More Than A Fairy Tale (Unofficial Series) Chapter 29

HINDI naman mahirap ang trabaho ni Jasmine sa mansion. Sa dami ng empleyado ay madalas na nag-aagawan pa sila sa mga gawain. Taga-pamalengke ang pinakagawain talaga ni Jasmine. Pero kapag tapos na ang gawain, madalas ay tumutulong siya sa araw-araw na paglilinis ng mansion. Paborito rin siyang utusan ng Tiya niya ng kung anu-anong gawain.

Naatasan si Jasmine na magpunas ng mga malalaking banga sa loob ng mansion. Sa pagpasok pa lamang sa loob ng mansion ay mararamdaman mo na kaagad ang Arabian na pakiramdam roon. Naglalaro ang kulay ginto, brown, puti at pula sa bahay. Kahanga-hanga ang disenyo ng mga pader at pati na rin ang carpet. Halatang antigo at mamahalin ang mga banga. Ingat na ingat si Jasmine habang pinupusan ang mga iyon. Mukhang kulang pa yata na pambayad ang buhay niya kung sakaling mabasag niya ang isa sa mga iyon.

Habang nagpupunas, may biglang naisip si Jasmine. Kapag nasa loob ng mansion, hindi niya maiwasan na maisip ang paborito niyang kuwento na Aladdin. Pinapaalala ng interior ang setting ng sikat na pelikula.

Naisip ni Jasmine, naihahalintulad na rin naman niya ang buhay ng cartoon na si Aladdin, ano kaya kung maggaya rin siya sa lalaki? Sana ay makapulot rin siya ng gintong lampara at makatakas ang Genie na tutupad sa mga hiling niya. Gusto talaga niya na makapag-aral. Gusto niya na maging guro. Pero sa kasamaang palad, banga lang ang mayroon siya. Wala naman na genie na lalabas roon. Pero siguro, wala naman na masama na sumubok.

Napangiti si Jasmine. Hawak-hawak ang banga, sinubukan niyang pakiskis na punasan iyon. Pumikit rin siya. “Genie, wish ko na makapag-aral at maging matagumpay na guro!”

Matagal-tagal na nakapikit lamang si Jasmine. Umaasa siya na makakarinig siya ng sound effects kagaya ng sa pelikula. Walang sound effects pero may sumagot.

“Then your wish is my command,” amuse na wika ng sumagot.

Mabilis na nagmulat si Jasmine. Nagulat at napakurap siya. Hindi pa man siya lumilingon ay alam na niya kung sino ang nagsalita. Si Sir Ali iyon.

Narinig ng amo ang kanyang hiling. Kaagad na pumasok ang saya sa puso niya. Seryoso kaya ito?

Tumigil si Jasmine sa ginagawa. Humarap siya.

“Sir, totoong---“

Ngumiti ang minsan ay seryoso na amo. Tumango ito. “I can be your Genie, Jasmine.”

Sa sobrang tuwa, kahit nakakahiya ay nilapitan ni Jasmine ang amo. Tumulo ang luha sa kanyang mata. Niyakap niya ito. Hindi niya mapipilit ang kanyang tiyahin pero kung ang amo na ang mismong nagsabi, may magagawa pa ba ito? May pag-asa na siya para matupad ang kanyang pangarap.

Sa pagdating ng masayang emosyon dahil sa ginawang pagyakap, muli ay gustong humiling ni Jasmine. Sana ay prinsesa na lamang siya para puwede siyang bumagay kay Sir Ali. Sana ay hindi magiging kahiya-hiya kung ilalapit niya ang sarili rito. Sa ganoong paraan, may pag-asa sana na magpatuloy ang sayang nararamdaman na masakit man na isipin, ay alam niyang panandalian lamang. Kung ano man ang nararamdaman niyang saya, kailangan niya iyon na pigilan. Makokontento na lamang siya sa saya na may pag-asang matupad ang pangarap niya.

MASAYANG lumabas ng classroom si Jasmine. Hawak niya ang resulta ng first preliminary exam niya sa pinakamahirap na subject niya. Nakakuha siya ng perpektong marka. Napuri siya ng classmates at pati na rin ng professor niya.

Pinapatunayan ni Jasmine na worth it sa kanya ang blessing na tinanggap. Ayaw niyang ma-disappoint si Sir Ali. Ito ang pumili ng school na papasukan niya at kilalang school iyon sa larangan ng education course. Ang sekretarya nito ang nag-ayos ng application niya. Nakakahiya kung hindi niya gagalingan. Malaki rin ang tuition sa university na iyon. Ginawa ni Jasmine ang lahat para maging mataas ang marka niya. Hindi para sa sarili kundi para sa tumulong sa kanya.

Hindi sigurado ni Jasmine kung ma-appreciate ng amo ang ginawa niya. Bihira lang niya ito na makita, lalo na ang mga magulang nito. Pero just in case, itatago niya ang exam na iyon at pati na rin ang iba pa. Gusto niyang makita ni Sir Ali na hindi naman nasasayang ang pera na ginastos nito para sa pag-aaral niya.

Pauwi na si Jasmine. Ang klase ang huli niyang klase para sa araw na iyon. Pero bago pa man niya maggawa na makasakay ng bus ay napakunot noo siya. May pamilyar na kotse siyang nakita sa paglabas niya. Kumabog nang malakas ang puso niya nang makilalang kay Sir Ali iyon.

Bumukas ang bintana nang matapat si Jasmine sa sasakyan. “Hop in,”

Hindi na nag-alinlangan si Jasmine. Nasabik rin naman siya na makita ang amo. Isang buwan rin itong hindi umuwi sa mansion. Nasa Dubai ito para ayusin ang business ng mga ito roon. Nakatapos na ito ng kolehiyo kaya tumutulong na sa family business. Na-missed niya ang lalaki kahit hindi naman dapat. Hindi niya napigilan na maging masaya nang makita ito.

“Pauwi na rin po ba kayo, Sir?” tanong ni Jasmine sa amo nang makasakay.

“Yes. May dinaanan lang kami malapit rito. So I took the chance to look at you. Kinuha ko sa sekretarya ko ang schedule mo.” Alam ng sekretarya ni Sir Ali ang schedule niya bilang ito ang nag-ayos ng application at enrolment niya. “So how is college?”

Masayang nagkuwento si Jasmine. Hindi niya napigilan ang sarili niya, lalo na at aliw na aliw ang amo sa pakikinig sa kanya. Sabik siya dahil sa unang pagkakataon ay may napagkuwentuhan siyang interesado tungkol sa pag-aaral niya. Si Rajah lang kasi ang napapagkuwentuhan niya. Pero iba pa rin iyon dahil pusa ito. Hindi siya nito naiintindihan. Nang minsang magtangka siya sa tiyahin niya ay inismidan lang siya nito. Napilitan lang ito na pumayag dahil nalaman na utos iyon ni Sir Ali. Hindi rin nito gusto na mag-aral siya kahit libre dahil hindi siya nito mauutusan kapag tinatamad ito na magtrabaho.

“Great. I’m so glad about that. Congratulations.” Wika ni Sir Ali sa kanya. Kinuha nito mula sa tabi nito ang isang plastic bag. Mula sa duty free iyon. “Dahil diyan, you deserved a reward.”

“C-chocolates?!” nanlaki ang mata ni Jasmine. Mahilig siya sa chocolates.

Ngumiti nang mas masarap pa sa tsokolate ang amo. “I’m so glad you like it.”

“Salamat po, Sir. Hindi ko po inaasahan. Coincidence lang po ba ito o---“ hindi naituloy ni Jasmine ang sasabihin. Tama ba na itanong niya na iniisip siya nito? Of course, hindi naman nito alam kanina na magaling siya sa eskuwela. Bakit ito bumili ng chocolates para sa kanya?

Tumikhim ang dalawang body guard. Nagulo ang mukha ng amo. Namula rin ang pisngi nito.

Gusto rin na mamula ng pisngi ni Jasmine. Parang totoo nga yata ang iniisip niya. Pasalubong talaga ng lalaki sa kanya ang chocolates. Naalala siya nito. Kinilig siya sa isipin na iyon. Hindi naman sila masasabi na magkaibigan pero ginawa nito iyon. Pinapahalagahan siya nito. O sadyang mabait lang talaga ang lalaki?

Hindi bale ng kung ano ang dahilan. Pinasaya siya ng nangyari kaysa sa perpektong exam niya.

Sinuklian rin ng matamis na ngiti ni Jasmine ang amo. “Maraming salamat po, Sir.”

“Y-you’re welcome,” natutulalang wika na lang ni Sir Ali kay Jasmine.

SA MGA sumunod na linggo ay mas lalong gumanda ang damdamin ni Jasmine. Madalas na kasi niyang nakikita si Sir Ali. Hindi na ito muling umalis ng bansa. Madalas rin niya itong nakikita na nakangiti sa kanya at paminsan-minsan ay kinukumusta siya. Tuwing umaga sa tuwing iginagala niya si Rajah para sa morning walk nito at para na rin sa kanya ay natatanaw niya si Sir Ali. Nilalaro rin nito ang alagang si Abu.

Madalas tuloy ay naiisip ni Jasmine na baka meant-to-be talaga ang lahat. Aminado na siya sa sarili niya na crush na niya si Sir Ali. Hindi siya masisisi kung mag-iisip siya ng maraming bagay para sa kanilang dalawa kahit alam niyang mali. Napakaguwapo naman kasi talaga ni Sir Ali. Simpleng babae lamang siya at mahilig rin sa fairy tales. Pangarap rin niya na makatagpo ng isang prinsipe. Tila prinsipe sa totoong buhay ang lalaki.

Pero malapit na nga na maniwala si Jasmine na totoo ang fairy tales. Isang umaga bago siya mamalengke ay nagulat siya nang hindi ang karaniwang driver ang nakita niya. Muntik pa siyang mapasigaw sa gulat. Si Sir Ali iyon.

“Sssh,” itinaas nito ang hintuturo sa bibig. “I want to drive you to the market.”

Namilog ang mata ni Jasmine. “The bodyguards?”

Ngumisi si Sir Ali. “I managed to escape from them.”

“Pero---“

Bumuntong-hininga si Sir Ali. “Minsan lang naman ito. Maiintindihan rin nila ako. I also leave a message to them para hindi sila mag-alala at magsumbong kayna Mama.”

Tumango si Jasmine. Hindi na siya nagtanong. Gusto rin naman niya kasi na makasama si Sir Ali. Sila lamang dalawa. Sandali lang rin iyon. Lulubusin niya iyon.

Nag-drive si Sir Ali patungo sa palengke. Sumama rin ito sa kanya papunta sa palengke. Pinagtitinginan ito ng mga tao. Kahit kasi simple lang ang suot, mahahalata sa kilos at tindig nito na mayaman ito. May finesse sa galaw nito. Pero tila wala namang pakialam ang lalaki. O sanay na talaga ito sa atensyon?

Tinignan ni Sir Ali ang listahan na bibilhin ni Jasmine. “Ang mga ito ba ang gusto mong kainin ngayon?”

Umiling si Jasmine. “Utos lang po ito sa akin. Ang mayordoma po ang nagdedesiyon kung ano ang kakainin.”

“Hindi kayo tinatanong kung anong gusto niyong kainin?”

Umiling si Jasmine. “Okay lang naman po. Hindi naman po ako maselan.”

Nagpatuloy si Jasmine sa paglalakad. Habang namimili ay nag-alok si Sir Ali na magbitbit ng mga napamili na niya. Amused na amused rin ito sa kanya. “Mukhang sanay na sanay ka,”

Ngumisi si Jasmine. “Ito po ang trabaho ko at halos sa palengke na po ako tumira kaya alam na alam ko na kung paano.”

“In this market?”

Tumango si Jasmine. Nakuwento niya rito ang tungkol sa trabaho ng ina dati. Naging napakadaldal niya. Medyo matagal na napagtanto niyang nakakahiya pala ang mga kinukuwento niya. Ibang-iba iyon sa mundo ni Sir Ali.

“It’s okay. I like your stories. At dahil alam na alam mo na pala ang lugar na ito, baka puwede ka na magbigay ng suggestion. I’m hungry already. I want to eat. May alam ka ba na masarap kainan rito?”

“Siyempre naman po, Sir! Pero hindi po kaya ako hahanapin pag-uwi---“

Kumindat ang lalaki. “Napaka-common na dahilan ng traffic.”

Nakumbinsi si Jasmine. Dinala niya ang amo sa masarap na pancitan sa palengke.

“Wow, masarap nga!” komento ng amo nang matikman ang pancit. Um-order pa ito ng isa.

Halos hindi naman makakain si Jasmine. Aliw na aliw siya habang tinitignan ang amo. Enjoy na enjoy nito ang pagkain. Nang kinuha na ang bayad, nag-insist siya na magbayad noon. May dala siyang allowance na pangsarili kapag namamalengke siya.

Nagprotesta ang amo. “Jasmine---“

“Ang laki na ng utang na loob ko sa inyo, Sir. It’s the least that I can do.”

Napatitig ang amo kay Jasmine. “Fine. Pero may isa pa sana akong gustong hilingin sa `yo,”

Namilog ang mata ni Jasmine. “You want me to be your genie?”

Ngumiti ang amo. “Yes…and please be my magic carpet, too. Please let me see a world like this. A whole new world…”

Kinilig sa isip si Jasmine. Nasa Fairy Tale na nga ba sila?

Puwede bang a whole new world for you and me?

Ambisyosa na si Jasmine sa naiisip. Pero masaya siya sa pakiusap.

“Puwede po ba kayo? I mean, your parents. The guards…” narinig na niya ang kuwento ng mga Fehr. Noong pitong taong gulang pa lamang si Sir Ali ay ninakaw ang nag-iisang kapatid nitong babae. Hanggang ngayon ay hindi pa rin iyon nakikita. Naging mahigpit ang pamilya. Nawalan ng tiwala sa lahat. Kaya kahit malaki na si Ali, bantay sarado pa rin ito bukod sa katotohanan na rin na mayaman ang mga ito.

“Ako na ang bahala doon. I just want someone to be with me.”

Then I am not just the carpet. I am also Princess Jasmine. Kinikilig si Jasmine sa isipin.

“Then your wish is my command.”

Ngumiti ang lalaki. “May isa pa pala akong wish. Don’t call me “Sir”. I think we should consider friends as now on. Sa totoo lang ay naiilang ako kapag tinatawag mo ako na Sir. Iyon ang dahilan kung bakit medyo nanlamig ako sa `yo noong una. I want you to be my friend. Ayaw ko ng barrier sa pagitan natin.”

“Okay, Ali.” Nginitian rin ni Jasmine si Ali.

Magkaibigan na sila ngayon ni Ali. Simula na iyon. Magiging mahirap kung malalim pa iyon. Pero pipilitin ni Jasmine na makontento. Pagkatapos ng lahat, sino lang ba siya para mangarap na mahalin ng isang Aladdin Fehr?

A WHOLE new world. Sa paglipas ng mga linggo at buwan ay ganoon ang nakikita ni Jasmine. Kahit nanatili pa rin naman siya sa simpleng mundo dahil iyon ang gusto na makita ni Ali, nagkaroon ng malaking pagbabago iyon. Naging makulay at maganda ang simpleng mundo niya. Dahil sa kabila ng pagiging simple noon, kasama niya si Ali. Masaya siya basta makita at makasama lamang ang lalaki.

Ilang beses pa na nakatakas si Ali sa mundo nito. Hindi madali dahil mahirap pa rin na pakiusapan ang bodyguards nito. Iyon pa naman ang ayaw ni Ali, ang pagbuntot ng hindi na yata maalis na pigura sa buhay nito. Kahit siya ay nahihirapan rin tumakas. Nag-aaral siya at nagtatrabaho rin. Binabantayan ng mataray na tiyahin ang bawat galaw niya. Bahay at eskuwela lamang siya. Pero kagaya nga ng popular na kataga, if there is a will, there is a way. Pareho silang nag-a-adjust ni Ali sa sitwasyon.

Isa sa mga hindi malilimutan ni Jasmine na pagtakas nila ni Ali ay nang gisingin siya nito nang ala-una ng madaling araw. Ginamit pa nito na kasangkapan ang pusa niyang si Rajah. Pina-ngiyaw nito nang pina-ngiyaw ang pusa para maggising siya. Dahil alam nito na wala naman pakialam ang kanyang Tiya, hindi ang mga ito magigising para pakialaman ang pusa at alamin kung bakit ito nag-iingay. Kahit inaantok ay naggising kaagad ang diwa niya nang makita ito…

“Let’s see the world again,” nakangiting sabi nito habang pinapatahimik na ang pusa.

Ngumisi si Jasmine. “Maayos na ba ang lahat?”

“I care for you. Hindi naman kita gigisingin kung alam ko na mapupunta lang ito sa wala.” Kinindatan pa siya ni Ali.

Sa simpleng sinabi at ginawa ni Ali ay kinilig na si Jasmine. Sumama siya rito. Dahil madaling araw ay kakaunti lamang ang mapupuntahan nilang establishment. Wala sila na masyadong magagawa. Naglakad lamang sila sa mga kalsada ng Maynila. Pero para kay Jasmine ay natatangi iyon sa mga naunang pagtakas nila ni Ali.

Madalas na iginagala lang ni Jasmine si Ali noon. Sa pampublikong parks, carinderia o street food tripping. Minsan ay nakipaglaro rin sila ng soccer sa mga bata sa Manila Bay at nagpunta sa isang bahay ampunan. Ipinakita niya rito kung ano ang lagay at pangkaraniwang ginagawa ng mga kagaya niyang simpleng tao. Ngayon ay ginagawa pa rin naman nila iyon. Ang kakaiba nga lamang, tila unti-unti ng itinatawid ni Ali ang kung anong mayroon sila.

Naglakas ng loob si Ali na hawakan ang kamay niya. Nang tumingin siya rito upang magtanong ay ngumiti ito nang pagkakatamis-tamis. Namula si Jasmine at mas lalo pa noong pinaganda ang ngiti ni Ali. Pinisil nito ang kamay niya. Jasmine just enjoyed the moment. Gusto rin naman niya iyon.

Naputol lang ang paghahawak ng kamay nila nang makakita sila ng bukas na noodle house.

“Are you hungry?” tanong ni Ali.

Tumingin si Jasmine sa relo. “Alas tres na ng madaling araw.”

Dalawang oras na silang naglalakad ni Ali ng walang paroroonan. Okay lang iyon dahil malaking bahagi ng isip, lalo na ang puso niya ang nagsasabing gagawin niya ang lahat makasama lamang ito. Nakakapagod rin iyon, lalo na at wala pa siyang sapat na tulog.

“Okay,” kinapa ni Ali ang bulsa nito. “Shit, wala nga pala akong dala na pera!”

Kinapa ni Jasmine ang bulsa. “May forty pesos ako rito.”

“Kasya ba `yan para sa ating dalawa---“

“Puwede naman tayong maghati `di ba?”

Napahawak si Ali sa baba nito. “Hmmm…parang gusto ko ang ideya na `yun.”

Fried noodles ang napili nila ni Ali na kainin. Kumuha na lamang sila ng tig-isa na kutsara para pagsaluhan iyon. Pero habang kumakain ay hindi nila kaagad napansin na magkaparehong noodle strand na pala ang nakuha nila. Nagkalapit ang mukha nila pero bago pa man dumikit iyon ay natigilan sila. Namula si Jasmine. Kung itutuloy nila ang parehong pagkain sa noodle strand, magkakasalubong ang mga labi nila.

Pero sandali lang natigilan si Ali. Tuluyan na nitong kinain ang noodles. Tinawid nito ang distansya ng mga mukha nila.

Nagulat si Jasmine. Napakurap-kurap pa siya kahit sandali lamang iyon. “A-ali…?”

Hinalikan siya ni Ali sa pamamagitan ng noodles! Mas lalo pang nagrigudon ang puso niyang may abnormal na tibok kapag kasama ito. Pulang-pula ang mukha niya.

Ano ang dapat na gawin ni Jasmine? Magkaibigan lang sila ni Ali. Malayo ang agwat nila sa isa’t isa. Pero bakit ganito ang ginagawa nito sa kanya? Nakilala na naman niya ito. Mabait ito. Ganoon rin ang feedback rito ng mga kasambahay rito. Wala rin itong reputasyon na masama sa mga babae. Pero ang malaking tanong, bakit ganoon ang nararamdaman ni Jasmine? Dapat ay makontento na lang siya sa pagiging magkaibigan nila. Napakalayo ng tunay na mundo nila sa isa’t isa.

She knew it was a dangerous sign. She was falling for her boss. Pero wala na yata na magagawa si Jasmine. Napakahirap pigilan ng damdamin.

Naging napakahirap na ng pinagdaanan ni Jasmine sa nakaraang taon sa pagkamatay ng kanyang ina. Naisip niyang kung pipiliin niya pa na pigilan ang damdamin, dadagdagan lamang niya ang sakit. Saka na siya mamomroblema kung talagang may problema na talaga.

Walang salitang isinagot si Ali. He just smiled…and so her heart.

Nagkaroon ng bagong mundo si Jasmine. At si mundo na iyon, tanging si Ali lamang ang nakikita niya. Ito na ang mundo niya. Nabubulag na siya sa lahat. Ang tanging gusto lang niyang maramdaman ay ang saya na kapiling ito. Pinagkakatiwalaan rin naman niya si Ali na kung ano man ang patutunguhan ng mundong isinasama siya nito ay magiging maayos. Pinagkakatiwalaan na niya si Ali sa puso niya. May pakiramdam siya na kaya niyang gawin at pagdaanan ang lahat para dito at para makasama lamang ito.

PAUWI na si Jasmine mula sa kanyang klase ngayong araw. Alas-siyete hanggang alas nuwebe lamang ng umaga ang pasok niya ngayong araw. Pero nang makita niya si Ali sa gate ng university, may malaking pakiramdam siya na hindi pa makakauwi.

“Inaabangan mo ako?”

Ngumisi si Ali. “Hindi ko papalampasin ang pagkakataon na puwede kang magbulakbol. Wala ka namang quiz or exam bukas `di ba?”

Kakatapos lang ng hell week ni Jasmine sa klase. Tama rin si Ali. May pagkakataon siya na magbulakbol. Nagbabakasyon kasi ang Tiya niya kasama ang dati nitong kaibigan sa Laguna. Sa isang linggo pa ang balik nito. Hindi naman problema sa kanya ang ibang kasambahay. Day-off rin niya. Puwede siyang gumala nang walang magagalit sa kanya kung mali kaysa sa dapat ang uwi niya.

“Saan tayo ngayon?” sa halip ay sagot ni Jasmine sa tanong.

Sa halip rin na sumagot, ipinagbukas siya ng pinto ng kotse ni Ali. Wala itong bodyguard. Kung paano na naman nito naggawang makatakas, hindi na siya nagtanong. Intimidating rin kasi ang bodyguards ni Ali. Isa pa, mas enjoy kung sila lamang dalawa.

Nakita ni Jasmine na maraming plastic sa likod ng kotse ni Ali. “Para saan ang mga nasa likod?”

“Mga damit ko `yan. Ipapamigay ko. We’re going have a charity work for today,”

“Oh, okay.” Ngumiti si Jasmine. Masaya siya kung sila lamang dalawa sana ang magkasama. Pero masaya rin naman siya sa mga ganoong gawain. Paano ay mas nakikilala talaga niya si Ali. Mabait na tao ito. Matagal na daw talaga nitong gustong tumulong sa mga tao. Pero kahit daw sa foundation ng kompanya ng mga ito, hindi ito pinapayagan na tumulong. Hindi hinahayaan ng mga magulang ni Ali na makipaglapit ito sa mga mahihirap. Kaya nga kapag nasa bahay, discreet lamang sila palagi ni Ali. Hindi sila ganoong nagpapansinan at baka may makatunog na may kakaiba sa kanila. Kahit kasi ang kaibigan ni Ali, pinapakialaman rin ng magulang nito.

Pero ang saya ni Jasmine ay nawala nang mapagtanto kung saan sila pupunta. Dinala siya nito sa Muntinlupa, partikular ay sa Bilibid.

“A-ayoko! `Wag tayong tumuloy dito!”

Kumunot ang noo ni Ali. “Bakit?”

“Naloloko ka na ba, Ali? Pupunta tayo sa Bilibid---lugar ng mga kriminal. Wala kang kasamang bodyguard. Paano kung may mangyaring masama sa `yo rito at---“

“Relax,” naggawa pang tumawa ni Ali. “Para saan pa at may mga pulis rin dito? Matagal ko na rin na gustong pumunta rito para tumulong. Ibibigay ko lang ang lumang damit ko at puwede rin tayong magpa-feeding program---“

“Hindi!” naniningkit na ang mata ni Jasmine sa inis.

“Jasmine…” tumigil si Ali sa pagda-drive. Hinawakan siya nito. “Nanginginig ka. Ano bang problema? Wala naman tayong dapat ikatakot. Gagawa nga tayo ng mabuti `di ba? At kung natatakot ka para sa sarili mo, nandito naman ako. Poprotektahan kita…”

Naging mabilis para kay Jasmine na lumuha. Kahit ano pang pagpoprotekta na gawin sa kanya ni Ali, hindi nito maiaalis sa kanya ang isang bahagi na iyon. “Puwede kitang dalhin sa maraming lugar pero hindi dito, Ali. Hindi sa lugar kung nasaan ang ama ko…” naglihis si Jasmine ng tingin.

“A-anong---“ natigilan si Ali. Napaawang ang labi nito.

“Kriminal ang ama ko, Ali. Magnanakaw siya. Isang big time na magnanakaw…”

Hindi pa rin nagsasalita si Ali. Biglang napahiya si Jasmine. Nakakahiya ang mga sinasabi niya. Pero hindi tama na magsinungaling siya kay Ali. Kinukuwento nito ang maraming bagay tungkol dito. Dapat ay ganoon rin siya. Magkaibigan sila. Hindi dapat niya itinatago ang personalidad niya gaano man kasama iyon.

“I’m sorry. Dapat ay matagal ko ng sinabi sa `yo. Dapat rin talaga ay lumalayo na ako sa `yo. Someone like you, doesn’t deserved a girl like me---“

“You’re self-pitying.”

“Siguro nga. Pero nakilala na kita, Ali. Alam ko rin ang sitwasyon ng pamilya mo. Ngayong alam mo na kung anong dugo ang nanalaytay sa akin, dapat lang na lumayo ka sa akin. May masama akong dugo.”

May ilang tao ang alam ang nakaraan ni Jasmine. Anak siya ng isang magnanakaw. Kahit hindi niya nakalakihan ang ama, maraming tao ang humuhusga sa kanya sa katotohanan na iyon. Sanggol pa lamang siya nang maghiwalay ito at ang kanyang ina. Pero sa alaala ng mga nakakakilala sa kanila ay hindi iyon basta-basta maalis. Kinaiinisan ng marami ang kanyang ama. Naapektuhan noon ang pagtingin sa kanya.

“Gusto mo ba iyon? Ginagawa mo ba iyon?”

Umiling si Jasmine.

“Kung ganoon, ano ang ikatatakot mo?”

“Magagawa mo pa rin akong matanggap? Hindi ka natatakot sa akin?”

“I love all about you, Jasmine. I love you.”

“Ali…”

Ngumiti si Ali. He cupped her face. “A-and you also love me, my princess, right?”

“Ali…” gulat pa rin si Jasmine sa pinagtapat nito. May duda na naman siya tungkol sa nararamdaman nito pero iba pa rin kapag narinig mo na talaga. Nag-uumapaw sa saya ang puso ni Jasmine.

“Ali is not the right term for “yes”,” ngumiwi si Ali. Binitawan nito ang mukha niya. “Please do answer me. Pinakakaba mo naman ako, eh. Baka mamaya nag-presume lang pala ako at---”

Hindi na pinatapos ni Jasmine na magsalita si Ali. Siya naman ang kumuha ng mukha nito. Hinalikan niya ito. Higit na sigurong sagot iyon. Nang ibalik ni Ali ang halik, alam niyang nagkakaintindihan na sila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.