My Fat Chance (Filipino) Chapter 22

“Ako ang bahala,” sabi nito at pinisil ang kamay niya. “May recipe ako sa bahay ng mga healthy pero tasty food. Iyon ang ginagamit ko kay Chance.”

Ikinuwento nito kung paanong nahilig sa sports na football si Chance kaya naman ito pumayat at naging fit. Nagkaroon na din daw ito ng mga kaibigan sa Italy. At sa pagbabalik nito sa Pilipinas, mas dumami pa ang mga kaibigan nito bilang si King. Ang dating outcast ay isa na ngayong heartthrob.

“Matagal pa yata ang order natin,” naiinip na sabi ni Vera. “Mabuti pa samahan mo muna akong bilhin ang dress sa Eccentric Boutique.”

“Ma... Dress again?” angal ni Chance.

“Just this once, hijo.

“Ako na ang sasama sa iyo, Tita. Kundi po ninyo naitatanong, fashion design po ang course ko. Expertise ko ang mga iyan.”

“Pero paano ako?” protesta ni Quinn na akmang tatayo.

“Maiwan ka na dito. Wala ka namang hilig mag-shopping, di ba?” anang si Sosimo sa nang-aasar pang tono. Umabrisyete ito sa ina ni Chance.. “Let’s go, Tita!”

ISANG alangang ngiti na lang ang ibinigay ni Quinn kay Chance nang maiwan silang dalawa sa cafe. Sa isip niya ay sinasakal na niya ang kaibigang si Sosimo. Sinadya siya nitong iniwan kasama si Chance. Hindi pa ng siya nakaka-recover sa muli nilang pagkikita, ngayon ay kailangan niya itong harapin. Walang kwentang bestfriend. Pahamak.

Pinanood niya kung paano magpa-cute ang babaeng wait staff nang i-serve ang pagkain kay Chance. Parang kinilig pa ito nang ngumiti at mag-thank you ang binata. Nang lumingon sa kanya ang babae ay nakangiti ito pero napansin niya ang bahagyang pagsimangot nito. Kung dati ay tinataasan siya ng kilay ng mga tao dahil di daw bagay na kasama niya si Chance, ngayon naman ay kakompitensiya ang tingin sa kanya.

Napansin niya na nakatingin sa kanya si King. Parang hinihintay siya na magsalita. She tried to summon her beauty queen spirit. Grace under pressure. Control your emotion. Smile, Quinn. Smile.

“Kumusta ang pagiging King?” tanong niya sa binata nang sa wakas ay natagpuan ang boses. “Hindi na kita nabati pero masaya ako dahil sikat na sikat ka na. Parang artista ka na. Matinee idol. Kilig na kilig ang mga babae sa iyo.”

“Wala. Hindi ko naman inaasahan na mabibigyan ako ng ganyang atensiyon. Nasanay naman ako na hindi pinapansin.”

Lumabi siya. “Pa-humble ka pa. Parang di naman totoo.”

“Kababalik ko pa lang ng Pilipinas. Nang sabihin sa akin na maraming request na mag-book signing ako dahil mataas ang sales ng libro ko, di ko naman inaasahan na ganito ang reception. Akala sa internet ang clamor. Baka di naman sila interesado sa akin.”

“Interesado sila sa gawa mo at interesado sila sa iyo. Excited na nga silang malaman kung sino ang ka-date mo.”

“I am glad you still have time to check me on the internet no matter how busy you are,” he said with a playful smile on his lips.

“Hindi. Dumaan lang sa newsfeed ko,” palusot naman niya at ibinaba ang tingin sa sandwich niya. Napaghahalataan na ba siya? Ilang minuto pa lang na magkasama sila ay ibinubuko na niya ang sarili niya.

“Aside from playing football, wala namang bago sa akin. Iba pa rin ang mga kaibigan ko sa Pilipinas. Iba pa rin kayo. Pasensiya na kung hindi ko kayo na-contact nang umalis ako. Naisip ko kasi na... Baka ayaw na ninyo akong maging kaibigan.”

“Hinahanap-hanap ka nina Harry at Sosimo. Nag-aalala sila kunng ano na ang nangyari sa inyo ni Tita Vera. Wala naman na kasi kayo sa Facebook.”

“Hindi mo ba kami hinahanap-hanap? Di mo ako na-miss?”

Natigilan si Quinn sa pagkain. Paano naman niya ito sasagutin?

“In fairness, masarap itong sandwich nila. Kain ka lang,” pag-iiba niya sa usapan. Nasaan na kayo, Sosimo? Bumalik na kayo dito. Maawa ka na sa akin.

“Who is the lucky guy?”

Tumaas ang kilay ni Quinn. “Who?”

“Yung minahal mo?”

“That stupid guy didn’t even know. Stupid nga, hindi ba? He took me for granted. Doon siya sa babaeng mananakit lang sa kanya na-in love. End of the story,”

“So this stupid guy is not worth knowing? He who shall not be named.”

“Right.” At hindi na siya nito kailangang pilitin pa dahil baka magulat lang ito sa matutuklasan nito. Na may kinalaman iyo sa tragic niyang love life. At ito ang tatanga-tangang lalaking iyon. Kung pwede lang ipamukha dito kaso magmumukha naman siyang bitter.

“Sana may nagawa ako para sa iyo bilang kaibigan mo. Kung alam ko lang sana ang tungkol doon...”

“At ano naman ang pwede mong itulong sa akin?” tanong niya sa malamig na boses at bahagyang tumaas ang kilay.

“Pwede kong sabihin sa kanya na mabuti kang tao. Na gagawin mo ang lahat para sa mga taong mahal mo. Na maswerte siya dahil minahal mo siya.”

Ngumisi siya at kalaunan ay natawa na lang siya. “Sa palagay mo ba maniniwala siya sa iyo? Ikaw nga mismo di ka mo naman pinahalagahan ang pagmamalasakit ko sa iyo. Ikaw nga na kaibigan ko binalewala ako. You are not a credible reference, Chance,” usal niya sa pagitan ng naggigiyagis na ngipin.

She was seething mad. Okay na siya sa buhay niya. Akala niya ay wala na siyang pagmamahal para dito. Pero bumalik ito at kinalkal pa pati ang sugat sa puso niya.

Namutla ang lalaki. Hindi marahil nito inaasahan na lalabas din dito ang sama ng loob niya. Ayaw niya na komprontahin pa ito sa nangyari sa kanila noon. She just wanted to act like everything was fine. Na di na niya poproblemahin pa ang lahat sa pag-alis nito subalit di niya kaya. Parang sasabog siya.

“I... I am sorry,” bulong ng binata. “Pero gusto ko sana na maging okay tayong dalawa.”

“Chance, huli na ang lahat para dito,” aniya sa malamig na boses.

Hinaplos nito ang buhok niya. “Masyado bang masakit ang ginawa ko sa iyo at hindi mo na ako mapapatawad?”

Malungkot niya itong pinagmasdan. Magbago man ang anyo nito, ito pa rin ang lalaking minahal niya. “Masyado lang kitang minahal...bilang kaibigan,” maagap niyang dugtong. “At kapag di ako pinahahalagahan ng isang tao, wala na rin siyang kwenta sa akin.”

Lumungkot ang mga mata nito. “Hindi mo na ba ako bibigyan ng pagkakataong bumawi?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.