“Si Chance ba ang Dumbo ng buhay mo?” tanong ni Arnaut, ang editor-in-chief ng school paper at isa sa officers ng literary guild.
“May something ba kayo ni Kuya Chance?” tanong ng second year student na nakaupo sa tabi ni Chance kanina.
“Something?” tanong ni Quinn.
“Nanliligaw ba siya sa iyo? O baka naman ikaw ang may gusto sa kanya? Kasi nakakakilig ‘yung tula mo sa kanya,” nanunuksong tanong nito.
“Ako? May gusto kay Chance?” tanong niya niya sa mataas na boses. Pang-ilan na ba itong nagtanong sa kanya. Bakit naman nasabi ng mga ito na may gusto siya kay Chance?
“I-Imposible ang sinasabi ninyo. H-Hindi magkakagusto ang katulad ni Quinn na isang beauty queen sa katulad ni Sosimo na ka-level natin. She’s on a different league,” anang si Yen na iniikot pa sa daliri ang kinky na nitong buhok.
Nataranta siya. Ano ba ang dapat niyang sabihin dito? Di naman niya masabi na magkakagusto siya sa kay Chance o sa gaya nito dahil di pa naman niya nararanasan kahit magka-crush. Di niya alam kung ano ang tipo niyang lalaki at kung kanino siya magkaka-gusto.
“Mabuti kaming magkaibigan ni Chance. Saka masyado pa akong bata para isipin ang crush-crush na iyan,” sabi niya agad.
“See? Friendzone,” sabi ni Muriel na presidente ng English class.
Hindi na siya nakasagot pa dahil nagpaalam na si Chance. Napansin niya na malungkot si Chance. Di niya alam kung dahil sa usap-usapan kanina na di magkakagusto ang gaya niya sa tulad nito or what? Paano ba niya mapapagaan ang loob nito? Paano ba niya ito mapapasaya?
Nakayuko pa rin ito habang hinihintay nila ang sundo nila sa may bench malapit sa parking lot ng paaralan. Di pa rin ito kumikibo at sa bawat pagdaan ng sandali ay bumibigat ang loob niya. Akala pa mandin niya ay magiging masaya ang pagtatapos ng araw na iyon sa kanilang dalawa.
Inabot niya ang kopya ng tula niya kay Chance. “Para sa iyo.”
Inangat nito ang tingin sa kanya, nanlalaki ang mga mata sa pagkagulat. “I-Ibinibigay mo sa akin?”
Tipid siyang ngumiti at tumango. “Oo.”
“Hindi ba dapat ipakita mo ito sa magulang mo?”
Umiling siya. “No. Gusto kong itago mo iyan. Sabi mo first time na may gumawa ng tula para sa iyo.”
“Thank you,” sabi nito. Saglit nitong binasa ang tula bago inipit sa notebook at ibinalik sa bag. “Sa palagay mo ba, posibleng magkagusto ang isang katulad mo sa isang katulad ko?”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Alam mo na, ‘yung mataba, di kaguwapuhan saka di naman makisig. Yung di katulad ng mga nagiging escort mo sa beauty pageant o kaya mga varsity players.” Bumuntong-hininga ito. “S-Siguro pwede lang akong maging friend. Silly question. Nabanggit mo na nga sa akin dati na importante ang panlabas na anyo para magustuhan ang isang tao. Na kahit ako ganoon din. Kaya lang... Kaya lang... Nakakapagod din kasi na baka dumating ang panahon di naman talaga importante kung ano ang nasa puso ko lang.”
Hinawakan niya ang baba nito at ihinarap sa kanya. “Chance, sinabi ko iyon dati noong hindi pa kita kilalang mabuti. At di ko pa rin gaanong kilala ang sarili ko. You have a good heart. And kindness goes a long, long way.”
“Ibig sabihin ang kasing ganda mo pwedeng magustuhan ang tulad ko?” tanong nito.
“Oo naman. Pero hindi mo naman dapat madaliin dahil mga bata pa tayo. Naniniwala ako na makakatagpo ka ng babaeng magmamahal sa iyo nang di tinitingnan ang panlabas mong anyo. Dahil kahit ako, gusto ko ring makita ako ng tao kung ano ako nang di ibinabase sa kagandahan ko. Katulad kung paano mo ako nakita.”
“Balang-araw,” nausal nito.
Tumango siya. “Balang-araw.”
NAKATITIG si Quinn kay Chance habang tinuturuan nitong maggitara si Harry. Nakaupo siya sa bench sa tapat nito sa botanical garden habang nagpapalipas ng oras. May emergency meeting ang P.E. Teacher nila. Wala pa ang mga sundo nila kaya di pa sila makauwi. Doon muna sila nagpalipas ng oras.
“Mantakin mo! May talent naman pala itong si Chance. Akala ko naman pagkain lang ang talent niya,” sabi ni Sosimo na pasimpleng dinudukot ang cupcake sa kahon na nakalapag sa kandungan niya. Nag-bake ang nanay ni Chance para lang sa kanya. Ni hindi nga niya sinasaway si Sosimo dahil nakatuon lang ang atensiyon niya kay Chance.
“Ang sarap-sarap niyang titigan. Ang linis-linis kasi. Saka mabango siya. Masarap laging yakapin.” Nakasuot ng white shirt at red jogging pants si Chance. Nakahawi ang buhok nito palayo sa mukha. Kahit na nakadistansiya sila sa isa’t isa, parang naaamoy pa rin niya ang fresh na sabong ginamit nito nang umagang iyon. Lagi niya itong tinutukso na amoy baby ito.
“Sino? Si Harry?” Nagpapalit-palit ang tingin nito sa kanya at kay Harry. “Anong malinis? Mukha ngang gusgusin. Mukha pang troll ang buhok. Kulang na lang nga diyan chain para pwedeng gawing keychain. Sabagay mabait na siyang troll.”
Mula nang I-anunsiyo ni Harry na mahirap na ang pamilya nito ay sa kanila na ito sumasama. Itinakwil na ito ng grupo ni Turvey. Di na daw kasi makakasabay sa lifestyle ng grupo si Harry. At wala daw plano ang mga ito na kunin si Harry bilang charity case. Panira lang daw iyon sa imahe ng grupo.
Pero parang di naman nalulungkot si Harry dahil nakatagpo ito ng kaibigan kay Chance. Naging mabait na rin naman ito kaya tinanggap na rin niya. Mabuti nga at nakalayo na ito sa iresponsableng grupo nila Turvey. Ngayon ay mas focused na ito sa pag-aaral at paglalaro ng basketball. Di nito sinasayang ang pagkakataong ibinigay dito.
“Hindi si Harry! Si Chance!” Inginuso ni Quinn si Chance. “Tingnan mo. Mukhang presko. Kahit na malaki ang katawan niya, neat pa ring manamit.” Malaki na ang ipinagbago nito mula nang i-coach niya sa tamang pananamit at kung paano maging matikas sa pagkilos.
“Oo nga, no? Kung pumayat-payat pa iyan, gagawin ko siyang boyfriend ko!”
Marahan siyang umiling. “Hindi na niya kailangang pumayat. Kahit naman ngayon guwapo na siya, hindi ba?” Saka siya huminga nang malalim. “Tapos mabait pa. Masarap pang kasama.”
Siniko siya ng kaibigan. “Iba na yata iyang nakikita ko sa iyo. ‘Yang mga mata mo parang kumukutitap na Christmas lights. Di lang iyon! Parang siya ang center of the universe para sa iyo. Ni hindi napapansin na naubos na ang cupcake mo katititig mo sa kanya.”