My Fat Chance (Filipino) Chapter 25

NAKANGITING pinapanood ni Quinn ang mga kasama sa session na nakikipagkwentuhan sa nanay ni Chance at kay Harry. Tapos ang session nila at kumakain ng miryenda.

“You really care for them,” untag ni Chance sa kanya.

“Kailangan nila ng support system. Maraming victim ng bullying ang nagko-commit ng suicide dahil pakiramdam nila walang may gusto sa kanila at walang kwenta ang buhay. Life is difficult for them.”

“I know the feeling. Kahit sinasabi kong okay lang ang lahat, alam ko sa loob ko na hindi okay ang mundo. Di nila ang tanggap.”

“At nakita ko rin mismo kung paanong ang biktima ng bullying ay nawalan ng respeto sa sarili nila. Na tanggap na lang sila nang tanggap sa kung ano ang gustong ibato ng ibang tao sa kanila. And that was fine with them. Ayokong mangyari iyon sa iba.”

“Ginawa mo ba ito dahil sa nangyari sa akin dati?”

“Hindi lang naman ang ikaw ang biktima ng bullying na kilala ko. Chance, si Cindy ang dahilan kung bakit ka nagpapayat, di ba?” tanong niya nang hindi nakatiis.

“Bakit? Siya lang ba ang babae sa mundo na pwedeng maka-inspire sa akin?”

“Bukod sa kanya, meron pang iba?” Bakit nga ba hindi? Matagal din silang di nagkita. Di naman pwedeng si Cindy lang ang magustuhan nito.

“Maniniwala ka ba kung sinabi ko na ikaw ang naka-inspire sa akn na mag-improve?”

“Hindi. Hindi ko nga alam kung bakit ka pa nag-e-effort sa suyuin ako. Why don’t you just leave me alone? I am sure marami kang ibang bagong kaibigan diyan. Isama mo pa ang fan girls mo. Hindi naman ako magiging kawalan. Sayang lang ang oras mo sa akin.”

Ginagap nito ang palad niya. “Gusto mo bang layuan na lang kita?”

“Mas makakabuti iyon para sa atin.”

“Okay,” anito at binitawan siya. Ibig sabihin ay aalis na ito. Di na siya guguluhin. Nahigit niya ang hininga nang hatakin nito ang kamay niya at yakapin siya. “I am sorry, Quinn. Matagal ko nang gustong sabihin ito pero wala akong pagkakataon. I was a fool to hurt you and neglect you. Matagal ko nang gustong bumawi pero di mo sinasagot ang mga sulat ko sa iyo kahit noong nasa Italy ako. Pero ngayong nandito ka na ulit, gusto kong ibalik natin ang dati.”

He felt delicious around her. Ang dating Chance ay lovable na huggable. Habang ang bagong Chance ay matipuno ang katawan. Parang bumangga siya sa matatag na pader. Nanlalambot ang tuhod niya. Nakakapanghina.

Naramdaman niya ang sinseridad sa ya kap nito. Gusto nitong ibalik ang dati nilang samahan. She missed him. Pero natatakot na siyang ibalik ang dati. Di na siya maari pang maging kaibigan nito.

“Bakit ka ba mapilit?” galit-galitan niya.

“Of course. You are my first real friend.”

Binawi niya ang kamay dito. “Yes. Ako nga ang unang kaibigan mo. And as an old friend, I am happy for you. Pero di ko na kayang ibalik ang lahat sa dati. Iba ka na. Natural lang siguro na manibago ako. Chance, hindi na ikaw ang dating Chance.”

“At hindi mo gusto ang bagong ako?”

Tumayo siya. “I don’t know. I just miss the old Chance.”

Gusto niya ang Chance na nasa tabi niya lagi. Kahit na ano pa ang masamang trato dito ng iba dahil iba ang itsura nito, naroon siya para takbuhan nito. Alam niya na kakailanganin pa rin siya nito. She felt needed.

Ang Chance na nasa harap niya ay marami nang nagmamahal. He was full of confidence. Makukuha na nito anumang gustuhin nito. He didn’t need her at all.

“Sana maibalik ko ang panahon. Sana maging importante ulit ako sa iyo, Quinn. Sana nga mataba ulit ako para di ka mawala sa akin. Sana pangit pa rin ako para mas madali sa iyo na mapatawad ako. Pero di ko na kayang ibalik iyon.”

“You are right. I am sorry. Imposible nga ang hinihingi ko. Kung maibabalik mo siguro ang dating Chance, baka tanggapin pa kita. Excuse me. May itatanong lang ako kay Miss Kelly.”

Naramdaman niya ang paghabol ng tingin nito sa kanya. Ayaw niyang tanggihan ang pagkakaibigang gusto nitong ialok sa kanya. Ngunit ayaw niyang maramdaman ulit ang sakit na di siya nito mahalin ulit. Sa dami ng mga babae sa paligid nito, lalong lumalayo ang pagitan nila. Mas maraming Cindy. Hindi lang siya ang handang magmahal dito. Marami pang iba.

Kaya bago pa siya masaktan, lalayo na lang siya.

“LUKA-LUKA ka talaga! Tinanggihan mo ang pagkaguwapo-guwapong si Chance? Tapos sinabi mo pa sa kanya na mas gusto mo siya noong mataba pa siya? Quinn, makukulot talaga ang utak ko sa iyo! Ano ba ang gusto mo?” sermon ni Sosimo habang kausap siya sa cellphone. Kailangan niya ng mahihingahan ng sama ng loob. Pero dahil di nito maiwan ang amang may sakit kaya sa phone na lang sila nag-usap.

Ikinatang ng dalaga ang baba sa coffee table ng cafe at huminga ng malalim. Katatapos lang ng exam niya at salamat sa stock knowledge niya ay mataas pa rin ang nakuha niyang score. Di talaga siya makapag-concentrate sa pagre-review dahil si Chance pa rin ang naiisip niya. Nakikita pa rin niya ang lungkot sa mga mata nito nang iutos niya na layuan na siya nito.

“Ayoko na siyang magustuhan. Gusto ko lumayo na lang siya sa akin. Tapos.”

“Kasi gusto mo pa rin siya?”

“Yesss! At ayoko na ng unrequited love.”

“Malay mo naman ma-in love siya sa iyo.”

Umikot ang mga mata ni Quinn. “Sige nga. Mai-in love ba siya sa akin? Noon ngang di pa siya kaguwapuhan di niya ako pinansin. Ngayon pa kaya na marami na siyang fans na nababaliw sa kanya? My ego can only take so much.”

“Sa lahat ng maganda, ikaw itong may insecurity sa katawan. Sabagay hindi kita masisisi. Insulto naman sa kagandahan mo kung tatanggihan ka niya.”

“Kaya ikaw na ang bahala na magsabi kay Tita Vera na di ako makakasama sa mga lakad niya lalo na kung kasama si Chance.”

“E paano kung tumaba ulit siya, tatanggapin mo pa rin ba siya sa buhay mo?”

Lumabi siya. “Siyempre hindi. Hindi na siya tataba. Hot na siya forever kaya di na siya makakalapit sa akin. Saka aalis din naman siya.”

“Hindi mo ba narinig na baka mag-stay for good na sila dito? Uuwi na si Tito at magtatayo ng business sa Pilipinas. Tapos mukhang maganda din ang kita niya sa pagiging writer. Nag-i-inquire na nga si Chance sa papasukang college niya.”

“Ano?” bulalas niya. “Nooooo!!! Ibig sabihin mas madalas na kaming magkikita?”

“At hindi mo rin siya maiiwasan. Kahit ano pang itsura niya, siya pa rin si Chance. Kung mamahalin mo ulit siya, huwag mong pigilan ang sarili mo. Kahit na masaktan ka, ang importante nagmahal ka. Masasanay ka ring mabasted.” Saka ito humalakhak nang mataginting.

“Nang-iinis ka pa, eh! Wala ka bang maitulong na matino?” Pasalamat ito dahil di sila magkaharap kung hindi ay nasabunutan na niya ito.

“Ikaw din naman kasi ang nahihirapan. Quinn, para sa choosy na gaya mo, di ka laging mai-in love. Kaya kapag nagmahal ka, sulitin mo. Throw caution to the wind. Kahit na protektahan mo ang sarili mo, pwede ka pa ring masaktan. Pero may posibilidad naman na maging masaya ka kung susubukan mo. At kilala kita na palaban. Hindi ka duwag. Di pa nga niya alam na mahal mo siya, umuurong ka na. Wala naman siyang girlfriend ngayon o nililigawan. Kaya harapin mo si Chance. Kung mamahalin mo, go lang nang go.”

“At pag nasaktan ako?” tanong niya.

“E di nandito ako para i-hug ka, friend. Gaya ng ginagawa mo kapag nasasaktan ako sa mga hayup na lalaking nanakit sa ganda ko.”

Nilaro-laro lang ni Quinn ang cake sa harap habang nakatitig sa blangkong journal na ipapasa niya sa isang linggo. Iniisip pa rin niya kung susundin ba niya si Sosimo. Kaya ba niyang harapin si Chance? Kaya ba niyang sabihin dito ang nararamdaman niya?

Isang sugal iyon. Masakit na nga noong di pa alam ni Chance na gusto niya ito. Mas lalo naman kapag nalaman nito at nabasted siya. Deep in her heart, she wanted to be close to him again. Na parang ang pagsasabi lang ng nararamdaman niya kay Chance ang magpapasaya sa kanya.

Traidor ka, Puso. Gusto mo mapagbigyan ka. Gusto mo sabihin ko na mahal ko siya. Gusto mo makasama ko siya. Tapos kapag nabasted na naman ako, iiyak-iyak ka na naman. Tulungan mo naman ako. Cooperate with my brain please.

“Hello, Quinn! Kumusta ka na?”

Sumikdo ang dibdib niya nang marinig ang boses ni Chance. Sabik na sabik na siyang marinig ang boses nito. “Chance!”

Inangat niya ang tingin mula sa cake at ngumiti. Excited siyang makita ito, makausap. Wala na siyang pakialam sa sinasabi ng isip niya. Mas nangibabaw ang kagustuhan niyang makasama ito kaysa sa takot na masaktan na siya. Boses pa lang nga nito ay masaya na siya. Mas masaya siya ngayon kaysa nang nakakaraang araw na sinusunod niya ang sinasabi ng isip niya.

“Chance, I am…” Nawala ang pagkasabik ni Quinn nang sa halip ay na ang guwapo at makisig na binata ay isang matabang lalaki ang nasa harap. “Sorry?”

Inilahad nito ang malaki at matabang kamay. “Hi! I am Chance Añonuevo. I am your old friend. Hindi mo na ba ako nakikilala?”

“Chance?” Tinitigan niya itong mabuti. Kamukha nga nito si Chance. He had the same expressive eyes. Natatabunan lang ito ng taba. Prosthetics. At kung aalalahanin niya ang Chance na kaklase niya dati, ito ang tumandang version. “Chance?!” tili niya. “A-Anong nangyari sa iyo? Bakit… tumaba ka? Anong ginawa mo sa sarili mo?”

“May guwapo at macho na impostor na nagpapanggap na ako. Kaya siguro ayaw mo ng tanggapin na kaibigan. Ayoko nang ma-miss mo ako kaya heto na ako.” Ibinuka nito ang kamay. “Hindi mo ba ako yayakapin man lang? Nagbabaka-sakali kasi ako na i-welcome mo ako. I-welcome mo naman ang old friend mo.”

Nag-effort ito para sundin ang gusto niya. Sa kagustuhan nito na tanggapin niya ay pinabata nito ang sarili. She was touched. Gusto talaga nitong bumalik siya sa buhay nito.

Di na siya nag-atubili at niyakap ito. “Chance, I miss you!”

Nang lukubin siya ng yakap nito kahit alam niyang foam lang iyon ay tuluyan nang natunaw ang agam-agam niya. It was perfect feeling his arms around her.

Yakap ulit niya ang dating Chance. It was comfortable hugging his big soft body. Yakap na niya ang unang lalaking minahal niya. Kung hindi niya ito muling tatanggapin sa buhay niya, hindi siya magiging masaya. Pero dahil sa pagsisikap nitong mapalapit lalo sa kanya ay nadoble ang saya niya.

“Teka, bakit naman bigla mong naisipan na mag-fat suit?” tanong niya sa binata nang kumalas sa pagkakayakap dito.

“Sabi mo na-miss mo ang dating Chance. Iyon ang gusto mong maging kaibigan. Kaya bumalik ako ngayon. Kahit sa isang araw lang, gusto kong mag-enjoy ka kasama ako. Gusto kong maging masaya ka kasama ang dating Chance.”

“Hindi mo naman kailangang gawin ito. Hindi din naman kita matitiis,” pag-amin niya dito. Tuluyan nang itinapon ni Quinn ang pride niya. Ano ngayon kung malaman nito na patatawarin din niya ito? Iyon naman talaga ang nararamdaman niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.