NAPAHIKBI si Cee-Cee habang binabasa ang librong Daughter of Smoke and Bone. Hindi niya alam kung bakit pero kagabi pa niya iniiyakan iyon, kahit hindi naman iyon drama. Gano’n lang talaga siguro siya kapag nakakabasa ng magandang libro. She gently closed the book and heaved a heavy sigh. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakatitig lang sa kawalan nang biglang may sumulpot na mug ng kape sa harap niya.
Nag-angat siya ng tingin kay Strike. Nakangiti ito kahit bahagyang nakakunot ang noo. “Thanks, Strike. Gaano katagal akong nawala sa mundo?”
Natawa ito. “Three hours. Nakaligo na nga ako at nakapagluto ng agahan.”
Napangiti siya. Maaga siyang nagising kanina kaya nagpunta siya sa apartment ni Strike. Pero wala naman siyang ginawa do’n kundi magbasa lang. “Pasensiya na kung naistorbo kita.”
“Nah, it’s fine.” Pinunasan nito ang mga luha sa pisngi niya. “I can’t believe a book can make you cry hard. It’s cute.”
Napangiti siya dahil sa papuri nito. Bigla naman niyang naalala ang pinunta niya ro’n. “Strike, pahingi nga palang picture mo.”
“For what?”
Nilabas niya ang blankong scrapbook na binili niya no’ng nakaraan. “I bought a scrapbook. Gusto kong ilagay dito lahat ng memories nating magkasama...” Natigilan siya nang ngumiti si Strike. “It’s childish, isn’t it?”
“It is but...” Biglang namula ang mga pisngi nito. “It’s sweet. Ngayon lang may gagawa ng scrapbook para sa’kin.”
Ngumiti lang siya at nilahad ang mga kamay niya rito. “Then, give me your picture.”
Dinukot nito ang wallet nito mula sa backpocket ng pantalon nito. Pagkatapos ay umupo ito sa armrest ng sofa. Nilusot niya ang ulo niya sa pagitan ng mga braso nito para masilip niya ang nasa loob ng wallet nito. Natawa lang ang binata saka siya hinalikan sa tuktok ng ulo niya.
“Hmm. Ganyan ka ba ka-excited sa picture ko?” tukso nito sa kanya.
Ngumiti lang siya. Nang alisin nito ang picture nito sa wallet nito ay may nakita siyang litrato na pamilyar sa kanya. “Hey, is that my picture?”
Tinaas ni Strike ang kamay nito para hindi niya maabot ang wallet nito. “Of course not.”
“That’s my picture!” giit niya. Lumuhod siya sa sofa at pinatong niya ang isang kamay niya sa balikat nito para maabot niya ang wallet. Nagtagumpay naman siya, pero natagpuan na lang niya ang sarili niyang nakaupo na sa kandungan ni Strike.
Hindi na lang niya pinansin ang posisyon nila, at ang pagpalupot ng mga braso ni Strike sa baywang niya. Binuksan niya ang wallet nito at natagpuan nga niya ang larawan niya sa loob niyon. Kuha iyon no’ng natutulog siya sa queen-sized bed sa furniture section ng mall.
Gulat na nilingon niya si Strike na ngingiti-ngiti lang ng mga sandaling `yon. “Bakit may picture mo ako? At kuha ito no’ng nasa mall tayo.”
He smiled bashfully at her. “Kinunan kita ng picture sa phone ko habang natutulog ka, pagkatapos pina-print ko. Ang cute mo kasi d’yan.”
“Matagal ka na bang may gusto sa’kin?”
“Oo, matagal na.”
Napayuko siya nang maramdaman niya ang pagwawala ng mga paru-paro sa tiyan niya. Kinamot niya ang pisngi niya pero napapiksi siya nang humapdi iyon.
“What’s wrong, Cee-Cee?” nag-aalalang tanong ni Strike.
Tiningnan niya ang mga kuko niya. Mahahaba na ang mga iyon. “Mukhang nahiwa ako sa pisngi ng mga kuko ko.”
Pumalataktak si Strike, pagkatapos ay hinalikan nito ang pisngi niyang may hiwa. Bago pa siya makapag-react ay tumayo na ito, at sinama siya nito sa pagtayo nito ng walang kahirap-hirap. “Wait here,” anito saka nagtungo sa kuwarto nito.
Naiwan naman siyang nakahawak sa pisnging hinalikan nito. Hindi niya iyon inaasahan, pero kinilig siya. Napangiti tuloy siya. “Strike...” Nauwi na lang sa buntong-hininga ang lahat. That guy was making her fall for him.
Pagbalik ni Strike ay pinaupo siya uli nito sa sofa. Kinuha nito ang kamay niya, pagkatapos ay sinimulang gupitin ang mga kuko niya gamit ang nailcutter.
“Kaya ko nang gawin `yan, Strike,” sabi niya rito.
“I know. But I want to do this for you.”
Again, she was touched. Ganitong kasimpleng buhay lang kasama ng taong mahal niya ang gusto niya. Hindi niya alam kung saan siya nagulat: sa pagiging sobrang saya at kuntento niya, o sa pagsasabi niyang mahal na niya si Strike.
Bumuntong-hininga siya. “Strike, I’m sorry.”
Hindi man mag-angat ng tingin sa kanya dahil seryoso ito sa paggugupit ng kuko niya, nakita niyang kumunot ang noo nito. “For what?”
“For being boring. Wala akong masayang lugar na alam at gustong puntahan. Parati na lang akong nasa bahay, kaya napipilitan ka ring mag-stay kasama ko dahil ayokong lumalabas. Madalas pa, hinahayaan kitang maghintay lang habang nagbabasa ako o kaya ay nagsusulat. I don’t want to be selfish, so let’s compromise.”
Tumigil ito sa ginagawa nito para mag-angat ng tingin sa kanya. “Compromise?”
“Yes, compromise. Since sinubukan mong maging parte ng mundo ko, ako naman ang papasok sa mundo mo. I want to do the things you like. Say, partying.”
Nanlaki ang mga mata nito. “Partying?”
Lumabi siya. “Hindi pa ko nakakapasok sa isang bar sa buong buhay ko.”
Eksaheradong sumimangot ito. “Why do you think would I let you go inside a bar? Hindi ka bagay do’n.”
“Because I’m boring?”
“Because I don’t want you to get stared at by other men,” pagtatama nito. “And you’re not boring.”
“Pero gusto kong maranasan mag-bar,” giit niya.
Kumunot lalo ang noo nito. “Why?”
“I want to be in character. Party girl kasi ang heroine sa nobelang sinusulat ko ngayon. I can’t give justice to her character dahil wala naman akong alam tungkol sa pagpa-party, o pagba-bar hopping. Ayoko naman na pati iyon eh i-Google ko pa.”
“But...”
She gave him her best puppy dog eyes. “Please, Strike?” She touched his face. “Please?”
Bumuga ito ng hangin. “Fine. Pero akin ka buong araw, ha? Hindi ka puwedeng maagaw ng mga ka-date mong libro ngayon.”
Natawa siya. “Hey, are you jealous of my books?”
“Damn right, I am. Inuubos nila ang buong oras mo. Kung hindi mo lang ako papatayin, matagal ko na silang tinapon.”
“Strike!”
Ngumisi lang ito, saka tumayo. “Magshe-shave lang ako.” And he was gone.
Hindi siya makapaniwalang nagseselos ito sa mga libro niya! But that made her smile. Marami talagang gentle at cute side si Strike na lalo niyang minamahal. Dumako ang tingin niya sa mga kuko niya. Maayos ang pagkakagupit niya sa mga iyon.
“Strike?”
“I’m inside the bathroom,” sagot nito.
Tumayo siya at lumapit sa banyo. Bukas ang pinto niyon. Puno na ng shaving cream ang baba ni Strike habang maingat itong nag-aahit gamit ang razor. Nagtama ang mga mata nila sa malaking salamin sa harap nito.
She smiled bashfully at him. “Strike, can I help you with that?”
“Ha?”
“Ginupitan mo ang mga kuko ko. As a thanks, let me help you with that.”
Namaywang ito. “Bakit hindi mo na lang sabihin na in character ka na naman dahil isusulat mo ang eksenang ito sa nobela mo?”
Napangiti siya. “Paano mo nalaman?”
Natawa ito. “I can see the mischievous spark in your eyes, lady.”
Kinagat niya ang ibaba niyang labi. “Can I?”
Bumuntong-hininga ito, pero ngumiti rin at inabot sa kanya ang razor. “Please.”
Napabungisngis siya dala ng excitement. Pumasok na siya sa loob ng banyo. Una ay tinuro ni Strike sa kanya kung paano gamitin ang razor. Pagkatapos ay tinuro na nito kung ano ang mga susunod niyang gagawin.
No’ng una ay nanginginig ang mga kamay niya. Natatakot siya dahil hindi niya makita ang baba ni Strike dahil sa kapal ng shaving cream. Pero inalalayan siya nito kaya mayamaya lang ay nagamay na niya ang pag-ahit dito. All the time, he was just grinning, and she was matching it with a smile. Ah, the simple things in life were definitely the best.
Natauhan lang siya nang mapapiksi si Strike, kasabay ng pagguhit ng mahabang pulang marka sa baba nito. Bigla kasing nanginig ang kamay niya.
“Sorry, Strike!” hinging-paumanhin niya rito.
Ngumiti ito. “Nah, it’s fine.”
Nakonsensiya siya. She wanted to make it up to him, at iisa lang ang naiisip niyang paraan. Hinawakan niya sa magkabilang-balikat si Strike, saka siya tumingkayad at binigyan ng magaang na halik ang hiwa sa baba ng binata.
“I’m sorry,” masuyong bulong pa niya rito.
Bumuntong-hininga si Strike, saka pumikit at pinagdikit ang mga noo nila. “Baby, can you wait for me? I think I need a cold shower.”
Nag-init ang magkabila niyang pisngi sa implikasyon ng mga sinabi nito, pero hindi pa rin niya mapigilang matawa. “Okay.”
HINDI mapigilan ni Strike ang panaka-nakang pagsulyap kay Cee-Cee. He couldn’t help it – she was so beautiful and so damn hot in her outfit. Simpleng pulang cocktail dress lang naman ang suot nito sa ilalim ng eleganteng itim na coat, pero mas lalo itong gumanda. And dang, she smelled so sweet and he wanted to bite her. Ayaw na niyang isipin ang magiging reaksyon ng mga lalaking makakakita rito sa bar.
“We’re here,” masayang bulalas ni Cee-Cee nang mag-park na siya sa tapat ng bar. Pinili niya ang bar na bihirang puntahan ng mga kaibigan niya.
“Baby, let’s talk first,” istriktong sabi niya rito.
Humarap naman sa kanya si Cee-Cee na animo’y isang bata na naghihintay sa lecture ng guro nito. “Ano `yon, Strike?”
Tumikhim siya. “Una, hindi ka puwedeng lumayo sa’kin. Pangalawa, hindi ka puwedeng makipag-usap sa kahit sinong lalaki sa loob ng bar na `yan, at lalong hindi ka tatanggap ng inumin mula sa kahit na sino. Pangatlo, hindi ka puwedeng ngumiti.”
“Naiintindihan ko `yong dalawa. Pero bakit hindi ako puwedeng ngumiti?”
“Basta!”
Ngumiti ito. “Imposible `yan. Paanong hindi ako ngingiti kung ikaw ang kasama ko?”
Natigilan siya, napakurap-kurap at kinilig. Shit. Kumalma ka naman, puso.
Hinawakan ni Cee-Cee ang kamay niya. “Naiintindihan ko kung bakit ka nag-aalala. Don’t worry. I can take care of myself.”
Bumuga siya ng hangin. Kinuha niya ang ballpen sa breastpocket ng coat niya, pagkatapos ay nag-drawing siya ng singsing sa daliri ni Cee-Cee. “Ayan. Para malaman ng lahat na may boyfriend ka na.”
Natawa ito. Pagkatapos ay kinuha naman nito ang kamay niya, at ito naman ang nag-drawing ng singsing sa daliri niya. “Ayan. May couples’ ring na tayo.” Hindi pa ito nakuntento dahil sinulatan pa nito ang palad niya: Taken.
Natawa siya. “Possessive, aren’t we?”
“Kapag may babaeng nakipag-flirt sa’yo sa loob, ipakita mo lang `yang palad mo sa kanila, okay?”
Hindi na talaga yata mawawala ang ngiti sa mga labi niya kapag si Cee-Cee ang kasama niya. Siya naman ang nagsulat sa likod ng kamay nito: Strike Manzano’s only girl.
Lalong tumamis ang ngiti ni Cee-Cee habang nakatingin sa kamay nito. “Sweet.” Nag-angat ito ng tingin sa kanya. “Puwede na ba tayong pumasok sa loob. Malakas kasi ang pakiramdam kong dinde-delay mo lang ang pagpasok natin sa bar.”
Umungol siya. “Napansin mo pala.”
Wala na siyang nagawa para i-delay pa `yon. Pagbaba nila ni Cee-Cee ng kotse ay nilahad niya ang kamay niya rito. When she held his hand, he intertwined their fingers together. Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay nito nang makapasok na sila sa bar.
Una silang nagtungo sa barcounter. Tinuro niya rito ang iba’t ibang inumin na light lang para sa mga babae. Para naman itong estudyante na sinusulat pa sa kamay nito ang mga sinasabi niya. Pagkatapos ay hinayaan niya itong tikman ng pakonti-konti ang mga inumin.
Nawala lang sa dalaga ang atensiyon niya nang may dalawang babaeng lumapit sa kanya, kasabay ng pagtugtog ng sunud-sunod na nakakaindak na kanta. Sa kanyang pagkagulat, bigla na lang siyang hinila ng mga babae. Dahil hindi niya inasahan `yon, napatayo siya.
“Woah, ladies. Stop,” awat niya sa mga ito, saka binalikan sa mesa si Cee-Cee. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang tinungga nito ang baso ng alak niya. Inagaw niya rito ang baso. “Baby, you shouldn’t drink that.”
“Pero wala namang lasa,” inosenteng sabi nito.
Natawa siya. “Akala mo lang `yon. Let’s go.” Hinawakan niya ito sa kamay at hinila na paalis.
But tonight was probably the night that bar had been very crowded. Ilang minuto pa lang ay nabitawan na niya si Cee-Cee. Hahanapin niya sana ito, pero agad siyang hinarang ng isang pamilyar na babae. Minsan na itong naging babae ni Colin.
Pilit na ngumiti siya. “Colin’s not with me tonight. Please excuse me.”
Himbis na pakawalan siya ay lumingkis pa sa baywang niya ang babae. “Then, you just have fun with mr,” nang-aakit na sabi pa nito.
“I’m not like Colin,” nakasimangot na sabi niya, pagkatapos ay ipinakita niya rito ang “couples ring” niya at ang salitang “taken”sa palad niya, pero tumawa lang ang babae.
Pilit siyang kumawala sa babae dahil hangga’t maaari ay ayaw niyang maging bastos. Nauubusan na siya ng pasensiya at talagang magsasalita na sana siya ng masakit nang napansing niyang tila natigilan ang mga lalaking nagsasayaw sa dance floor at sa iisang direksyon lang nakatingin ang mga ito.
And then the crowd got separated in two, as if to pave way for a goddess. At isa ngang diyosa ang dahilan ng pagkahawi ng mga tao – si Cee-Cee na sumasayaw! Hinubad na rin nito ang suot nitong coat kanina. Now, more of her skin was exposed. Nang magtama ang mga mata nila ni Cee-Cee ay ngumiti ito na tila nang-aakit. Siya naman ang natigilan. He felt his heart thump hard against his chest.
Napalunok siya nang magsimulang maglakad si Cee-Cee papunta sa kanya. Tiningnan nito ang babaeng nakalingkis sa kanya. There was an unusual threat behind her glare, and the woman automatically backed off. Nang mawala na ang mga babae ay tumingin uli sa kanya si Cee-Cee. Hindi pa rin nawawala ang ngiti nitong nang-aakit habang sumasayaw.
Napangiti siya, saka ito hinawakan sa baywang habang sinasabayan ito sa pag-indak.
Tumalikod sa kanya si Cee-Cee habang patuloy ito sa pag-indak. Pinalupot naman niya ang mga braso niya sa baywang nito, habang tinatapunan ng masamang tingin ang mga lalaki sa paligid na malagkit ang tingin sa dalaga. Yumuko siya sa tainga ni Cee-Cee para bulungan ito.
“Cee-Cee, let’s go home,” sabi niya rito. Hindi niya napigilang ipadaan ang tungki ng ilong niya sa pagitan ng leeg at balikat nito. She cocked her head at one side to give him more access. Ah, she smelled like honey. Hinalikan niya ang balikat nito. “You’re drunk, baby.”
“Strike...” Bumagal ang paggalaw ng katawan ni Cee-Cee hanggang sa tuluyan na itong tumigil. Pumihit ito paharap sa kanya. Halos pabagsak na ang talukap ng mga mata nito dala ng kalasingan. “`Antok na ko. Uwi na tayo,” paglalambing nito na parang isang bata.
Ngumiti siya at masuyong hinaplos ang pisngi nito. “Okay, baby.”
Tumango lang ito, saka yumakap sa kanya. Hanggang sa maramdaman niya ang mainit at malagkit na likido sa damit niya.
Bumuga siya ng hangin. “Cee-Cee, bago pa naman `yang polo na sinukahan mo.”
UNTI-UNTING minulat ni Cee-Cee ang mga mata niya. Nagulat pa siya na ang sumalubong sa kanya ay ang natutulog na si Strike.
Nakasalampak siya sa sahig ng banyo niya habang halos nakayakap na sa bowl. Si Strike naman ay nakaupo sa tabi niya at nakasandal sa lababo. Basa ang polo na suot nito, magulo ang buhok at malalim ang itim na bilog sa mga mata nito.
Saka niya naalala ang ginawa niya kagabi. Itinuro at ipinatikim ni Strike sa kanya ang mga inuming puwede sa kanya sa bar. Pero hindi niya nalasahan `yon dahil hindi siya pinayagan ng binata na ubusin ang mga `yon. Kaya pagtalikod nito, inisang-lagok niya ang mga alak, na akala niya ay walang epekto. She probably got drunk.
Nilingon niya si Strike. Buong magdamag siguro siya nitong binantayan habang nakikipag-“date” siya sa bowl niya kaya hindi na nito naayos ang sarili nito. Amoy-suka ito, na siguradong siya ang may kasalanan.
Hinawi niya ang buhok ni Strike na nakatabing sa nakapikit nitong mga mata. “I’m sorry, Strike.”
That was when he slowly opened his eyes. Napabalikwas ito ng bangon. “Cee-Cee! Okay ka na ba? Masama pa ba ang pakiramdam mo? Hindi ka dapat uminom kagabi.”
Tumango siya. “Sorry.”
His eyes softened. “You’re probably hungry.” Bigla itong napangiwi. “Naaamoy ko ang sarili ko. I’ll just take a bath, and I’ll cook for you. Wait for me, `kay?”
Tumango siya, pagkatapos ay gumapang siya rito. Kahit tumutol ito dahil ayaw daw nitong kumapit ang amoy ng suka sa kanya, niyakap pa rin niya ito. Nakaupo na siya sa pagitan ng mga hita nito, habang nakasubsob ang mukha niya sa dibdib nito. Hindi siya nagsalita. Gusto lang niyang maramdaman na totoo ang lahat ng `yon. Na may isang Strike nga na nag-aalaga sa kanya ngayon. Tuluyan na ngang nahulog ang loob niya rito.
“Cee-Cee?”
Tiningala niya ito. “Hmm?”
Ngumiti ito. “Let’s go out on a proper date tomorrow. Ako nang bahala sa lahat. I’ll give you a fairytale date.”
Ngumiti rin siya. “Okay.”
Bumuntong-hininga ito, kasabay ng pagguhit ng matinding pangamba sa mga mata nito. “Cee-Cee, bukas, may sasabihin ako sa’yong importanteng bagay. Kahit anong malaman mo, tandaan mo na totoong mahalaga ka sa’kin.”
“Anong ibig mong sabihin?”
Umiling lang ito. He cupped her face and closed his eyes as he kissed her forehead. “Tomorrow, you’ll know.”