My Favorite Girl, My Favorite Bully, My One and Only Elyen Girl, Blow Me A Kiss Baby (Series) Chapter 7

“I’M GOING. Goodnight, guys.”

Natigilan si Strike, gano’n din ang iba pa niyang mga kaibigan nang magpaalam si Cleo.

“Cleo, you’re already going home? Kadarating lang natin, ha?” nagtatakang tanong naman ni Ur dito.

Bumuntong-hininga si Cleo. “I’m sorry, Ur. Kraige is...” Umiiling-iling ito. “I have to go.”

Nang umalis si Cleo ay sinundan ito ni Ur, bilang ang huli ang pinakamalapit dito. Naiwan naman sina Strike, Josei, Colin at Coleen na nagkatinginan na lang.

“What happened?” nagtatakang tanong ni Strike sa mga kaibigan niya.

Bumuga ng hangin si Coleen na nakakandong kay Colin ng mga sandaling `yon. “I think nagkaka-problema sina Cleo at Kraige ngayon.”

Kumunot ang noo niya. “Really?”

Tumango si Josei na kasalukuyang naglalagay ng alak sa baso nito. “It’s very unfortunate na ngayon pa sila nagkakaproblema kung kailan malapit na ang kasal nila.”

“I think you should talk to Kraige,” suhesiyon ni Colin na abala na sa paghalik sa leeg ni Coleen. “Sa’yo lang naman nakikinig ang isang `yon.”

Pinatong niya ang baso ng alak sa mesa sa pagtayo niya. “Right. I’ll talk to Kraige.”

“Wait. Before that...” May hinagis si Colin sa kanya. Nasalo naman niya iyon. “Matutuwa ka sa mapapanood mo d’yan.”

Tiningnan niya ang hawak niyang USB. Kumunot ang noo niya. “Sira ulo ka, Colin. Sinabi nang hindi ako nanonood ng porn... well, `pag galing sa’yo, ayoko.”

Natawa lang ito. “Just watch it, okay?”

Umiling-iling lang siya. Binulsa niya lang ang USB sa bulsa ng jacket niya saka siya umakyat sa kuwarto ni Kraige sa ikalawang palapag. Kailangan niya itong pagalitan dahil ni hindi man lang nito hinatid si Cleo.

“Kraige, what’s wrong with you?” agad na bungad niya kay Kraige.

Pinihit ni Kraige ang swivel chair nito paharap sa kanya. “Strike.”

“Hindi mo man lang ba tatanungin kung nakauwi na si Cleo?”

Nagkibit-balikat ito. “Nakita kong umalis na siya sakay ng kotse niya.”

Ikinuyom niya ang mga kamay niya para kalmahin ang sarili niya. Hindi siya natutuwang umaasta ito ngayon na para bang wala itong pakialam kay Cleo. “Anong problema mo, Kraige? Bakit hindi mo sundan si Cleo para aluin siya?”

Bumunga ng hangin si Kraige. “I don’t know what’s happening to me lately, Strike. My mind has been occupied by... her.”

Nanlamig ang buong katawan niya. Masama ang kutob niya sa sinabi nito. “‘Her’?”

Tumango si Kraige. “Cee-Cee.”

Dumiin ang pagkakakuyom niya sa mga kamay niya. “Anong ibig mong sabihin?”

Tumayo si Kraige at tumalikod sa kanya para kutintingin ang mga action figure sa ibabaw ng cabinet nito. “Hindi ko rin alam kung bakit bigla ko na lang naisip si Cee-Cee nitong nakaraan. Kung mabuti na ba ang pakiramdam niya ngayon. I know Cee-Cee is kinda aloof and some people may not understand her, but she’s just a lonely girl.”

Kumunot ang noo niya. “Lonely?”

“Yes, she’s lonely. When she was twelve, her parents separated. Naiwan siya sa mama niya. Pero nang mag-eighteen siya, iniwan din siya ng mama niya para magpakasal sa ibang lalaki. She grew up with her grandparents on the mother side. Dahil siguro sa masasakit na nangyaring iyon kaya siya naging mailap sa mga tao. Takot siyang mapalapit sa iba dahil natatakot siyang maiwan at masaktan uli.

Nang naging kami na ni Cee-Cee, hindi man niya diretsang sinabi, pero alam kong hindi rin naging maganda ang kabataan niya. She was isolated by her classmates because she was quiet and she has cold eyes. But she’s not cold. That’s just her defense mechanism. Pero alam mo, kapag napalapit ka na sa kanya, malalaman mong mabuti siyang tao. She’s very sweet, she’s nice and she’s thoughtful.

Kahit madalas ay parang wala siya sa sarili niya, hindi naman siya nakakalimot sa mga importanteng bagay. Like birthdays, monthsaries, and we even celebrated the anniversary of the first day we met. Gano’n siya kabait na girlfriend.”

Habang nakikinig kay Kraige ay iba’t ibang emosyon ang nararamdaman ni Strike. Selos, dahil naranasan ni Kraige ang pagmamahal ni Cee-Cee na gusto niyang maramdaman. Tuwa, dahil nagtapos na ang relasyon ng dalawa. Guilt, for feeling relieved that the two were separated now. At ang pinakamatindi – galit. Dahil may kalakip na pagmamahal ang boses ni Kraige.

“Kraige... you still love Cee-Cee,” galit na kongklusyon niya.

Pumihit paharap si Kraige sa kanya. Ang mga mata nito ay puno ng pagkalito. “I probably do. And it’s confusing me now. Alam kong si Cleo ang mahal ko simula pagkabata, pero simula nang mawala si Cee-Cee sa buhay ko, hindi ko na siya maalis sa isip ko. I miss Cee-Cee.”

Galit na hinablot niya ang kuwelyo ni Kraige. “Fuck you! Hindi mo puwedeng gawin `to kay Cleo! Para saan pa ang ipinaglaban niyo kung sa huli ay babalik ka rin pala kay Cee-Cee?”

You can’t come back to Cee-Cee. Not when I’m just starting to get close to her.

Galit siya kay Kraige dahil iniisip nito ang ibang babae gayong malapit na itong ikasal kay Cleo. Pero mas nangingibabaw ang takot niya na bumalik ito kay Cee-Cee dahil natitiyak niyang tatanggapin uli ito ng dalaga sa buhay nito. Hindi niya kakayanin kapag nangyari `yon. This was probably his karma for hurting a person for the sake of his friends.

Tinabig ni Kraige ang mga kamay niyang mahigpit ang pagkakahawak sa kuwelyo nito. “I know I’m acting like a jerk right now.” Namaywang ito habang nakasilip sa labas ng bintana. Tila malayo na naman ang iniisip nito. “Nagkakaganito lang marahil ako dahil ngayon ang araw na `yon.”

Kumunot ang noo niya. “Anong araw?”

“Today is Cee-Cee’s birthday.”

“What?”

“Yes. It’s her twenty sixth birthda – hey, where are you going, Strike?”

Hindi na niya sinagot si Kraige. Halos lundagin na rin niya ang hagdan sa sobrang pagmamadali. How could he not know Cee-Cee’s birthday?

“Strike, mabuti naman at bumaba ka na,” wika ni Colin habang sinasalubong siya. “Pinag-uusapan lang namin ng barkada na sa beach resort mo na lang ganapin ang birthday bash ko next week.”

“Ang plastic mo, Colin. Ginagamit mo naman madalas ang beach resort ko ng walang permiso, `tapos magpapaalam ka ngayon,” aniya, saka nilagpasan si Colin.

“How cold!” reklamo ni Colin sa eksaheradong boses.

Umiling-iling lang siya. “Goodbye, people.”

“Saan ka pupunta?” tanong ni Colin.

Ngumisi siya. “Sa isang surprise birthday party.”

TUMIGIL sa pagtipa sa laptop niya si Cee-Cee nang manakit na ang leeg at mga balikat niya. Mag-a-ala onse na ng gabi at halos apat na oras na rin siyang nagsusulat ng walang hinto. Pinatay niya ang electric fan na nakatapat sa kanya. Malamig ang panahon dahil bigla na lang umulan kanina.

Break time.

Tumayo siya at kinuha ang cellphone niya sa ilalim ng unan sa kama niya. Mayroon siyang natanggap na apat na unread text messages. Nanatili siyang nakatitig sa huling text message na natanggap niya.

“Cee-Cee, happy birthday. I hope you’re happy now.”

Galing kay Kraige ang text na iyon. Naaalala pa pala nito ang birthday niya. Masaya siyang binati siya nito, pero hindi na tulad noon. Mukhang tuluyan na niyang naalis sa sistema niya ang binata. Sinagot niya ng “thanks” ang lahat ng bumati sa kanya, maliban kay Kraige. Ngayong nakakapag-move on na siya kay Kraige, hindi niya bibigyan ang sarili niya ng pagkakataong umasa muli sa binata dahil lang sa isang text message.

Binitawan niya ang cellphone niya at nagtungo siya sa kusina. Nilabas niya mula sa fridge ang maliit na bilog na birthday cake na binili niya para sa sarili niya kanina. Nagsisimula na siyang kumain ng cake nang may marinig siyang kumatok sa pinto ng apartment niya.

Tumayo siya at nagulat siya nang makita sa eyehole ang iba’t ibang makukulay na lobo.

“Sino `yan?” malakas na tanong niya.

“Cee-Cee, si Strike `to.”

Mabilis niya itong pinagbuksan ng pinto. “Strike. Anong ginagawa mo rito?”

Binaba nito ang mga lobong hawak nito. Nakasimangot ito. “Masama bang bumisita sa kaibigan?”

Tumaas ang kilay niya. “Sa ganitong oras?”

Nagpaawa ito ng mukha. “Papasukin mo na ko. Nabasa na ko ng ulan.”

Nag-alala siya nang makitang basa nga ang buhok at T-shirt nito. “Halika nga.”

Niluwagan niya ang pagkakabukas ng pinto at tinulungan ito sa mga dala nito. Bukod kasi sa makukulay na lobo ay may bitbit itong plastic mula sa HappyChic na naglalaman ng isang bucket ng chicken at isang box ng malaking cake.

Pinaupo niya ito sa sala. Nagtungo naman siya sa kuwarto niya para ikuha ito ng malinis na tuwalya.

“Cee-Cee, painom, ha?” malakas na sigaw ni Strike.

“Sige lang,” malakas ding sagot niya.

Nang makahanap siya ng tuwalya ay pinuntahan niya si Strike. Pero himbis na umiinom ng tubig gaya ng inaasahan niya ay nakita niya itong nakatayo lang at nakatitig sa kinakain niyang cake kanina sa ibabaw ng mesa.

Pinatong niya ang tuwalya sa ulo ni Strike. “Gusto mo ng cake, Strike?”

“Cee-Cee, bakit kumakain ka ng birthday cake mag-isa?” kunot-noong tanong nito.

Nabasa niya ang simpatya sa mga mata nito kaya umarte siyang walang pakialam. “Sanay na ko.” Tinalikuran niya ito para kumuha ng platito at tinidor. “Tutal naman ay nandito ka na, saluhan mo na ko. Paano mo nga pala nalamang birthday ko ngayon?”

“Secret.”

“Strike –” Nagulat siya nang pagpihit niya paharap ay muntik na siyang bumunggo sa dibdib nito. He was standing so close to her. Tiningala niya ito. “Bakit?”

Matagal siya nitong tinitigan, pagkatapos ay bumuntong-hininga ito habang tinatapik-tapik ang ulo niya. “Happy birthday, my favorite girl.”

Ngumiti siya. “Thank you. Hindi mo ko kailangang kaawaan. Sanay na ko.”

“Hindi dapat kinakasanayan ang pag-iisa.”

Bumuntong-hininga lang siya. “Bitbitin mo `yang cake. Sa sala na lang tayo kumain.”

“Okay.”

Bitbit niya ang isang tray na naglalaman ng isang pitsel ng juice, dalawang baso, dalawang platito at dalawang tinidor, samantalang bitbit naman ni Strike ang cake nang bumalik sila sa sala. Nilapag nila ang lahat sa center table, pagkatapos ay sa sahig na sila umupo.

Nakasimangot pa rin si Strike no’n, kaya sinubukan niya itong lambingin. Siya na ang nagtuyo ng buhok nito gamit ang tuwalya.

Nang hindi pa rin umimik ang binata ay sinilip na niya ang mukha nito. Dahil sa ginawa niya ay nagkalapit ng husto ang mga mukha nila. Pero hindi siya nailang. Ando’n ang mabilis at malakas na tibok ng puso niya, at ang panlalamig ng mga kamay niya, pero nakasanayan na niya `yon sa tuwing malapit ang Strike.

“Bakit ka ba nagagalit, Strike?” tanong niya rito.

“Hindi ako galit,” kaila nito, sabay iwas ng tingin. “Nagtatampo lang.”

Nang mangawit siya sa posisyon niya ay umupo na lang siya sa tabi nito. “Bakit na naman?”

Sinulyapan siya nito. “Dahil hindi mo na naman ako tinawagan para samahan ka. Hindi mo naman kailangang mag-isa dahil nandito ako.”

Bumuntong-hininga siya. “Strike.”

Ito naman ang bumuntong-hininga. Niyukyok nito ang mukha nito sa mga braso nitong nakapatong sa mga tuhod nito. “I know. Magkaibigan lang tayo. Pero hindi ko maiwasang mag-alala ng matindi dahil alam mong higit pa do’n ang nararamdaman ko para sa’yo.”

Natahimik siya. Hindi niya alam kung bakit hinayaan niyang umabot pa sila sa gano’ng punto. Alam niyang gusto siya ni Strike, pero hinayaan niyang manatili ito sa tabi niya bilang kaibigan niya kahit mahirap iyon para sa kanilang dalawa. Pero anong magagawa niya? Masaya siyang kasama ito. Kung saan man patungo ang nararamdaman niyang iyon para sa binata, hindi niya alam. Pero ngayong nakikita niya itong nahihirapan, nasasaktan din siya. Kaya nakapagdesisyon na siya.

“Strike... I like you.”

Dahan-dahan itong nag-angat ng tingin sa kanya. Bakas ang matinding gulat sa guwapo nitong mukha. “What?”

Hindi niya nagawang mag-iwas ng tingin dito kahit ang init-init na ng magkabila niyang pisngi. Niyakap na lang niya ang mga binti niya ng mahigpit. “I like you,” pag-uulit niya. “Hindi ko alam kung saan `to papunta, pero ayoko nang pigilan `to. Sasamahan mo ba kong makarating kung saan man patungo ang nararamdaman natin para sa isa’t isa?”

Napakurap-kurap si Strike. Umaliwalas ang mukha nito hanggang sa mapangiti na ito. “Talaga?”

Tumango siya.

Kinagat nito ang ibabang labi nito. “Puwede ba kitang yakapin?”

Yumuko siya, saka kiming tumango.

Mayamaya lang ay naramdaman niya ang pagyakap ni Strike sa kanya. He even put his chin on top of her head. Hinawakan naman niya ang mga braso nitong nakapalupot sa katawan niya, saka niya sumandal sa dibdib nito. Napangiti siya nang marinig ang malakas at mabilis na tibok ng puso nito.

Pero sinira ng malakas na kulog ang magandang pakikinig niya sa tibok ng puso ni Strike.

“Cee-Cee...” halos pabulong na wika ni Strike, kasabay ng pagbaba ng mukha nito sa leeg niya. Tumama ang mainit nitong hininga sa sensitibong bahagi ng tenga niya.

Humiwalay siya rito, saka ito sinimangutan. “I’m not having sex with you, Strike.”

Sumimangot din ito. “Sino bang nagsabing `yon ang iniisip ko? Para sasabihin ko lang na buksan mo `yong TV. Ayoko kasi ng tunog ng kulog.” Bigla itong ngumisi. “Bakit? Gusto mo ba?” halatang nagbibirong tanong nito.

Lalong nag-init ang magkabila niyang pisngi dahil sa mali niyang hinala. Tumayo siya. “Manood na lang tayo ng DVD,” aniya saka mabilis na umalis para itago ang pagkapahiya niya.

Pagdating niya sa kuwarto niya ay impit siyang tumili. What made her think Strike wanted to have sex with her anyway? Ang dumi-dumi ng isip niya! Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga. Nang kumalma na siya ay hinalungkat niya ang drawer niya para sa mga CD niya. Kinuha na rin niya ang comforter niya para maging komportable siya sa panonood. Nang mahanap na niya ang gusto niyang panuorin ay bumalik na siya sa sala.

Nagtaka naman siya nang mapansing sa bawat pagguhit ng kidlat ay napapapiksi si Strike.

“Okay ka lang, Strike?” tanong niya rito.

Pilit itong ngumiti. “Oo naman.”

Tumango lang siya. Pinakita niya rito ang CD na hawak niya. “Gusto kong panuorin uli itong Tangled. Okay lang?”

Napangiti ito, sa pagkakataong iyon ay totoo na. “Kung `yan ang gusto mo, sige.”

Isasalang na sana niya ang CD sa DVD player nang biglang namatay ang mga ilaw. Tanging ang mga kandila sa ibabaw ng cake na lang niya ang nagbibigay ng liwanag sa apartment niya. Mukhang nag-brown out dahil sa malakas na ulan.

“Fuck!” malakas na mura ni Strike nang gumuhit ang kidlat sa madilim na kalangitan, kasabay ng pagkulog ng malakas.

Umupo siya sa tabi nito para silipin ito. Nagtaka siya nang makitang nakayukyok na uli ang ulo nito sa mga braso nito. “Strike... takot ka ba sa kidlat?”

“O-of course not,” kaila nito sa nanginginig na boses.

Kinagat niya ang ibabang labi niya para pigilan niya ang mapangiti. “Natatakot ka.”

“Hindi nga sa – shit!” mura uli nito nang muling kumidlat at kumulog.

Natawa siya. He looked like a child and it was cute.

“This is so uncool,” paungol na reklamo ni Strike. “Oo, takot ako sa kulog at kidlat. `Can’t help it. I was involved in an accident when I was fifteen. And it was raining hard then. Kaya sa tuwing ganyan ang panahon, naaalala ng katawan ko ang nangyaring `yon.”

Biglang nawala ang ngiti niya. Naawa siya kay Strike. May masakit na trahedya pala itong pinagdaanan noon. Bumuntong-hininga siya, pagkatapos ay niyakap niya ito. Hinayaan niyang ihilig nito ang ulo nito sa pagitan ng leeg at balikat niya. “Shh. Everything’s gonna be fine.”

He sighed and hugged her back. Pinalupot nito ang mga braso nito sa baywang niya. “Thank you, Cee-Cee.”

Ngumiti lang siya, saka niya binalot ang mga sarili nila sa comforter. Pero alam niyang mas mainit ang hatid ng pagkakadikit ng katawan nila ni Strike. And it felt good.

This is probably my best birthday so far.

NAPABUNTONG-hininga na lang si Cee-Cee nang sa pagmulat ng mga mata niya ay sumalubong sa kanya ang guwapong mukha ni Strike. Mahimbing itong natutulog. Nakahiga sila no’n sa sofa at magkayakap habang komportable sa init na hatid ng comforter. Sumilip siya sa bintana. Tumila na ang ulan pero hindi pa rin maaliwalas ang panahon.

Tumingin siya sa payapang mukha ni Strike. Mukhang nakatulog sila kagabi dala ng lamig ng panahon. She gently traced her finger on his forehead, down to his pointed nose. Hindi na niya napigilang masuyong haplusin ang pisngi nito. Ah, his skin was so warm, so soft and so smooth. Except his chin with its early growth of stubble. Nevertheless, he still looked perfect.

Bigla niyang naramdaman kung gaano siya kasuwerteng nagustuhan siya ng isang lalaking gaya nito. Akala niya noon, si Kraige na lang ang lalaking magkakagusto sa kanya, kaya marahil nasaktan siya ng iwan siya nito. But she was wrong.

Niyakap niya uli si Strike at inihilig niya ang pisngi niya sa dibdib nito upang pakinggan muli ang tibok ng puso nito. “Strike, alam kong gising ka na.”

Narinig at naramdaman niya itong tumawa, kasabay ng masuyong pag-angat-baba ng kamay nito sa baywang niya. “Good morning, baby. Anong iniisip mo habang pinagmamasdan mo kong matulog? XXX ba?”

Pabirong hinampas niya ito sa dibdib na lalo lang nitong ikinatawa. “Horror ang naiisip ko.”

“Horror? Sa guwapo kong `to, horror ang naiisip mo?” natatawang tanong nito.

Nag-angat siya ng tingin dito. Tumigil ito sa pagtawa nang marahil mapansin na seryoso siya. “Strike. Natatakot ako kasi ayaw na kitang pakawalan.”

He cocked his head at one side. “Anong nakakatakot do’n?”

Bumuga siya ng hangin. Bumangon siya at sumandal sa likod ng sofa at sumimangot. “Hindi mo naiintindihan.”

Bumangon din ito at sumandal naman ito sa armrest ng sofa. Hinawakan nito ang mga binti niya at pinatong iyon sa mga binti nito. “Ipaliwanag mo para maintindihan ko.”

Yumuko siya. “Gusto kita, Strike. Hindi ko alam kung bakit ganito kabilis, pero gustung-gusto na kita. Nalulungkot ako `pag wala ka. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya kapag magkasama sa’yo. I’m so used to people who comes out of my life. But when it comes to you, ayoko. Tumututol ang bawat hibla ng pagkatao ko, isipin pa lang na isang araw, iiwan mo rin ako gaya nilang lahat.”

Matagal bago nagsalita si Strike. “Ask me, Cee-Cee. Ask me to stay.”

Nakaramdam siya ng takot dahil sa pinapagawa nito sa kanya. Buong buhay niya, nagmakaawa siya sa mga taong mahal niya na huwag siyang iwan, pero lahat ng mga iyon ay iniwan siya. Pero nang naging malinaw ang pagmamahal sa mga mata ni Strike, biglang nawala ang lahat ng takot niya.

“Stay with me, Strike,” halos pabulong na sabi niya.

Ngumiti si Strike. Hinawakan siya nito sa braso saka hinila, dahilan para masubsob siya sa dibdib nito. Agad naman siya nitong niyakap ng mahigpit. “Of course I will stay with you. Dahil kung ga’no mo ko kagusto, doble no’n ang nararamdaman kong pagkagusto sa’yo.”

Nag-angat siya ng tingin dito. “Kahit maliit lang ang mundo ko? Kahit mas gusto ko sa bahay kaysa lumabas? Kahit nagsusulat ako sa braso ko? Kahit mas gugustuhin kong pumunta sa bookstore kaysa sa amusement park? Kahit boring akong kasama? Kahit mataba ak –”

“Hindi ka boring at hindi ka mataba,” natatawang sansala nito sa sinasabi niya. “At oo, kahit ilan pa `yang “kahit ganito ako, kahit ganyan ako” mo, gusto pa rin kita.”

“Then, let’s give it a try.” Hinawakan niya ang kamay nito. “You and me.”

“Together,” nakangiting sabi nito. “I like that.”

Bumuntong-hininga siya saka muling inihilig ang ulo niya sa dibdib ni Strike, habang patuloy ito sa marahang paghagod sa likuran niya. She closed her eyes and went back to sleep.

Best birthday last night, best morning today.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.