My Favorite Girl, My Favorite Bully, My One and Only Elyen Girl, Blow Me A Kiss Baby (Series) Chapter 11

SINUSULYAP-sulyapan ni Cee-Cee si Strike na kasalukuyang nagmamaneho. Ito ang maghahatid sa kanya sa airport kung saan sila magkikita ni Kraige. Strike had been smiling the whole time since he fetched her, but his eyes said otherwise.

Sa pagkakaalam niya, si Cleo ang mahal ni Strike. Natatakot siyang itanong iyon sa binata, dahil natatakot siya sa magiging sagot nito. Sa estado niya ngayon, hindi pa niya kaya ang panibagong sakit.

Ang totoo niyan, nang sabihin niya kay Strike na aalis siya kasama si Kraige, umasa siya na pipigilan siya nito. Pero ngumiti lang ito, at sinabi pang ito ang maghahatid sa kanya. But now, why did he look like he was crying the entire time?

Totoong kaya na niya itong patawarin sa ginawa nitong “pamumuno” sa pagbuyo kay Kraige na hiwalayan na siya noon dahil kahit nasaktan siya, nakilala naman niya si Strike. Masakit pero `yong mga araw na si Strike ang kasama niya ang mga pinakamasasayang araw sa buhay niya.

Naisip din niyang minahal niya si Kraige dahil natakot siyang ito na lang ang lalaking magmamahal sa isang weirdo na tulad niya. Pero iba si Strike dahil minahal niya ito dahil iyon ang nararamdaman niya.

Natauhan siya nang mapansin niyang bumagal bigla ang takbo ng kotse ni Strike. Kasabay niyon ay ang malalakas na busina ng mga sasakyan sa likuran nila.

“Strike, bakit ang bagal nitong kotse mo?” nagtatakang tanong niya.

Himbis na sumagot ay iginilid lang ni Strike ang kotse nito, saka hininto iyon. Nakangiting nilingon siya nito. “Cee-Cee, maglakad na lang tayo tutal ay malapit naman na tayo sa airport,” anito, saka mabilis na bumaba ng sasakyan.

Wala na siyang nagawa kundi ang bumaba na rin.

“Strike, sinasadya mo bang patagalin ang oras na magkasama tayo?” hindi napigilang tanong niya rito.

Ngumiti ito ng malungkot nang lingunin siya. “Kung alam mo na, halika na. Kahit isang minuto lang ang itatagal pa ng oras na magkasama tayo, papatulan ko pa rin `yon. The longer I’m with you, the longer I’m happy.”

Nangilid ang mga luha niya. “Bakit ganyan ka magsalita, Strike?”

Tuluyan na itong pumihit paharap sa kanya. Ilang hakbang na lang ang layo nila sa isa’t isa. “I love you, Cee-Cee.”

Napakurap siya. “Ha?”

Nagkibit-balikat ito. Pagkatapos ay lumapit ito at hinawakan ang kamay niya. Dinukot nito ang isang ballpen mula sa bulsa nito, saka sinulatan ang palad niya. “Mahal kita. Lahat ng sinabi ko sa’yo noon, totoo. Lahat ng ginawa ko para sa’yo, seryoso.”

Tuluyan nang pumatak ang mga luha niya. “Hindi si Cleo ang mahal mo?”

Nag-angat ito ng tingin sa kanya. Halatang nagulat ito. “Hindi ko alam kung saan mo `yan nakuha, pero hindi ko siya mahal. Minahal ko siya, oo. Pero matagal nang panahon `yon. Simula nang makita kita sa HappyChic, sa’yo na nabaling ng buong-buo ang atensiyon ko.”

“Sa HappyChic?”

Tumango ito, saka marahang pinitik ang noo niya. “Six months ago, bago ka naglaho, matagal na kitang sinusulyap-sulyapan. Hindi ko pa alam na ikaw ang fiancee ni Kraige no’n. Hindi ko alam kung bakit pero gustung-gusto na agad kita no’n. I like watching you eat, write, read, breathe, talk to yourself...”

He sighed and brushed away her tears with his fingers. “I just love loving you.”

Humikbi siya. “I still need to go, Strike.”

“I know. I’ll wait for you, Cee-Cee.”

Nagulat mo siya. “Gagawin mo `yon kahit hindi ko sinasabi sa’yo kung bakit ako aalis kasama si Kraige?”

He cupped her face. “Bago ako umalis ng bahay kanina, alam kong tuluyan ka nang nawala sa’kin. Pero ngayong tinitingnan mo ko ng ganyan, alam kong mali ako. That innocent face, those honest eyes... you’re my Cee-Cee.”

“Hindi mo ba ko pipigilang umalis?” humihikbing tanong niya.

Nakangiting umiling ito. “You have to go, dahil alam kong may kailangan pa kayong ayusin ni Kraige. I trust you. You can come back to me anytime.”

Pinigilan niyang yakapin si Strike dahil kapag ginawa niya `yon, alam niyang hindi na niya ito bibitawan. “Strike, you’re my most favorite person in the world.”

“And you’ll always be my one and only favorite girl, Cee-Cee,” nakangiting sabi nito.

Nakangiting tumango siya. “Bye-bye.”

He smiled and kissed her on the forehead. “Take care.”

Tumango lang siya, saka nagpatiuna sa paglalakad. Kapag nagtagal pa kasi siya ro’n, baka hindi na niya magawang umalis. Tiningnan niya ang sinulat ni Strike sa palad niya. Napaiyak na naman siya sa sobrang saya.

“Hurry back to me!”

One month after...

TUMAAS ang kilay ni Strike nang lumuhod si Colin sa harap niya at alayan siya ng isang bungkos ng pulang mga rosas sa harap ng mga customers ng HappyChic ng sandaling iyon.

“No,” aniya sa malamig na tinig.

Sumimangot ito. “Strike, patawarin mo na ko! Ako na lang sa mga kaibigan natin ang hindi mo pa pinapatawad!”

Gaya ng sinabi ni Colin, pinatawad na niya ang mga kaibigan nila dahil humingi na rin ng tawad ang mga ito kay Cee-Cee. Alam niyang nakabalik na sina Cee-Cee at Kraige kung saan man nagpunta ang dalawa, pero hindi pa sila nagkikita ng dalaga. Hindi niya alam kung saan ito tumutuloy dahil hindi pa ito bumabalik sa apartment nito.

Sa totoo lang ay masama ang loob niya. Nakita na kasi ng mga kaibigan niya si Cee-Cee. Sa pagkakaalam niya, si Kraige ang gumawa ng paraan para magkaharap-harap ang mga ito. Ayon kay Josei, napatawad na sila ni Cee-Cee. Nakita niyang sinsero ang mga kaibigan niya ngayon sa pakikipagkaibigan kay Cee-Cee kaya napatawad niya ang mga ito.

Pero si Colin...

I’ll make this pervert suffer a little longer. Ang kadaldalan niya ang nagpahamak sa’kin.

He just gave Colin a bored look. “I think nakakarma ka na dahil sa daan-daang babaeng niloko mo. Serves you right, Colin the pervert.”

“Ang sama mo!”

Ipinaikot niya ang mga mata niya saka ito tinalikuran. Kailangang matuto ng leksyon ng manyak na `yon kaya titiisin niya muna ito.

Umakyat siya sa ikalawang palapag ng HappyChic. Walang customers do’n dahil pina-reserve iyon ni Ur para sa birthday nito. Ewan ba niya kung bakit sa HappyChic napili ni Ur mag-celebrate gayong minsan lang naman ito kumain sa fastfood chain niya.

Nagpunta siya ro’n dahil gusto niyang silipin ang paboritong puwesto ni Cee-Cee do’n, bago pa magsimula ang party. He traced his fingers on the table.

He missed Cee-cee like hell. Sa isang buwan na lumipas, nagpakasubsob siya ng husto sa pagtatrabaho para pigilan niya ang sarili niyang hanapin ang dalaga. Alam niyang siya ang mahal nito, pero hindi pa rin maiwasang magselos dahil si Kraige ang kasama nito himbis na siya.

Bumuntong-hininga siya, saka umupo sa silya. Nakaramdam siya ng pagod mula sa maghapong pagtatrabaho at kumakalma lang siya kapag naroon siya sa paboritong puwesto ni Cee-Cee.

Hinihila na siya ng antok nang may marinig siyang nagsalita.

“Excuse me, Sir. Puwedeng pa-share ng table?”

Bumuga siya ng hangin bago unti-unting nag-angat ng tingin. “Sorry, Ma’am. This floor is reserved fo –” Natigilan siya sa mukhang sumalubong sa kanya. “Cee-Cee?”

Ngumiti si Cee-Cee. “Hello, Strike.”

Napatayo siya. Patakbo siyang lumapit kay Cee-Cee at agad kinulong ang mukha nito sa mga palad niya. “Ikaw nga! Welcome back, Cee-Cee!”

Tumango ito. “I’m home.”

“Home?”

“You’re my home, Strike,” nakangiting sabi nito, saka ito yumakap sa baywang niya at sinubsob ang mukha sa dibdib niya. “Na-miss kita.”

Nakabawi na siya mula sa pagkabigla. He released a sigh of relief as he wrapped his arms around her. “Na-miss din kita. Huhulaan ko. Sina Ur ba ang nagpa-reserve kuno nitong HappyChic para sa “birthday party” niya para lang sorpresahin ako?”

Tumango ito. “Yep. Papunta na talaga sana ako sa’yo no’ng isang araw pa, pero pinigilan nila ako dahil mas okay daw kung isu-surprise kita. Nagbago na ang mga kaibigan mo, Strike. Mabait na sila sa’kin.”

Natawa siya. “Dapat lang. Mabait ka kaya dapat lang mabait din sila sa’yo. And I’m happy na napatawad mo na kami.” Humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. “Baby, pumayat ka.”

Tumingala ito sa kanya. Nakalabi ito. “Wala kasing HappyChic sa Bicol.”

“Sa Bicol kayo nagpunta ni Kraige?”

Tumango ito. “Umalis kami ni Kraige nang magkasama dahil sinamahan niya ako sa mga magulang ko. May kanya-kanya nang buhay sina Mama at Papa, pero hinanap ko sila para sabihin sa kanilang napatawad ko na sila sa pang-iiwan nila sa’kin, at na masaya na ko sa buhay ko.”

“Bakit si Kraige ang sinama mo at hindi ako?” naghihinanakit na tanong niya.

Hinalikan siya nito sa pisngi. “Sorry, Strike. Si Kraige ang sinama ko dahil hindi siya matatahimik hangga’t hindi niya nasisiguro na masaya na ko. Mukhang na-guilty talaga siya sa pananakit sa’kin noon kaya hindi siya maka-move on. Kaya kinailangan ko siyang tulungang mapatawad ang sarili niya sa nagawa niya sa’kin. I think ngayon, okay na siya.”

Nakahinga siya ng maluwag. `Yon lang pala ang dahilan kung bakit umalis si Cee-Cee kasama si Kraige. “I want to meet your parents, too.”

“Why?”

Marahang pinitik niya ito sa noo. “Mamamanhikan ako sa inyo. I-schedule na natin ang pagpunta natin sa Bicol.”

Napakurap-kurap si Cee-Cee hanggang sa mangilid ang mga luha nito. “Okay.”

Dinampian niya si Cee-Cee ng marahang halik sa mga labi. Ngunit hindi siya nakuntento kaya muli niya itong hinalikan, hanggang sa unti-unti nang gumalaw ang mga labi nila. Mayamaya lang ay pinalupot na nito ang mga braso nito sa leeg niya habang tinutugon ang mga halik niya.

Pinagdikit ni Strike ang mga noo nila ni Cee-Cee. “Will you marry me, Cee-Cee?”

Nakangiting tumango ito. “I will.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.