More Than A Fairy Tale (Unofficial Series) Chapter 18

BOOK 3: PART OF YOUR WORLD

“UP WHERE they walk, up where they run...Up where they stay all day in the sun, Wandering free...Wish I could be, part of that world...”

Paborito ni Ariel ang kanta na iyon mula sa Little Mermaid---ang fairy tale kung saan rin kinuha ang pangalan niya at paborito rin niya. Buong buhay kasi niya, pakiramdam niya ay kagaya rin siya ni Ariel. Isang buhay na nakakulong at malaya. Palagi rin siyang nasa tubig pero hindi dahil isa siyang sirena. Sa tabing dagat kasi sila nakatira---sa Alonia Island hindi kalayuan mula sa magandang isla ng El Nido, Palawan. Isang hindi kilalang isla ang Alonia Island. Maliit lamang ang komunidad roon dahil maliit lang rin naman ang isla. Simple lamang rin ang pamumuhay at makaluma pa ang mga gawain. Hindi uso ang telebisyon at wala rin na mga cell phone o computers. Wala kasing signal sa lugar.

Pero higit sa lahat, may isang pinakamatinding dahilan si Ariel: Kagaya ng prinsesa sa istorya, naging pipi rin siya. Hindi siya nakapagsalita sa loob ng labing dalawang taon.

Noong pitong taong gulang si Ariel ay nagkaroon siya ng selective mutism. Ayon sa Doctor na tumingin at nagpagaling sa kanya, malamang ay nakuha niya iyon sa trauma nang mamatay ang mga magulang niya. Nasaksihan kasi niya kung paano nilamon ng dagat ang dalawa nang minsan ay tatawid sana sila sa kabilang isla. Sa sama at sakit ng nasaksihan, hindi niya naggawang makapagsalita muli.

Marami ang nanghinayang sa sinapit ni Ariel. Simple lang siya pero kinatutuwaan siya ng mga tao. Mabait at magaling rin daw kasi siyang kumanta. Mahal siya sa komunidad. Pero hindi napagaling ng pagmamahal nito ang naging sakit niya. Ang kailangan raw niya ay magaling na Doctor sa Maynila. Pero halos lahat ng mga tao sa Alonia Island ay simple lamang ang pamumuhay. Walang pambayad sa Doctor ang mga umampon sa kanya kaya hindi siya naggawang ipagamot.

Iisa lamang ang nakatulong kay Ariel maibalik sa dati ang kanyang boses---si Ursula Miranda. Kapitbahay nila si Ursula. Nakakita ito ng potensyal sa kanya kaya tinulungan siya nito. Isa ito sa mga nag-ambisyon na umalis sa Alonia Island. Sa loob ng limang taon ay nanirahan ito sa Maynila. Ayon sa balita, naging modelo ito roon. Naging malaki ang kita. Sa pamamagitan ng naging kita nito, dinala siya nito sa Maynila para ipagamot. Sa loob ng tatlong buwan ay nanatili siya sa National Association for Deaf and Mute Foundation. Sa tulong ng mga volunteer Doctors, nagamot siya sa pamamagitan ng mga therapy. Naging matagumpay ang mga sessions. Pero hindi ang kagustuhan ni Ursula sa kanya.

Nakakapagsalita man si Ariel ngayon pero hindi naman naging matagumpay si Ursula sa pakay. Ang gusto nito ay makakanta siya sa harap ng marami. Gagawin siya nitong isang singer. Pero may stage fright si Ariel na hindi naggawang magamot. Hindi na rin nag-aksaya pa ng oras si Ursula na ipagamot pa iyon. Pakiramdam nito ay nagsayang lang ito ng oras nang unang mapahiya ito nang pakantahin siya nito sa isang talent scout. Pinabalik na siya nito sa Alonia.

Sadyang mahiyain si Ariel. Maganda man ang boses niya ay hindi siya naniniwala sa kakayahan. Nagpapasalamat siya na nagkaroon siya ng pagkakataon para makapagsalita muli. Nagpapasalamat siya sa pambihirang talento. Pero sadyang hindi niya kaya na mamuhay na kagaya ng buhay na mayroon si Ursula. Simple lamang siya. Masaya na siya sa Alonia Island kasama si Tatay Ruben, Nanay Alicia at ang mga simpleng tao rin na nakapaligid sa kanya roon. Sina Tatay Ruben at Nanay Alicia ay ang mag-asawang nag-ampon sa kanya nang mamatay ang kanyang mga magulang.

Maayos at simple lamang ang pamumuhay nila. Isang mangingisda si Tatay Ruben at simpleng may bahay lamang ang kanyang Nanay Alicia. Si Ariel, dahil may diperensya, ay hindi ganoon kaganda ang edukasyon. High school lamang ang natapos niya sa isang public school sa kabilang isla. Kahit naman raw kasi sa kabila ng kapansanan ay magaling pa rin siya academically kaya pinayagan na siya. Wala kasing special education school na malapit sa Alonia. Ganoon pa man, pinagpala pa rin siya. Bukod sa maganda ang boses, magaling rin siya na magpinta. Freelance painter si Ariel. Ang mga nagagawa niyang paintings ay binebenta sa mga turista sa El Nido kaya hindi naman masasabi na wala siyang kuwenta.

Seventeen years old si Ariel nang gawin niyang pagkakitaan ang pagpipinta. Tumigil na kasi siya sa pag-aaral noon. Para makatulong naman kahit papaano sa mga magulang, sinubukan niya ang magpinta. Kung naggawa niyang makapagtapos ng high school sa kabila ng kapansanan niya, nahirapan naman siyang maghanap ng trabaho. Tinulungan siya ng kapitbahay na nagtitindahan rin sa El Nido para maibenta ang kanyang mga gawa. Hindi man ganoon kalakihan ang kita pero sapat na para makatulong at kahit papaano ay guminhawa ang buhay niya at ng mga nag-ampon sa kanya. Hindi na rin kasi nakakapagtrabaho ng ayos si Tatay Ruben sa mga nakaraang taon dala ng katandaan. Madalas na rin na nagkakasakit si Nanay Alicia. Malaking tulong rin sa pamilya ang kinikita ni Ariele sa pagpipinta.

Mahal ni Ariel ang trabaho. Iyon lang rin naman kasi ang alam niya na kayang gawin. Kahit magaling na, malaki pa rin ang naging epekto sa kanya ng kawalan niya ng boses noon. Nahihirapan siyang makisama sa iba. Hanggang ngayon ay kakaunti pa rin ang kaibigan niya. Ilap siya sa tao. Mas gusto niyang mag-isa kaya masaya na siya na kahit papaano ay minahal rin siya ng trabaho. Napakaganda rin ng Alonia Island para sa trabaho niya. Simple. Tahimik. Nakakuha siya ng inspirasyon sa simpleng pagtingin lamang niya sa napakagandang dagat.

Iyon rin ang ginagawa ni Ariel ngayon. Kasalukuyan niyang ipinipinta muli ang karagatan ng Alonia. Marami siyang collections noon sa magkakaibang istilo. Ang ngayon ay nilagyan niya ng munting yate na nitong mga nakaraang buwan ay napapansin niyang madalas na napapadpad sa isla. Hindi ito dumadaong kaya nasa may kalayuan pero alam ni Ariel na kaparehas iyon ng palagi niyang nakikita. Madalas siyang napapaisip kung ano ang ibig sabihin ng yate. Ano ang pakay ng nakasakay roon kaya ito pabalik-balik. May hinahanap ba ito o ano? Naku-curious siya kaya napasama ito sa painting niya. Nakaka-relate rin si Ariel kung totoo nga ang kanyang iniisip na may hinahanap ito.

Dahil alam niya na ganoon rin siya.

Ipinilig ni Ariel ang ulo. Hindi na niya gustong mag-isip pa. Gusto na lamang niya na mag-concentrate sa pagpipinta sa loob ng kubo niya habang kumakanta ng paborito niyang kanta na iyon. Masaya siya kapag kumakanta at nagpipinta---ang dalawang bagay na ginagawa niya sa kasalukuyan. Kung iisipin niya pa ang nakaraan, masasaktan lamang siya. Mukha na nga siyang ewan habang nagmu-multitask pero iniisip na lamang niya na wala naman nakakakita sa kanya. May kalayuan ang kubo na ipinaggawa ni Tatay Ruben isang taon na ang nakakaraan at sanctuary niya kapag nagpipinta sa kabahayan sa Alonia.

Alas singko ng hapon nang maisipan ni Ariel na bumalik na ng bahay. Kailangan pa niya na magluto. Masama kasi ang pakiramdam ni Nanay Alicia kanina. Inaatake ang matanda ng rayuma. Si Tatay Ruben naman ay gagabihin dahil sinamahan ang isang kaibigan sa Puerto Prinsesa.

Naglalakad pabalik si Ariel nang makakita ng katawan sa dalampasigan ng dinadaanan. Dahil kagaya ng pinagtayuan ng kubo ay malayo iyon sa kabahayan, siya ang unang nakakita sa katawan.

Nahindik si Ariel. Hindi miminsan na may mga naliligaw na bangkay sa isla nila. Madalas ay kapag may mga lumulubog na barko o nagka-crash na eroplano sa dagat. Pero iyon ang unang beses na siya mismo ang nakakita sa isang bangkay. Nag-alinlangan siya kung ano ang unang dapat gawin. Siya na ba mismo ang titingin sa katawan o magtatawag pa siya ng mga tao para tumulong rito?

Sinubukan muna ni Ariel na tignan ang katawan. Napakalakas ng tibok ng kanyang puso habang nilalapitan iyon. Lalaki ang katawan at humihinga pa ito!

“Salamat sa Diyos,” napahawak pa si Ariel sa dibdidb. Nakahinga siya nang maluwag. Pero mabilis na dumagundong nang malakas ang puso niya nang makilala ang lalaki.

“Paanong....?!” natutop ni Ariel ang bibig sa sobrang pagkagulat. Kakaunti lang ang mga kaibigan at kakilala niya. Marami pa nga roon ang nakalimutan na niya dahil hindi na naman niya nakasama, partikular ang umalis ng Alonia Island at naghanap ng mas marangyang buhay sa Maynila. Pero ang isang ito...kahit tatlong araw lamang niya na nakilala ay hindi kailanman mawawaglit sa kanyang isip.

“Oh, Eric! Anong kagustuhan ng tadhana para pagtagpuin muli tayo?” naiiyak na wika niya nang tuluyan na daluhan ang lalaki. Walang malay ito at sugatan.

Napaiyak si Ariel sa sitwasyon ng lalaki at sa tuwa na rin dahil binigyan siya ng pagkakataon na makita muli ang lalaking higit pa niyang naging inspirasyon kaysa sa dagat na madalas niyang nakikita.

“ERIC SORIANO. Vice President of Soriano’s Food Manufacturing Company. In short, ginto ang natagpuan mo, Ariel!” nanginginig sa saya ang boses ni Ursula nang malaman nito ang nangyari. Tatlong araw na simula nang bumisita muli ito sa Alonia Island. Sa Maynila na kasi ito naninirahan at ayon sa bali-balita, pagkatapos mawalan ng career sa pagiging modelo ay naging kabit raw ito ng isang intsik. May sarili na itong condominium unit roon at bumibisita lamang sa Alonia Island kapag na-feel lang nito.

“Alam---“ natigilan si Ariel. Teka, tama ba na ipagtapat niya na kilala niya si Eric? At ano naman kung kilala niya ito? Anong pakialam ni Ursula at ng mga tao sa Alonia? Isa pa, kung aaminin niya na kilala niya si Eric, madadagdagan ang mga tanong. Mauungkat ang nakaraan. Hindi na niya gustong ungkatin pa ang nakaraan nila na sa huli ay nasaktan rin naman siya. Mas gusto niyang isipin na lang ang kasalukuyan at ang hinaharap.

Kahit mukhang wala naman sila noon ni Eric.

Pinili na manahimik ni Ariel. Dahil mas kailangan ng maayos at komportableng lugar ni Eric, dinala ito sa bahay nina Ursula. Isa kasing retired nurse ang Nanay nito at ang bahay rin ng mga ito ang madalas na takbuhan ng may sakit. Makabago kasi ang gamit roon sa tulong na rin ni Ursula.

“And he’s so gorgeous. Minsan ko na siyang nakita sa mga diyaryo na palaging dinadala ni Tristan sa condo at naiiwan. Isa siyang tagapag-mana! Nasigurado ko pa iyon dahil dito sa wallet niya na suwerteng nakabalot sa plastic kaya hindi nabasa. Ang daming cards! Mayaman talaga ang loko.” nagniningning ang mga mata na dugtong ni Ursula. “Siya na ang sagot sa magulo kong buhay.”

Napakunot-noo si Ariel. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng babae. Pero hindi maganda ang kanyang kutob mula roon. Nang malanding hawakan rin ni Ursula ang hanggang sa ngayon ay wala pa rin na malay na si Eric ay lalo pa siyang kinabahan. Nainis siya. Ano kaya ang gustong gawin ni Ursula kay Eric?

“Salamat sa pagdala sa kanya rito, Ariel. Kami na ang bahala sa kanya,” hinawakan siya ni Nanay Minerva---ang Nanay ni Ursula.

“S-sigurado po kaya na magiging maayos siya?”

“Sisiguraduhin namin. Humihinga pa siya. Mahina siya at walang malay pero umaasa kami na makaka-survive siya.”

“Kung dalhin na lang kaya siya sa ospital sa bayan? Kilalang tao siya. Paniguradong hinahanap rin siya ng pamilya niya at---“

“Hindi! Dito lang siya.” Si Ursula iyon. “Wala ka bang tiwala kay Nanay, Ariel? Kayang-kaya niyang pagalingin si Eric. Ilang mga naligaw na rin na ganito ang napaayos niya.”

Wala ng naggawa si Ariel kung hindi ang um-oo. May tiwala naman siya sa kakayahan ni Nanay Minerva na mag-alaga ng may sakit. Pero iniisip lang niya ang makakabuti para kay Eric. Mas magiging maayos ang lagay nito kung dadalhin ito sa ospital. Malalaman rin ng pamilya nito ang lagay ng lalaki.

Umuwi na lamang ng bahay si Ariel. Hinayaan niya na magpasya ang mag-ina. Pagkatapos ng lahat, kung ibabalik nila si Eric sa pamilya, ibig sabihin noon ay mawawala muli ito. Kung ipaglalaban niya ang makabubuti, parang inalisan na rin niya ng kasiyahan ang sarili.

Isang kakaibang kasiyahan na tanging nararamdaman lamang niya kapag nakikita niya si Eric. Gusto rin niya na makasama ito kahit papaano at magagawa lamang niya iyon kung mananatili ito sa Alonia Island sa mga susunod na araw.

Kahit sandali, makasama ko lamang siya sa pangalawang pagkakataon.

MAGDADALAWANg araw na ang nakalilipas ay hindi pa rin nagigising si Eric. Nag-aalala na si Ariel. Gaano man siguruhin ni Nanay Minerva na maayos lamang ang lalaki ay hindi niya maggawang maniwala. Kung maayos ito, bakit hindi ito nagigising?

“Nag-iipon pa siya ng lakas. Malamang ay napakatindi ng pinagdaanan niya sa dagat.” palagi nitong sabi. Nagkaroon ng dahilan si Ariel para makapunta lagi sa bahay ng mga ito dahil madalas na nagbo-volunteer siya kapag ganoong may mga naliligaw sa dalampasigan nila at kailangan na gamutin. Siya ang nagiging assistant nito kapag mayroon na may mga sakit kaya hindi nagtataka ang mga tao ngayong hindi niya maggawang makaalis.

“Kawawa po talaga siya.” Kung ilang beses nasabi ay hindi na sigurado ni Ariel. Naaawa talaga siya sa lagay ni Eric. Maraming sugat na tinamo ito, mayroon rin na malaki sa ulo. Malamang ay naumpog ito sa bato kaya ganoon.

Sa tuwina ay si Ariel ang naglilinis ng sugat ni Eric. Nagkakaroon tuloy siya ng pagkakataon na hawakan ito. Masakit na makita na nasa ganoon kalagayan ang unang hindi niya kaano-anong lalaki bukod sa kanyang Tatay Ruben na nagmalasakit sa kanya. Pero mahirap man, hindi maitatanggi ni Ariel na natutuwa siya sa ginagawa niya. Nakakapiling niya si Eric kahit papaano.

Si Eric na siyang una at nag-iisa rin na lalaking nakapagpatibok ng puso niya.

Malaki ang naitulong sa kanya ni Eric para gumaling sa kapansanan niya. Ang pamilya nito at ito mismo ay isa sa mga major sponsors ng foundation na tumulong sa kanya. Ang perang dino-donate ng mga ito ang nakapagpa-ayos ng kalagayan niya. Nagkakilala sila noon. Nagkasama sa loob ng tatlong araw. Pero hanggang doon na lamang sila. Tatlong araw sa piling nito.

At ngayon.

Pinaglalaruan ba sila ng tadhana para magtagpo muli? Gusto niya itong makita. Pero alam niya na malayo ang mundo nito sa mundo niya. Minabuti na lamang niya na mahalin ito ng tahimik at hindi na gumawa ng paraan para magkasama sila. Maaaring ipinangalan siya sa pasaway na prinsesa na si Ariel pero gusto niyang matuto ng leksyon sa kuwento. Hindi niya gustong madamay ang mga magulang dahil lamang sa tinitibok ng kanyang puso. Hindi siya ganoon katapang.

Ganoon pa man, may gustong gayahin si Ariel sa kuwento. Gusto niyang magbaka-sakali at matapang. Naggising si Prince Eric sa kuwento nang kantahan ito ni Ariel. Nag-aalala na si Ariel kaya gusto niyang sumubok. Saulado niya ang sikat na pelikula, lalo na ang mga kanta. Naging malaya si Ariel sa ginagawa dahil kakaalis lamang ni Nanay Minerva. Wala na itong asawa at wala rin si Ursula ngayon. Sila lamang ni Eric sa bahay kaya kung gumawa man siya ng kakaiba ay walang magtataka.

“What would I give to live where you are? What would I pay to stay here beside you? What would I do to see you, smiling at me?”

Napapikit si Ariel. Ano na nga ang magagawa niya para manatili si Eric sa tabi niya? Magkasama sila? Ano ang gagawin niya para mahalin rin siya nito? Wala. Magka-iba sila ng mundo. She would never be part of his world. Ang lahat ng nangyari ngayon ay coincidence lamang.

Pinagbibigyan ka lang rin siguro para sumaya ka naman paminsan-minsan. Bulong ng isang bahagi ng utak ni Ariel.

“S-sino ka?”

Ang tanong na iyon at ang pamilyar na tinig ang nagpamulat kay Ariel. Napakalakas ng tibok ng puso niya nang magkatitigan ang mata nila ni Eric. Parang siya ang nagkasakit. Nanghina siya.

“Eric! Gising ka na! Okay ka na!” sa tuwa ay nayakap ni Ariel ang lalaki. Hindi pinansin ang tanong nito.

Hindi nakagalaw si Eric. Hindi rin naman ito nagsasalita. Sandaling nagyakap sila. Hindi na nasorpresa si Ariel sa init. Sa tatlong araw na nagkasama sila ng lalaki noong labing siyam na taong gulang pa lamang sila ay ganoon ang nararamdaman niya sa yakap ng lalaki. Napaiyak rin si Ariel sa napakasayang pakiramdam.

Nang matapos ang yakap ay hinawakan niya ang pisngi ng lalaki. “Okay ka na. Salamat sa Diyos! Kumusta ang pakiramdam mo? Nagugutom ka na ba? Teka, dadalhin kita ng---“

“I-I’m fine, I think. Nagugutom ako but that’s it. Ano bang nangyayari sa paligid? Nasaan ako? At sino ka?”

Bahagyang napanganga si Ariel. Hindi ka niya nakikilala.

Napakasaya pa naman ni Ariel na makita muli si Eric. Magkakilala sila dati. Pero anong nangyari ngayon? Ni hindi pala siya nito naalala. Pero sabagay, tatlong araw lang naman iyon. Isa pa, sa big time na lalaki ni Eric, hindi nga malabo. Napakasimple niyang babae para tumatak sa isip ng isang kagaya nito.

Hinawakan ni Eric ang ulo. Kinapa-kapa ang benda noon. “Ano bang nangyayari? Ano itong nasa ulo ko? Anong nangyayari sa akin? A-at sino rin ako?”

Nanlaki ang mata ni Ariel sa narinig. Nahulog siya sa papag kung saan ito nakahiga kanina at kinauupuan niya sa gulat.

Posible kayang nagka-amnesia si Eric?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.