My Fat Chance (Filipino) Chapter 18

HUWAG ka nang magpupuyat. May pasok pa tayo bukas. Huwag mo nang pagpuyatan ‘yang project ni Cindy. Hindi ka naman ganoon ka-importante sa kanya.

Erase, erase, erase. Baka isipin niya nagseselos ako o kaya inaapi ko nang todo si Cindy. Baka masamain pa niya.

Dali-daling binura ni Quinn ang text message dapat ay ipapadala na niya kay Chance. Linggo na noon ang gabi at maaga pa ang pasok niya kinabukasan pero gising pa rin siya. Nag-goodnight ang kaibigan sa kanya sa pamamagitan ng text isang oras na ang nakakaraan pero wala pa rin siyang matinong reply dahil napapraning siya sa pwedeng isipin nito sa kanya.

Nakakainis! Balewala naman ito sa kanya noong magkaibigan pa lang sila ni Chance at di pa niya nare-realize na may iba siyang nararamdaman dito. Di siya conscious sa pwedeng isipin nito. Wala siyang kailangang itago. Walang malisya at pwede niyang sabihin ang kahit anong gusto niyang sabihin dito.

Sa huli ay bumalikwas siya ng bangon. Ayaw niyang magkaganito kay Chance. Mahirap palang magkagusto sa isang lalaki lalo na kapag kaibigan niya. Kailangang mabura niya ang nararamdaman niya dito.

“Mataba siya, dambuhala at balyena, Masyadong mabait kaya laging nauuto. Tatanga-tanga pagdating sa babae. At higit sa lahat, ayaw sa kanya ni Mama para maging boyfriend ko kung sakali,” usal niya. Hindi ito papasa sa standard ng nanay niya na ang gusto ay makapag-asawa yata siya ng prinsipe balang-araw.

Pero walang kahit anong gawin niya ay di naman nabawasan ang pagkagusto niya dito. Wala naman siyang pakialam kung mataba ito. Masarap kayang pisil-pisilin ang pisngi nito. Ano ngayon kung malambot ang puso nito at kailangan niya itong laging ipagtanggol? Mas gusto naman niya ang pagiging mabait ni Chance kaysa naman sa mga kaklase niyang mapang-api sa kapwa.

At ang nanay niya... Wala siyang pakialam kung hindi nito gusto si Chance para sa kanya dahil hindi ito Prince Charming material sa pisikal na anyo. Wala siyang pakialam.

Sa huli ay sumuko din siya. Di pa rin siya makakatulog. Napilitan tuloy siyang lumabas ng kuwarto. Iinom na lang siya ng gatas. Baka sakaling makatulog siya agad. Pagdating niya sa kusina ay naabutan niya ang mga magulang doon na nagkukwentuhan habang sinasamahan ng Mama niya na mag-late dinner ang ama. Alas diyes na noon at kadadating lang ng ama niya mula sa trabaho. Negosyante ang ama niya at nitong nakakaraang araw ay ginagabi ito ng uwi.

Nagmano siya dito. “Pa, good evening po.”

“Bakit gising ka pa?” tanong nito nang patungo siya sa ref para kumuha ng gatas.

“Di po ako makatulog.”

“Baka naman may ayaw magpatulog sa iyo,” nanunudyong tanong ng ama niya. “May nagugustuhan ka na bang lalaki sa school? Baka mamaya may boyfriend ka na.”

“Wala po,” tanggi niya at tumungga ng gatas.

Inobserbahan niya ang mga magulang partikular na ang ama. Hindi naman ito kaguwapuhan. Di rin naman ganoon kakisig lalo na’t may beer belly na ito at wala nang oras na mag-excercise sa dami ng trabaho. Di rin naman ito mayaman nang pinakasalan ng nanay niya. Ang alam niya ay nagsikap ito sa pagiging working student. College ito nang ligawan ng nanay niya. Nagpakasal ang mga ito ay ordinaryong empleyado lang ang ama niya at nag-iipon pa lang pampatayo ng negosyo. Ano kaya ang magiging opinyon ng mga ito kung ang isang tulad ni Chance ang magugustuhan niya?

“Ma, paano po kung magka-crush ko sa lalaking di naman guwapo sa standard ng iba tapos mataba pa...”

“Parang si Chance?” putol agad ng nanay niya sa tanong niya.

“Uhmmmm... Parang si Chance pero di po si Chance,” tanggi niya. “Ay naku! Hindi ko talaga siya crush.”

Umangat ang gilid ng labi ng ina. “Hypothetical question lang iyon, my dear. Wala naman akong sinabi na si Chance nga iyon. Bakit grabe ang pagde-deny mo?”

“Defensive much?” her father snickered.

Yumuko si Quinn. Bakit naman kasi nagtanong pa siya? Pagkatali-talino niya pero pagdating kay Chance ay sumasablay siya.

“I like Chance,” anang ama niya.

“Really? You like him, Pa?” tanong ng dalagita at yumakap sa ama mula sa likuran nito. “Kahit na di siya ganoon kaguwapo?”

“Mabait siya, matalino at magalang,” sabi ng ama. “Mama mo nga di ako kagandahan pero sinagot ko.”

Tinampal ito sa braso ng nanay niya. “Heh! Iibahin mo pa ang istorya.” Malamlam ang mga mata siyang pinagmasdan ng ina. “Aminado naman ako na hindi guwapo ang tatay mo pero siya ang pinakamapagmahal, masipag at responsableng lalaking nakilala ko. Di ka namin pinalaki na laging tumingin sa panlabas na anyo ng isang tao kahit pa nga lahi tayo ng magaganda.”

“Mabuti siyang kaibigan sa iyo. Pero ibang usapan na kapag nagpapaligaw na siya sa iyo. Di ko na siya gusto,” anang ama niya na biglang naging istrikto sa kanya. “Bawal kang magpaligaw at bawal ka pang mag-boyfriend. Saka baby ka pa.”

“Pa, crush lang naman po iyon at hypothetical lang,” nakangisi niyang sinabi at humalik sa mga magulang. “Goodnight!”

Mas magagaan na ang hakbang ni Quinn nang bumalik sa silid niya. Kung ganoon ay di naman pala tutol ang mga magulang niya kay Chance kung magustuhan man niya ito. Mukhang kailangan na lang niyang tanggapin ang bagong lugar ni Chance sa puso niya.

Subalit kailangang maging sekreto ang lahat.

“CHANCE, you are so cool! Akala ko mahirap kunin iyon. Madali lang pala basta ikaw ang nagturo!”

Nag-init ang tainga ni Quinn nang marinig ang matinis na boses ni Cindy. Sa umagang iyon ang periodical exam nila. Subalit di siya makapag-concentrate sa pagre-review dahil maya’t maya niyang pinakikiramdaman sina Cindy at Chance na nakaupo sa likuran ng classroom habang nagre-review. Akala mo ay nagde-date ang mga ito sa parke kung makapag-ingay ang pinsan niya at walang naaabalang ibang tao lalo na sa nagre-review gaya niya.

Nilukot niya ang reviewer na hawak. Di na halos mapaghiwalay ang dalawa. Laging ipinagmamalaki ni Cindy na si Chance ay pamangkin ng susunod na congressman ng distrito nila. Di ba iyon nakikita ni Chance? Ginagamit lang ito ni Cindy para lalong sumikat.

“May naiintindihan ka ba pa sa nire-review mo?” untag ni Sosimo. Ito at si Harry ang mga kasama niya sa pagre-review.

“Nag-review na ako sa bahay. Buti na lang dahil wala akong maintindihan sa sobrang ingay. Hindi ko alam kung nakakapag-review nang maayos si Chance,” reklamo niya at muling binalikan ang reviewer kahit di na pumapasok sa isip niya.

“Wala na tayong magagawa sa kaibigan natin. Inagaw na kasi siya ng pinsan mong mahadera,” bulong ni Sosimo.

Nakuyom ng dalagita ang palad. “Kung nasabi ko lang sana kay Chance ang totoo.”

“Hindi na kailangan,” wika ni Harry. “Kapag ginawa mo iyon, magkakasira lang kayo ni Chance. Tama naman si Cindy. Haling na haling sa kanya si Chance. Wala siyang pakikinggan kahit na ano pang sabihin mo. Bulag na, eh!”

“Anong gagawin ko?” Hindi niya makayang niloloko si Chance. Pero baka kapag sinabi niya dito ang totoo, lalo lang niya itong itulak palapit kay Cindy. Magkakalayo lang sila at pati pagkakaibigan nila ay tuluyang masisira. Ayaw niyang mawala si Chance sa kanya.

Inunat ni Sosimo ang reviewer niya. “Ang gawin mo, mag-concentrate ka sa exam. Wala ka nang magagawa kay Cindy pero sa sarili mo meron.”

Huminga si Quinn nang malalim. Nangako siya sa sariil na kahit kailan ay di siya magpapaapekto sa lalaki. Kaya kahit na mabigat ang loob ay itinuon niya ang atensiyon sa pagre-review.

Subalit oras na ng exam ay paulit-ulit na umuukil sa utak niya ang mga halakhak ni Cindy. Matagumpay nitong nailayo si Chance sa kanya. Kitang-kita rin niya ang saya sa mga mata ni Chance. Di pa niya ito nakitang ganoon kasaya kapag magkasama sila. Para kay Cindy lang iyon. At lalo siyang nasasaktan.

Lahat sila ay napalingon sa likuran nang marinig nila ang marahas na pagaspas ng test paper. “Turvey, what’s this?” tanong ng test proctor nila na hawak ang test paper. “Bakit nasa iyo ang test paper ni Chance?”

Namutla si Turvey at di alam kung anong isasagot. “Ma’am, ano po…”

“Nasa dulo ng row na ito ang upuan ni Chance at nasa aisle seat ka naman. Paanong nakarating ang papel sa iyo? Nag-teleport?” anang masungit na proctor na isa sa pinaka-terror nilang teacher. Itinuro nito ang hilera mula kay Chance hanggang kay Turvey na pawang mga kabarkada ng huli. “You! All of you! Sumunod kayong lahat sa guidance office!”

“GRABENG kopyahan iyon. Kaya pala kinaibigan si Chance ng grupong iyon para lang kopyahan. Mga garapal talaga,” nailing na sabi ni Sosimo. Itinigil ang exam para imbestigahan ang lahat ng kasangkot. Tahimik ang grupo nila Cindy at nagdesisyong pumunta sa restroom bago pa madamay ang mga ito sa gulo.

“Dati pa nila ginagawa iyan. Kahit naman na maloko ako, ayoko ng nagkokopyahan. Pero wala naman akong magawa. Kinukuha na lang nila ang test paper ko kapag tapos na ako at pinagpapasahan nila,” kwento ni Harry na iiling-iling.

“Naku! Paano na si Chance?” tanong niya at pasulyap-sulyap sa labas ng bintana kung saan tanaw ang guidance office. “Baka pati siya mapahamak.”

“Relax! Inosente si Chance. Walang mangyayari sa kanya,” pang-aayo ni Harry sa kanya at tinapik ang balikat niya.

Hindi iyon sapat para mapakalma siya. Tumayo siya. “Samahan ninyo ako sa guidance office. Pupuntahan ko si Chance.”

“Ha? Huwag ka nang makigulo doon!” tutol ni Sosimo.

Subalit wala parang wala nang narinig si Quinn at tuloy-tuloy na naglakad palayo. Determinado ang bawat hakbang niya papuntang guidance office. Di siya pwedeng umupo na lang doon habang napapahamak si Chance. Kasalanan niya dahil di niya sinabi dito ang totoo noong una pa man. Naging malala pa tuloy ang pangyayari.

Sumingit siya sa ibang usyuserong kaklase nila na nasa pinto ng guidance. Isang malaking balita nga naman na malamang kasabwat sa pakikipag-kopyahan ang anak ng presidente ng eskwelahan.

“Ma’am, wala po kaming ginagawang masama. Sa katunayan, test paper po ni Chance ang nilalagyan namin ng sagot,” katwiran ni Antoni.

“Oo nga,” sang-ayon din ng ibang kaibigan nito. At kanya-kanya nang palusot ang mga ito para madiin lalo si Chance. Si Chance naman ay hindi kumikibo at nakayuko lang. Lalong sumilakbo ang galit sa dibdib ni Quinn. Di man lang nito maipaglaban ang sarili.

“Ma’am, pwede po bang magsalita?” aniya at itinaas ang kamay. “Kung totoong sila ang naglalagay ng sagot sa papel ni Chance, tingnan po ninyo kung naiba ang hand writing ni Chance.”

“May katwiran ka, hija,” sabi ng guidance counselor at tiningnan ang papel. “Wala namang nabago. Consistent ang sulat-kamay niya.”

Pati ang adviser nilang si Miss Soriano ay pinagkompara ang mga test papers. “Si Chance ang kumpleto na sa sagot. Habang ang iba hindi pa tapos. Masyado naman ninyong mahal si Chance na uunahin pa ninyo ang sagot sa test paper niya bago ang sarili ninyong test paper.”

“Ma’am, naniniwala po kami na walang kasalanan si Chance,” suporta ni Harry. “Matalino po siya. Kahit po mag-exam pa ngayon, malalaman nating di siya nandaya. Bakit di po ninyo tanungin sila Turvey? Dito sila mag-exam.”

“Oo nga!” sang-ayon ng iba pang estudyante.

“No! Hindi ninyo pwedeng gawin sa akin ito!” sigaw ni Turvey. “Anak ko ng may-ari ng school! Bakit pinagtutulungan ninyo ako?”

“Hindi ka namin pinagtutulungan. Kung inosente ka, bakit ka matatakot?” mahinahong tanong ng guidance counselor.

“Ikaw kasi!” paninisi ni Antoni kay Chance. “Palinga-linga ka pa kanina. Di naman mawawala ang test paper mo. Nabuko tuloy tayo!”

“Umamin ka rin, Antoni!” nailing na sabi ni Miss Soriano. “Boys, kailangan kong kausapin ang mga magulang ninyo tungkol dito.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.