“Parang di mo pa yata nababawasan ang cake mo,” puna nito at dahan-dahang umupo. “Hindi ba parang hinihipan lang ang cake kapag inilapag sa harap mo? Ganon ka pa rin ba?”
“Kapag may time at nasa mood. Bestseller sa kanila ang blueberry cheesecake. Gusto mo subuan kita?” alok niya at inilapit sa bibig nito ang tinusok niyang cake sa tinidor.
Kumagat naman ito at nagtawanan sila. Ikinuwento nito sa kanya ang pagpapatuloy nito ng pag-aaral sa Italy. At ikinuwento naman niya dito kung paano niyang tinatakasan ang nanay tuwing sinusubukan siya nitong pasalihin sa pageant.
Parang bumalik sila sa dati - noong mabuti pa silang magkaibigan at hindi pa sila nito binabalewala para kay Cindy. Sana ay ito na ang simula ng magandang samahan nila.
“Wala ka talagang naging girlfried sa Italy?” tanong niya. “Baka naman hindi mo lang sinasabi kay Tita.”
“Wala. Mas gusto ko pa rin ang mga Filipina.”
“At ano ang gusto mong Filipina?” nang-iintriga niyang tanong.
Bahagyang nawala ang atensyon niya nang pumasok ang isang grupo ng mga babaeng kaedad din nila at palinga-linga. “Dito iyon. Dito nga ang nasa picture ni King. Dito sila kumain ng friends niya. Sabi nga niya baka mapadalas daw punta niya dito dahil dito laging pumupunta at tumatambay mga friends niya.”
“E wala naman si King dito ngayon,” nakabusangot na sabi ng payat na babaeng spaghetti strap dress at maong shorts. “Mukhang mahal pa mandin um-order dito.”
“Okay lang iyan. Mahalaga parang kasama na rin natin si King.”
Tumingin siya kay Chance na kalmado lang habang kumakain. Di niya alam kung deadma lang ito sa mga fans nito o sadyang abala lang ito sa pagtitig sa kanya. Mabuti na lang at naka-disguise ito kaya hindi nakilala ng mga fans. Kung hindi, baka dumugin ito at mawawalan na sila ng quality time. May perks din pala ang disguise nito.
“Yuck! Tingnan mo sila. Ang ganda-ganda ‘nung babae tapos sexy pa at balyena levels ‘yung guy,” pasaring ng babaeng naka-mataas na ponytail habang nakatingin sa direksyon nila ni Chance. “Pwede sila sa fairy tale. Beauty and the Pig!”
HALAKHAK ang isinagot ng mga fans ni Chance sa panlalait ng kasama ng mga ito. Nagpanting ang tainga ni Quinn at matalim na tiningnan ang grupo. Another bunch of shallow people. Nanghuhusga sa mga tao ayon sa anyo ng mga tao. And she was pissed off.
“Akala mo naman kung sinong kagandahan. Miss Universe level?” pasaring niya.
Natigil ang mga ito sa pagtawa ang makita at lumingon sa kanila. “Quinn, it’s okay,” malumanay na sabi ni Chance. “Huwag mo na lang patulan. Mapapaaway ka pa.”
“Nakakainis lang dahil akala mo kung sinong mga perpekto.” Mariing nagdikit ang mga labi niya. “Tumahimik sila kung ayaw nilang masaktan sa akin.”
“Huwag mo nang pansinin. Masisira lang ang mood mo,” sabi nito at tipid na ngumiti. “Kain na tayo.”
Itinuloy niya ang pagkain at natahimik naman ang mga nasa kabilang mesa. Pasulyap-sulyap sa mesa nila. Di man niya narinig ang pinag-uusapan ng mga ito, alam niyang nilalait ng mga ito si Chance. Matapos ang ilang sandali ay unti-unti na namang lumakas ang tawanan ng mga ito.
“Wala talagang taste ang girl na iyon. Siguro gold digger kaya nasisikmura niyang pumatol sa pangit at matabang lalaki,” anang isa na nakalimutang malakas ang boses nito at umaabot sa kabilang mesa.
Nakuyom niya ang palad. “Sandali! Gusto yata ng gulo ng mga ito. Teka lang!”
Ayaw niya sa lahat ay nilalait si Chance. Nangako siya na sinumang manlait sa itsura nito ay ilalampaso niya ang mukha. Wala siyang sasantuhin.
Hinawakan ni Chance ang nakakuyom niyang palad at ngumiti. “Hindi na kailangan. I don’t really mind.”
“Well, I do mind. I can give them a lesson or two. Wala akong pakialam kung fans mo ang mga iyan. Makakatikim talaga sila sa akin.”
“Umandar na naman ang pagiging tigre mo.” Tumayo ito. “Mabuti pa maglakad-lakad muna tayo sa labas. Tapos naman na tayong kumain”
Naiinis man si Quinn ay napilitan siyang sumunod. Marahan silang naglakad sa park na di kalayuan sa cafe. “Pasensiya ka na. Dahil sa kagustuhan mong sumaya ako, ikaw pa ang napintasan ng mga fans mo.”
Inakbayan siya nito. “Sanay na ako sa ganoon dati pa. Di na ako apektado. Masyado lang mainit ang ulo mo.”
“Sino ba ang hindi iinit ang gulo sa mga bruhang iyon? Sa book signing mamatay-matay sila sa kahahabol sa iyo. Kulang na lang sambahin ka nila. Ngayon naman akala mo naman wala kang pakinabang sa mundo dahil di ka pasado sa standard nila.”
“Hindi naman ako interesado sa atensiyon nila. Mas importante sa akin kung ano ang nararamdaman mo at kung ano ang opinyon mo sa akin. And thank you for defending me. Di ka pa rin nagbabago. Mabait ka pa rin.”
Tumigil ang dalagita sa paglalakad at hinarap ito. “Siyempre. Ayoko sa lahat may masasabi ang ibang tao sa iyo. Hindi ka naman masamang tao.”
“The world is cruel, Quinn. Iyon ang nalaman ko. Kapag hindi ka maganda sa paningin ng iba, sasaktan ka nila sa kahit anong paraan na gusto nila. Subconsciously, mababa ang tingin ko sa sarili ko. Naalala ko ang sinabi mo sa akin noon. Importante sa akin ang respeto ko sa sarili ko. Kapag nirerespeto ko ang sarili ko, hindi ko hahayaan ang ibang tao na apak-apakan ako.”
“At hindi na nila ulit ginagawa dahil guwapo ka na ngayon, hindi ba? Kaya hindi mo na ito kailangang gawin para sa akin. Hindi mo na dapat hayaan ang ibang tao na apakan ka.” Nasasaktan pa rin siya kapag nakikita itong nasasaktan. Parang hinihiwa ang puso niya.
Ginagap nito ang dalawang kamay niya. “I want to gain you back. Sabi mo sa akin, hindi na kita kailangan. Pwes, kailangan pa rin kita. Gusto kong patunayan na importante ka sa akin. The world can dislike me all they want, I don’t really care. Pero hindi ko kaya kung hindi ka na magiging parte pa ng buhay ko.”
Niyakap niya ang baywang nito. Gusto niyang isipin na nagbago na ito para makalayo siya dito. Gusto niyang isipin na di na siya mahalaga. Pero mukhang di rin siya makakatakas. Hindi siya nito papayagan.
“Chance, alam ko malaking sakripisyo ito para sa iyo. Thank you. Kasi ginagawa mo ang lahat para lang maging kaibigan pa rin ako. Basta huwag mo na lang pansinin ang mga babaeng iyon. Katawan lang nila ang habol mo. Hindi ka talaga nila mahal.”
“Di tulad mo?” tanong nito. “Mahal mo ako kahit ano pa ako, di ba?”
Natigilan siya at napatitig sa mga mata nito. Nakangiti ito at parang nagbibiro ngunit makahulugan para sa kanya ang tanong nito.
Unti-unting kumurba ang labi niya. “Siyempre! Mahal kita kahit ano ka pa. At least napatunayan ko na di lang katawan mo ang habol ko.”
Humalakhak ito at kinabig siya palapit dito. “That’s the Quinn that I miss a lot. Bakit kasi kailangan pang mawala ka sa akin?”
“Ikaw kasi, eh! Hindi mo ako mahal.”