DALAWANG beses sa isang taon ay ginagawa ang inventory counting sa Soriano Food Manufacturing. Tuwing Mid-year at Year End. Tuwing mga panahon na iyon, required na mag-participate ang lahat ng empleyado ng kompanya lalo na kapag huling araw na ng bilangan. Kahit si Cindy na head ng comptrollership division at mataas ang puwesto ay hindi rin puwedeng hindi magpa-participate.
Hindi miminsan na nakapag-inventory counting si Cindy at alam na niya ang proseso noon. Dahil kakaunti lang ang tao nila sa warehouse, madalas ay nagkakaubusan ng warehouse person na sasama sa `yo para magbilang. Kaya kapag ganoong huling araw na ng bilangan, ginagawa na lamang ay pina-partner ang mga babaeng empleyado sa isang lalaki. At sa pagkakataon na iyon, hindi nagustuhan ni Cindy ang napunta sa kanya.
“Gusto ko na magpalit ng partner,” matatag na sabi ni Cindy sa warehouse personnel. Hindi niya gustong makasama si Kit. Dahil narinig niya na marami pa rin ang hindi tama na bilang na items, ibig sabihin lang noon ay maaari na magtagal ang pagbibilang. Noong huling ginawa niya iyon ay inabot sila ng hanggang alas otso ng gabi kahit na ba alas otso rin ng umaga sila nagsimula at tanging isang oras na break lamang ang nangyari. Hindi niya kayang magtagal ng ganoon katagal kasama si Kit.
“Ahmm... Ma’am pasensya na po, hindi na po puwede kasi kayo po ang pinakahuling dumating. Nagsisimula na po ang iba at---“
“Edi pabalikin. Problema ba `yun?” hindi sanay si Cindy na magtaray pero naiirita siya kay Kit. Hindi niya mapigilan ang kanyang sarili.
“Gusto mo pa na mang-istorbo ng iba, Cindy? Este Ma’am Cindy,” sabat ni Kit. Hindi siya tumingin rito. Wala siyang pakialam rito. Kahit na ba isang linggo na rin simula nang malaman niya na empleyado ito ng kompanya ay hindi niya ito pinapansin. Sa kabila ng araw-araw pa rin na pagpapadala nito ng bulaklak sa kanya, itinatapon niya lang iyon nang paulit-ulit. Hindi na ganoon kalambot ang puso niya kagaya ng dati. Hindi na niya gustong mapalapit rito. Katunayan roon ang hindi niya pagre-research kung paano ito napunta sa kompanya at kung bakit mataas agad ang puwesto nito roon kahit na ba curious siya roon.
“Basta gusto ko na magpalit ng iba,” wika pa rin ni Cindy. Akmang lalayasan na niya ito nang hawakan ni Kit ang kamay niya. Pinigilan siya nito at kasabay rin noon ang hindi napigilan ni Cindy na makaramdam ng kuryente na unti-unting dumaloy sa katawan niya.
“Bigyan mo muna ako ng isang matinong sagot kung bakit,”
“Hindi ikaw ang pinakiusapan ko. Bakit kailangan ko na magbigay sa `yo ng sagot?”
Tumingin si Kit sa warehouse personnel. Yumuko ang personnel. “`Yun rin po sana ang gusto kong itanong, Ma’am.”
Napataas ng kilay si Cindy. Pinagkakaisahan ba siya ng mga ito?
Ramdam ni Cindy na nag-iba ang trato sa kanya ng mga tao sa kompanya umpisa nang mapansin ng mga ito na may kakaiba sa turing sa kanya ni Kit. Madalas ay nakikita niya na madalas na nakatitig ang mga ito sa kanya. Tila nagtatanong kung ano ang mayroon sa kanya kung bakit tinatrato siya ng ganoon ni Kit at ganoon na lang rin kung balewalain niya ang mga efforts nito. Hindi rin miminsan nagtanong ng ganoon si Josie, ang kanyang sekretarya, kung ano nga ba ang nangyayari sa kanila ni Kit. Ngunit kagaya ng ginagawa niya kay Kit, hindi na lang rin niya pinapansin ang mga tanong nito.
Ngumisi si Kit. “Bakit nga ba, Cindy? Wala ka naman dapat na ikatakot sa akin. Unless...natatakot ka dahil naapektuhan ka pa rin sa akin.”
Nasapol si Cindy. Iyon ang totoong dahilan at hindi niya kayang itanggi iyon sa sarili. Kaya nga pilit na iniiwasan niya si Kit. Pilit na hindi niya pinapansin ito dahil alam niya na kapag ginawa niya iyon, mararamdaman lang niya muli ang mga nakakiliti na damdamin. Dahil roon, natatakot si Cindy. Mahirap kontrolin ang puso. Kahit na ba minsan na nasaktan na iyon ng kapareho na tao ay nararamdaman niya pa rin na pigilan ang mga nadarama. Hawak pa lang ni Kit ay naapektuhan na siya. Sabihin man ng isip niya na huwag magpaapekto, nagpapatuloy pa rin sa pag-iinarte ang kanyang puso. Kaya maigi ng ganoon kaysa naman malagay na naman siya sa alinlangan.
“Hindi. Bakit naman ako maapektuhan sa `yo? You’re nothing to me.”
“Puwes kung ganoon, patunayan mo,” sinalubong pa ni Kit ang titig niya.
Gustong magngitngit ni Cindy. Sa loob ng nakaraang linggo ay nakita niya kung gaano kadeterminado si Kit. At ngayon na nagkaroon na naman ito ng pagkakataon, pakiramdam niya ay hindi pa rin ito susuko. Tama rin ito. Kung gusto niyang patunayan na wala talaga siyang nararamdaman rito, kailangan niya na pumayag sa gusto nito.
“Fine,” wika niya sa huli.
Just please be still my heart! Sigaw ng isip ni Cindy.
Kinuha ni Cindy ang listahan at cardboard na inabot ng warehouse personnel. Tinignan niya ang mga items at gusto na naman niya na magngitngit. Lahat ng mga kailangan nilang siguraduhin ang bilang ay mga items na nasa freezer. Malaki naman ang freezer pero hindi iyon ang gusto niyang lugar na puntahan. Malamig at madilim roon. Parehong bagay na ayaw niya. Pero hindi na lang nagreklamo si Cindy. Ayaw na niyang may masabi pa si Kit. Isa pa, gusto na niyang matapos ang lahat ng maaga.
Sinimulan na nila ni Kit ang inventory counting. Unang item pa lamang na bibilangin nila ay marami ng kulang kahit na ba last counting na iyon. Napaungol si Cindy.
“Maraming kulang. Mahirap na hanapan. But why the sad face, Cindy? Hindi ba at buhay mahirap ang gusto mong gawin sa buhay mo noon?”
“Oo. Pero iba ang sitwasyon noon. Dahil alam ko na magiging mahirap man ako, makakasama ko naman ang taong mahal ko.”
Ngumisi si Kit. “Kasama mo pa rin naman siya hanggang ngayon, ah?”
“Iba na ang sitwasyon. Dati lang iyon. Hindi na ngayon,” mataray na sagot ni Cindy.
“Sabagay. Iba na rin naman ang sitwasyon niya sa buhay ngayon. Hindi mo ba talaga siya gustong bigyan ng pagkakataon pa?”
“Hindi ako naniniwala sa second chances. Sinaktan na niya ako noon. Kayang-kaya rin niya na gawin iyon sa pangalawang pagkakataon.”
“Pero paano kung ginawa lang naman talaga niya iyon para sa ikabubuti ng taong iyon?”
“Para sa ikabubuti?” natawa si Cindy. “Kailan pa naggawa para sa ikabubuti ang mang-iwan? Ang manakit? Kung ano pa man ang dahilan iyon, nakasakit pa rin ang taong iyon.”
Tumango-tango si Kit. Akmang magsasalita na naman ito nang pigilan niya ito. “Kung ano man ang gusto mo pang sabihin, itigil mo na, Kit. Don’t be so determined. Alam naman natin na hindi tayo puwede sa isa’t isa. Tama na ang minsan na nagpakatanga tayo na may hinaharap tayo, este ako pala. Ako lang pala. Kagaya nga ng sinabi mo kanina, nagbago ka na. Isa na roon ang nakaya mong pumasok sa kompanya namin at magkaroon ng magandang puwesto rito. Hindi rin naman sikreto sa akin na pinagkakaguluhan ka ng maraming babae sa kompanya kahit bago ka pa lang. Go with them. Huwag na ako,”
“But I only want you, Cindy.” Sinalubong ni Kit ang mga mata niya at tila may kapangyarihan iyon dahil gusto man niya na iiwas ang tingin ay parang hinihipnotismo siya nito upang salubungin rin iyon.
Matagal bago nakabawi si Cindy. Magtatagal pa nga siguro iyon kung wala lang siyang narinig na parang kung ano na sumara. Nakuha rin ng atensyon ni Kit ang kung ano man na nangyari. Lumayo ito sandali sa kanya upang tignan kung ano ang nangyari. Nang bumalik ito ay namumutla na ito.
“We are locked inside the freezer, Cindy....” masamang balita ni Kit.
“Ano?!” naisigaw na ni Cindy. Pumunta siya sa pinto ng freezer at sinubukan na buksan iyon. Napaungol siya nang mapagtanto na tama si Kit. Tumingin siya sa paligid. Malaki ang freezer pero tanging sila lamang ang nasa loob. Namutla na rin si Cindy.
“W-wala akong dala na cell phone. Mayroon ka ba?”
Nang umiling si Kit ay nanghina siya. Doon rin niya unti-unting nararamdaman ang lamig. Tumiim ang mga bagang ni Kit nang makita nito na napaluhod na siya sa sobrang panlulumo. Sinubukan rin niyang yakapin ang sarili upang kahit papaano ay mabawasan ang lamig.
Lumayo si Kit sa kanya. Narinig niya na tumatawag ito ng tulong mula sa labas. Pilit rin nito na binubuksan ang pinto sa pamamagitan ng pagbalya roon. Matagal-tagal rin ang nakalipas nang bumalik ito sa tabi niya.
“Namumutla ka, Cindy. Kayo mo pa ba?” puno ng pag-aalala ang tinig nito.
“Sa tingin ko ay hindi ko na makakaya. A-ang lamig...”
Lumapit sa kanya si Kit. Akmang yayakapin siya nito upang mabawasan ang lamig na nararamdaman niya ng pigilan niya ito. “H-huwag mo akong hawakan!” naggawa pa niyang magprotesta. Kahit tila nanlalabo na ang senses niya dahil nag-uumpisa ng sumama ang kanyang pakiramdam ay alam pa rin niya ang mangyayari.
“Huwag ng matigas ang ulo, Cindy. Kailangan mo ng init!”
“N-no. I’d rather die of cold than hugging---“
Hindi na naituloy pa ni Cindy ang sasabihin nang ituloy na ni Kit ang pagyakap sa kanya. Sinubukan niyang lumayo ngunit naging matigas si Kit. Pilit pa rin siya nitong niyakap.
“May nakarinig na sa tawag ko. Maya-maya ay mabubuksan na rin ang freezer. Pero bago iyon, kailangan muna natin na gawin ito. Alam ko na hindi mo gusto pero hindi ko hahayaan na may mangyari pa na masama sa `yo, Cindy. Magiging maayos ang lahat. Hindi na iyon magiging kagaya ng dati...”
Tumingin siya kay Kit. Kitang-kita niya ang sinseridad sa mga mata nito nang sabihin ang mga iyon sa kanya. Ang tinutukoy nito sa huling mga salita nito ay ang tungkol sa relasyon nila. Pero tama ba talaga na maniwala siya roon? Nang una niyang sinubukan na ipaglaban ang relasyon nila ay hindi nito iyon ginawa. Natatakot siya na sa susunod na pagkakataon ay hindi rin iyon magagawa nito. Mahirap magbigay ng pangalawang pagkakataon lalo na at lubos na nasaktan siya sa kung ano ang nangyari noon.
NAGGISING si Cindy na hindi na nagtaka na hindi pamilyar sa kanya ang silid na nabungaran. Pagkatapos nilang ma-rescue ni Kit sa loob ng freezer ay inabisuhan sila na magpahinga muna sa clinic kaysa ang ipagpatuloy ang ginagawang inventory counting. Dahil bukod sa tingin ni Cindy ay na-stress siya sa nangyari, pinili rin niya na sundin ang utos para na rin maiwasan si Kit. Kung makakatulog siya ay hindi na niya kailangan pa na makasama ito. Pero mali ng inakala si Cindy dahil nang maggising siya ay nakita niya pa si Kit na nakabantay sa kanya.
“Okay na ba ang pakiramdam mo?”
Pinigilan ni Cindy na matuwa sa nakitang concern nito. “Anong ginagawa mo rito?”
“Binabantayan ka. Nag-aalala ako sa `yo. Ilang oras ka rin na nakatulog. Siguro ay pagod na pagod ka talaga dahil sa nangyari. Pero sana ay okay ka na ngayon.”
“I’m fine. Maaari ka ng umalis,” wika ni Cindy at tumayo ng kama. Tinignan niya ang kanyang relo. Lagpas alas dose na ng tanghali.
“No. Sasamahan na kita mag-lunch. O kung gusto mo, sasamahan na rin kita na umuwi. Binigyan na tayo ng permiso ng mga personnel na umuwi dahil na rin sa nangyari.”
“Uuwi na lang siguro ako.” Hindi na niya gustong gawin ang trabaho dahil baka may tsansa pa na makatrabaho niya muli si Kit. Pagkatapos ng mga nangyari ngayon, lalo lamang niya na napatunayan na may nararamdaman pa rin siya rito. Hindi pa rin niya gustong maramdaman iyon dahil alam niya na bukod sa mga sugat, marami pa rin na dapat ikonsidera.
“Okay. Sasamahan na kita,”
Tumaas ang isang kilay ni Cindy. “Ang ibig mong sabihin, sa parking lot?”
“No. Sasamahan na kita pauwi. Nakita ko kaninang umaga na sumabay ka lang sa Daddy mo. Pero dahil may business trip siya ngayon, hindi ka niya mapupuntahan---“
“Tatawagan ko ang family driver namin.”
“Gusto mo pa ba na manggulo, Cindy? Inaalok na kita nang mabilis na paraan,”
Tinitigan niya si Kit. Sa totoo lang ay hindi siya sure kung available rin ang family driver nila dahil ang alam niya ay may lakad rin ang kanyang Mommy. Hindi niya naman nadala ang kotse ngayong araw dahil coding iyon. Kung gusto nga niya na makauwi, isang magandang ideya ang patulan ang inaalok ni Kit.
“Determinado ka talaga, ha?”
Tumango at ngumiti si Kit. “Nasabi ko na ang lahat sa `yo, Cindy. Gusto kita. Mahal pa rin kita.”
Natigilan si Cindy sa sinabi ni Kit. Sandali rin siyang hindi nakapagsalita. “Hindi...”
“Hindi rin. Hindi ko gusto na minamali mo ako, Cindy. Dahil totoo iyon. Hindi mo pa nararamdaman? Ayaw ko na nasasaktan ka. Gusto ko na protektahan ka, bantayan ka, dahil mahal pa rin kita. Kaya ako pilit na bumabalik sa buhay mo ngayon ay dahil mahal pa rin kita.”
“Pinaasa mo ako, Kit.”
“At nagkamali ako, oo. Pero sana ay nakita mo rin na mali rin ang dati. Dumating ka sa mga panahong inaayos ko pa lamang ang buhay ko. Maaari man na maging masaya tayo pero hindi tama ang lahat.
“Alam ko na nasaktan kita, Cindy. Pero ginawa ko lang ang nararapat. Umalis ako sa buhay mo para magsikap. And look at me now. Kaunti na lang, masasabi ko na magka-level na tayo. Hindi na rin tayo kukutsain ng mga tao dahil sa relasyon natin. May narating na ako. Lumayo ako sa buhay mo upang ayusin ang buhay ko para sa pagbabalik ko, hindi na ako magiging mababa kapag magkatabi tayo. Para gustuhin rin ako ng mga magulang mo para sa `yo.
“Mahirap man na intindihin ang ginawa ko pero inisip ko lang na mas makakabuti iyon. Ayaw kong i-drag ka sa mahirap na buhay ko noon. You don’t deserve it, Cindy. Hindi nararapat sa `yo ang klase ng tao na ako noon. Kaya ito ako. Nagsikap ako. Para sa `yo. Lahat ng tagumpay na nakuha ko sa nakalipas na tatlong taon, lahat ng iyon ay para sa `yo.”
Lumambot ang puso ni Cindy. Nang hawakan rin siya ni Kit ay nadamay rin pati ang tuhod niya. Mabuti na lang at pinaramdam sa kanya ni Kit na libre itong hawakan kaya naggawa niya. Napangisi pa si Kit dahil sa ginawa niya. “Hindi ka pumalag. Hinawakan mo rin ako. Puwede ko na bang bigyan ng kahulugan ito, Cindy?”
Namula si Cindy. Nag-iwas siya ng tingin at kumawala na rito dahil hindi niya gustong inisin. “Iuwi mo na nga lang ako,”
Nagliwanag ang mukha ni Kit. Ngumiti rin ito. “Kung ganoon ay kailangan ko lang pala sabihin ang mga magic words at magpaliwanag para kahit papaano, umamo ka rin sa akin.”
Masasabi ni Cindy na nakatulong ang mga salitang iyon. May punto rin ang sinabing iyon ni Kit. May dahilan naman talaga ito kaya ito umalis. Siya lang ang nag-isip na masaktan. Pero hindi siya masisisi. Nasaktan siya. Inisip na iniwan dahil hindi siya lubos na mahal. Hindi siya naggawang ipaglaban ni Kit. Hindi nito sinunod ang gusto niya. Dahil sa desisyon ni Kit, napuwersa siya sa buhay na hindi niya gusto.
Pero sa mga paliwanag ni Kit ngayon, naramdaman niya na nabawasan ang sakit. May punto ito. Aminado siya na may mali rin naman siya pero mas naramdaman niya iyon ngayon. Pinili lang ni Kit ang mas makabubuti para sa kanilang dalawa...
Nagkakaroon na kay Cindy ng sense ang lahat. Pero alam niya na hindi pa rin doon natatapos ang lahat. Tama na ba talaga ang lahat ng mga paliwanag? Isa pa, may mga bagay pa na dapat na ikonsidera---isa na roon ay ang pamilya niya. Hindi niya sigurado kung may alam na ang kanyang pamilya tungkol sa pagiging empleyado ni Kit sa kompanya. Iniisip niya kung magugustuhan ba ng mga ito si Kit. Kahit na ba iba na ang sitwasyon ngayon ni Kit, iba pa rin ang pinanggalingan nito. Hindi ito galing sa isang mayamang pamilya na kagaya nila. Isama pa na nagsabi na siya sa kanyang ama na mag-set na ng lalaking i-arrange para sa kanya at kagabi lang ay sinabi nito na may napili na ito.
Kung ano pa man ang gusto ni Kit tungkol sa kanila, malabo na rin iyon. May lalaki ng para sa kanya at kagaya ng dati, hindi rin magiging madali ang daan kung ipaglalaban nila iyon. Natuto na rin siya ng leksyon kaya sa kabila ng mga nararamdaman, hindi pa rin niya puwedeng pairalin iyon.
Pero hindi pa huli ang lahat. Kahit papaano ay puwede niya pa rin na aliwin ang sarili sa mga nararamdaman kay Kit. Ngayong araw, pagbibigyan na lamang niya ang sarili.