HINDI lang dahil sa tinulungan ng ama niya si Kit kaya matagumpay ito. Ramdam iyon ni Cindy. Ngayong araw ay dinala siya ni Kit sa isang lugar na makakapagpatunay na talagang matagumpay na ito. Kasalukuyan silang nasa isang bahay bakasyunan malapit sa ilog kung saan dinala siya nito noon. Pagmamay-ari na ngayon ni Kit ang bahay bakasyunan. Sabado ng araw na iyon at pareho silang walang trabaho kaya napagpasyahan nila na lumabas.
“May iba pang nangyari bukod sa pagtulong sa `yo ni Daddy,” wika niya kay Kit. Napakaganda ng lugar at dahil doon, napagtanto ni Cindy na may kamahalan iyon. Maganda ang puwesto ni Kit dati sa farm at sa tingin niya ay malaki ang suweldo na nakukuha nito mula roon. Pero sa tingin niya ay hindi magiging sapat ang lahat ng iyon sa nakalipas na tatlong taon para mabili ang lugar na kinaroroonan nila.
“Bukod sa pagtatrabaho sa farm, nag-aral rin ako ng masteral. May naging kaklase ako roon na magaling sa stock market. Tinuruan niya ako at napalago ko ang pera na natatanggap ko ng dahil roon.” Paliwanag nito. “Huwag mong pagdudahan ang kakayahan ko financially, Cindy. Hindi ko gugustuhin na magpakita sa `yo muli habang wala pa talaga akong masasabi na napatunayan sa buhay,”
Tumaas ang kilay ni Cindy. “Hindi naman sa ganoon. Napapaisip lang ako kung bakit. And I was about to praise you, not insult you. Napakaganda ng bahay na ito.”
Ngumiti si Kit. “Alam ko. At gusto ko rin dahil malapit sa ilog. Ang paborito kong lugar noong bata pa ako. At naging memorable rin na lugar sa akin dahil iyon ang unang lugar kung saan tayo nag-date,”
Ngumiti na rin si Cindy. “If so, puwede ba natin na ibalik ang nakaraan?”
“Hmmm... Sa tingin ko ay mas magiging magandang ideya kung sa may horse farm tayo pumunta?”
Nasabik siya sa ideya. “Pero paano? Papayagan ba tayo roon?” nanlaki ang mata ni Cindy nang may maisip. “W-wag mo sabihin na sa `yo na rin ang horse farm kung saan ka nagtatrabaho dati? You’re so full of surprises!”
Tumawa si Kit pagkatapos ay umiling ito. “Masyadong mataas ang value ng horse farm. Hindi ko pa kaya. But who knows...sa future. Kapag naisipan ng may-ari na ibenta iyon. Kaya ko na pumunta tayo roon dahil naging kaibigan ko na rin naman ang mga tauhan roon at pati na rin ang may-ari. Siguradong papayagan tayo na gugulin ang maghapon natin doon.”
Napuno ng saya ang puso ni Cindy. Na-miss niya ang pangangabayo. At ngayong araw, hindi lang niya magagawa ang isang bagay na pinakagusto niya. Magagawa niya pa iyon kasama ang taong pinakagusto rin niya sa buong mundo.
Simula nang maliwanagan siya kung ano ang nangyari sa nakaraan ay naging maganda na ang relasyon nila ni Kit. Ngunit sa kabila ng pagtanggap niya rito, tila hindi pa rin sapat kay Kit ang lahat. Kahit masasabi na may relasyon na sila muli ni Kit, hindi pa rin ito tumitigil sa panliligaw sa kanya. Iyon ang pakiramdam niya. Paano kasi ay araw-araw pa rin siya nitong binibigyan ng bulaklak kagaya ng ginagawa nito noon. Pero hindi naman maitatanggi ni Cindy na masaya siya dahil sa mga iyon. Parang araw-araw siyang pinapasakan nang vitamins na pampakilig dahil kay Kit kahit na ba ang makita niya lang ito ay kinikilig na siya.
Inabot ng hapon sina Kit at Cindy sa ilog. Pagbalik nila sa bahay ay napagod silang dalawa, lalo na si Cindy.
“Para tuloy ayaw ko ng umuwi. Parang gusto ko na lang na magpahinga dito sa bahay mo...” nasabi ni Cindy pagkatapos niyang magbanlaw.
“Puwede naman,”
Tumaas ang kilay ni Cindy. “Paano?”
“Pinagkakatiwalaan ako ng buong pamilya mo,”
Totoo iyon. Hindi lang ang Daddy niya ang may gusto sa relasyon nila. Noong nakaraang linggo ay ipinakilala niya ito sa Lolo niya at boto ito sa kanya para kay Kit. Hindi na daw mahalaga para rito ang nakaraan ni Kit. Ang mahalaga ay kung ano na ito ngayon. Nang malaman rin kasi nito ang mga naggawa ni Kit para sa farm ay humanga ito rito. Lahat ay maayos na sa relasyon nila.
“At ganoon ka rin naman sa akin `di ba, Cindy?” Sinalubong ni Kit ang kanyang mga mata.
“Oo naman,”
Ngumiti si Kit. “Kung ganoon...wala tayong problema. Kung gusto mo na matulog dito, then be it. Ako na mismo ang kakausap sa Daddy mo,”
Ngumiti rin si Cindy. Niyakap niya si Kit. Naalala niya na minsan sinabi ni Kit na fairy Godmother niya ito imbes na Prince Charming. Pero ngayon niya naramdaman na sa buhay niya, nakuha nito ang parehong role.
Kagaya ni fairy Godmother, tinupad ni Kit ang kahilingan niya na maging masaya. Kagaya naman ni Prince Charming, tinupad ni Kit ang inaasam niya na iligtas siya mula sa lahat ng lungkot at galit sa puso niya.
Hindi pinagsisihan ni Cindy ang mabilis na pagpapatawad kay Kit at sa ama. Pagkatapos ng lahat, hindi rin naman niya maitatanggi sa puso niya na gusto niya pa rin si Kit. May kasalanan man ito sa kanya ay mahal pa rin niya ito. Napagtanto rin niya ang mga kasalanan niya at masaya siya na naayos ang relasyon nila.
Lubos na nagpapasalamat si Cindy sa pangalawang pagkakataon.
HINDI na nagtaka si Cindy nang pangalawang beses niyang maggising ngayong araw ay hindi niya nabungaran si Kit. Kaninang alas singko ng umaga ay ginising siya nito at sinabing kailangan nitong umalis dahil nagkaproblema sa division nito at kailangan ng immediate atensyon nito. Dahil hindi pa gustong umuwi ni Cindy, sinabi niya kay Kit na hindi siya sasama pauwi. Mananatili siya sa farm at aantayin na lang muli ang pagbabalik nito. Ipinangako naman nito na kapag natapos kaagad ang problema ay babalik ito. Probably daw ay bago dumating ang hapon ay makabalik na ito muli roon.
Natulog muli si Cindy pagkatapos magpaalam ni Kit. Alas otso na ng umaga nang maggising muli siya. Hindi man niya nabungaran si Kit sa kanyang muling paggising, nakaramdam pa rin siya ng saya nang masilayan niya ang ganda ng araw ngayong umaga. Tila ba nasa ayos ang lahat. Kagaya ng pakiramdam niya ngayon kahit wala si Kit sa tabi niya. Lubos na nagtitiwala siya kay Kit kaya naman kahit wala ito sa tabi niya, ramdam niya na magiging maayos pa rin ang lahat. Pagkatapos ng lahat, ano pa ba ang mangyayaring masama kung wala si Kit sa tabi niya? Nasa bahay siya nito. Alam rin niya na pangangalagaan ni Kit ang sarili nito dahil bilin niya iyon rito.
Lumabas na siya ng kuwarto at pumunta sa kusina. Kailangan na niyang kumain ng almusal. Ngunit bago pa niya maggawang magluto ay nakita na niya na may mga pagkain sa lamesa.
Breakfast for my princess. Have a great morning! May note pa na nakalagay mula roon. Lalong gumanda ang pakiramdam ni Cindy. Pinapakita lang noon kung gaano siya pinapahalagahan ni Kit. Pakiramdam niya ay siya na talaga ang pinakamasuwerteng babae sa mundo. Hindi na rin niya sasabihin na hindi niya gusto na maging prinsesa kung ganoon rin naman ang magiging trato ng prinsipe sa kanya.
Naglagay ng mental note si Cindy sa isip na tatawagan si Kit pagkatapos niyang kumain. Sa ngayon ay gutom na siya. Pero bago niya pa maggawang kausapin si Kit pagkatapos niyang kumain, may dumating na hindi niya inaasahan sa bahay ni Kit.
Isang babaeng hindi niya inaasahan at ni hindi rin niya kilala...
“Sino ka?” mataray na wika pa ng babae. Agang-aga ay ayos na ayos na kaagad ito at gustong ma-insecure ni Cindy dahil samantalang siya ay hindi man lang naisip na magsuklay.
Kung paano nakapasok ang babae roon ay ikinabahala ni Cindy. Nang mapadaan siya kanina sa sala ay nakita niya na naka-lock ang pinto. Iyon lang ang nag-iisang daan papunta sa labas. Kaya kung walang susi ang babae, hindi ito makakapasok roon.
“Ahmm... sa tingin ko ay ako dapat ang magtanong sa iyo niyan, Miss. What you’re doing is trespassing and---“
“Trespassing?” tumaas ang kilay ng babae. “Bahay ito ni Kit!” pagkatapos ay inilibot nito ang tingin sa paligid na para bang sinisigurado kung tama ito ng lugar na pinuntahan.
“Alam ko. Kaya nga ako nandito dahil---“
“Shoes!” naputol ang pagsasalita ni Cindy nang bigla na lamang magsalita ng wala sa pinag-uusapan ang babae. Dahil sa paglilibot nito ng tingin, nahagip nito ang isang bagay na itinabi niya sa tabing parte ng bahay. Pumunta ang babae sa kinaroroonan ng sapatos at kinuha iyon. “What a beautiful shoes!” isinukat pa nito ang sapatos.
Lumapit si Cindy sa babae. Sa kung anong dahilan ay nairita siya sa ginawa ng babae. Basta na nga lang ito pumasok sa bahay ng nobyo niya, basta na rin lang nito kinuha ang sapatos na binili sa kanya ni Kit! Simula nang magkaayos sila, iyon na ang naging paborito niyang sapatos kaya iyon ang suot niya nang magpunta sila sa lugar. May baon lang siyang extra na tsinelas na ngayon ay gamit niya. Ngunit sa kabila noon, ingat na ingat niya ang sapatos.
“Kanino ang sapatos na ito? Sa `yo?” hindi nagkasya sa babae ang sapatos ngunit hindi iyon dahilan upang bitawan na nito ang hawak.
“Oo, akin `yan. Kaya please, bitawan mo na `yan. Importante sa akin ang sapatos na iyan. Bigay `yan sa akin ni Kit.”
Nanlaki ang mata ng babae. “Binigyan ka ni Kit ng ganito kagandang sapatos?”
Kumunot ang noo niya. “Anong mali roon?”
“Hindi ako kailanman binigyan ng ganitong kagandang sapatos ni Kit!” nagngitngit ang babae.
“At bakit ka naman niya bibigyan ng ganyan? Sino ka ba sa buhay niya para maisip mo na maaari kang bigyan ng ganito ni Kit?”
Ibinaba ng babae ang hawak na sapatos. Humalukipkip ito. “Well, ako lang naman ang pinakaimportanteng babae sa buhay ni Kit. Ang babaeng mahal niya!”
Nagulat si Cindy sa sinabi ng babae. Sino nga ba talaga ang babaeng ito? May mga bagay pa ba na itinatago sa kanya si Kit?
Puwede. Isa na sa maaaring magpatunay sa kanya ay kung bakit may susi ang babaeng iyon sa bahay nito.
Pero ayaw isipin ni Cindy na ganoon. Nagtitiwala siya kay Kit. Mahal siya nito. Nirerespeto siya nito. Kagabi ay hindi nito sinira ang tiwala niya rito at ng kanyang ama. Kahit nasa iisang bahay lang sila, hindi nito ipinilit na magtabi silang matulog. Natulog ito sa kabilang kuwarto. Hindi nito gustong gumawa ng mga bagay na hindi pa nararapat dahil hindi pa naman sila kasal.
Kinalma ni Cindy ang sarili. Kung nagtitiwala siya kay Kit, nagtitiwala siya na kung sino man ang babaeng ito sa buhay ni Kit, hindi iyon ikasasama ng relasyon nila.
“Anong pangalan mo?” nagsimula sa pag-iimbestiga si Cindy sa pamamagitan ng tanong na iyon.
“Anastacia,” sagot naman agad nito.
Natulala si Cindy nang maalala na parang pamilyar ang pangalan na iyon. Napatiim-bagang siya nang maisip kung sino nga ba ito sa buhay ni Kit.
PINILIT na kalmahin ni Kit ang sarili habang nagda-drive siya pabalik sa bahay bakasyunan niya sa Tarlac. Kinakabahan siya para kay Cindy. Ano ang iniisip nito ngayon? Ano ang reaksyon nito? Hindi siya mapakali. Sinubukan man niya na malaman kung ano iyon pero lalo lang siyang pinakaba ng mga nangyari: hindi sinasagot ni Cindy ang cell phone nito. At ng pangatlong tawag niya ay biglang namatay na lamang iyon.
Naniwala ba si Cindy sa sinabi ni Anastacia rito? Malaki ang tsansa pero ayaw niyang isipin. Alam niya na may kasalanan rin siya dahil hindi niya ipinakilala si Cindy sa mga ito. Pero humahanap lang siya ng tiyempo. Alam niyang ang ganoong mga bagay ay kailangan ng matinding pagpaplano dahil kilala niya ang ugali ng kinalakihan niyang pamilya. Paniguradong hindi ng mga ito magugustuhan kapag nalaman ng mga ito na may babae na sa buhay niya. Lalo na si Anastacia na noong maggawa niyang kumita nang malaki ay nagkaroon ng malaking pagkagusto sa kanya.
Iisipin ng mga ito na pababayaan na niya ang mga ito dahil may babae na sa buhay niya. Ilang beses siyang sinasabihan ng stepmother niya dahil gusto pa rin ng mga ito ng suporta para sa kanya. Ganoon rin ang nakikita niya sa isa pa niyang stepsister na si Shiela. Palagi kasi itong natatanggal sa trabaho at dahil roon, palagi na lang rin itong nakaasa sa kanya. Si Anastacia naman, kahit may trabaho ay pangarap pa rin na yumaman. At ramdam niyang target siya nitong akitin para maging mabilis iyon. Alam ng mga ito ang naggawa niya at pagmamay-ari sa nakalipas kaya ang dating basahan para sa mga ito, ngayon ay tila ginto na. Kailangan siya ng mga ito sa buhay.
Si Anastacia ay stepsister niya na gusto siya kaya hindi niya masisisi na ganoon na lang ang pagwawala nito nang matagpuan si Cindy sa bahay niya. May susi ang mga ito noon kaya nakakapasok ang mga ito roon kahit walang paalam niya.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin, Kit? I hate you!” ramdam niya ang galit sa boses ng brat na kapatid. Mabilis lang na naayos ang problema sa Maynila. Pabalik na siya sa Tarlac nang tumawag sa kanya ang kapatid.
“Sinabi ang tungkol saan?” taka na tanong niya.
“Na may babae na sa buhay mo! Dinala mo pa siya sa bahay mo...at binigyan ng magandang sapatos!”
“N-nakita mo si Cindy?” Kinabahan si Kit. Kilala niya ang kapatid. May pagka-brat ito. Ilang beses na niyang nabalitaan na nakipag-away ito dahil sa masamang ugali nito. Natakot siya na baka gawin rin nito iyon kay Cindy ngayong mukhang alam na nito kung sino si Cindy sa buhay niya. Mahirap na, lalo na at may gusto pa ito sa kanya. Paano kung manipulahan nito ang lahat?
“Oo! And I hate her.” Inis pa na sabi nito.
“A-anong sinabi mo sa kanya? Anong nangyari?”
“Nagalit ako sa kanya. Hindi ko matanggap, Kit. Sabay tayong lumaki. Umaasa ako na mamahalin mo ako. Importante ako sa `yo. Hindi mo naman pagtitiyagaan kaming pamilya mo kung hindi `di ba? Mahal mo ako...”
“Damn, Anastacia! Ganoon ba ang sinabi mo kay Cindy? Alam mo na ibang pagmamahal ang nararamdaman ko sa `yo! Sa inyo! Pamilya ko kayo. Itinuring ko kayong ganoon. Pero hindi ko ba alam kung tama ba talaga na sinunod ko ang gusto ni Papa na alagaan kayo sa kabila ng lahat...”
Dahil hindi matanggap ni Anastacia ang nangyari, pinatay nito ang tawag at hindi na nagpaliwanag sa kanya. Nang subukan niyang tawagan muli ito ay hindi rin nito iyon sinagot kagaya ng ginagawa rin ni Cindy. Tila impyerno tuloy ang naging biyahe ni Kit pabalik sa Tarlac dahil sa pag-aalala.
Hindi dapat siya magduda kay Cindy. Sinabi nito sa kanya kagabi na pinagkakatiwalaan siya nito. Pero paanong panghahawakan niya iyon kung ganoon ang sitwasyon? Hindi nito sinasagot ang mga tawag sa kanya. Malamang ay galit ito sa kanya. May paliwanag man siya kaya dapat na hindi siya matakot pero ang isipin na mag-aaway sila ni Cindy ay ikinatatakot niya. Hindi niya gustong mangyari iyon. Ni hindi niya gusto na sumama man lang ang loob ni Cindy sa kanya kaya nagkakaganoon siya.
Lalo lang pinagtibay ang hinala ni Kit nang pagdating niya sa bahay ay natagpuan man niya si Cindy ay umiiyak naman ito. Nanlambot siya.
“Cindy? Oh no... I’m sorry. I’m really sorry...”
Tumingin sa kanya si Cindy. Napansin niya na napuno ng pagtataka ang mukha nito. Pero mas tumatak kay Kit ang mapulang mga mata nito. Hindi niya kayang makita na ganoon ito. Pero kailangan niyang magpaliwanag.
“A-alam ko na ang nangyari. Tinawagan ako ni Anastacia. Pero maniwala ka sa akin, Cindy. Hindi ko siya girlfriend. Oo, importante siya sa akin pero hindi sa paraang iniisip mo. Stepsister ko siya. Iyon lang ang namamagitan sa amin.”
Hindi nagsalita si Cindy. Nanatiling nakatitig lang ito sa kanya.
Niyakap niya ito. “Please, maniwala ka naman sa akin, Cindy. Ayaw ko na nakikita ka na ganyan. Hindi ko kayang makita kang masaktan. I-I can’t lose you.”
Tinanggal ni Cindy ang pagkakayakap niya. “At sa tingin mo ay mawawala ako sa `yo ng dahil doon?”
Tinitigan niya nang mataman si Cindy. “Anong ibig mong sabihin?”
Ngumiti si Cindy. “Iniisip mo yata na galit ako sa `yo, Kit.”
Napakurap lang si Kit. “Kung ganoon, bakit ka umiiyak?”
May inilabas ito mula sa likod nito. Iyon ang sapatos na ibinigay niya rito. Nakita niya na nagkagasgas iyon. “A-anong nangyari?”
“Hinagis ng bruhang Anastacia na `yun sa galit nang hindi ako pumayag sa mga sinabi niya. Ipinaglaban ko na ako ang mahal mo. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako maka-recover sa inis kaya naiyak ako.”
“Iyon lang ang iniiyakan mo? Hindi ka talaga galit sa akin?”
“May kailangan ba na ikagalit ako sa `yo?”
Tinignan niya ito nang mataman. “Nagpaliwanag ba sa `yo si Anastacia?”
“Hindi. Pero nahulaan ko na ganoon nga ang sitwasyon.”
“Naisip mo na step sister ko siya? Paano?”
“Napakahilig sa fairy tale ng Mommy ko. Isa sa mga dahilan kung bakit ipinangalan niya kaming magkapatid mula sa characters ng mga paborito niyang fairy tale. Prince Eric, `yan ang pangalan ng namatay kong kapatid na kinuha sa Little Mermaid. Cinderella ang akin dahil na rin kay Cinderella. Lumaki ako na nabingi sa pakikinig ng fairy tale na iyon. Kilalang kilala ko na ang mga characters sa kuwento. At dahil ikaw ang aking Cinderella Prince naisip ko na maaaring isa lang si Anastacia sa mga bruha na stepsisters ng bida sa sikat na fairy tale. Pagkatapos ng lahat, sinabi mo sa akin na kapangalan pa ng isa sa mismong kuwento ang naging step sister mo.”
“Naalala mo pa `yun?”
“I love you, Kit. Importante ka sa akin. Lahat ng mga sinasabi mo sa akin ay mahalaga.”
Doon na nakahinga nang maluwag si Kit. “Natakot talaga ako. Ikaw kasi, hindi mo kasi sinasagot ang mga tawag ko.”
“Masyado akong nagluksa sa pagkagasgas ng binili mo na sapatos sa akin. Hindi ko na naggawa pa na tignan agad ang cell phone ko kahit na ba naisip ko na tawagan ka sana kanina. Nang tignan ko naman muli, drained na ang battery at hindi ko nadala ang charger kaya hindi rin ako makatawag sa `yo.” Kinuha nito ang sapatos at hinaplos-haplos. “Nakakainis talaga!”
“`Wag mo ng iyakan `yan, okay? Gasgas lang `yan. At puwede pa rin naman kita bilhan muli ng ganyan sa susunod.”
“No! Mahalaga ito sa akin. Ito ang unang bagay na binili mo para sa akin.”
Muntik ng mapaikot ni Kit ang kanyang mga mata. “You hold on sentimental values too much.”
“Of course. Mahalaga ka sa akin kaya tama lang naman siguro na pinahahalagahan ko nang husto ang mga bagay na ibinibigay mo para sa akin...”
Hinalikan niya si Cindy. “Hindi talaga ako nagkamali na mahalin ka, Cindy...”
“Ako dapat ang nagsasabi niyan, Kit. Dahil masuwerte ako na mahalin mo,” pagkatapos ay tumawa ito. “I’m sorry, hindi ko mapigilan. Kapag naalala ko kasi kung anong itsura mo kanina nang akala mo ay galit ako sa `yo, hindi ko mapigilan na matawa. You look really worried.”
“Dahil ayaw ko na mag-away tayo, Cindy. Ayaw ko na maging masama pa ang loob mo sa akin. Ayaw ko na isipin mo na niloko kita kagaya ng dati. Tama na ang tatlong taon na naging masama ako sa tingin mo. Masyado kitang mahal na hindi ko kayang makita ka na masaktan, hence, ang maisip lamang iyon.”
“At napatunayan ko lalo ang lahat ng iyan, Kit.” Ngumiti si Cindy. “Alam ko na hindi mo ako sasaktan. Palaging ipinagmamalaki sa akin ng Daddy na mabait kang tao. Isa pa, dahil mahal na mahal kita, nagtitiwala ako sa `yo. Dahil mahal kita, hindi ko na kailangang mag-isip pa nang masama tungkol sa `yo. Kailangan ko lang na isipin na mahal mo ako, mawawala na ang lahat ng pagduda na nararamdaman ko.”
Napuno ng kasiyahan ang puso ni Kit sa sinabi ni Cindy. Alam niya na sa paglipas ng mga araw ay marami pa silang puwedeng kaharapin na problema. Hindi naman iyon maiiwasan sa isang relasyon. Ang sa ngayon ay maliit lamang at masaya siya na naayos rin nila iyon kaagad. Pero kagaya ng sa ngayon, umaasa siya na susunod ay maayos rin nila iyon. Mahal nila ang isa’t isa. Nagtitiwala sila sa isa’t isa. Hindi kagaya noon, maganda na ang relasyon nila. Pareho na silang handa at mas nasa tamang edad.
Sa piling ni Cindy, doon niya masasabi na talagang totoo ang mga nasa fairy tale. Sa piling nito, natagpuan niya ang happily ever after.
EPILOGUE
ISANG buwan ang nakalipas at nangyari ang engagement party nina Cindy at Kit. Tatlong buwan naman pagkatapos ng engagement party ay ang araw ng kasal nila. Napagdesisyunan na maging ganoon kabilis dahil na rin sa kalusugan ng kanyang ama. Magre-retire na ito bilang CEO ng kompanya. Masyado na kasi itong napapagod at bawal iyon rito. Ngunit gusto nito na bago gawin iyon ay magpakasal muna sila ni Kit. Nalaman nila ang dahilan kung bakit naging ganoon ang desisyon ng ama sa mismong engagement party rin.
“Dahil gusto ko na pagbigyan ang anak ko, Kit. Gusto ko na sundin mo ang gusto niya noon na hindi magtrabaho sa opisina. Bumuo kayo ng pamilya o kung gusto niya, ituloy pa rin niya ang career niya bilang equestrienne. Makukuha na niya ang lahat ng ninais niya noon.” Anunsiyo ng kanyang ama sa engagement party.
Nagustuhan ni Cindy ang sinabi ng kanyang ama. Gusto pa rin sana niya ang ipagpatuloy ang career bilang equestrienne pero sa ngayon ay uunahin muna niya na bumuo ng bagong pamilya. Nasa plano nila ni Kit na bilhin na lang ang horse farm sa Tarlac na sa ngayon ay pinag-iisipan ng ibenta na ng may-ari. Ang pinagsamang pera nila ni Kit ang gagamitin para makabili noon. Ngayong nakuha na niya ang permiso ng pamilya, sa tingin niya ay bukod sa pagbuo ng pamilya kasama si Kit, makukuha na muli niya ang buhay na gusto niya dahil sa property na planong bilhin.
Pero nang may biglang pumasok sa isip ay nabahala si Cindy. “P-pero Daddy, paano pala ang kompanya?”
“Nakalimutan mo na ba kung bakit gusto namin na mag-asawa ka na, Cindy? Ang magiging asawa mo ang gusto namin na mamahala noon.”
Nanlaki pareho ang mata nila ni Kit. “S-sa tingin ko po ay napakalaki noon, Tito. Tama po ba talaga na ako ang mamahala noon? Pinagkakatiwalaan niyo na po ako nang husto?”
Hinawakan ng Daddy ni Cindy ang balikat ni Kit. “Mahal ka ng anak ko. Pinagkakatiwalaan ka niya. At ako rin, Kit. Hindi mo sinira ang tiwala ko sa nakalipas na taon. Sapat na iyon sa akin para pagkatiwalaan kita nang ganitong kalaking bagay.”
Hindi pa rin makapaniwala si Kit. Ramdam niya ang tensyon nito pagkatapos ng mga announcement. Para pakalmahin ito, niyaya niya ito sa garden ng bahay. Sa loob ng mansion nila ginaganap ang engagement party kaya naman walang tao sa garden.
“Hindi mo ba gusto ang gustong mangyari ni Daddy, Kit?” tanong niya rito.
“Na-overwhelm ako, Cindy. Hindi ko inaasahan iyon. Isa pa, napakalaking responsibilidad ng lahat.”
“Nagtitiwala kami sa `yo. Alam ko rin na kaya mo,”
Hindi nagsalita si Kit. Tinitigan lang siya nito nang mataman. “Nararapat ba talaga sa akin ang lahat?”
“Of course. You’re a wonderful person, Kit. You deserved something big like this.”
Naging malaki pa lalo ang tiwala niya kay Kit sa mga nakalipas. Mabuti itong tao. Sa kabila ng hindi kagandahang pagtrato ng pamilya nito rito ay trinato pa rin ito ng mabuti ni Kit. Hanggang ngayon ay suportado pa rin ni Kit ang mga ito. Pamilya ko pa rin sila, palaging sinasabi sa kanya ni Kit. Unconditional ang pag-ibig nito. Sino siya para lalong hindi ma-in love sa ganoong klase ng tao? Dahil rin sa mga magagandang katangian na iyon ni Kit, alam niya na magiging mabuti rin ang pangangalaga nito sa kompanya.
“C-Cindy, natatakot ako,” pag-amin nito. “Hindi naman ako nangangarap ng malaki. Sapat na ba talaga ang kakayahan ko? Parang hindi pa. Isa pa, hindi ko alam kung nararapat ba talaga sa akin ang lahat ng ito.”
“Ito ang gusto ni Daddy at Lolo. Ang gusto nila ay si Kuya Eric ang sumunod na CEO. Pero alam mo na naman ang nangyari sa kanya, hindi ba? Hindi na niya magagawang pamunuan ang kompanya dahil nawala siya. Gusto rin nila na lalaki ang mamuno ng kompanya. With this, we need to abide the rules,” huminga nang malalim si Cindy. “Kung gusto mo, kaya naman kitang tulungan at---“
“Hindi ko rin gustong ipagkait sa `yo ang gusto mo, Cindy.”
“At hindi ko rin kaya na mahirapan ka ng ganito, Kit. Kung nandito nga lang talaga si Kuya...”
Napabuntong-hininga si Cindy nang maalala ang kapatid. Minsan ay nagi-guilty siya kapag nagiging masaya siya. Kakawala lang ng kapatid niya. Nararapat ba na maranasan niya ang ganoong klase ng saya? Pero sabi nga nila, lahat ng tao ay kailangang mag-moved on. Kahit na ba mahirap para sa kanila ang gawin iyon, life must go on.
Kailangan nila na kaharapin rin ang bukas. Kaya kailangan rin nila na kaharapin ang responsibilidad na iyon gaano man kabigat.
“Nandito na ako. Anong problema?”
Nanlamig ang katawan ni Cindy nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Dahan-dahan rin siyang lumingon para masigurado na hindi lang siya dinadaya ng isipan niya.
Namutla si Cindy sa nakita. Nakatayo sa harapan niya ang Kuya Eric niya!
Pero paano? Ang akala nila ay patay na ito. Ngunit ito ngayon ang kanyang Kuya. Nakatayo sa harap niya at sa likod nito ay may kasamang hindi niya kilalang babae.
“Hindi mo ba ako na-miss, Cindy?”
“K-kuya... Ikaw ba talaga `yan?” nag-umpisa ng pumatak ang luha sa mga mata ni Cindy.
Lumapit ito sa kanya saka niyakap siya. “I survived the accident, Cindy. Hindi pa ako patay kagaya ng inakala niyo. Nagkaroon lang ng problema sa utak ko dahilan upang naging mahirap para sa akin ang makabalik sa inyo. But I’m fine. I’m perfectly fine,” dire-direstso pang sabi nito saka iniharap ang babaeng kasa-kasama nito. “And oh, hindi lang pala ang sarili ko ang isinama ko sa pagbabalik ko. I want you to meet my girlfriend, Ursula.”
THE END OF CINDERELLA PRINCE