My Fat Chance (Filipino) Chapter 17

Nakakasama talaga ng loob. Kahit wala si Cindy, parang anino pa rin na nakasunod ito sa kanya. Pakiramdam niya ay nawawala na sa kanya ang kaibigan niya.

Pinigilan ni Chance ang braso niya. “H-Hindi naman sa ganoon. A-Ang totoo nami-miss din naman kita.”

“Parang hindi naman,” aniya at bahagyang umingos.

Tumayo din ito at inayos ang mga gamit sa ibabaw ng mesa. “Ano bang gusto mong gawin ngayong araw na ito?” tanong nito.

“Magkwentuhan tayo. Maglakad-lakad. Nothing special. Parang normal na magkaibigan lang sa isang normal na araw. Yung magkasama lang tayo gaya ng dati.”

“Picnic at the park?” tanong nito.

Sumilay ang ngiti sa labi niya. “Gusto ko iyan.”

Makalipas ang tatlumpung minuto ay nakaupo na silang dalawa sa ilalim ng puno sa park ng village. Doon din nagpatuloy ang orientation ni Renan kay Sosimo sa jujitsu. Halos mamatay-matay siya sa katatawa nang pilipitin ni Renan ang paa ng kaibigan.

“Saklolo! Tulungan ninyo ako!” tili ng kaibigan.

Pinalakpakan ito ni Quinn. “Kaya mo iyan, Sosimo. Ginusto mo iyan!” kantiyaw niya dito. Nang lumingon siya ay nakita niyang may kinakalikot si Chance sa cellphone nito. “Ano iyan?”

“Wala. Kinukumusta ko lang si Cindy kung ano na ang nangyari sa kanya. Nangako siya na tutulungan daw niya ako after magpa-register sa contest. Pupunta din daw siya sa isang go-see para sa isang commercial.”

“Pwede ba huwag na natin siyang pag-usapan? Nakakainis na, ha?” Puro na lang Cindy. Gusto niyang isigaw na nagpapauto lang ito kay Cindy. Na di naman talaga ito planong tulungan ng pinsan niya sa sarili nitong project.

Umusod ito palapit sa kanya. “Huwag mong sabihing nagseselos ka kay Cindy?”

Inirapan niya ito. “Bakit naman ako magseselos sa kanya?”

“Oo nga. Ang totoo siya ang nagseselos sa iyo dahil may mabuti ka daw na kaibigan katulad mo. Ngayon di na siya nagseselos kasi lagi na kaming magkasama.” Inakbayan siya ni Chance. “Sana nga dumating ang panahon na magustuhan talaga niya ako. Tapos parang magiging magpinsan na rin tayo. Masayang-masaya ako kapag nangyari iyon dahil ngayon pa lang pamilya na ang turing ko sa iyo.”

Magkapamilya sila? Ito at si Cindy ang magkakatuluyan balang-araw? Kung maldita lang siguro siya ay baka pagtawanan niya ito. Parang imposibleng mangyari iyon malibang magkaroon ng personality transplant ang pinsan niya at mas mapahahalagahan nito ang panloob na kagandahan ng isang tao.

Pero parang may maninipis na alambreng pumipilipit sa puso ni Quinn habang naiisip na magiging ito nga at si Cindy sa hinaharap. Hindi niya matanggap. Parang gusto niyang ngayon pa lang ay ipamukha na sa kaibigan niya ang katotohanan.

“Magpaturo na lang din tayo ng jujitsu kay Renan. Mukhang masaya ang ginagawa nila ni Sosimo,” sabi niya para ibahin ang usapan. Ayaw niyang sirain ang kaligayahan ng kaibigan niya kahit na mas makakabuti dito na malaman ang totoo. Ayaw niyang masira ang pinagsamahan nila lalo na’t nakikita niyang masaya ito kay Cindy. She didn’t have the heart to hurt her friend.

Umungol si Chance. “Hindi ko kaya.”

“Oras na para matuto tayo ng self-defense,” sabi niya at hinila ito patayo. “Tara na.” Para naman manahimik muna ito pagdating kay Cindy kahit na sandali. Naririndi na talaga siya dito.

Pero di agad niya nahila patayo si Chance. Natumba ito at nahatak si Quinn sa ibabaw nito. Nahigit niya ang hininga at niyakap nito ang baywang niya. “Ayos ka lang?” tanong nito.

“Di agad siya nakakibo dahil sobrang lapit nng mukha nito sa kanya. Muntik na niya itong mahalikan. Napatitig siya sa labi nito. What if she kissed him? Ano kayang mararamdaman nito? Mawawala na kaya si Cindy sa isipan nito?

“Quinn...” usal ng binatilyo sa pangalan niya. Animo’y may ideya na ito sa balak niya.

In her eyes, he was the most beautiful man. She liked him. She liked him like she never liked any other boy before. At gusto niyang malaman nito na espesyal ito sa kanya. It was really crazy. Di niya alam kung ano ang nangyari. Di niya alam kung paano nagsimula. Pero gusto niyang malaman ni Chance na hindi karapat-dapat ang pinsan niya sa mabuting lalaki gaya nito. She was really to tell him with a single kiss.

“Quinn! Ayos ka lang ba?” narinig niyang tanong ni Regan na maagap silang dinaluhan.

“Anong nangyari sa inyo?” tili naman ni Sosimo at inalalayan siyang tumayo.

“Pinipilit kasi ako ni mag-jujitsu. Ang sarap-sarap ng upo namin dito. Hinila niya ako tapos natumba kami.” nag-aalala itong tumingala. “Nasaktan ka ba, Quinn?”

“A-Ayos lang ako,” aniya sa nanginginig na boses. She almost kissed him.

Kung hindi dumating sina Renan at Sosimo ay baka isang pagkakamali ang nagawa niya. Hindi dahil gusto niyang halikan si Chance kundi kung anong magiging epekto sa kanila bilang magkaibigan. Isa pa ay di rin niya alam ang gagawin lalo na’t ngayon lang niya inamin sa sarili na gusto niya nang ito higit sa kaibigan.

“Kailangan mo nang magpapayat. Ikaw ang dapat nagpapaturo sa pinsan mo,” sabi ni Sosimo. “Naku! Di ka magkaka-girlfriend kapag ganyan.”

“Sabi ni Quinn basta daw mabuti ang puso ko, maa-appreciate ako ng ibang tao at mamahalin ako. Di na mahalaga ang itsura ko. Di ba, Quinn?” tanong ni Chance sa kanya.

“Si Quinn iyon. Hindi naman siya ang nililigawan mo kundi si Cindy. Choosy ang isang iyon. Gusto niyang makapag-asawa ng rich at guwapong prinsipe someday. Ikaw lang naman ang uto-uto sa isang iyon,” walang pakundangang sabi ni Sosimo.

“Close na kami ni Cindy ngayon. Magugustuhan din niya ako. Mabait din naman siya katulad ni Quinn,” sabi ni Chance at pilit na tumayo. “At wala siyang pakialam sa itsura ko.”

“Sige! Maniwala ka sa fairy tale mo kung gusto mo. Kaibigan mo ako kaya nagsasabi ako ng totoo.”

“Hoy! Ano ba?” angil niya at tinampal ang braso ni Sosimo nang pauwi na sila. “Bakit sinabi mo iyon kay Chance? Nasaktan tuloy ‘yung tao.”

“Ako pa ang pinagsasabihan mo? Akala ko ba ang nagsabi na dapat sabihin natin ng totoo. Dapat nga ikaw ang nagsasabi na masama ang ugali ng pinsan mo kay Chance. Anong nangyari sa iyo at puro nganga ka lang?” tanong ni Sosimo.

“Hindi ko kayang saktan si Chance.”

“E bakit pag ako binabalahura mo? Wala kang pakialam kahit sagad sa buto na ang panlalait mo sa akin. May favoritism ka. Alam mo naman na mas masasaktan si Chance pagtagal.”

“Masaya siya kay Cindy.” At natatakot siya na kapag sinabi niya ang totoo ay tuluyan nang mawala si Chance sa kanya. Kahit sa ganitong paraan ay manatili man lang ito sa tabi niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.