacturing Company. Alam ng Daddy niya ang kanyang nararamdaman. Hindi siya nito pipilitin kagaya ng gusto ng kanyang Lolo.

Pero nagkamali ng iniisip si Cindy.

“Anong nararamdaman mo sa sinabi ng Lolo mo kanina, Cindy?” tanong sa kanya ng Daddy niya habang nasa biyahe sila pauwi ng bahay.

“Daddy, alam niyo naman po ang nararamdaman ko `di ba? Hindi ko po gusto na magtrabaho sa opisina. Naiinis na nga po ako kay Lolo kasi paulit-ulit na lang siya,” hindi pa kinakabahan si Cindy dahil na rin alam niyang nasa panig niya ang ama.

Mataman na tinitigan siya ng kanyang ama. “Ito na ba talaga ang gusto mo na mangyari sa buhay mo, Cindy?”

Sinalubong ni Cindy ang tingin ng ama. “Kinakampihan niyo na po ba si Lolo, Daddy? Kagaya niyo po ba ay gusto mo na po ako pilitin na magtrabaho?”

“Sa totoo lang ay napag-uusapan na namin ito ng Kuya Eric mo...”

Napasinghap si Cindy. Pinuno rin ng masamang pakiramdam ang puso niya. Tumingin siya sa kanyang Kuya at tumango ito.

“Sa tingin ko ay panahon na para pag-aralan mo rin ang kompanya, Cindy.”

“Kuya...”

Nakaramdam ng paninikip ng dibdib si Cindy. Hindi niya gusto ang nangyayari. Nakakaramdam siya ng pressure. Iyon ang pakiramdam na pinakaayaw niya. Noong college siya ay madalas na nararamdaman niya iyon. Nahihirapan kasi siya sa kursong kinuha niya. Hindi rin naman kasi iyon ang interes niya. Tanging kabayo lang ang interes niya. Pero dahil wala namang kurso tungkol sa sports tungkol roon, kailangang mamili ni Cindy ng iba. Inirekomenda ng kanyang Kuya Eric ang Business Management. Tutulungan naman daw kasi siya nito. Hindi kasi kagaya ng kanyang ama, nagustuhan ng kanyang Kuya ang pamamahala ng negosyo. Tinotoo naman ng kanyang Kuya Eric ang sinabi nito pero hindi pa rin iyon naging sapat para kay Cindy.

Iba ang talento ni Cindy. Hindi niya masasabi na pagdating sa negosyo at numero ay magaling siya. Lalo na at matatalino ang mga kaklase niya. Isama pa roon na kilala siya sa university hindi lang bilang ang equestrienne na si Cindy Soriano. Kilala rin siya bilang anak ng namumuno sa Soriano Food Manufacturing Company. Nag-e-expect ang mga ito na kagaya ng pamilya niya, magaling rin siya pagdating sa business. Dahil roon, nape-pressure si Cindy. Isama na roon na nahihirapan rin siyang pagsabayin ang pag-aaral at ang career na binubuo bilang isang world class equestrienne.

Hindi niya gusto ang mundo ng business. Doon, nakakaramdam siya ng pressure. At ang maisip na papasok muli siya roon ay nape-pressure na agad siya. Natatakot si Cindy. Pero kung hindi na kagaya ng dati ang lahat, alam niya na malapit na talagang magbago ang buhay niya...

Wala ng sumusuporta sa kanya. Hindi na siya naiintindihan ng mga tao.

Sa sobrang sama ng nararamdaman ni Cindy, sinubukan niyang tumakas ng bahay nila nang makauwi. Kailangan niya pa na tumakas dahil sa kabila ng edad niya, may pagkamahigpit pa rin ang kanyang mga magulang. Hindi siya ng mga ito hahayaan na basta-basta na lang umalis, lalo na at medyo malalim na ang gabi. Naging matagumpay naman si Cindy sa pagtakas. Nag-taxi siya papunta sa Young Equestrian Riding School---ang Riding School na pinakamalapit sa lugar nila at kung saan rin siya madalas.

Lahat ng gustong mangabayo ay tinatanggap ng riding school sa kabila ng pangalan nito. Kaya lang pinanatili na ganoon ang pangalan dahil na rin sa madalas na estudyante noon. Madalas na doon nagpa-practice si Cindy dahil paminsan-minsan ay nagtuturo rin siya roon. Isama pa na iyon ang pinakamalapit na riding area sa bahay nila. Parang sanctuary na rin kung ituring iyon ni Cindy. Gusto niyang mangabayo sa kabila ng oras. Gusto niyang pakawalan ang lahat ng sakit sa pamamagitan ng pagsakay sa kabayo.

Hindi niya gustong isipin na lubos na niyang bibitawan ang pangangabayo. Sampung taong gulang siya nang ma-discover siya roon. Minsan kasing nakita niya sa TV ang tungkol sa ganoong sports at nagka-interes siya. Nag-aral siya ng summer class sa pangangabayo hanggang ang leisure riding ay nauwi sa iba’t ibang competition. Fifteen years old siya nang magsimula siyang mag-compete sa ibang bansa sa iba’t ibang riding competition. At hanggang ngayon, maganda pa ang career niya. May mga offers pa nga siya muli na mag-compete sa ibang bansa. Pero sinabihan muna siya ng pamilya na magbakasyon kaya hindi niya muna pinatulan.

Kagaya ng pagtakas sa bahay, naging matagumpay rin na nakapasok si Cindy sa kabila ng oras. Wala ang taong nagbabantay sa stable kaya naging matagumpay rin para sa kanya na kumuha ng isa at patakbuhin iyon.

“Ma’am anong---“ narinig pa ni Cindy na may nagsalita bago niya maggawang patakbuhin nang mabilis ang kabayo. Ngunit hindi niya pinansin ang kung sino man na iyon. Kailangan niyang pakawalan ang nararamdaman niya. Ibinuhos niya ang lahat ng sama ng loob sa pamamagitan ng pagpapatakbo ng mabilis sa kabayo.

“Tigil, tigil!” sa kabila ng mabilis na pagtakbo ni Cindy, narinig niya ang boses na iyon. Sinundan siya ng taong sumubok na patigilin siya kanina.

Sinubukan muna ni Cindy na pakalmahin ang sarili bago sundin ang kung sino man na nagpapatigil sa kanya. Sa kabila ng sama ng loob, nasa tama pa rin siyang pag-iisip. Alam niya na kailangan niyang sundin iyon. Hindi tama ang kanyang ginagawa. Regular man siya roon ay trespassing pa rin iyon. Masyado lang siyang nadala ng damdamin kaya kinailangan niyang sumuway paminsan-minsan.

“Liko! Babangga ka na sa bakod!” narinig pa na sigaw ni Cindy bago niya maggawang patigilin ang sinasakyan na kabayo. Dahil tila wala sa sarili si Cindy, hindi niya agad napansin ang bakod na nag-iindika ng dulo ng riding school. Mabilis rin ang takbo niya kaya nahirapan siyang pasunurin ang kabayo. Nagtagumpay man si Cindy sa ginawang biglang pagpapaliko sa kabayo upang maiwasan na bumangga sa bakod ay hindi pa rin naiwasan ni Cindy ang maaksidente.

Naging malikot ang kabayo sa biglaang pagliko. Hindi nito nagustuhan ang biglaang nangyari. Hinulog ng kabayo sa damuhan si Cindy.

NAGGISING si Cindy na sa halip na sakit mula sa pagkakahulog ang nararamdaman, mas naramdaman niya ang panginginig ng kung sino man ang humahawak sa kanya. Pinakiramdaman muna niya ang lagay niya. Sa tingin niya ay buhat-buhat siya ng lalaki. Naisip agad ni Cindy na malamang ay iyon ay ang lalaking sumunod sa kanya. Nang iminulat niya ang kanyang mga mata, naggawa na niyang makita ang mukha ng lalaki.

Dahil sa kanyang puwesto ay masyadong naging malapit ang tingin ni Cindy sa lalaki. Hindi sigurado ni Cindy kung bakit parang lumukso yata ang puso niya nang mapagmasdan iyon. Malaya niya na naggawa iyon dahil napatapat sila sa parte ng riding school kung saan may ilaw. Malinaw na nakita niya ang pagmumukha nito.

May itsura ang lalaki, naobserbahan agad ni Cindy sa kabila ng masamang nangyari sa kanya. Malaki ang mga mata, may pagkamatangos ang ilong at medyo may kakapalan ang labi nito. Wala rin siyang kahit anong tagihawat na nakikita sa mukha nito. At kahit pansin niya na magulo ang mukha nito dahil na rin siguro sa pagka-tense sa nangyari sa kanya, masasabi niya na guwapo ito. Iyon ba ang dahilan ng kakaibang nararamdaman niya? Iniligtas siya ng guwapong lalaki. Sa kabila ng hindi niya kilala ang lalaki, nagustuhan rin naman niya ang nangyari.

Hindi si Cindy ang isang babae na gustong magpaligtas. Kahit madalas na ituring siyang prinsesa ng mga tao dahil na rin sa pamilya na kinabibilangan niya, hindi niya gusto na maramdaman iyon. Oo, mahal niya ang pamilya niya. Pero para sa kanya ay malakas siya. Hindi siya kagaya ng mga prinsesa sa isang fairy tale.

Cindy is not looking for a man who would save her. She could definitely do it herself. Pero iba ang naramdaman ni Cindy sa lalaking ito. Parang sa unang pagkakataon sa buhay niya ay gusto niyang maging kagaya ng prinsesa sa isang fairy tale: ang magpaligtas. Dahil sa pamamagitan noon, bubuhatin na naman siya nito. Magkakaroon siya ng kalayaan na titigan nang ganoon kalapit ang mukha ng lalaki. Bonus pa ang nararamdaman niyang tila kiliti sa hawak nito at ang isipin kung ano ang puwesto nila sa kasalukuyan.

Sinaway ni Cindy ang sarili. Anong klaseng babae siya? Siguro nga ay nasa edad na siya para maramdaman ang mga ganito. Pero ni hindi niya kilala ang lalaki! Paano niya naggawang makaramdam ng kakaiba rito?

Napansin naman agad ng lalaki ang pagmulat ni Cindy. “G-gising ka na.”

Tumango si Cindy. Nagtatalo ang isipan niya kung magpapababa na ba siya sa lalaki. Gusto niya ang pakiramdam na hawak siya nito. Ngunit nahulog lang siya sa kabayo. Naramdaman niya na nagtamo siya ng ilang sugat pero hindi naapektuhan ang kanyang isip. Ginawa ni Cindy ang alam niyang tama. “S-sa tingin ko ay maayos na ako. Ibaba mo na ako.”

Umiling ang lalaki. Nagpatuloy ito sa paglalakad habang buhat-buhat siya. “Malapit na tayo sa main hall pero hindi ibig sabihin noon ay puwede na kitang pabayaan. Nahulog ka. Nahimatay. May nangyaring masama sa `yo.”

“Ayos lang ako. Kaya ko na ang sarili ko,” pagkumbinsi ni Cindy sa lalaki. Pero hindi siya sinunod nito. Ibinaba lang siya ng lalaki hanggang sa makarating sila sa main hall ng riding school.

“Salamat,” wika ni Cindy. Sinipat-sipat niya ang sarili nang bahagyang lumayo sa kanya ang lalaki. Nagtamo nga siya ng ilang sugat. Pero nakahinga siya nang maluwag na hindi naman iyon ganoon kalala. Maliliit lamang iyon. Sumunod na tinignan ni Cindy ay ang relo niya. Mag-a-alas onse na ng gabi. Alas diyes ng dumating siya sa riding school at dahil mabilis ang kanyang pagpapatakbo ng kabayo, kaunting oras lamang ang kinain noon. Kung ganoon, ibig sabihin lang noon ay may katagalan rin na hinimatay siya at sinubukan ng lalaking ito na i-rescue siya. Pero sa halip na mabahala si Cindy roon, mas nabahala si Cindy sa oras. Kailangan na niyang umuwi. Kapag dumadating ang alas dose ay madalas na naglilibot ang kanyang ama upang i-check ang bahay. Ayaw niyang malaman ng kanyang ama na umalis siya kaya kailangan rin niya na makabalik kaagad.

“May cell phone ka ba? Nasira kasi `yung cell phone ko. `Di ko pa napapagawa. Kailangan nating tumawag ngayon ng taxi. O-o may dala kang sasakyan?”

Umiling si Cindy. Kinuha niya ang bag na basta na lang niya inilapag kanina sa may kuwadra upang kuhanin roon ang cell phone. “May cell phone ako. Tatawag na ako. Kailangan ko na nga na umuwi,”

Kumunot ang noo ng lalaki. “Umuwi? Kailangan mo na pumunta ng ospital!” mababakas ang pag-aalala sa tinig ng lalaki.

Ngumiti si Cindy. “Hindi na kailangan. Naggising na ako. Sa tingin ko ay sa sobrang takot at gulat lamang ang lahat kaya ako nahimatay,”

Hindi papayag si Cindy na mangyari iyon. Kiala siyang tao. Kapag naospital siya ay maaari na maging issue iyon. Malalaman iyon ng kanyang mga magulang. Kapag nalaman ng mga ito na naaksidente siya, paniguradong mas lalaki lamang ang kagustuhan ng mga ito na patigilin na siya sa career na gusto niya.

“Pero---“

“Alam ko na nag-aalala ka, Mister. Pero ayos na ako. Gabi na at kailangan ko na rin talaga na umuwi,”

Hindi nagsalita ang lalaki. Bagkus ay tinitigan lang siya nito mula sa mga mata. Dahil sa ginawa nito, hindi mapigilan ni Cindy ang mapatitig rin dito. Pakiramdam niya ay bahagya na namula ang kanyang pisngi. Kagaya kanina ay nag-umpisa na naman lumakas ang tibok ng puso niya.

“I-ikaw si Cindy Soriano `di ba?”

Hindi tumanggi si Cindy na ipakilala ang sarili. Nasa riding school sila. Dahil nandoon ang lalaki, malamang ay interesido rin ito sa mga kabayo. Kilala siya sa mundo na iyon. Wala rin na silbi kung tumanggi siya.

“Bukod sa pagiging isang equestrienne, lumalabas ka rin sa ilang mga commercials. Isa kang model. Pero mukhang hindi ka nababahala sa mga nangyari sa `yo, kahit sa mga naging sugat.”

“Balewala `yan. Gagaling rin ang mga `yan. Sa ngayon, mas nababahala ako kung hindi ako makakauwi agad,”

Tinitigan siya muli ng lalaki. Pagkatapos ay bumuntong-hininga ito. Umalis ito sa tabi niya at pagbalik nito ay may dala na itong medicine kit. Kinuha nito ang braso niya na isa sa mga parte ng katawan niya na nagtamo ng sugat. Sandaling nag-alinlangan pa si Cindy sa ginagawa ng lalaki.

“H-hindi mo na kailangang gawin ito. Hindi naman siguro iyan magiging ganoon kalala. Kaya ko rin na gamutin `yan. Perhaps, pag-uwi na lang siguro sa bahay.”

“Kailangan natin na agapan. Mas magaling na iyon. Pagkatapos ng lahat, nag-aantay ka pa rin naman ng taxi na susundo sa `yo. Habang ginagawa iyon, gagamutin ko ang sugat mo,”

Bago pa man makapagprotesta si Cindy ay ginawa na ng lalaki ang gusto nito. Ramdam niyang ingat na ingat ang bawat pagdampi ng mga kamay nito sa sugat niya. Isa lang sa mga bagay na lalong nakapagpaiba ng tingin ni Cindy sa lalaking ito. Normal naman para kay Cindy ang ituring na para siyang babasagin na crystal. Pero iba ang nararamdaman niya mula sa lalaking ito...

Gusto niya ang klase ng pag-aalaga sa kanya ng lalaki. Gusto niya ang pagdampi ng mga kamay nito sa kanya. Hindi maipaliwanag ni Cindy kung bakit pero may kakaiba talaga sa lalaking ito.

Pakiramdam niya, sa mga nangyari lang na iyon sa pagitan nila ay gusto na niya agad ito...

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.