Maaga pa ngunit marami ng tao dito sa karinderyang madalas naming kainan ni Alain. Tapat lamang ito ng eskwelahang pinapasukan namin.
Nakapagtatakang maraming tao at naglipana ang ibat ibang sasakyan. Ngunit tila ba napakatahimik ng aking kapaligiran. Nakikita ko ang pagbuka ng bibig ng ibang mag-aaral, na ngayon ay narito rin. Ngunit walang tinig akong naririnig.
Tulad ng inaasahan, sabay kaming pumasok ni Alain patungo sa eskwelahan. At ngayon nga'y narito kami, handa ng tumawid papunta sa eskwelahang aming pinapasukan.
Ngunit huminto ako sandali, upang bumili ng kakailanganin para sa gagawin naming activity ngayon. Sinabi pa ni Alain na mauuna na siya at magkita na lang kami sa silid aralan mamaya.
May limang grupo rin ng mag-aaral ang nakita kong sumakay. At pilit na pinagkakasya ang sarili sa isang pampasaherong tricycle. Nakita ko rin si Alain na nakatayo sa gilid ng kalsada at handa ng tumawid.
Kumaway pa siya sa akin bago ngumiti. Ngunit sa isang iglap, ang ngiting iyon ay biglang naglaho.
Ang katahimikan ay napalitan ng malalakas na sigawan ng ibang mag-aaral. Nariyan din ang mga sasakyang huminto at ang iba ay bumubusina. Dahil ang tricycle na papaalis pa lang sana, ay inararo ng rumaragasang truck!
Mabilis ang takbo ng truck kung kaya't halos mayupi ang tricycle. Nagkalat din sa daan ang mga duguang katawan ng mga mag-aaral, na sakay ng tricycle. Ang dalawang nasa likod kasama ang driver ay tumilapon sa daan. Habang ang tatlong nasa loob ay nanatili sa loob ng yuping sasakyan. Pawang mga duguan at walang malay. Hindi ko matukoy kung sila ba ay buhay pa o patay.
Ngunit ng lingunin ko ang kinaroroonan ni Alian ay labis akong nabigla. Hati ang katawan, nagkalat ang laman at nakaharap sa akin ang mukha niyang duguan!
Gusto kong sumigaw at handa ng tumakbo upang puntahan ang katawan niya, ngunit hindi ko magawa. Tila ba itinulos na ako sa aking kinalulugaran. Ni hindi ko man lang maigalaw ang mga paa ko upang tumakbo palapit sa kaibigan ko. Wala rin akong maapuhap na kataga upang bumuo ng isang salita!
Nanatili lang akong nakatayo habang tinitignan ang aksidente, at pinapanuod ang lahat ng nangyayari. Tila ba huminto ang oras at tanging sa akin lang tumutok ito.
Kapansin pansin din ang matandang babae na nakasuot ng itim na belo. Na mariing nakatitig sa akin mula sa kabilang panig ng kalsada. Kung hindi ako nagkakamali, parang siya ang nakita ko sa tapat ng bahay namin noong nakaraang araw. Ang kaibahan lang, ay na-aaninag ko ang mukha niya ngayon mula sa kinalulugaran ko.
Sa malakas na kabog ng dibdib at nanlalamig na katawan, ay ipinikit ko ang aking mata. Tulad ng nangyari sa bahay, umaasa akong panaginip lang ang lahat. At naka-idlip lang ako ng hindi sinasadya.
Bumilang ako ng sampo habang nakapikit. At ng imulat ko ang aking mata...
"Hoy Sandra! Hello nasa earth ka pa ba?. Ano tatayo ka na lang riyan? Mauuna na akong pumasok kung tutunganga ka pa riyan!" Malakas na singhal sa akin ni Alain habang tinatapik ang balikat ko.
Hinawakan ko siya at sinuri, ngunit ni isang galos ay wala akong nakita. Niyakap ko rin siya upang malaman kung totoo ba siya o hindi. Naramdaman ko pa nga ang malakas na tibok ng puso niya. Nakita ko rin ang bahagyang pag kunot ng kilay niya.
Panaginip...
Iyon lang ang nasabi ko sa aking sarili upang kumalma, bago nagpakawala ng malalim na buntong hininga.
Tama, panaginip lang 'yon!
Inayos ko ang pagkakasukbit ng bag ko sa aking balikat, at akmang lalakad na kasama si Alain. Ngunit napahinto ako ng makita ko ang limang grupo ng mag-aaral, na pilit pinagkakasya ang sarili nila sa pampasaherong tricycle.
Kumunot ang noo ko at tila ba nakakita ng multo. Dahil sila 'yon! Ganitong ganito 'yon. Sila ang limang mag-aaral na nasa panaginip ko!
"Sandra ano na? Halika na nga at baka ma late tayo sa subject natin! Mahigpit pa naman si Sir!" Muling singhal ni Alain sa akin.
Nang akmang lalakad na siya upang tumawid ay hinawakan ko ang kamay niya. Hinila ko siya pabalik sa tabi ko, kung saan sigurado akong ligtas kaming dalawa.
"Huwag kang tatawid! May aksidenteng mangyayari." Mariin kong saad sa kaniya na ikinakunot lamang ng noo niya.
Bumilang ako ng sampo. Ngunit makalipas ang ika-sampo ay walang nangyari.
"May sakit ka ba? Bakit parang namumutla ka yata?" Tanong sa akin ni Alain, habang mahigpit ko pa ring hawak ang kamay niya.
Hindi ako sumagot at nakatitig lang sa daan. Hanggang sa narinig ko ang boses ng isang babae na nagpaalam sa kaniyang kaibigan.
Handa na siyang tumawid ngunit muli niyang nilingon ang kasama niya at nginitian, bago kumaway.
Matapos 'yon, wala pang tatlong sigundo nangyari nga ang aksidenteng nakita ko. Aksidente sa panaginip ko.
Panaginip nga ba? Pero bakit naging totoo? Ang pinagkaiba lang, hindi si Alain ang babaeng tatawid sana sa daan. Hindi si Alain ang babaeng dapat sana'y masasagasaan. Anong nangyayari sa akin? Bakit nagkakaganito ako?!
"Shit! Sandra! Aksidente, may aksidente tignan natin! kaklase pa yata natin 'yong isa doon!" Hinila ako ni Alain palapit sa pinangyarihan ng aksidente.
Maraming nakapalibot na tao, karamihan ay mag-aaral. Ang ibang sasakyan ay huminto upang makiusyoso.
Nanlamig din ang buo kong katawan, ng makita ko ang hiwalay na katawan ng babaeng patawid sana kanina. Tulad ng sa nakita ko'y, nagkalat ang laman niya sa daan. Habang ang mukha niya'y duguan at nakapaharap sa amin.
Inilibot ko pa ang aking paningin upang tignan ang paligid. Ngunit nahinto ang mata ko sa matandang babae na naksuot ng itim na belo, sa kabilang kalsada.
Mariin siyang nakatitig sa akin na tila ba kanina niya pa kami pinagmamasdan. Nakita niya rin ba ang nakita ko?
"Alain sandali lang. May titignan lang ako sa kabila." Nag mamadaling sambit ko kay Alain.
Kunot ang noo'y tinitigan niya ako bago tumango bilang tugon. Dali dali rin naman akong bumitaw, at iniwan na si Alain. Ni hindi ko na nga alintana ang aksidente na ngayon ay nasa aming harapan. Dahil ang atensyon ko'y napunta sa matandang babae sa kabilang daan.
Tumawid ako sa kabilang kalsada, balak sanang puntahan ang matanda. Ngunit ng makatawid ako'y wala na siya sa lugar kung saan ko siya nakita.
"Saan siya nag punta?" Mahinang tanong ko sa aking sarili.
Kahit saan ako lumingon, mga sasakyan at ang mga taong nakiki-usyoso lang ang naririto.
Ilang minuto pa akong naglibot sa lugar ngunit wala na talaga. Hindi ko na talaga nakita pa ang matanda.
Akmang tatawid na ako pabalik kung saan ko iniwan si Alain. Nang bigla kong naramdaman ang kamay na humawak sa balikat ko. Mabigat at tila ba pinipigilan ako ng kamay na iyon sa aking balikat. At ng lingunin ko ang may-ari no'n. Iyong matandang babae na hinahanap ko ang bumungad sa akin.
"Ahmm... Lola, kanina pa ho ba kayo dito?" Kunot ang noo at nagaalangan na tanong ko sa kaniya.
Nanatili siyang nakahawak sa balikat ko bago tumikhim at nagsalita.
"Mangyayari ang mangyayari. Hindi mo 'yon mapipigilan. Huwag kang makipaglaro kay kamatayan, kung ayaw mong buhay mo ang maging kabayaran." Mariing saad niya habang nakatitig sa aking mata.
Hindi ko man masyadong naintindihan ang sinabi niya. Pero nag dulot 'yon sa akin ng labis na takot at kaba.
"Nakita n'yo rin po ba? N-na kita n'yo po ba ang nakita ko? Panaginip po ba 'yon?" Sunod sunod kong tanong sa kaniya.
Ngunit nanatili lang siyang nakatingin sa mga mata ko. Tila ba inaarok ang laman ng isipan ko. At ng bigla siyang tumalikod upang maglakad na sana palayo, ako naman ang humawak sa kaniya.
Nang hawakan ko siya'y para akong napaso sa init ng balat niya. Kaya agad ko ring binitawan ang kamay niya. Muli siyang lumingon, bago nag-iwan ng mga katagang naging isang palaisipan sa akin.
"Ang nakita mo'y hindi nakita ng iba. Ang makikita mo pa'y dadanasin pa rin nila. Kahit anong pigil mo, hindi mo 'yon mababago. Mag-ingat ka. Ang kapalaran nilay hawak mo. Ngunit ang tadhana mo'y nakaguhit na sa palad mo." Mariin at sunod sunod niyang sabi.
Masyadong malalim para sa akin ang mga katagang binitiwan niya. Hindi ko maintindihan, pero isa lang ang alam ko. Natatakot ako.
Natatakot ako na baka tulad ng sinabi niya, ano man ang makita ko'y magkakatotoo. Natatakot ako na baka hindi ko kayang pakibagayan ang magiging resulta sa akin nito. At natatakot ako hindi lang para sa sarili ko, kun'di para na rin sa taong kakikitaan ko ng ganito.
Napatingin din ako sa aking mga palad nang dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ano ang pinupunto niyang nakaguhit sa palad ko ang tadhana ko. Hindi ko rin alam kung bakit niya na sabing nasa kamay ko ang kapalaran ng iba.
Handa na akong tanungin siyang muli, ngunit pagka-angat ko ng aking mukha. Wala na siya, hindi ko na alam kung saan siya nagpunta.
At tanging ang mapanuring mata ni Alain na nakatitig sa akin mula sa kabilang kalsada, ang tangi kong nakita.