More Than A Fairy Tale (Unofficial Series) Chapter 13

“SIYA ba ang dahilan kung bakit ginusto mo na ipagpaliban ang trabaho mo sa kompanya, Cindy?” tanong kay Cindy ng ama nang makauwi sila sa bahay nila. Kagaya ng madalas na boses ng Daddy niya ay mahinahon lang iyon. Ipinagpasalamat niya iyon. Kanina pa siya binabagabag sa magiging reaksyon nito kapag naggawa na siya nitong komprontahin sa nahuli.

Huminga muna nang malalim si Cindy bago sumagot. Nag-iwas rin siya ng tingin. Alam niya na mali ang ginawa niya. Sa loob ng halos isang buwan, nagsinungaling siya sa pamilya. Partly pala. Idinahilan niya sa mga ito na gusto sana muna niyang tapusin ang klase niya sa batch na tinuturuan niya sa YERS bago niya sundin ang gusto ng mga ito. Pumayag at naintindihan naman ng mga ito iyon. Pero ang totoo ay may iba pang dahilan---at iyon ay ang masilayan at mas makasama pa si Kit.

Bukod sa pagiging international equestrienne, nagtuturo rin si Cindy sa YERS kapag may libreng oras siya. Dahil sa ginagawa niya na iyon, madalas na nagkakaroon siya ng oras na masilayan si Kit. At sa tuwing mga oras na tapos na ang klase niya, nagagawa nilang kahit papaano ay magtago upang magkasama. Sa paglipas ng mga araw ay lalong napalapit sila sa isa’t isa. Naging mas matindi ang damdamin niya rito. At alam rin niya na sooner o later ay malalaman rin ng lahat ang tungkol sa nangyayari. Sa tingin ni Cindy ay ngayon na ang pagkakataon na iyon. Nahuli na rin naman ng kanyang ama ang pangyayari. Sino ba naman kasi ang hindi makakahalata na may relasyon ang dalawang tao kapag nakita mo ang dalawang tao na magkasabay dumating mula sa ibang lugar? Mabuti na lang at kaibigan na nila ngayon ni Kit ang guard at sa kabila ng lahat, hindi ito nagsasalita sa mga nakikita tungkol sa kanilang dalawa.

Tumango si Cindy. “Isa siya sa mga dahilan, Daddy.”

“At anong klaseng lalaki siya?”

“Tatanggapin ko po kung magagalit kayo sa akin. P-pero mahal ko na siya. Gusto ko siya sa kabila ng alam ko na katayuan niya sa buhay...” sinubukan ni Cindy na tumingala sa ama upang makita ang reaksyon nito. Ngunit kagaya ng kanina, mahinahon pa rin iyon. Gusto ng magdiwang ni Cindy, pero dahil alam niyang hindi pa tapos ang kanilang pag-uusap, kailangan niya na pigilan ang sarili.

“Hindi ko alam ang mararamdaman ko, Cindy...”

“Hindi niyo ako pinalaki na matapobre, Daddy. Kaya gusto ko na umasa na matatanggap niyo siya. Isa pa, kahit ganoon si Kit ay college graduate siya.” Ikinuwento niya sa ama ang tungkol sa buhay ni Kit. “Naniniwala ako na mabait si Kit, Daddy. May future siya. Kung bibigyan lang siya ng oportunidad ay magiging maganda ang buhay niya.”

“Pero Cindy...” tinitigan siyang mabuti ng kanyang ama. Pagkatapos ay bumuntong-hininga ito. “Prinsesa ka namin, Cindy. At siyempre, gugustuhin ko rin na makapunta ka sa tamang tao. Sa isang prinsipe, kung maaari. I want the best for you. And this guy, I don’t think he is the right man for you.”

Hindi nakapagsalita si Cindy. Inaasahan na naman niya iyon. Hindi ba’t si Kit ay ganoon rin ang nararamdaman? Pero mahal na niya si Kit. Gusto niya ang nararamdaman niya kapag nagkasama sila. Kung paglalayuan sila ng mga magulang niya, sa tingin niya ay hindi niya makakaya iyon.

Hinawakan ng ama ni Cindy ang balikat niya. “Look, Anak. Bata ka pa.. Marami ka pa na makikitang ibang lalaki----“

“I’m turning twenty five this week, Daddy. Alam ko ang nararamdaman ko. Si Kit ang gusto ko! Mahal ko siya! Sa kanya ko lang nararamdaman ang masarap na pakiramdam. Wala kayong dapat pagdudahan sa nararamdaman ko. Ganoon rin kayo dapat sa kanya. Nasa tamang isip na ako. Sa tingin niyo ba ay hahayaan ko na lokohin ako ng isang tao? Mararamdaman ko iyon kung sakali man. Pero hindi. Kagaya ko, mahal rin ako ni Kit.”

“Pero hindi ko papayagan na sa isang lalaki na may pamumuhay na kagaya ka lang niya mapunta, Cindy.”

“Kung ganoon, nagkamali ako ng pagkilala sa inyo, Daddy...”

Kahit inaasahan ni Cindy na magiging ganoon ang reaksyon ng kanyang pamilya, masakit pa rin na malaman na ganoon nga talaga ang damdamin ng mga ito. Pero hindi na kaya ni Cindy na basta sumunod na lang sa kanyang pamilya. Tama na ang pumayag siya sa gusto ng mga itong itigil na niya ang career niya bilang equestrienne.

Napakasama ng loob niya sa kanyang pamilya. Kailangan na ni Cindy na gumawa ng paraan upang maipaglaban ang minamahal niya.

HINDI gusto ni Cindy na parang maging teleserye ang kanyang buhay. Pero pakiramdam niya ay ganoon ang nangyari sa kanya ngayon. Ang mas nakakainis pa, talagang ginawa pang madrama ng ulan ang eksena habang inaantay niya si Kit. Usapan nila na magkikita ngayon sa bus station. Niyaya niya ito na magtanan dahil na rin sa hindi ito tanggap ng kanyang mga magulang. Ngunit kagaya ng mga nasa drama, mukhang mangyayari nga yata talaga kay Cindy iyon. At sa pagkakataong ito, siya ang maiiwanan.

Hindi, hindi, hindi. Paulit-ulit na chant ni Cindy. Hindi siya bibiguin ni Kit. Gusto niya na magtiwala. Kahit ramdam niyang alinlangan ito sa gusto niya nang kausapin niya ito tungkol roon ay gusto niyang umasa na susundin siya nito. Mahal siya nito. At kung mahal siya nito, gagawin nito ang gusto niya. Ipaglalaban nito ang pag-iibigan nila kahit na ba may pagkamali na paraan iyon.

“Alam natin pareho na hindi pa kita kayang suportahan, Cindy. Kung gagawin natin iyon, mas lalo lamang na sasama ang sitwasyon.” Iyon ang sagot sa kanya ni Kit nang sabihin niya rito ang gusto niyang mangyari.

“Hindi ko kailangan ng suporta mo, Kit. Susubukan ko na magtrabaho kapag magkasama tayo. `Di ba at sinabi mo ay sa stable ka rin nagtatrabaho dati? Puwede rin ako roon. Basta trabaho na tungkol sa kabayo. Isa pa, hindi rin ako hihiling ng magandang buhay kapiling ka. Sapat na sa akin na makasama lang kita.”

“Pero hindi tama ang lahat ng ito. Iiwan mo ang pamilya mo para sa akin? Magbabagong buhay ka para lang magkasama tayo ng walang kahit sino ang tumututol? Ayaw kong baguhin ka, Cindy. Sa tingin ko ay magiging unfair iyon para sa `yo. Paano ang pamilya mo?”

Naisip rin naman ni Cindy ang tungkol sa mga ito. Mahal naman ni Cindy ang kanyang pamilya. May pagkamahigpit pero mabait ang mga ito sa kanya. Pero masyado ng nasaktan si Cindy. Naiipit na rin siya. Ayaw niya na mangyari iyon. Maraming mga bagay na ipinipilit ang mga ito sa kanya at naiinis na siya sa pakiramdam na wala siyang pagpipilian kung hindi ang sumunod. Kapag nanatili pa siya sa piling ng mga ito, malamang ay mas magiging matindi pa iyon kaysa sa dati.

Hindi ng mga ito gusto si Kit. At alam niya na mahihirapan siyang ipaglaban ito. Kaya gagawin niya ang kahit masasabing kalokohan ay tanging paraan na lang upang magkaroon siya ng kalayaan at iyon ay ang sumama kay Kit.

“Hindi na mahalaga iyon, Kit. Handa akong iwan sila basta makuha ko na lang ang gusto ko. Alam mo na naman ang gusto nilang gawin sa akin `di ba? Gusto nila akong pumasok sa opisina. Gusto nila akong bitawan ang career ko, ang mahal kong buhay kasama ang mga kabayo. At ikaw ay nadamay rin roon. Hindi ko gusto iyon. Kaya gusto kong lumaya,” huminga nang malalim si Cindy. “Mahal mo naman ako `di ba, Kit? Kung mahal mo ako, papayag ka sa gusto ko na mangyari. Magtanan tayo,”

“P-pero Cindy...”

“Aantayin kita bukas sa bus station papuntang Tarlac. Last trip. Babalik tayo sa probinsya mo. Doon ako magbabagong buhay, doon tayo magsasama...”

Umaasa si Cindy na sisiputin siya ni Kit. Pumayag ito. Pero nang mag-a-alas diyes na ng gabi ay hindi pa rin ito dumarating. Hanggang alas diyes ang huling biyahe ng bus papuntang Tarlac.

“Paalis na ang bus, Miss. Hindi ka pa ba sasakay?” tinignan pa siyang mabuti ng conductor. Pinilit na itago ni Cindy ang kanyang mukha sa pamamagitan ng pagbaba ng suot niyang sombrero. Hindi niya gustong may makaalam ng gagawin niya. Medyo kilala pa man rin siya dahil na rin sa ilang commercials na naggawa niya.

“M-may inaantay pa po ako, Manong.”

“Parating na ba siya? Dahil paalis na talaga ang bus, hija. Hindi na natin siya maantay...”

Nilibot ni Cindy ang tingin sa paligid. Pilit pa rin na umaasa na darating si Kit. Baka naman na-late lamang ito. Ngunit huling tawag na ng conductor ay wala pa rin si Kit.

“Sige po. Okay lang. Mauna na po kayo. Basta aantayin ko pa rin po siya,”

Nakita niya ang awa sa mukha ng conductor at driver bago siya iwan. Baka naman nagkaroon lang ng kaunting problema si Kit kaya nahuli. Kapag dumating ito ay puwede naman sila na magpalipas ng gabi at bukas na lang magbiyahe papuntang Tarlac.

Nag-antay pa rin ng ilang sandali si Cindy. Ngunit walang Kit na dumating. Naka-ilang tawag na siya sa cell phone nito pero kahit isang sagot ay wala siyang natanggap mula rito. Out of coverage ang cell phone ni Kit. Umaasa siya noong una na baka kaya ganoon ay dahil nasira na naman ang cell phone nito kagaya noong una.

Nag-aalala si Cindy. Paano pala kung may masama ng nangyari kay Kit? Nang mapaiyak na siya sa sitwasyon ay saka lang siya may natanggap na message mula kay Kit.

“I’m sorry, Cindy.” Iyon lamang ang laman ng message nito.

Malamig ang gabi pero pakiramdam ni Cindy ay magkaka-hypethemia siya dahil sa lamig ng kanyang nabasa. Umasa siya kay Kit. Ramdam niya ang pag-aalinlangan pero pumayag ito. Naniwala siya rito dahil alam niya na kagaya niya ay mahal rin siya nito.

Pero ang tanging ibinigay lang sa kanya ni Kit ay sakit ng unang pag-ibig.

Hindi na nag-aksaya pa si Cindy ng oras. Kung ganoon ang gusto ni Kit, ibig sabihin lang noon ay tinatapos na nito kung ano ang mayroon sila. Tumawag si Cindy sa kanyang ama. Nagpasundo siya. Mabilis na nakarating ito sa bus station.

“May balak kang lumayas,” mahinahon pa rin kagaya ng dati ang boses ng ama.

“Mahal ko siya, Daddy...” nag-umpisa na muling umiyak si Cindy.

Niyakap siya ng kanyang ama. “Magiging maayos rin ang lahat. Hindi man sa ngayon ngunit sa tamang panahon. Huwag ka ng umiyak, Anak. Nandito lang kami palagi sa tabi mo. Hindi ka namin iiwan...”

Lalong napaiyak si Cindy. Pakiramdam niya ay ang tanga-tanga niya. Mas pinili niya ang lalaki na sandali lamang niya na nakilala kaysa sa kanyang totoong pamilya. Ang pamilya na kahit pinaghihigpitan man siya ay may dahilan naman kung bakit ginagawa iyon. Masyado lang siyang immature upang hindi ma-appreciate ang mga iyon. Mas pinili niya ang akala niya ay mas makakapagpasaya sa kanya na sa huli ay nagdulot lang rin naman sa kanya ng sakit.

Simula ngayon ay ipinapangako ni Cindy na hindi na muling magpapaloko pa at gagawin na lang ang lahat ng gusto ng kanyang pamilya. Pagkatapos ng lahat, ang mga ito ang tunay na nagmamahal sa kanya. Sa kabila ng naging kasalanan niya sa mga ito, ni hindi man lang nag-alinlangan ang mga ito na tanggapin siya.

Present

BAHAGYANG nagtaka pa si Cindy nang maggising siya ay natagpuan pa rin niya ang mga magulang na nasa hapag kainan at mukhang kakaumpisa lang na kumain. Madalas ay maaga na nagigising ang mga ito kaysa sa kanya. Pero nang maalala niya ang kasiyahan kagabi ay nawala rin ang pagtataka. Malamang ay kagaya niya, pagod rin ang mga magulang kaya tinanghali na ang mga ito ng gising. Naka-leave silang dalawa ng kanyang ama sa trabaho kaya may karapatan silang gumising ng ganoong oras.

“Hindi na tayo nakapag-usap kagabi. Nauna ka na umalis kahapon sa party. Ano bang nangyari?” usisa kanya ng ama.

“May ginawa ba na masama sa `yo ang lalaking iyon?” kasunod naman na tanong ng kanyang ina.

Sa totoo lang ay hindi na gusto pa ni Cindy na tanungin ng kahit sino sa kung ano ang nangyari kagabi. Pakiramdam niya, sa pangalawang pagkakataon ay malaki na naman siyang naloko. Involved na naman roon ang puso niya. Hindi dapat siya natuwa na tumibok ng ganoon ang puso niya dahil tila may iisa lamang na itinututuro iyon palagi: si Kit.

Si Kit na sinaktan siya noon at ngayon ay nagbabalik. Paanong naggawa pa rin ng puso niya na tumibok ng ganoon sa isang lalaki na kagaya nito?

“Iniwan ko siya. N-napagod kasi ako sa party.” huminga nang malalim si Cindy. “Hindi ko siya gusto, Mommy and Daddy. Pakiramdam ko nag-aksaya lang ako ng oras sa kanya kagabi. Mali ang ginawa ko. Hindi lang ako dapat sa kanya nakipagsayaw at sumama dahil sa huli, hindi ko rin naman siya nagustuhan. Hindi nag-work out.”

“Paano mo nasabi na hindi nag-work out? Baka naman hindi mo lang siya binigyan ng pagkakataon,”

Nasapol si Cindy ng ama. Pero paano niya sasagutin ito? Matagal na nilang nilimot si Kit. Matagal na niyang pinilit na limutin ito. Sinaktan siya nito. Pinaasa. Nararapat lang naman iyon. At ngayon na bumalik ito sa piling niya, nararapat ba talaga na bigyan niya ito ng pagkakataon?

Hindi madali na tanggapin na lang ito ng ganoon-ganoon lang. Pagkatapos ng tatlong taon, bigla-bigla na lang sumulpot ito sa kanyang buhay. Ito ang unang nanakit sa kanyang puso. Minahal niya ito nang lubos, sinubukan niyang ibigay ang lahat para rito pero sinuklian lang siya nito ng sakit.

Hindi magiging ganoon kadali ang lahat. Sa kabila ng mga lumipas na taon, nararamdaman pa rin ni Cindy ang sakit sa kanyang puso. Hindi porke’t naramdaman pa rin niya ang masarap na pakiramdam sa kanyang puso, hahayaan na lang niya iyon na pangunahan siya. Pagkatapos ng lahat, nang sinubukan niyang pakinggan iyon kaysa sa alam niyang tama na sinasabi ng kanyang isip ay nasaktan lang siya. Hindi na muli na mangyayari iyon.

“Hindi na kailangan. Alam ko ang nararamdaman ko, Daddy. Isang kalokohan lang talaga ang party. Ngayon, kung gusto niyo akong i-set up sa isang particular na lalaki lang, hindi na ako aangal.”

Mas mabuti pa ang ganoon. Alam niya na hindi si Kit ang ise-set up sa kanya ng pamilya. Hindi ng mga ito gusto si Kit. Kahit mukhang nag-iba na si Kit sa lalaking minsan niyang inibig, kinokonsidera pa rin niya ang mga nangyari sa nakaraan. Isa lang stable boy si Kit at nakilala na niya ang pamilya. Hindi siya papayagan ng mga ito na mauwi kay Kit. At hindi na rin niya hahayaan ang sarili na mauwi muli sa kamay nito. Si Kit ang pinakamalaking pagkakamali niya. Kung paano man ito nakapunta sa party na iyon ay hindi na niya gustong alamin pa. Tapos na ang lahat.

“Sigurado ka na ba talaga sa gusto mo na ito? Ang akala namin ay nakaramdam ka ng kakaiba sa lalaki kaya siya na lang ang sinamahan mo sa buong gabi...”

Hanggang sa tanggalin niya ang maskara niya at makilala ko talaga kung sino siya, gusto sanang sabihin ni Cindy. Pero pinili na lang niya na hindi na palakihin pa ang pag-uusap. “Sigurado ako, Daddy. Gusto ko ng matapos ang lahat ng ito.”

Tumatango-tango ang kanyang ama. “Sige,” mabilis naman na pagsang-ayon ng kanyang ama. Napansin ni Cindy na tinignan ito nang mataman ng kanyang ina. Wari ba na gusto nitong magtanong sa gustong mangyari ng kanyang ama. Nang tinignan naman ito ng kanyang ama ay nginitian lang iyon nito. Nakaramdam ng kakaiba si Cindy sa ngiti ngunit hindi na lang niya pinansin iyon. Siya na mismo ang nagsabi na gusto na niyang matapos ang lahat kaya hindi na dapat siya magtanong.

Sinimulan na ni Cindy na kumain ng almusal. Nawala ang sama ng loob niya kagabi nang pagtuunan niya ng pansin ang nakalagay sa lamesa. Lugaw iyon. Paborito niyang almusal ang lugaw at dahil nasabik agad siya na kumain noon ay hindi na niya pinansin kung mainit ba talaga iyon. Kinain kaagad ni Cindy ang lugaw na hindi napapansin na bagong luto pala iyon. Nailuwa niya ang kinain dahil napaso siya.

“Shit,” hindi niya pa napigilan na hindi magmura. Napatakbo siya sa kusina upang magmumog para maibsan ang pagkapaso. Pagbalik niya ng hapag kainan ay mataman na nakatingin sa kanya ang mga magulang.

“Kainis. Paborito ko pa naman ang lugaw,”

Tumikhim ang kanyang ama. “Sana sa pangyayaring ito ay napagtanto mo na minsan sa buhay natin, kung sino pa ang lubos na minamahal natin ay siya rin na lubos na nanakit sa atin.”

May naisip siyang isang bagay sa sinabi ng kanyang ama. Si Kit. Si Kit dahil ito lang naman ang minahal niya ng lubos at sinaktan siya. Pero sa kabila ng mga naisip, naging matindi ang dating ng kung paano naisip ng kanyang ama ang mga sinabi.

Kumunot ang noo ni Cindy. Anong mayroon sa kanyang ama at humugot ito?

INASAHAN na ni Cindy na pumasok siya sa opisina kinabukasan ay pagpipiyestahan siya ng mga tao. Nagkaroon siya ng malaking event at sanay na siya na kapag ganoon ay piyesta ang magiging pag-uusap. Isama pa na isa na siya ngayon sa pinakamataas na tao sa kompanya. May tendency na dahil sikat ka, ikaw palagi ang pag-uusapan ng mga tao. Parang mundo lamang ng showbiz. Pero hindi kagaya ng inaasahan ni Cindy, iba ang kanyang narinig.

“Crush mo rin siya? Kainis ka!” narinig niyang pag-uusap ng dalawang babaeng OJT na nadaanan niya sa hallway papunta ng kanyang opisina.

“Kung maiinis ka sa akin, aba mag-isip-isip ka rin muna dahil maiinis ka rin sa kalahati ng female population ng kompanyang ito. Unang araw pa lang kaya niya last week eh narinig ko na crush na rin siya ng lahat ng Ma’am ko sa department namin,”

“Kainis naman. Marami na kaagaw. Pero hindi rin naman natin masisisi sila. Guwapo naman talaga si Sir. Haay, excited na akong makalapit sa kanya. Sana utusan ako ni Ma’am na magpapirma sa kanya kahit isang beses lang para naman kahit papaano, makapag-interact kami sa isa’t isa.” Dreamy na wika ng isang babae.

Napakunot noo si Cindy. Mukhang may bago sa opisina. Ilang araw rin na hindi nakapasok si Cindy sa opisina dahil na rin sa mga rehearsals ng party niya kaya huli na rin siya sa balita. Na-curious siya sa naririnig pero pinilit niya na balewalain iyon. Hindi maganda para sa reputasyon niya ang maging tsismosa. At ano kung guwapo iyon? Hindi siya naghahanap ng lalaki dahil alam niya na sooner or later ay hahanapan na rin naman siya ng kanyang ama. Mas maigi ng sumunod na lang siya sa kung sino ang gusto ng mga ito para sa kanya para hindi na maging kagaya ng dati ang drama niya. Ayaw na ni Cindy ng gulo, lalo na sa pinagdadaanan niya sa buhay ngayon. Kamamatay lang ng Kuya niya. Hindi na niya kailangan pa ng kahit anong problema, kaya nga mas pinili niya na iwan na lang rin si Kit.

Pagdating niya sa mismong opisina ay naging napakaganda ng bati sa kanya ng sekretarya niya. Kagaya ng pinag-uusapan kanina ay na-curious rin si Cindy kung bakit ganoon. Hindi madalas na masaya ang sekretarya niya. Pero sa isip-isip ni Cindy ay baka kagaya ng mga OJT ay baka isa ito sa mga sinasabing kaahati ng female population na nahulog na ang loob sa bagong empleyado. Hindi na lang niya pinansin ito at nagtuloy sa loob ng kanyang opisina. Marami pa rin siyang kailangang pagtuunan ng pansin dahil tambak ang kanyang trabaho. Gusto man niya na mahawa sa kasiyahan ng mga ito, kung ang kahaharapin naman niya ngayon ay ang trabaho, alam rin niya na mawawala rin iyon agad.

Kahit tatlong taon na ang nakalilipas simula nang iwan ni Cindy ang dating buhay, hindi niya pa rin maggawa na sumaya. Hindi pa rin niya gusto ang buhay niya. Pero wala siyang choice. Lalo na ngayong iniwan pa siya ng Kuya Eric niya. Mas bumigat pa nga ang mga responsibilidad niya at mas malala iyon sa ngayon dahil na rin sa ilang beses niyang pagliban sa opisina. Tinutulungan pa rin naman siya ng kanyang ama dahil hati sila sa trabaho na iniwan ng kanyang Kuya niya bilang COO ng kompanya pero kulang pa rin iyon para kay Cindy. Walang kahit anong magpapaalis sa ngayon ng bigat ng dinadala niya.

Ngunit pakiramdam ni Cindy ay nagkamali siya nang pumasok sa loob ng opisina. Natagpuan niya sa kanyang lamesa ang isang magandang bouquet ng bulaklak. May naramdaman siyang saya sa kanyang dibdib. Tila sumaya ang pakiramdam niya. Gumanda ang simula nang araw niya lalo na nang sinubukan niyang kuhanin iyon at samyuin.

Nagustuhan ni Cindy ang bulaklak. Sa totoo lang ay gusto talaga niya ang mga bulaklak. Nagbibigay ng masayang pakiramdam iyon sa kanya. Pakiramdam niya kapag binibigyan ang isang babae ng bulaklak ay espesyal ito sa kung sino man ang nagbigay noon. Isama pa na napakaganda ng mga bulaklak ng natanggap niya ngayon. Lumabas siya ng opisina at nagtanong sa sekretarya.

“Ang suwerte niyo, Ma’am,” sa halip na sagutin kung sino ay tila kinikilig pa ito.

“Bakit naman?”

“Eh kasi, galing po `yan doon sa bagong empleyado na usap-usapan rito. Kahit ako nga po ay kinilig kahit hindi naman sa akin ibinigay ang flowers. Ang mahalaga sa akin, kahit papaano ay nagkausap kami,”

Kumabog ang dibdib ni Cindy. Ni hindi niya pa nakikilala ang bagong empleyado na iyon ay nabigyan na siya agad ng flowers? At para saan iyon?

“A-anong puwesto niya sa kompanya? Kilala ko ba siya?”

“Nasa administrative division po siya. Siya po ang bagong head. Mr. Guevarra po ang alam ko. Hindi ko lang po sure kung anong unang pangalan pero parang nagsisimula po sa letter “K”.”

Namutla si Cindy. Alam niya na hindi pa siya sigurado pero may isang tao lang ang pumapasok sa isip niya kapag naririnig ang salitang Mr. Gueverra. Isama pa na dahil sa nangyari sa kanyang birthday, sariwa pa sa isip niya si Kit.

Malaki ang ipinagbago nito sa mga nalipas na taon. Guwapo ito noon pero sa gabi nang kaarawan niya ay mas lalo pa itong gumwapo. Kung si Kit nga ang tinutukoy ng sekretarya at ng iba pang empleyado sa kompanya, hindi nga nakakapagtaka na pagkaguluhan ito. At kung binigyan siya nito ng flowers...

“H-hindi. Hindi maaari. Josie, please don’t tell me his first name is Kit.”

Nanlaki ang mata ng sekretarya ni Cindy. “Kit nga po, Ma’am. Mr. Kit Guevarra!”

Sa sagot ng sekretarya ay nabitawan ni Cindy ang mga bulaklak na hawak. Anong nangyayari at tila nagbabalik si Kit sa mundo niya?

PAKIRAMDAM ni Kit ay nagkaroon siya ng enerhiya nang malaman na kailangan niyang bumaba at ang mabilis na paraan para makarating sa area na iyon ay ang pagdaan sa hallway kung saan matatagpuan ang opisina ni Cindy. Dahil alam niya na ngayon ang balik nito sa opisina, umaasa siya na kahit papaano ay masisilayan niya ito. Kanina pa siya sa totoo lang umaasa na makikita ito. Hindi siya masyado na makapag-concentrate sa trabaho dahil iniisip niya ito.

Kumusta si Cindy? Nagustuhan ba nito ang bulaklak na ibinigay niya rito?

Alam naman ni Kit na hindi magiging madali para kay Cindy ang lahat. Kaya nga sa kabila ng pang-iiwan nito sa kanya sa gabi ng party nito ay ito siya...sinusubukan pa rin na kuhanin ang loob nito. Hindi gustong sumuko ni Kit. Lalo na ngayong kailangan niyang makumbinsi lang si Cindy at magiging ayos na ang lahat para sa kanilang dalawa.

Dumating si Kit sa hallway pero nawala lahat ng ngiti at saya sa dibdib niya nang makasalubong niya ang janitor dala ang garbage kit nito. Dahil malaki ang ibinigay niya na bulaklak kay Cindy at puno na ang garbage plastic na dala ng janitor, nakalitaw ang ilang parte ng bulaklak. Nakilala niya agad na iyon ang ibinigay niya kay Cindy.

“S-sigurado ba kayong pinapatapon ang mga bulaklak na `yan, Manong?” natanong pa ni Kit sa janitor.

“Nasa basurahan po, Sir, eh.”

Tumango-tango si Kit kahit sa loob-loob niya ay parang may kumurot sa puso niya. Oo, alam niya na hindi magiging madali pero masakit para sa kanya.

Pero kailangan mo na pagdaanan ito, Kit. Pagkatapos ng lahat, mas masakit ang pinagdaanan niya kaysa sa pinagdaanan mo. Iniwan mo siya, bulong ng isang bahagi ng utak ni Kit at sumang-ayon naman siya roon.

Umalis na ang janitor sa harapan niya pero nakatigil pa rin si Kit. Gusto niyang silipin si Cindy. Ang kahit kausapin man lang ito, tanungin kung bakit nito naggawa iyon. Gusto niyang makipag-ayos kay Cindy. Iyon nga ang dahilan kung bakit nandoon na siya sa kompanya ng pamilya nito. Kung bakit bumabalik siya sa buhay nito.

Iyon na ang oras para magkaayos sila. Iyon na ang oras para sa pag-iibigan nilang dalawa ni Cindy. Umaasa si Kit na sana, hindi pa huli ang lahat.

“Sayang ba?” ang mga salitang iyon ang nakapagpagalaw muli kay Kit. Hindi niya malilimutan ang boses na iyon.

Lumingon si Kit. Nagulat pa siya nang makitang nakatayo sa likuran niya ang babaeng iniisip. “Cindy...”

“Well, nararapat lang naman `yun sa bulaklak. Dahil kagaya noon, sayang rin ang nakaraan natin. Ibinasura ko na rin kasi ganoon rin naman ang ginawa mo sa akin noon,” puno ng pait na sabi ni Cindy.

“Hindi ko gusto na maramdaman mo iyon, Cindy. Hindi---“

“Pero naramdaman ko. Iyon ang pinaramdam mo sa akin. Paanong hindi? Iniwan mo na lang ako basta. Alam ko na mali rin naman ang nangyari noon. Pero ang kahit maggawa mo na i-break sa akin iyon nang maayos. Ang maramdaman ko na kahit papaano ay may pakialam ka rin sa akin...Ni hindi ka man lang nagpakita noon, nagpaliwanag. Nag-antay ako sa `yo pero pinaasa mo lang ako.” pumikit si Cindy sandali at nagsalita muli.“Hindi ko alam kung ano ang dahilan mo at naisip mo pa na bumalik sa buhay ko, Kit. Pero huwag ka ng mag-aksaya pa ng oras kung gusto mo na makipag-ayos sa akin. Dahil hanggang ngayon, ramdam ko pa rin ang sugat ng nakaraan.”

Lumambot ang puso ni Kit, lalo na nang makita niya kung gaano kadilim ang mukha ni Cindy. Inaasahan na niya iyon. Pero kahit inaasahan, kagaya kanina ay hindi niya pa rin na maiwasan na masaktan. Hindi niya gustong makita na nasasaktan si Cindy. Kaya nga pinili niya na lumayo.

Huminga nang malalim si Kit. “Naiintindihan ko. Hindi naman kita minamadali. Hindi kita pinipilit. Sa ngayon. Pero determinado ako na maayos ang kung ano man ang nasira noon.”

“Puwes kung ganoon, hindi ako.”

Hinawakan ni Kit si Cindy. Nabigla ito sa ginawa niya at kahit siya ay nabigla rin sa naggawang aksyon. Pero alam niya na kailangan niya na gawin iyon para makumbinsi ito. Alam niya na nagkamali siya. Pero nasa tama rin siya. Maraming masisira at masasaktan kung sakaling pinagpatuloy nila ang kung anong mayroon sila noon. Maaaring nahirapan silang dalawa, lalong-lalo na si Cindy pero para sa ikabubuti ang lahat. Umaasa si Kit na kapag naggawa niyang ipaintindi iyon kay Cindy ay magiging maayos rin ang lahat. Pero hindi pa ngayon. Mahirap na pagpapaliwanagan iyon. Isama pa na marami siyang bagay na ikonsidera pa.

Maiintindihan ba nang madali ni Cindy ang lahat? Matatanggap ba nito ang nangyari sa kanyang buhay, lalo na kapag nalaman nito na pinakialaman rin ng pamilya nito ang desisyon niya?

Maaaring malaki na si Cindy. Dapat ay mature na ito kaysa sa dati. Pero iba-iba ang isip ng tao. Minsan, hindi umaakma sa edad ang takbo ng isip ng mga ito. Kagaya ng nangyari kay Cindy noon. Ngunit hindi niya ito masisisi. Masyado lang rin naman itong nadala sa damdamin. Kahit siya ay ganoon rin...kung hindi lang siya napigilan.

Kung nangyari ang plano noon, malamang ay wala siya sa kung ano ngayon. Maaaring masaya sila ni Cindy pero hindi iyon magiging lubos. Dahil wala iyong basbas, dahil hindi kagaya dati ay wala siyang maipagmamalaki kay Cindy. Maaaring maggawa nito ang gusto nito ngunit maaaring ang mangyari ay hindi ang nararapat para rito.

Siya na mismo ang nagsabi kay Cindy na prinsesa niya ito. Ang kailangan nito ay ang buhay ng isang prinsesa. Ang buhay na hindi niya maibibigay rito noon pero ngayon ay kaya na niya. Kung bibigyan lang siya muli nito ng pagkakataon...

“A-anong ginagawa mo? Bitawan mo ako!” saway ni Cindy sa ginawa niya.

Pero hindi nagpatinag si Kit. Unti-unti pa siyang lumapit rito hanggang sa maisandal niya ito sa pader ng hallway. Mabuti na lang at walang dumadaan sa paligid kaya hindi agaw eksena. Pero kung may makakita man, wala na rin pakialam si Kit. Mabuti nga iyon ng malaman na may kakaibang nangyayari sa pagitan nila ni Cindy. Makakabawas man iyon sa babaeng nagkakagusto sa kanya sa opisina dahil na rin sa kaalaman na may kakaiba sa kanila ng boss, wala iyon kay Kit. Pagkatapos ng lahat, si Cindy lang naman talaga niya ang gusto niya.

“Hindi talaga, Cindy? Pagkatapos ng gabi sa party mo? Kung kailan sinabi mo na mas mahalaga sa `yo ang nararamdaman mo.... na sa tingin ko ay nararamdaman mo rin sa paglalapit pa lang natin na ito?” nanunuksong tanong ni Kit.

Namula ang mukha ni Cindy. Pilit na pumalag ito. Sandaling hindi niya ito pinayagan dahil gusto niya na magkalapit sila. Hindi pa rin talaga nawawala iyon. At ramdam niya na ganoon rin si Cindy.

“Don’t deny it, Cindy. Dahil ramdam ko na kagaya ko ay may nararamdaman ka pa rin sa akin.”

Natigilan si Cindy sa ginawa niya. Alam niya na nasabi niya ang nasa dibdib niya. Pero totoo naman iyon. Ayaw niyang maging kagaya ni Cindy na nagpipigil.

Mahal niya pa rin si Cindy at gagawin niya ang lahat para makuha ito. Kahit paulit-ulit pa siya nitong saktan at tanggihan. Pagkatapos ng lahat, tama lang iyon para sa kanya sa ginawa niyang pagpapaasa rito tatlong taon na ang nakakaraan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.