My Favorite Girl, My Favorite Bully, My One and Only Elyen Girl, Blow Me A Kiss Baby (Series) Chapter 27

“THAT elyen girl!” naiinis na bulalas ni Khaki habang nanggigigil na pinupunasan ng basahan ang glass window sa second floor. Nakatuntong siya sa steel foldable ladder. “Nagpakahirap akong magluto ng breakfast para sa kanya, ni hindi man lang tinapunan ng sulyap ang niluto ko. Ngayon ay pinaglinis pa ako ng mga bintanang ito,” himutok niya.

Nag-spray siya ng tubig sa bintana at saka iyon muling pinunasan. “What’s with the snooty attitude? She’s not cute at all!

Kung normal na babae lang si Luka, malamang isang ngiti pa lang niya, nahulog na ang loob nito sa kanya. This was so frustrating!

Biglang may humawi ng kurtina mula sa loob. It was Luka. Ewan niya pero habang hinahawi nito ang kurtina ay parang bumagal ang pagkilos nito kaya nasundan niya ang bawat galaw nito.

He watched her intently, from the way she brushed her green locks away from her face elegantly up to the way she raised a delicate eyebrow at him in inquiry. Then she leaned closer and pouted her lips.

Tila may kung anong bumangga sa kanyang dibdib. Hahalikan ba siya nito kahit may nakapagitan sa kanila na salaming bintana? That was crazy! And not to mention corny. Yet, as he stared back into her dark eyes, he found himself closing his eyes and leaning towards the glass window. Hindi niya alam kung ilang segundong nakalapat ang kanyang mga labi sa malamig na salamin bago siya nakarinig ng katok mula sa loob.

When he opened his eyes, he was greeted by Luka’s impassive face, but her eyes were twinkling in amusement. Then it hit him. Nagmukha siyang tanga sa harap nito! Lalo na nang mabasa niya ang nakasulat sa salaming bintana.

Stupid.

Napagkamalan niyang hahalikan siya nito nang lumapit ito sa bintana para bugahan iyon ng hangin nang makapagsulat ito gamit ang daliri nito.

Sumenyas si Luka na nababaliw na siya.

“Aba, talagang ginagalit mo `ko, ha!” Binugahan niya ng hangin ang salamin at siya naman ang nagsulat.

Elyen!

Humalukipkip ito at umiling. Then she mouthed, “stupid.”

Nang tingnan niya ang isinulat niya, na-realize niya na hindi nito mababasa iyon dahil pabaligtad ang magiging basa nito roon. Magsusulat sana uli siya nang bigla siya nitong talikuran at layasan.

He gritted his teeth. “Nakakaasar ka talaga, Luka Mercado! You really are an alien!” Mabilis siyang bumaba ng hagdan. “Ayoko na! Suko na `ko!”

Paalis na siya nang mapadaan siya sa mga tanim na pulang rosas sa hardin. Napahinto siya. Luka’s impassive face suddenly flashed in his mind.

“Para siyang rosas. Maganda pero matinik,” sambit niya. Pahilang pumitas siya ng isang tangkay, dahilan para masugatan siya. “Argh! Damn!” Nakita niya ang gunting sa damuhan. Kinuha niya iyon para putulin ang tangkay sa puno. Pagkatapos ay pumasok uli siya sa loob ng bahay.

“Salamat sa paglilinis ng mga bintana ko sa second floor,” bungad sa kanya ni Luka. Komportableng nakaupo ito sa mahabang sofa sa sala habang nanonood ng DVD.

Kumunot ang noo niya nang makitang anime ang palabas. Umupo siya sa tabi nito. Umisod ito sa pinakadulo ng sofa.

Naiinis na binalingan niya ito. “Why do you act as if I’ve got some contagious disease?”

Hindi siya nito pinansin. Sa halip ay nanatiling nakapokus ang mga mata sa harap ng TV habang umiinom ng juice.

Iniabot niya ang isang tangkay ng rosas dito. “Here. For you.”

Nakakunot-noong tiningnan siya nito. “Bakit mo `yan pinitas sa garden ko?”

Hindi rin niya alam kung bakit. Basta nang makita niya iyon, basta na lang niya naisipang pitasin iyon para ibigay rito.

“`Ayan tuloy, nasugatan ka,” dugtong nito.

Nagulat siya sa sinabi nito. Tama ba ang narinig niya? Tila may nahimigan din siyang pag-aalala sa boses nito. Tinawag nito si Aling Nena para kunin ang medicine kit.

Nang ibigay rito ni Aling Nena ang medicine kit, iniabot nito iyon sa kanya. “Gamutin mo na `yang sugat mo,” anito at saka muling itinutok ang mga mata sa pinapanood.

Napasimangot siya. Paano niya naisip na nag-aalala ito sa kanya? Mukhang atas lang ng kagandahang-asal kaya sinabi nitong gamutin niya ang sugat niya. Padabog na binuksan niya ang medicine kit at sinimulang gamutin ang sugat niya. Nahirapan siyang ilagay ang Band-Aid sa daliri niya gamit ang isang kamay.

Hindi man lang yata alam ng babaeng ito kung paano mag-alaga ng isang lalaki. Akala ko naman, siya ang mag-aasikaso sa sugat ko! Hindi ba uso `yon sa “2D world” niya? Hindi ba niya nakikitang nahihirapan na ako—

Nagulat siya nang may maliit at malambot na kamay na humawak sa kamay niyang may sugat. Pagkatapos ay kinuha nito ang Band-Aid sa isang kamay niya at ito na ang naglagay niyon sa sugat niya. He looked up at Luka in surprise. Tahimik na tahimik ito at nakatutok ang buong konsentrasyon sa pag-aasikaso sa sugat niya.

How could she still look so pretty even when she was wearing that ridiculous green wig? And her small but delicate-looking hand... God, it was so soft and warm it was as if her touch was leaving a burning sensation on his body. It made his blood rush.

Stupid hormones!

“Sa susunod kasi, `wag kang padalos-dalos ng kilos para hindi ka nadidisgrasya,” iiling-iling na sermon nito sa kanya pagkatapos. Nag-angat ito ng tingin sa kanya. “Khaki boy.” Then, she went back to her seat without turning to him again.

Hindi agad siya nakahuma. Tama ba ang narinig niyang sinabi nito?

“Luka, did you just call me ‘Khaki boy’?”

“IF MY memory serves me right, you used to call me ‘Khaki boy’ when we were kids. Naaalala mo na ba ako, Luka?” tanong sa kanya ni Khaki. He was looking at her with expectant eyes.

Nagkibit-balikat lang siya at hindi ito sinagot.

Pero oo, naaalala na niya si Khaki. At dahil iyon sa kalokohan nito kanina...

“Balak pa yatang magpakamatay ng lalaking `yon sa loob ng pamamahay ko,” iiling-iling na bulong niya sa kanyang sarili habang nakatingin sa saradong bintana ng kanyang kuwarto.

Natigilan siya sa paglalagay ng syrup sa chocolate sundae niya. Ang sabi ni Aling Nena kanina ay tinotoo ni Khaki ang paglilinis ng mga bintana sa second floor. Kahit naman madalas ay gusto niyang sakalin ang lalaking iyon sa sobrang daldal, hindi kakayanin ng konsiyensiya niya kapag napahamak ito sa loob ng pamamahay niya. She didn’t want anyone around her to die.

Napailing siya sa naisip. “Ang OA mo, Luka.”

Iiling-iling na tumayo siya at nagtungo sa bintana. Hinawi niya ang mga kurtina. She was greeted by Khaki’s handsome face and light-brown eyes. His jet-black hair was being blown gently by the wind in different directions. He looked so irritated, but then his face lit up when he saw her.

Hindi niya alam kung anong puwersa ang lumukob sa kanya para ilapit niya ang mukha niya rito para mas mapagmasdan ito. Pero natauhan siya nang makita niyang pumikit ito at inilapat ang mga labi sa salamin, distorting his perfect arrogant nose in the process. Muntik na siyang matawa sa hitsura nito pero pinigilan niya ang sarili.

Naisipan niyang asarin ito. Bumuga siya ng hangin sa salamin at nang magkaroon ng fog doon ay nagsulat siya nang pabaligtad. Nang matapos ay kinatok niya ito.

Dumilat ito. Nalukot ang mukha nito nang mabasa ang isinulat niya. Halatang naiinis na nagsulat uli ito. Kahit hindi nito isinulat nang pabaligtad ang salitang “elyen,” naintindihan naman niya iyon. Pero nagkunwari siyang hindi. Bago pa ito makahirit uli ay nilayasan na niya ito.

No’n niya naalala ang batang lalaki na kalaro niya dati. Madalas din nitong idikit ang mukha sa salaming bintana ng kanyang kuwarto noon sa bahay ng kanyang mga magulang—si Khaki boy.

“Earth to Luka! Earth to Luka!”

Naputol ang daloy ng alaala niya. She glared at Khaki. “Hindi ba sinabi ko nang ayoko ng maingay?”

“Bigla ka kasing nag-space out.” Ngumisi ito. “Bakit? Nag-i-‘E.T. phone home’ na ba sa `yo ang mga kalahi mo?”

He pointed his index finger at the ceiling and lowered his voice in a pathetic attempt to mimic the extraterrestrial in the movie E.T. “‘Luka phone home.’ ‘Luka phone home.’”

Nakatingin lang siya rito. May nagbalik na namang alaala sa kanya...

Malakas ang ulan at brown out. Nang gumuhit ang kidlat sa madilim na kalangitan at nagkaroon ng liwanag na parang flash ng camera, bigla siyang napatili nang malakas nang may makitang may isang maliit na anino sa labas ng salaming bintana ng kuwarto niya.

Nang biglang nagkailaw, saka lang niya nalaman na isang batang lalaki pala iyon. Lumapit siya sa bintana niya. Hindi niya napigilang mapabungisngis nang makita ang hitsura nito. Mukha itong biik dahil napango ang ilong nito sa sobrang pagkakadikit sa bintana niya.

She opened the window of her room. “Hello. Ako si Luka. Ikaw?”

Pinisil-pisil muna nito ang ilong bago sumagot. “Ako si Khaki.”

“Luka, you’re smiling! Wuhoo! Marunong ka palang ngumiti! Now you’re cute!”

Napaigtad siya nang marinig ang sinabi ni Khaki.

Did I just smile?

May tila kung anong hinuli si Khaki sa harap ng mukha niya. Pagkatapos ay ipinasok nito ang nakakuyom nitong kamay sa bulsa ng jacket nito. Kakaiba ang kislap ng mga mata nito at ang liwanag pa ng mukha nito ng mga sandaling iyon.

“Ano `yong hinuli at ibinulsa mo?” nagtatakang tanong niya rito.

Nakangiting umiling lang ito. “Secret.”

Binato niya ito ng throw pillow at saka ito nilayasan. Narinig pa niya itong tumawa nang malakas.

“Luka, mas mukha kang normal na tao kapag nakangiti!”

Napangiti siya.

HINDI napigilang maluha ni Luka habang nanonood ng anime na Death Note sa kanyang laptop. Kasalukuyan siyang nasa rooftop ng kanyang bahay. Naglagay siya roon ng mahabang sofa at coffee table dahil ang katahimikan doon ay nagbibigay sa kanya ng peace of mind.

Dinampot niya ang tissue paper sa tabi niya at pinunasan ang kanyang mga pisngi. Maingat na ibinaba niya ang kanyang laptop at tissue box sa coffee table. Pagkatapos ay tumayo siya at kumuha ng isang luses sa kahon na nasa ilalim ng mesa. Sinindihan niya iyon gamit ang apoy sa scented candle sa ibabaw ng coffee table. Lumuhod siya sa sofa habang nakapatong ang isang braso sa katawan niyon at nakahilig ang ulo niya roon. Ang isang kamay naman niya ay nakataas at nakaturo ang maliwanag na luses sa madilim na kalangitan.

Ganoon ang ginagawa niya gabi-gabi. Bata pa lang siya ay mahilig na siya sa firecrackers. Lalo siyang nahilig doon dahil gusto rin ni Daniel ang mga paputok. Kaya noong nabubuhay pa ito, kahit hindi New Year ay madalas silang magpaputok.

Nang tuluyan nang mamatay ang ilaw ng luses ay umayos siya ng upo. Nagsalin siya ng vodka sa baso. Nakakatatlong baso pa lang siya pero parang nahihilo na siya. Kailangan niya iyon para makatulog. Ayaw kasi siyang dalawin ng antok.

Mayamaya ay tatlong watusi sticks naman ang sabay-sabay niyang sinindihan. Pagkatapos ay iniitsa niya iyon malapit sa pinto ng rooftop kung saan pumasok si Khaki.

Napaigtad ito. “Luka!” Sunod-sunod na mura ang pinakawalan nito nang pumutok-putok ang watusi sa harap nito. Mabilis na pumihit ito para umalis. Sa pagmamadali nito ay nauntog ito sa glass sliding door.

He was knocked out.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.