More Than A Fairy Tale (Unofficial Series) Chapter 16

RAMDAM ni Cindy ang bigat ng loob niya habang naglalakad siya papunta sa isang restaurant sa loob ng isang mall. Ngayong araw ay nag-set ang kanyang ama ng dinner date para sa lalaking napili nito para sa kanya. Pero kahit siya mismo ang nagmungkahi na gawin iyon ng ama ay nahihirapan pa rin siya.

Hindi niya gustong magpakasal. Kung sana nga lamang ay buhay pa ang Kuya Eric niya, hindi sana mangyayari iyon sa kanya. Masakit na nga para sa kanya ang manatili pa rin sa kompanya, pati ba naman ang isang bagay na ganoon ay ipipilit pa rin sa kanya.

Pero ang pinakamasakit na siguro kay Cindy ay alam na hindi taong mahal niya ang papakasalan niya. Hindi si Kit iyon.

Ginusto mo `yun, Cindy, wika ng isang bahagi ng utak niya. Hindi dapat mabigat ang loob niya dahil siya na mismo ang nagsabi noon sa kanyang ama. Pilit rin niya na tinatanggihan na hindi niya gusto si Kit. Hindi niya gustong paganahin ang puso niya. Kaya nga pagkatapos ng paghatid nito sa kanya sa bahay nila, hindi na siya muli nakipaglapit rito.

Masasabi ni Cindy na natanggap niya ang dahilan ni Kit kung bakit hindi siya pinili nito. Lalo na at kita naman niya na naging matagumpay ito sa buhay. Masasabi niya na masaya rin siya rito. Gumaan ang loob niya sa ipinagtapat nito at naniniwala siya roon. Kung wala itong naggawang maganda sa loob ng tatlong taon, hindi ito makakuha ng mataas na puwesto sa kompanya nila. Ngunit ang paglayo niya kay Kit ay para rin sa ikabubuti ng lahat.

Hindi sila para sa isa’t isa ni Kit. May napili na sa kanya ang ama at ngayon ay ang unang gabi ng pagkikita nila. Tinanggihan niya ang pagkakataon niya na makasama ang tanging lalaking minahal niya. Ito na ang consequences ng lahat ng iyon.

At ngayong gabi, haharapin niya iyon.

Huminga nang malalim si Cindy. Kinalma niya ang kanyang sarili. Magiging maayos rin ang lahat. Hindi man niya kilala at mahal ang lalaki, matutunan na rin naman siguro iyon. Isa pa, pinili ito ng kanyang ama. Lahat naman ng ginagawa ng kanyang ama ay para sa ikabubuti niya, iyon ang itinatanim ni Cindy sa isip sa mga nakalipas na taon.

Pumasok si Cindy ng restaurant. Sinabi lang sa kanya ng ama kung anong numero ng table ang naka-reserve para sa dinner. Nakita niya na may tao na roon. Nakatalikod nga lamang ito kaya hindi niya agad nakita ang mukha. Pero nang lumapit siya rito at makita ang mukha ng lalaki, muntik ng mailaglag ni Cindy ang purse na hawak niya.

“Kit!” nanlaki ang kanyang mga mata, nagulat sa nakita. Pero hindi si Kit. Tumayo pa ito at ngumiti sa kanya.

“Cindy, how are you?”

Umiling si Cindy. Hindi gustong maniwala sa kanyang nakikita. Kinuha niya ang cell phone at binalikan ang text message ng kanyang ama. Sinigurado niya kung iyon nga ang table number kung saan naka-reserve ang dinner date nila ng lalaking pinili sa kanya ng ama. Tama naman ang napuntahan niya.

Pero...

“I-ikaw ang pinili ni Daddy para sa akin?”

“Masaya ka ba na malaman iyon?”

Kung ganoon ay si Kit nga. Nanlaki ang mga mata niya sa nalaman. “Paanong...?”

Huminga nang malalim si Kit pagkatapos ay lumapit sa kanya. Hinila nito ang upuan. “Umupo ka, Cindy. Ipapaliwanag ko ang lahat sa `yo.”

Sumunod si Cindy. “Hindi ka niya gusto para sa akin. Siya mismo ang kumausap sa akin at sinabing---“

“Noon iyon, Cindy. Noong ako pa lang ang hampas lupang Kit. Pero pinagbago na ako ng mga taon. Hindi na ako ang stable boy na tinanggihan niya noon.”

Tinignan ni Cindy nang mataman si Kit. Iyon nga ba? Iyon lang ba talaga ang gusto ng kanyang ama kaya pinalayo siya nito kay Kit? Dahil noon ay hindi nila ito kapantay. Wala itong ipagmamalaki. At ngayong maayos na ang buhay ni Kit, ito pa ang pinili ng kanyang ama para sa kanya.

“At lahat ng mga iyon ay dahil sa ama mo.” Dugtong pa ni Kit na lalo pang nagpagulo sa isipan ni Cindy.

“Ano ang ibig mong sabihin?”

“Hindi mo ba pinagtatakahan ang lahat ng nangyari, Cindy? Isang ekslusibong party ang birthday mo. Tanging mga taong kilala lamang sa alta-sociedad na inimbita mo at ng pamilya mo ang maaaring makapunta. Kung hindi ako inimbita ng isa sa miyembro ng pamilya mo, paano ako makakarating roon? Tatlong taon lang rin ang nakalipas. Sa tingin mo ba ay magiging ganoon kadali para sa akin ang makakuha ng mataas na puwesto sa kompanya niyo kung wala akong back-up na mataas na tao rin doon?

“Isang masquerade party ang birthday mo. Kataka-taka kung kailangan mo ng mapapangasawa at ganoon ang klase ng party `di ba? Pero alam ko ang dahilan kung bakit. Sinabi sa akin ng Daddy mo. Ginusto niya na ganoon para hindi mo agad ako makilala at masira ang party mo. Inaasahan na niya ang magiging reaksyon mo at para maiwasan iyon, ginusto niya na hindi mo makilala ako. To let the feelings go first before the anger...”

Napakurap si Cindy. Hindi siya makapaniwala sa lahat. “T-tinulungan ka ni Daddy,”

Iyon ba ang dahilan kung bakit naging mausisa ang kanyang Daddy? Kaya nang mag-almusal sila ay parang gusto pa talaga nito ang nangyari sa kanila ng lalaki sa birthday party niya. At ang paghugot pa nito noon...

“At ginawa niya iyon para sa relasyon natin. Para sa `yo. Dahil mas magiging maganda ang relasyon natin kung magiging kapantay kita, Cindy.”

“P-pero paano?”

“Ako ang namahala at nagpalago pa ng farm niyo sa Batangas,” pag-amin ni Kit kay Cindy.

Walang kaalam-alam si Cindy roon. Alam niya na may farm sila sa Batangas---isang poultry farm iyon kung saan kinukuha ang supply ng meat na ginagamit sa food manufacturing na pagmamay-ari nila. Pero hindi siya nagpupunta roon. Kahit na ba naririnig niyang naging mas maganda iyon kaysa sa dati dahil na rin sa taong namahala roon sa nakalipas na taon, hindi niya ginustong pumunta. Farm lang naman iyon ng mga baboy at manok. Wala roon ang mga paborito niyang kabayo na sa nakalipas na taon ay hindi na rin talaga niya naasikaso dahil sa sobrang abala sa trabaho. Nang magdalawampu’t limang taong gulang siya ay tinapos na talaga niya ang career at buhay niya kasama ang mga ito.

“Kung ganoon ay si Daddy ang tumulong sa `yo. Pero bakit hindi niya pinaalam sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin? Bakit hinayaan niyo na maniwala ako na iniwan mo ako?”

Ikinuwento sa kanya ni Kit ang naging pag-uusap nito at ng kanyang ama tatlong taon na ang nakararaan. Hindi siya makapagsalita dahil sa sobrang gulat.

“Ginusto ko na puntahan ka, Cindy. Hindi ko gustong maramdaman mo na iwan kita, ang masaktan ka. Pero pumayag ako sa gusto ng Daddy mo dahil para sa ikabubuti rin naman natin iyon---“

Gulong-gulo si Cindy sa nalaman. Tumayo siya at nilayasan si Kit. Hindi niya malaman kung ano ang mararamdaman. Pakiramdam niya ay niloko siya. Nasaktan siya. Naglihim sa kanya ang ama at si Kit.

Sinundan siya ni Kit. Hinabol siya nito at pilit na nagpapaliwanag pa rin pero hindi niya ito pinakinggan. Tuloy-tuloy lamang siya na naglakad hanggang sa matapilok siya. Nakita agad ni Cindy na naputol ang takong ng sapatos niya dahil sa nangyari. Napaungol siya. Hinawakan siya ni Kit.

“Huwag mo akong hawakan. Kaya ko ito,” hinubad ni Cindy ang sapatos. Kahit nakakahiya ay susubukan niyang maglakad ng nakapaa. Nasa mall naman sila. Mabilis lang siyang makakabili ng bagong sapatos. Kailangan niyang layuan si Kit. Pagkatapos ng mga nalaman niya, hindi niya pa gustong kausapin ito. Naguguluhan pa rin siya.

Pero hindi siya sinunod ni Kit. Sa halip ay binuhat pa siya nito na lalong ikinagalit ni Cindy. “Anong ginagawa mo, Kit? Ibaba mo ako!” pilit na pagprotesta niya. Lalo tuloy silang nakaagaw ng atensyon dahil sa nangyari.

“Hindi. Hindi kita hahayaan na maglakad ng walang sapatos, Cindy.” Wika nito habang buhat-buhat pa rin siya.

“Bibili ako ng bagong sapatos---“

“Hayaan mo akong gawin iyon sa `yo,”

“Ayaw ko!”

“I want to. `Wag ka nang makulit at magpumiglas, kung hindi mas lalo pa tayong magtatagal ng ganito dahil mahirap maglakad nang may gumugulo sa `yo,”

Gusto ng matapos ni Cindy iyon kaya sinunod na nga lang niya ito. Nang makakita si Kit ng shoe store ay ibinaba na siya nito. Kumuha agad si Cindy ng sapatos na magkakasya sa kanya para matapos na ang lahat. Hindi na niya tinignan kung babagay ba iyon sa suot niyang damit basta kailangan na lang talaga niya na makauwi.

Nang umayon naman sa paa ni Cindy ang sapatos ay kinuha na niya iyon. Akmang babayaran na sa counter nang magsalita si Kit.

“Wait,” pigil ni Kit sa kanya. Pinaupo siya nito at lumuhod sa harapan niya. “Try this,”

Kunot noong tinignan ni Cindy ang hawak nito na sapatos. Napansin agad niya na babagay iyon sa damit na suot niya. Kulay asul iyon, kagaya ng dress na suot niya ngayon. Classy na tignan ang sapatos at nagustuhan agad iyon ni Cindy.

“May napili na ako,” itinaas niya ang isinukat kanina.

“Kulay pula `yan. Hindi magandang tignan sa suot mo na damit ngayon,” ipinilit ni Kit na isuot sa kanya ang sapatos. Sa kabila ng pagprotesta kanina, hindi maitatanggi ni Cindy na naapektuhan siya sa ginagawa ni Kit ngayon. Para siyang si Cinderella na sinusuotan ng sapatos ng Prince Charming nito. At kagaya ng nasa sikat na fairy tale, umayon rin sa kanya ang magandang sapatos. Hindi napigilan ni Cindy na mamula ang pisngi dahil kinilig siya sa eksena.

“Looks good,” ngumiti si Kit. Tinignan nito ang sales lady. “Bibilhin na namin,”

“Okay. This way, Sir.”

Tumayo si Cindy para pigilan ito. Lalo niyang nasabi na nagustuhan niya ang sapatos dahil masarap iyon sa paa at bumagay talaga sa suot niya. Pero hindi niya gustong pangunahan siya ni Kit. Sinundan niya ito. “Ako na ang magbabayad---“

“No. Sa kuwento ni Cinderella, ang fairy God mother ang nagbigay ng sapatos niya,”

Tumaas ang isang kilay ni Cindy. “Pero lalaki ka,”

“Alam ko. Pero hindi mo naman ako maggawang i-consider bilang prince charming, `di ba?”

Hindi nakapagsalita si Cindy. Nakita niya ang awa sa kanina ay tila kinikilig pang mukha ng sales lady. Hinayaan na niyang bayaran ni Kit ang sapatos.

“Thank you,” pagpapasalamat na lang niya rito pagkatapos.

“You’re welcome,” nakangiti pa rin na wika nito sa kabila ng pagtatalo. “`Wag mo na muling subukang lumayo sa akin. Baka magaya ka na naman kay Cinderella at---“

“Don’t compare me to that princess. Or any other princess. Sinabi ko na sa `yo na hindi ko gusto na ituring ako na parang prinsesa!”

Tumaas ang kilay ni Kit. “Pero ramdam ko na nagustuhan mo ang nangyari kanina. And here I thought, lahat ng babae ay may secret wish na maging isang Cinderella.”

“Its a spur-of-the-moment thing. Basta, hindi ko gusto na maging isang prinsesa,”

“But you are. You are even named as a princess. Cinderella. At may ilang quality ka rin na mayroon ang isang prinsesa,”

Napataas muli ng kilay si Cindy. “Kagaya ng?”

“Beauty. And spoiled,”

“Spoiled?”

“Yes, you are spoiled, Cindy. Isa sa mga dahilan kung bakit ginusto ng ama mo na paglayuin tayong dalawa—“

“Nasabi mo na `yan kanina,”

“And yet, hindi mo pa rin natatanggap. Kaya gusto ko pa rin na magpaliwanag.” Huminga nang malalim si Kit. “Look, alam ko na may pagkakamali rin kami. Hinayaan ka namin na masaktan, niloko ka namin. Pero ano sa tingin mo ang mangyayari kung sakaling hindi tayo nagkalayo, Cindy?”

Inalala ni Cindy ang pakiramdam niya noon. Mahal na mahal niya si Kit sa tipong ramdam niya na may pagka-selfish na siya. Palagi siyang tumatakas para makita ito, gusto niya palagi na kasama ito. Dahil sa kanya, ramdam niya na hindi naasikaso ni Kit ang kailangang gawin nito sa Maynila. Ang mga day-off nito ay ginugugol pa rin para sa kanya. Ginugulo niya ang buhay nito na hindi napapagtanto ito. Naging makasarili rin siya nang magdesisyon siya na magtanan sila na alam niyang kapag ginawa niya ay sisirain rin ang pangarap ni Kit na masuportahan nang mas maayos ang pamilya nito at makahanap ng trabaho.

Kung nanatili sila sa isa’t isa ni Kit, magiging distraction lang siya rito. Hindi pa niya masasabi na mature na siya sa edad niya noon dahil na-stuck pa rin siya sa mundo kung saan nasanay siya. Hindi niya pa nakikita ang malaking parte ng buhay na noong nagtrabaho siya ay masasabi niya na marami siyang nakita.

Nakita ni Cindy ang realidad ng buhay. Nakaramdam siya ng mga sakit. Mas naintindihan niya ang buhay nang ilagay siya ng kanyang pamilya sa kompanya. Hindi kagaya noong mga panahon na nasa buhay siya ng pangangabayo na parang nasa buhay lang siya ng pantasya dahil puro saya lang ang nararamdaman niya. Mas masasabi niya na nag-grow siya sa mga nangyari sa kanya sa mga nakaraan.

“Nasabi sa akin ng Daddy mo na hirap na hirap ka sa unang buwan mo sa kompanya. Noon ko lalong napagtanto na tama ang desisyon ng Daddy mo. Kung hinayaan niya ako sa buhay mo, gagawin mo akong escape para hindi maggawa ang gusto niya. Maaaring kagaya noong una ay sasabihan mo ako na ilayo ka sa pamilya mo dahil hindi nila gusto ang ipinagagawa nila sa `yo. At ako, dahil mahal kita, mahihirapan ako na tanggihan ka. At saan tayo pupulutin noon, Cindy? Maaaring kasama nga natin ang isa’t isa pero hindi iyon sapat. Wala tayo sa fairy tale. Wala tayo sa pantasya. Nasa realidad tayo at hindi lang ang pag-ibig ang kailangan natin para mabuhay...

“Siguro ay nag-grown apart tayo pero masasabi ko na dahil doon, naging mas maayos tayong tao. Ikaw, bukod sa isang magaling na equestrienne, nakita ng lahat na magaling ka rin na leader. Hindi ka tatagal sa kompanya kung hindi. Ako, marami akong naggawa at napagtagumpayan sa mga tatlong taon na nakalilipas. Sa tatlong taon rin na iyon, napatunayan ko na mahal talaga kita, Cindy. Dahil sa kabila ng mga taon na nagkahiwalay tayo, ikaw pa rin ang laman ng puso ko. Nanatili ka sa puso sa kabila ng mga taong lumipas.”

“Kit...” lumambot ang puso ni Cindy sa mga narinig. May punto si Kit. Kagaya ng mabilis niyang napagtanto nang malaman ang dahilan kung bakit ito lumayo ay naintindihan na rin niya ang sitwasyon ngayon dahil sa paliwanag nito.

“Naiintindihan mo na ba, Cindy? Ang lahat ng ginawa namin ng Daddy mo ay para sa ikabubuti,”

Tumango si Cindy. Napagtanto na nga niya ang lahat ngayon. Kinailangan lang niya na kaunting paliwanagan pala para maliwanagan.

“Napagtanto ko nga. At naisip kong maaaring mangyari nga ang nasa isip mo. Hindi ako sanay na masaktan noon. Buong buhay ko, ibinibigay sa akin ang kung ano ang gusto ko. Pinoprotektahan ako. Nang hindi ko makuha ang mga bagay na iyon, gumawa ako ng mga bagay na mas magdudulot lang ng hirap. Pero hindi ako nag-isip mabuti dahil maganda ang buhay ko. Ang iniisip ko, magiging maganda pa rin ang buhay ko sa kabila ng lahat. I am a bit selfish. Maaaring gawin ko nga ang mga bagay na iyon sa `yo, Kit. And I’m sorry.”

“Hindi ko gusto na humingi ka ng tawad. Naagapan naman natin `di ba? Hindi nangyari ang mga iyon.”

“Pero sa mga nakalipas na araw ay sinaktan kita sa pambabalewala ko sa `yo---“

“Naiintindihan ko. Hindi mo pa rin naman alam ang lahat. Gusto ko rin na dahan-dahanin iyon dahil naisip ko na hindi mo maiintindihan. But I guess, ngayon ay masasabi ko na nag-mature ka na dahil naintindihan mo na kaagad sa kaunting pagpapaliwanag pa lang.”

“Pero aminado ako na nagulo rin ako,”

“Hindi na iyon mahalaga. Nandito pa rin naman ako na gagabay sa `yo kung maguguluhan ka pa rin kung mayroon pa man na bumabagabag sa `yo. Ang tanging mahalaga pa rin naman sa akin ay ang malaman kung pareho tayo ng nararamdaman, Cindy...”

Ngumiti si Cindy. “Sa tingin ko, mas mahihirapan akong intindihin ka kung hindi nga pareho `yun,”

“Kung ganoon ay mahal mo pa rin ako. Mahal mo pa rin ako sa kabila ng lahat...”

“At sa tingin ko ay hanggang susunod pang mga taon. Kagaya mo, nanatili ka rin sa puso ko...”

Sa sobrang saya ay niyakap siya ni Kit. Hinalikan rin siya nito sa mga labi. At sa isang pagkakataon muli, umagaw na naman ng atensyon muli sila ni Kit.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.