Ibinaba niya ang tingin. Akala siguro nito ay simpleng isyu lang ng pakikipagkaibigan ang problema niya. Ang di nito alam ay pinatay nito ang puso niya. At kung bibigyan niya ito ng pagkakataong bumawi, parang sinabi niya ditong dikdikin ulit nito ng martilyo ang puso niya.
“Sinasayang mo lang ang panahon mo.”
“Quinn...” Itinaas nito ang kamay para haplusin ang pisngi niya ngunit ibinaba din nito ang kamay. “I feel bad for hurting you. I feel bad for neglecting your love. Akala ko kasi may paraan pa para maibalik natin ang dati.”
“Chance, huwag na nating ipilit. Masyado nang maraming nagbago. Hindi naman ako ganoon kaimportante sa iyo.”
Naging matiim ang anyo nito at hinawakan ang baba niya. Pilit nitong hinuli ang mga mata niya. “No! Hindi ako susuko dahil importante ka sa akin, Quinn. Na-realize ko na ang pagkakamali ko at gusto kong makabawi sa iyo. Please give me a second chance.”
Shut up! Leave me alone! Get out of my life. Hindi na kita kailangan na bigyan ng second chance. You ruined me the first time. That is more than enough. Mas okay na akong wala ka.
Subalit hanggang sa isip lang pala niya iyon nasabi. Natutunaw siya habang nakatitig sa mala-tsokolate nitong mga mata na nagmamakaawa sa kanya. Ang traidor niyang puso ay nais itong bigyan ng pangalawang pagkakataon.
“Chance, I...” nasa dulo na ng dila niya ang pagbibigay ng pangalawang pagkakataon dito. Konting push pa.
“We are back!” anunsiyo agad ni Sosimo kahit na may kalayuan pa sa mesa nila. “Look! Ibinili ka pa ni Tita Vera ng dress.” At inilapag ng kaibigan ang paper bag sa harap niya.
Inilabas niya ang dress sa paperbag. It short sleeved dress printed with sunflowers. Bagay sa dalaga nang gaya niya.
“Tita, thank you. Hindi na po ninyo kailangang gawin,” anang si Quinn na bahagyang na-guilty. Kaaaway pa lang niya sa anak nito pero binigyan pa siya nito ng regalo.
“Pasalubong ko sa iyo. Huwag mo nang tanggihan kung ayaw mong magtampo ako sa iyo,” banta nito.
Tumango siya at nagpasalamat. Napansin niya na nakatitig sa kanya si Chance. “Sana makita kong suot mo ang dress na iyan. I am sure it will look good on you.”
Nanlalambot ang tuhod ni Quinn. Chance was looking at her as if she was the most beautiful girl in the world. Nakikita na ba siya nito sa wakas bilang babae at di bilang kaibigan? Nagugustuhan na ba siya nito?
Iniwas niya ang tingin dito. Kahit na magandahan pa ito sa kanya, wala na siyang pakialam. Di na siya affected. Ayaw na niya dito. At di na rin siya nito makikitang suot ang damit na iyon kung sakali dahil di na sila magkikita.
Pero bakit kinikilig pa rin siya sa titig nito? At hirap na hirap siyang labanan ang magnetong humihila sa kanya para tingnan ulit ito.
“Nasabi mo na ba sa kanya ang pagpunta natin sa Sablayan this coming weekend?” tanong ni Tita Vera.
“Hindi ko pa po nabanggit dahil may iba po kaming pinagkwentuhan,” sabi ni Chance na bakas ang lungkot sa mga mata kahit na nakangiti ito.
Ginagap ni Vera ang kamay niya. “Hija, gusto mo bang sumama sa amin na magbakasyon sa Sablayan? Two days lang naman. Wala ka namang pasok ng Sabado at Linggo. We will take a plane then go to Apo Reef. It would be a lovely experience for you kids. You can go snorkeling and glass bottom cruising. Pangarap talaga namin ni Chance na makapunta doon noon pa at gusto ko kasama kayo.”
“Sama ka na, Bestie. Papayagan ka naman siguro nila Tita at Tito. Bahala na si Tita Vera na ipagpaalam ka,” lambing ni Vera.
Sila ni Chance sa paraiso nang dalawang araw? Ilang minuto pa nga lang silang magkasama ay nagwawala na ang emosyon niya. Tiyak na wasak na wasak siya kapag nagsama sila nang matagal.
Huminga siya ng malalim. “I am sorry, Tita. May iba na po akong kompromiso sa araw na iyon.”
“Pwede mo naman sa ibang araw na lang iyan. Minsan lang tayo magbabakasyon nang magkakasama,” anang si Sosimo.
“Di ba may kompromiso ka rin ng Sabado? Nangako ka sa akin na sasama ka sa center,” reklamo niya sa kaibigan.
Nag-peace sign ito. “Next time na lang, bestie. Di ko alam kung kailan ulit ako makakapagbakasyon ng ganito.”
“Importante ba talaga ang pupuntahan mo?” tanong ni Chance.
“Beauty with a purpose kasi ang drama nitong friend natin,” anang si Sosimo. “She works with bullied kids. Pwede naman niyang ipamahala iyon sa ibang volunteer ng center.”
“Inaasahan nila ako, tayo,” aniya sa mariing boses. “Kailangan kong i-check ang progress nila o kung may nangyari sa kanila. Alam mo naman iyon.”
“Oo. Kulang na lang ikaw ang nanay nila,” anang si Sosimo at umismid. “Sa iyo na talaga ang korona.”
“Naiintindihan ko kung hindi ka muna makakasama. May next time pa naman. Hindi naman kami agad aalis ng Pilipinas,” sabi ni Vera sa magaang boses.
“Thanks for understanding, Tita.”
Hindi niya magawang salubungin ang nagtatanong na mga mata ni Chance at iniba na lang ni Sosimo ang usapan. Alam niyang iniisip nito na iniiwasan niya ito. Wala siyang pakialam.
Mas mabuting dumistansya siya kay Chance. Kailangang matibay ang depensa niya. Hindi siya pwedeng magpadala sa nararamdaman niya kung ayaw na naman niyang durugin nito ang puso niya.
BONDING with my good friends. Missing someone.
Humugot ng malalim na hininga si Quinn nang makita ang pinost na picture ni Chance na in-upload sa Instagram nito. Kasama nito sa larawan sina Harry at Sosimo. Handa na ang mga ito para sa trip sa Sablayan. Hanggang kaninang umaga nga ay niyayaya siya ni Sosimo.
Para sa mga fans nito ay nag-e-engage na ito sa social media bilang si King. They looked happy. At naiintriga ang mga fans kung sino ang nami-miss ng binata. Ako kaya ang nami-miss niya?
Mariin siyang pumikit at pinakiramdaman ang paggalaw ng kotseng minamaneho ng driver nilang si Mang Badong. Papunta siya ngayon sa Silver Lining Center for Youth para sa session ng mga biktima ng bullying na gusto niyang tulungan. Doon siya dapat mag-focus at hindi kay Chance. Enough, Quinn! Nakatakas ka na kay Chance. Ano ngayon kung nami-miss ka niya? Wala ka nang pakialam sa kanya, sermon niya sa sarili.
“O! Mukhang matamlay ka yata ngayon,” puna sa kanya ni Kelly, ang head ng center.
Ito ang bunsong anak ng namayapang founder ng naturang center at ipinagpapatuloy ang adhikain ng ama. Mula sa center para sa mga kabataan na naliligaw ng landas at ang pagtuturo ng sports sa mga ito para malayo sa bisyo, nag-expand na ang foundation pati sa mga batang palaboy, ulila at ngayon ay pati sa mga nabibiktima ng bullying.
“Hindi naman po. Medyo parang sisipunin lang.”
Kabubukas lang ng pinto ng center para sa mga biktima ng bullying sa mga paaralan. Mas nag-a-accommodate ang mga ito sa batang iniwan ng mga magulang, na-rescue mula sa karahasan o kaya ay mga batang kalye. Naging volunteer siya doon matapos i-refer ng organization nila na tumutulong sa mga troubled na kabataan at biktima ng bullying.
Tinapik nito ang balikat niya. “Huwag kang mag-alala. Nandiyan naman na ang mga kaibigan mo para mag-handle ng activities sa araw na ito.”
“Kaibigan ko?” Wala naman siyang alam na kaibigan na makakatulong sa kanya sa araw na iyon.
Pagpasok sa activity area ay naroon si Sosimo kasama si Harry. “Anong ginagawa ninyong dalawa dito? Nasa Sablayan kayo, di ba?”
“You are late,” anang boses ni Chance sa likuran niya.
“Hindi naman ako late.” Pagharap niya ay may dala pa itong mga lobo. “Pati ikaw nandito din?”
“Yes. Sa palagay mo ba matitiis ka namin na maiwan dito habang nagpapakasaya kami sa Sablayan?” anang binata at inisa-isang pakawalan ang lobo para lumipad sa kisame. “Ngayon na lang tayo nagkasama ulit.”
“Pero paano ang flight ninyo?” tanong niya.
“Hindi na kami nagpa-book ni Mama. Kung pupunta kami sa Apo Reef, dapat kumpleto tayong lahat. Mas masaya kung magkakasama tayo dito.”
“Pero... Pero...”
“Bakit hindi ka na lang muna mag-relax at hintayin mo ang mga alaga mo?” tanong ng lalaki at inakay siya sa isang upuan doon. “Hayaan mo na lang kami na maghanda para sa program.”
Wala na siyang nagawa kundi hayaan ang mga ito. Nasa kusina ang nanay nito at ang nobya ni Harry ang naghahanda ng pagkain para sa mga nasa center.
Hindi alam ni Quinn kung ano ang program na ihinanda ng mga ito dahil ayaw ni Sosimo ng pinakikialaman. Nakausap naman na daw nito ang head ng center. Parang siya lang tuloy ang walang alam.