My Favorite Girl, My Favorite Bully, My One and Only Elyen Girl, Blow Me A Kiss Baby (Series) Chapter 10

NAGULAT si Cee-Cee nang paglabas niya ng ospital ay naabutan niya si Strike na nakaupo sa sahig at nakasandal sa pader habang natutulog. Iyon pa rin ang suot nito kagabi, kaya duda niyang umuwi ito sa apartment nito kahit katabi lang iyon ng apartment niya.

Nagpalipas siya ng buong magdamag dito?

Labag man sa kalooban niya, hindi pa rin niya napigilang maawa sa itsura nito. Malamig kagabi, kaya tiyak na nilamig ito. Tiyak din niyang hindi pa ito kumakain.

Cee-Cee. `Wag mong kaawaan ang taong nanakit sa’yo, paalala niya sa sarili niya.

Umiling-iling na lang siya, saka dahan-dahang sinara ang pinto ng apartment niya. Inangat din niya ang maleta niya para hindi iyon lumikha ng ingay at hindi magising si Strike. Aalis na siya sa apartment na `yon. Gaya ng gawin niya nang iwan siya ni Kraige, lalayo muna siya para hilumin ang sakit sa puso niya.

“Cee-Cee!”

Pakiramdam niya ay lumukso ang puso niya dahil sa malakas na pagtawag ni Strike sa pangalan niya.

“Cee-Cee, why do you have your luggage with you? Saan ka pupunta?” natatarantang tanong ni Strike.

Nilingon niya ito. Hindi niya inasahan ang takot na nakita niya sa mga mata nito. “Aalis na ko. Pero hindi mo na kailangang malaman kung saan ako pupunta.”

Nilagpasan na niya si Strike. Kahit anong pigil nito sa kanya ay hindi niya ito pinapansin. Mas binilisan lang niya ang paglalakad. Tuluy-tuloy lang din siya sa pagbubukas ng compartment ng kotse niya at paglalagay niya ng maleta niya ro’n.

“Cee-Cee, don’t leave please,” pagmamakaawa ni Strike. “Hayaan mo kong magpaliwanag.”

Hindi niya ito pinansin. Nagtungo na siya sa driver’s side ng kotse niya. Binuksan niya iyon pero agad din iyong sinara ni Strike. At sa kanyang pagkagulat, lumuhod si Strike sa harap niya at niyakap siya.

“Cee-Cee. Please.”

Nag-iwas siya ng tingin dito. Hindi niya kayang makita ito sa gano’ng estado. Pinigilan niya ang pagkawala ng hikbi niya. “Strike, masakit dahil ikaw pa ang nagpasimuno ng pagbuyo kay Kraige na hiwalayan ako. Masakit dahil kabilang ka sa mga tao na walang ibang ginawa kundi ang maliitin at pagtawanan ako, dahil lang si Cleo ang gusto niyo para kay Kraige at hindi ako. Alam niyo ba kung ano ang naging epekto sa’kin ng ginawa niyong magkakaibigan? Pinababa niyo ang tingin ko sa sarili ko.”

Humigpit ang pagkakayakap ni Strike sa kanya. Naramdaman niya ang pagdikit ng mainit na likido sa bandang tiyan niya, kung saan nakasubsob ang mukha ng binata. He must be crying.

Tuluyan na ring pumatak ang mga luha niya. “Pero alam mo kung ano `yong pinakamasakit? `Yon `yong dahilan kung bakit mo nagawa ang lahat ng `to.” Tumingin siya pababa kay Strike. Ikinulong niya sa mga kamay niya ang mukha nito at pinilit itong tumingala sa kanya. Basa pa rin ang mga mata nito. “Ang pinakamasakit sa lahat ay `yong nagawa mo kong saktan at lokohin dahil sa pagmamahal mo sa kaibigan mo.”

Bumakas ang labis na gulat at pagtataka sa mukha ni Strike. “What do you mean, Cee-Cee?”

“Hindi mo ko mahal.” Si Cleo ang mahal mo.

Pagkasabi niyon ay tinulak niya si Strike. Nang makawala siya rito ay agad siyang pumasok sa kotse niya at sinara ang pinto niyon. Kahit kinakalampag ni Strike ang bintana sa pinto ay hindi na niya ito nilingon.

Habang nagmamaneho ay sinilip niya sa side mirror si Strike. Pakiramdam niya ay may dumukot sa puso niya nang makitang sumakay si Strike sa kotse nito. May balak itong habulin siya! Mas binilisan niya ang pagpapatakbo ng kotse niya para hindi siya nito maabutan.

Sa pagpapabilis niya ng andar ng kotse niya ay hindi niya napansin ang van na nakasalubong niya pagliko niya. At dahil hindi pa niya naisusuot ang seatbelt niya, humagis ang katawan niya hanggang sa tumama ng malakas ang ulo niya sa manibela. A sharp pain stabbed her body painfully before she lost consciousness.

GALIT na galit si Cee-Cee. Dahil sa aksidenteng nangyari sa kanya ay pansamantala siyang hindi makalakad dahil sa pilay niya sa paa, at hindi rin niya magalaw ang kanang braso niya na kasalukuyang naka-cast. Pansamantala lamang ang mga iyon, pero naiinis siya dahil pakiramdam niya, baldado siya. Idagdag pa ang benda sa ulo niya. Tinahi kasi ang sugat sa gilid ng noo niya.

Tinangka niyang bumangon pero pinigilan siya ni Strike.

“Cee-Cee, you have to rest,” sermon ni Strike, pero mas nangibabaw sa boses nito ang pag-aalala.

Tinapunan niya ito ng masamang tingin. “Kasalanan mo kung bakit ako nagkaganito. Kung sana hindi mo ko tinangkang habulin, hindi sana ako maaakisdente,” sumbat niya rito sa mapait na tinig.

Gumuhit ang guilt sa mga mata nito. “I’m sorry.”

“`Yon lang naman ang kaya mong gawin. Ang mag-sorry.”

Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Alam niyang sinasaktan at pinahihirapan na niya si Strike, pero kung hindi niya gagawin `yon, siya naman ang masasaktan. Kailangan niyang protektahan ang sarili niya dahil walang ibang gagawa niyon para sa kanya.

Mabuti na lang at bumukas ang pinto. Hindi niya inaasahan ang dumating.

“Kraige?” hindi makapaniwalang sambit niya.

Dumaan ang sakit at awa sa mga mata ni Kraige nang makita ang estado niya. “God, Cee-Cee. You look awful.”

Bumuntong-hininga siya. “I wish you didn’t have to see me like this.”

Lumapit sa kanya si Kraige, at hinawakan ang kamay niya. “It must have been painful. Mabuti na ba ang pakiramdam mo?”

Umiling siya. “Masakit pa rin ang buong katawan ko.”

Si Strike naman nagpakita ng matinding pag-aalala. “Cee-Cee, bakit di mo agad sinabi `yan sa’kin kanina? Sandali. Tatawagin ko lang ang dokto –”

“Puwede bang tama na, Strike?” iritadong tanong niya rito. “I don’t want you here. Umalis ka na!”

“Pero Cee-Cee –”

Hinawakan ni Kraige sa balikat si Strike. “Strike, lumabas ka muna. Ako nang bahala kay Cee-Cee.”

“Kraige –”

“Hindi pa ko tapos sa’yo, Strike. Marami kang dapat ipaliwanag,” tila galit na sabi ni Kraige.

Nagpalipat-lipat ng tingin si Strike sa kanya at kay Kraige. Pagkatapos ay bumuga ito ng hangin. “Fine. Babalik ako mamaya.” Pagkatapos no’n ay mabibigat ang yabag na lumabas ito ng kuwarto.

Nang mapag-isa sila ni Kraige ay tiningnan niya ito. Umupo ito sa gilid ng kama niya.

Bumuntong-hininga si Kraige. “Cee-Cee, I’m sorry.”

“Hindi mo naman kasalanang naaksidente ako.”

Umiling ito. “Hindi ito mangyayari kung hindi dahil sa’kin. Nalaman ko na mula kay Colin ang mga nangyari. Ako na ang humihingi ng tawad sa nagawa ng mga kaibigan ko.”

Yumuko siya. “Hindi ko alam kung paano nila naisip na magagawa kong guluhin ang kasal mo at ni Cleo. Hindi ko magagawa `yon, Kraige.”

“Alam ko, Cee-Cee. Hindi ka gano’ng klase ng babae.”

Bumuntong-hininga siya. “Ayoko na ng gulo, Kraige. Ang gusto ko lang, matahimik na.”

Hinawakan ni Kraige ang kamay niya. “Cee-Cee...”

Nag-angat siya ng tingin dito. “Kraige?”

His eyes suddenly softened. Tama ba ang nakikita niyang pagmamahal sa mga iyon. “Bigla ka na lang nawala sinx months ago. I was so worried about you. Hindi rin kita ma-contact, at hindi ko alam kung saan ka hahanapin. I realized na kahit dalawang taon tayong naging magkasintahan, hindi pa rin kita gano’n kakilala.

And then, I suddenly began missing you. Parati kong naiisip kung kamusta ka na. Kung nasaan ka na. Namalayan ko na lang ang sarili ko na hinahanap-hanap ka.”

Nanlaki ang mga mata niya. “Kraige... stop. Ikakasal ka na kay Cleo.”

Bumuga ito ng hangin. “Alam ko. Kahit ako ay naguguluhan sa nararamdaman ko. After you left, I realized that maybe... maybe I really loved you.”

Hindi siya nakapagsalita. Naguguluhan na siya sa mga sinasabi ni Kraige. Pero isang ideya ang pumasok sa isip niya. Alam niyang mali, pero iisang bagay lang ang puwede niyang gawin ngayon.

Nag-angat siya ng tingin kay Kraige. “Kraige, if I ask you to take care of me while I’m here in the hospital, will you do that?”

NAKASANDAL si Strike sa pader sa labas ng hospital room ni Cee-Cee habang hinihintay itong matapos makipag-usap kay Kraige. Mariin ang pagkakakuyom ng mga kamay niya sa loob ng bulsa ng pantalon niya.

It hurt knowing the fact that he was with the man she used to love instead of him while she was hurting. Pero pinakamasakit sa lahat ay ang katotohanang siya ang nakasakit dito.

Hindi niya akalaing ang simpleng kasinungalingang sinabi niya kay Colin para pagtakpan noon ang nararamdaman niya para kay Cee-Cee ang magdudulot ng matinding sakit sa kalooban ng babaeng mahal niya.

Ngayon lang din niya nalaman ang matinding epekto ng pangmamaliit nilang magkakaibigan noon kay Cee-Cee dahil lang mas gusto nila si Cleo para kay Kraige. Masyado silang naging malupit at unfair sa dalaga, dahil lang gusto nilang maprotektahan ang barkada nila. Pero siya ang pinakamalala sa lahat dahil siya ang nanguna sa pananakit kay Cee-Cee sa pag-aakalang masama itong babae.

Karma na nga siguro niya ang mahalin ang babaeng kahit kailan yata ay hindi na siya mapapatawad.

Natigilan lang siya sa pagmumuni-muni nang bumukas ang pinto ng kuwarto at lumabas mula ro’n si Kraige. Agad siyang dumiretso ng tayo. Papasok sana siya ng silid para muling bantayan si Cee-Cee pero pinigilan siya ni Kraige.

“What?” angil niya rito.

“Nagpapahinga na si Cee-Cee kaya `wag mo muna siyang puntahan. Let’s talk,” mariing sabi nito, saka nagpatiuna sa paglalakad.

Bumuga siya ng hangin, saka mabibigat ang paang sumunod kay Kraige. Alam naman na niya kung ano ang pag-uusapan nila kaya hinanda na niya ang sarili niya sa galit nito. Pero hindi niya inasahan nang pagdating na pagdating pa lang nila sa parking lot ng ospital ay sinuntok na agad siya nito sa mukha. Dumugo ang gilid ng mga labi niya. Gayunman, hindi siya nagbalak gumanti. Kulang pa nga iyon sa kagaguhang ginawa niya kay Cee-Cee.

“Hindi ko inakala na darating ang araw na sasabihin ko sa’yo `to, Strike,” galit na sabi ni Kraige. “But I fucking hate you now. Paano mo nagawang saktan at gaguhin ng gano’n si Cee-Cee? Kayong lahat na mga kaibigan ko pa man din!”

“Hindi ko sinasadyang saktan siya. Oo nga’t ako ang nagplano na magkaaminan kayo ni Cleo, pero ni minsan, hindi ko ginago si Cee-Cee,” depensa niya sa sarili.

“Sa tingin mo, maniniwala pa ko sa’yo?” hindi makapaniwalang tanong nito. “Hindi pa ba sapat na nasaktan ko si Cee-Cee nang iwanan ko siya para kay Cleo at kailangan niyo pang dagdagan ang guilt na nararamdaman ko sa ginawa niyong pananakit sa kanya ngayon? Anong klaseng mga kaibigan kayo? Humingi kayo ng tawad kay Cee-Cee!”

Natigilan siya. May napansin siyang kakaibang emosyon sa mga mata ni Kraige. Best friend niya ito kaya madali niyang nababasa ang damdamin nito. Napuno agad ng galit ang dibdib niya. Hinablot niya ang kuwelyo ni Kraige. “Kraige, mahal mo pa ba si Cee-Cee?”

“Paano kung sabihin kong dahil sa nangyari ngayon, na-realize kong oo, mahal ko pa nga siya?”

Umangat ang kamao niya para sana suntukin si Kraige pero nang may marinig siyang malakas na hikbi ay natigilan siya. Binitawan niya si Kraige at nilingon ang pinanggalingan ng ingay. Nagulat siya nang makita si Cleo na nakatayo sa gilid ng kotse nito. Mukhang kadarating lang nito, pero base sa basang mga mata nito, narinig nito ang lahat ng sinabi ni Cleo.

NAKAUPO si Strike sa stool sa gilid ng hospital bed ni Cee-Cee habang pinagmamasdan ang dalaga sa pagtulog. Tulog na ito nang dumating siya kaya hindi pa siya nito pinapalayas. Malaya niya itong nababantayan dahil wala si Kraige. Kausap kasi ni Kraige si Cleo nang mga sandaling `yon.

Kung siya siguro ang Strike noon, pipilitin niyang magkaayos sina Kraige at Cleo nang hindi isinasaalang-alang ang nararamdaman ng mga ito. Ngayon lang din niya napagtanto na siya rin ang may kasalanan ng lahat ng iyon.

Naalala niya ang usapan nila ni Cleo kanina lang, nang dalhin niya ito sa coffee shop para kumalma ito.

“I know Kraige loves me. Pero alam ko ring mahal niya si Cee-Cee. Three months after we became together, he proposed to me. We were happy then. Hindi ko alam kung kailan eksaktong nagbago ang damdamin niya. Sa tuwing nagkakasiyahan kami, bigla na lang natatahimik at nag-iisip ng malalim. Alam kong si Cee-Cee ang inaalala niya. Iyon din kasi ang mga panahong nalaman niyang umalis na si Cee-Cee sa dati nitong tinitirhan. Kahit inilihim pa niya, alam kong hinahanap niya si Cee-Cee. He was probably worried about her, and guilty too for hurting her. Hindi ko lang alam kung awa lang ba talaga `yon. But now, I know it’s not just out of pity. He cares for Cee-Cee. More than we know.”

Napabuntong-hininga siya. Masuyong hinawi niya ang buhok na nakatabing sa mga mata ni Cee-Cee. Then, slowly, Cee-Cee opened her eyes. Hinanda na niya ang sarili niya sa galit nito, pero ilang segundo na rin ang lumipas ay nanatili lang itong kalmado at nakatingin sa kanya.

He sighed. “I’m sorry for hurting you, Cee-Cee.”

“Kumain ka na ba?” mahinang tanong ni Cee-Cee sa kanya.

Nagulat siya. May nahimigan siyang pag-alala sa boses nito. Sapat na iyon para maalis ang mga tinik sa puso niya. Ngumiti siya. “Kumain na ko.”

“Sinungaling. Amoy-kape ka. Ilang drum ng kape na ba ang tinira mo? You should eat a decent meal.”

Ngumiti lang uli siya, saka naglakas-loob na haplusin ang pisngi nito. Hindi naman ito nagalit o umiwas. “Ikaw? Nagugutom ka ba?”

Umiling ito. “Strike... pinapatawad na kita sa kasalanan mo.”

Napakurap siya. “Ha?”

Dumako ang tingin nito sa puting kisame. “Nasaktan talaga ako ng husto, kaya ako nagmatigas. Pero ngayon, kalmado na ko. Naiintindihan na kita. Ginawa mo lang `yon para sa mga kaibigan mo, at iniisip mo lang din na iyon ang makakabuti para sa lahat. Naniwala kang si Cleo ang mas mahal ni Kraige, at naniwala kang mas masasaktan lang ako kapag ikinasal ako sa lalaking hindi ako mahal.

Kaya ko na ring kalimutan na maliit ang tingin niyo sa’king magkakaibigan dahil nahihirapan akong makisama sa ibang tao. Kasalanan ko naman `yon. Siguro nga, noon, hindi ako karapat-dapat kay Kraige.”

“Cee-Cee...”

“But you’re wrong, Strike. Mahal ako ni Kraige.”

Pakiramdam niya, may tumarak sa puso niya. Kung gano’n, nasabi na pala ni Kraige ang nararamdaman nito kay Cee-Cee.

“I know,” halos pabulong na sabi niya.

Muli siyang binalingan ni Cee-Cee. “Strike, paglabas ko ng ospital, aalis na ko. I’m... I’m leaving with Kraige.”

Tumikhim siya para alisin ang bumara bigla sa lalamunan niya. “Anong ibig mong sabihing aalis ka kasama si Kraige?”

“We’re leaving to patch things up between us. Sa tingin ko, kasalukuyan na niyang kinakausap si Cleo tungkol sa plano naming pag-alis.”

Hindi niya alam kung anong dapat sabihin. Gusto niyang pigilan si Cee-Cee, pero pagkatapos ng mga nalaman niya ngayon, alam niyang wala na siyang karapatang gawin `yon.

Mahal pa ni Kraige si Cee-Cee, at maaaring nagbago na rin ang damdamin ni Cee-Cee kaya pinili nitong si Kraige ang makasama kaysa sa kanya.

Minsan na niyang inalis ang kaligayahan ni Cee-cee. Gago na talaga siya kung gagawin pa niya `yon uli.

So, with all the courage left in his heart, he gave her the bravest smile he could muster at the moment. “Naiintindihan ko. May isang pakiusap lang sana ako, Cee-Cee.”

Her eyes softened. “Ano `yon, Strike?”

“Sabihin mo sa’kin kung kailan kayo aalis. Gusto kong ako ang maghatid sa’yo, kung saan man kayo pupunta ni Kraige.”

Tinitigan siya ni Cee-Cee. Matagal bago ito sumagot. “Sige. Pagbibigyan kita.”

Pinilit niyang ngumiti. “Great. Great!” Tumayo na siya. “Sandali lang. Ibibili lang kita ng pagkain. Siguradong nami-miss mo na ang HappyChic.”

Mabilis na lumabas siya ng kuwarto. Hindi pa siya nakakalabas ng ospital nang bumigay ang mga tuhod niya kaya napaupo siya sa sahig. Niyukyok niya ang ulo niya sa mga tuhod niya. Naramdaman na lang niya ang mainit na likido na tumagos sa pantalon niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.