MAY kakaiba kay Dr. Martin nang magpunta ako sa opisina niya pagsapit ng biyernes na katulad ng napag-usapan namin. Hindi ko lang alam kung sensitive lang ba ako masyado pero parang hindi niya ako matingnan ng matagal mula pa nang pumasok ako sa opisina niya. Napansin ko rin na hindi niya suot ang puting coat na palagi niyang suot sa tuwing nakikita ko siya. Long sleeve polo na nakatupi hanggang siko at naka-tuck in sa itim na slacks ang suot niya.
Wala akong nakasalubong na pasyente niya nang dumating ako kaya bakit tutok na tutok siya sa pagbabasa ng folder na para bang katatapos lamang ng konsultasyon ng pasyente niya? Nang paupuin din niya ako ay ni hindi siya nag-angat ng tingin. Parang galit pa nga ang boses na hindi ko mawari.
Matagal na akong nakaupo sa sofa at hindi pa rin siya kumikilos para lumapit sa akin o kahit tingnan man lang ako. Hindi na ako nakatiis. “Kung busy ka ngayong araw, puwede tayong mag-set ng appointment sa ibang araw,” basag ko sa katahimikan saka tumayo.
Mukhang nagitla si Dr. Martin sa sinabi ko dahil bigla siyang nag-angat ng tingin at tumayo rin. Kahit seryoso ang mukha niya ay hindi nakaligtas sa paningin ko ang sandaling pagbakas ng guilt sa mga mata niya bago naging pormal ulit. “Hindi na natin kailangan mag-reset ng appointment. Ikaw na lang ang pasyente ko sa araw na ito.”
“Oh. Okay.” Akma akong uupo ulit pero sumenyas siya para pigilan ako.
“Lalabas tayo ngayong araw.”
Napakurap ako. “Huh?”
May kinuha siya mula sa drawer niya, parang susi ng sasakyan at wallet. Saka naglakad palayo sa lamesa at palapit sa akin. Saka lang niya ako tiningnan sa mga mata. “Minsan, mas madali mag-usap kapag nasa labas ng opisina. Makakatulong din sa iyo kung mare-relax ka at hindi mo iyon magagawa ko damang dama mo na pasyente ka. Let’s go.” Saka siya nagpatiunang maglakad papunta sa pintuan ng opisina niya. Binuksan niya ang pinto at muling bumaling sa akin, hinihintay akong lumapit.
Pinalis ko ang alinlangan at naglakad palapit sa kaniya at naunang lumabas ng opisina. Pagkatapos ay magkaagapay kaming naglakad. Hindi na siya nagsalita pa. Hindi ko rin tinangkang magbukas ng usapan.
Gusto niya akong mag-relax pero paano ko iyon gagawin kung damang dama ko na may makapal na pader na nakapagitan sa amin? Para bang guni-guni ko lang ang namagitang understanding sa amin noong huli akong nagpunta sa opisina niya.
Akmang maglalakad ako papunta sa entrada ng ospital kung saan ako pumasok kanina nang maramdaman ko ang kamay ni Dr. Martin na bahagyang humaplos sa siko ko. Umigtad ako at napalingon sa kaniya. Agad niyang binawi ang kamay at namulsa. “Hindi diyan. This way.” Lumiko siya sa isang pasilyo na nasa kasalungat na direksiyon ng entrada.
Nagtatakang sumunod ako at pasimpleng hinaplos ang bahagi ng siko ko kung saan sandaling lumapat ang kamay niya. Naiinis ako sa sarili ko na simpleng hawak lang ay kinikilabutan na ako. Na kahit iniwan na ako ni James ay nakapagkit pa rin sa katawan at isip ko na siya lang ang lalaking puwedeng humawak sa akin. Habang buhay ba ako magiging ganito? May bumikig sa lalamunan ko at pasimpleng niyakap ang sarili habang nakasunod kay Dr. Martin na itinulak ang isang glass door. Nilingon niya ako at sumenyas na mauna na ako lumabas. Kaya iyon ang ginawa ko.
Natigilan ako at nabigla nang makita ang isang malawak na parke. Kung matatawag ngang parke ang pabilog na espasyo na maganda ang landscape kung saan may ilang mga nag-jo-jogging, nag-ba-bike at tumatambay sa mga bench na maayos na nakapuwesto sa ilalim ng mga puno. Sa magkabilang gilid ay may mga nakatayong matataas na mga gusali at establisyemento. Napalingon ako sa ospital at tiningala iyon. “Sa likod tayo ng ospital lumabas?”
“Oo,” sagot ni Dr. Martin na nagsimula nang maglakad. “They call this place Oasis.”
“Oasis?”
Nilingon niya ako. “Paradise in the middle of the city. As you can see, napapalibutan ito ng matataas na gusali na nakatalikod lahat sa parke na ito katulad ng ospital. Kung sa main road ka manggagaling ay hindi mo ito mapupuntahan. Ang mga empleyado sa ospital at mga nakatira sa mga condominium building sa paligid lang ang tumatambay dito.”
Iginala ko ang tingin sa paligid habang naglalakad. Hanggang mapansin ko na hindi na nauuna sa akin si Dr. Martin. Mukhang binagalan niya maglakad para maging magkaagapay kami. Sinulyapan ko siya. Sa harapan ang tingin niya.
“Pumasok ka na ba ulit sa trabaho mo?” biglang tanong niya.
Napatingin din ako sa harapan namin at ilang sandaling naglakad lang bago sumagot, “Nag-resign na ako, actually.”
Napahinto siya at pumihit paharap sa akin. “Why?”
Huminto din ako. “Hindi ba ako puwede mag-resign?”
Kumunot ang noo niya. “Ang sabi ng kaibigan mo ay dream job mo ang trabaho mo. Iyon ang sinabi niya kay Dr. Silva.”
Bumuntong hininga ako at nag-iwas ng tingin. “Lampas isang buwan na akong hindi pumapasok. Dapat lang na umalis ako sa trabaho para makakuha na sila ng kapalit ko. Isa pa…” Nilunok ko ang bikig sa lalamunan ko. “Hindi ko na kayang humarap sa mga customer, ngumiti, magbigay ng papuri at umaktong confident.”
Hindi nakasagot si Dr. Martin. Tumitig lang sa kaniya. Kumurap ako at muling hinarap siya. “Pero huwag kang mag-alala doc. May ipon naman ako. Kaya kong bayaran ang therapy sessions ko.”
Tumiim ang mga labi niya. “Hindi iyan ang dahilan kaya ako nagtanong tungkol sa trabaho mo. Sa tingin ko lang ay mas mapapabilis ang recovery mo kung may pinagkakaabalahan kang bagay na gusto mo.”
Nakonsiyensiya naman ako. “I’m sorry. I’m just…” …frustrated na parang dinidistansya mo ang sarili sa akin. Bumuntong hininga ako at nagpatuloy sa paglalakad. “I need time.” Iyon na lang ang sinabi ko.
Naglakad na rin siya at mahabang sandali hanggang makalapit na kami sa mga establisyimento na ngayon ay napansin ko nang mga tindahan ng kung anu-ano, coffee shop, mga kainan at may mga boutique. May isa pa nga roon na isang sikat na women’s undergarments shop. Sa glass wall ay nakikita ko ang suot ng mga mannequin.
Naglakad pa kami at may nahagip ang tingin ko. Napahinto ako sa paglalakad kasabay ng paghinto ng aking paghinga. Nanlaki ang mga mata ko habang nakatitig sa isang mannequin sa undergarments shop. Itim na corset ang suot ng mannequin.
Sumagi sa isip ko ang alaala ng minsang pagsusuot ko ng corset na gaya niyon. Madilim na silid, mga kamay at paang nakagapos, masikip, masakit, hindi ako makahinga –
“Miss Madrid!”
Malakas na pinalakpak na kamay sa harapan ko ang nagpakurap sa akin at nagpakawala ng nahigit kong paghinga. Nasa harap ko si Dr. Martin, may bakas ng pag-aalala ang mukha habang nakatitig sa akin.
“Breathe. Come on,” susog niya.
Iyon ang ginawa ko. Sunod-sunod akong huminga ng malalim at bumuga. Saka naman tumahip ang puso ko at parang nilamutak ang sikmura ko. Uminit ang mga mata ko. Oh, God, ano bang nangyayari sa akin? Nakakita lang ako ng corset –
Namasa ang mga mata ko. “I’m sorry,” paos na anas ko.
“What is it? Ano ang dahilan kaya ka may panic attack ngayon?” tanong ni Dr. Martin na humakbang palapit sa akin pero hindi ako tinangkang hawakan at pinanatiling may distansya sa pagitan namin. Mariin kong kinagat ang ibabang labi at umiling. “Kailangan mong sabihin sa akin. Honesty and trust, remember?” giit pa niya.
Dumiin ang kagat ko sa ibabang labi ko at sumulyap sa paligid namin. Walang taong malapit sa amin. Saka ako huminga ng malalim at kahit mainit ang mukha ko sa kahihiyan ay nagawa kong magsalita, “May nakita lang akong nagpaalala sa akin sa… mga ginawa sa akin ng ex-boyfriend ko.” Saka ko itinuro ang corset na naka-display sa glass wall ng shop. “Niregaluhan niya ako ‘non.”
Nilingin ni Dr. Martin ang shop. Saka ibinalik ang tingin sa akin. “Kung niregalo lang niya sa iyo ay hindi magiging ganiyan ang reaksiyon mo. May iba ka pang naalala na patungkol doon, tama ba ako?”
Lalong uminit ang mukha ko pero tumango ako.
“Was it a traumatic experience for you?”
“T-the first few times, yes. Pero sinabi ko na sa iyo, doc… I learned to enjoy it.”
“Nasa iyo pa ba ang niregalo niya sa iyo?”
Umiling ako. “It got ruined the last time I wore it.” Mariin akong napapikit nang maalala rin ang huling beses na sinuot ko iyon.
Sandaling naramdaman ko ang titig ng doktor bago siya biglang nagsalita, “Let’s go in.”
Napatingala ako sa kaniya. “Ano?”
“Pumasok tayo sa loob ng shop. I’ll buy you one.”