My Fat Chance (Filipino) Chapter 10

“May problema ba dito, Ate Kris?” tanong ni Chance na dumating na pala.

“W-Wala. W-Wine-welcome ko lang ang kaklase mo. Ngayon ko lang kasi siya nakita dito,” anang si Kris at alanganing ngumiti.

Nice. Ganoon pala ang pag-welcome nila sa mga aspiring na poets. O baka naman sa akin lang dahil di niya ako feel.

“Si Ma’am Lagman mismo ang nagpasali sa kanya dito dahil nagustuhan ang isang poem na ipinasa niya. Baka konting training pa at makakasama na natin siya sa guild,” sabi ni Chance at hinawakan siya sa balikat bilang suporta.

Ngumiwi si Kris. “Ahhh! Ganoon ba?”

Si Miss Lagman ang pinakamagaling na teacher sa paaralan. Kahit ang mga magagaling na sa English ay napapaiyak pa rin nito. Para mapili na sumali sa event na iyon ng batikang guro ay malaking karangalan na. Ibig sabihin ay may potential talaga siya.

She flashed Kris her beauty queen smile. Iyon lang naman ang pwede niyang ipanlaban sa mga awkward na sitwasyon gaya nito. “Thanks for the warm welcome. I am sure mag-e-enjoy ako dito sa event ninyo.”

Pero ang sasali sa guild ng mga ito? Ewan lang niya. Parang malabo. Hindi naman niya kailangang ipagsiksikan ang sarili sa lugar kung saan ayaw sa kanya.

“S-Sige. I-Iwe-welcome ko pa ang ibang guest,” sabi nito at iniwan na sila ni Chance.

“Bakit ngayon ka lang dumating?” may bahid na inis na tanong niya kay Chance.

“Bakit? May problema ba?” tanong ng lalaki at umupo sa tabi niya.

“Parang ayaw naman sa akin ng mga tao dito. Tingin yata nila wala akong alam pagdating sa pagsusulat ng tula,” aniya at yumuko. “Para yata sa kanila exclusive lang ang event na ito sa ilang privileged na mga tao.”

“Hindi naman siguro. Di lang sila sanay na may kasing ganda mo sa grupo,” sabi nito at ngumiti.

“Kasing ganda ko?” tanong niya at humalukipkip. “They make me feel as if having a pretty face means I don’t deserve to be here. Parang nakaka-discriminate naman yata.”

“Ang totoo, ang literary guild ay di lang tungkol sa mga tao na may kakayahan sa pagsulat ng tula. Ang iba sa kanila dito di naman talaga marunong magsulat ng tula. Pero sa tula lang namin na nai-e-express ang sarili namin. Dito lang kami napapansin. Parang haven namin ang grupong ito. Walang maaring manghusga sa itsura namin. Lahat maganda sa amin dahil sa mga salita.”

“At walang mandi-discriminate na katulad ko sa inyo?” tanong niya. “Nalulungkot ako na may mga taong nanghuhusga dahil sa panlabas na anyo ninyo pero di rin naman ibig sabihin may itsura ako wala na akong kakayahan na gumawa ng tula o manlalait na ako ng ibang tao. G-Gusto ko rin naman matuto.”

“Huwag mong sabihin na dahil lang sa iniisip ng ibang tao ay susuko ka na. Hindi ganyan ang kilala ko na Quinn.”

“Ano ba ang pagkakakilala mo sa akin?” tanong nito.

“Ikaw ang Quinn na hindi nagpapatalo. Hindi basta-basta sumusuko. Confident ka lagi. And if the world doesn’t want to cater to you, you don’t really care. Gagawin mo pa rin ang gusto mo. Katulad ngayon. Ano ngayon kung sa palagay ng ibang tao wala kang pakialam sa kanila. And you will prove them all wrong. Gusto ko lang malaman mo na sa maraming pagkakataon ay sa iyo ako kumukuha ng lakas ng loob. Kaya dapat di ka mawalan ng lakas ng loob ngayon. Maliit na bagay lang ito kumpara sa ibang bagay na nagawa mo. Mas mahirap yata na sumagot sa question and answer portion ng beauty pageant.”

“Chance...” He admired her. Nakita nito ang magagandang katangian niya. At tama naman may iba na siyang kompetisyon na nasalihan na din rin naman basta-basta at kailangan din gamitan ng utak.

“Kaya huwag mong hahayaan na mapigilan ka ng ibang tao sa mga bagay na gusto mong gawin. Malay mo ikaw pa ang manalo dito.”

“H-Hindi ko naman kayang talunin sa poem-writing ang mga tao dito,” aniya at pagak na tumawa.

“Hindi mo naman kailangan na manalo. Anuman ang matututunan mo dito parang nanalo ka na rin no’n.”

Tumango siya. Ang totoo ngayon pa lang ay panalo na siya dahil may isang katulad ni Chance na nagbibigay ng lakas ng loob sa kanya.

CHANGES in my life.

Iyon ang ibinigay ng speaker nila na topic para sa kompetisyon sa araw na iyon. Si Mr. Cano ay isang sikat na poet na nakapagpa-publish na ng limang libro.

“You may go out. Find a very comfortable place to write. After one hour, kailangan nakabalik na kayo dala ang tula ninyo,” bilin nito. “Enjoy writing everyone.”

Magkasama silang nagpunta ni Chance sa garden sa pwesto nila lagi. Tahimik doon at puro huni na lang ibon ang maririnig. Sabado ginanap ang poem-writing event kaya walang estudyante.

Pagdating pa lang sa paborito nilang mesa ay nagsulat na agad si Chance. Ang bilis nitong makagawa ng ideya. Samantalang siya ay blangko. Ano ba ang bago sa buhay niya? Bagong damit? Bagong sapatos? Bagong brand ng make up na ini-recommend ng nanay niya? O ang patago niyang pagkain ng mga ipinagbabawal na pagkain dahilan para tumaas ang timbang niya.

Hindi yata maganda na iyon ang ipasa ko. Mababaw. Walang substance. Hindi rin ako mai-inspire na isulat.

Pero ano ba ang mahalagang pagbabago sa buhay niya? Something worth writing a poem about.

“Trouble?” nag-aalalang tanong ni Chance sa kanya.

Sinapo niya ang pisngi. “Wala pa nga akong naisusulat kahit na isa. Hindi ko alam kung ano ang nagbago sa akin. O kung may nagbago ba sa akin.”

“Hindi ko masasabi kung ano ang nagbago sa iyo pero gusto kong malaman na para kang empanada,” sabi nito at inilabas ang kahon ng empanada.

“Empanada?” tanong niya. “Breaktime na ba? Pwede na ba tayong kumain?”

“Maging seryoso ka muna. Tingnan mo ang empanada. Alam mo ba kung ano ang nasa loob kapag tiningnan mo?” tanong nito.

Umiling siya. “Paano ako naging empanada?”

“Hindi ko alam na sweet ka pala hanggang makilala kita. Ang mga tao parang empanda. Di mo malalaman kung ano ang nasa puso niya hangga’t hindi mo siya nakikilalang mabuti,” sabi nito at hinati ang empanada sa gitna. Peaches and cream ang laman sa loob at saka inabot kanya ang kalahati. “Masaya ako dahil nakilala kitang mabuti. Salamat din kasi dumating ka sa buhay ko.”

“Salamat sa... Empanada,” sabi niya at tinanggap ang pagkain mula dito.

Nang matikman niya ang matamis na prutas na may cream ay parang nagliwanag ang paligid niya. Habang nakatitig kay Chance ay parang isang pinto ang nabuksan sa kanya. Nakikita na niya kung ano ang pagbabago sa buhay niya. Kung ano ang sanhi ng pagbabago sa kanya.

Isinumpak niya ang huling kagat ng empanada. Tapos ay parang kusa nang dumaloy ang ideya sa kanya at mabilis siyang nagsulat. She was now in the zone.

“Mukhang nakakuha ka na ng idea,” sabi ni Chance na saglit na tumigil sa sinusulat nito. “Tungkol saan?”

No, it was not a new brand of make up or the latest gadget. “Empanada,” sagot niya at kinindatan ang kaibigan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.