PATIENT X & SAVING GRACE (Filipino) Chapter 22

“Tinatawag ako ng mga tao sa ospital sa pangalan ko. Hindi ko alam kung bakit o kailan nagsimula. Pero nasanay na ako lalo at lahat ng mga pasyente ko iyon na rin ang naitawag sa akin.” Umangat ang gilid ng mga labi niya at sinalubong ng tingin ang mga mata ko. “So actually, you’ve been calling me by my name since the first time we met. Kaya hindi ba patas lang kung tatawagin kita sa pangalan mo, Joy?”

Kumibot ang mga labi ko hanggang sa bahagya na akong matawa. Sinabayan ko ng pagbuga ng hangin sa relief. Nagpapasalamat ako na pinapagaan din niya ang sitwasyon. “Tama ka. Patas lang na tawagin mo ako sa pangalan ko. Mas gusto ko rin ang ganoon. Sumasakit ang tainga ko sa kaka-miss Madrid mo.”

Kumislap ang mga mata ni Martin kaya kahit hindi siya ngumiti ay alam kong ikinatuwa niya ang sagot ko. “Yes. Naniniwala talaga ako na makaka-survive ka, Joy. I can see the hint of fire in you.” Pagkatapos ay bahagya niyang pinisil ang kamay kong hawak niya.

Sumikdo ang puso ko at napaigtad ako. Tinangka ko na namang hatakin ang kamay ko pero pinigilan niya ako.

“Get used to it.”

Umawang ang mga labi ko, napahinga ako ng malalim at lumunok. Humahagod ang panlalamig sa likod ko pero tumango pa rin ako. At dahil may nakapa akong tapang sa dibdib ko ay pumihit pa ako paharap sa kaniya at sumandig sa sandalan ng sofa sa pinaka-komportableng puwesto na kaya ko.

“Ito ba ang gagawin natin sa session ngayon?” mahinang tanong ko.

Umangat ang mga kilay ni Martin at ginaya ang posisyon niya hanggang sa magkaharap na kami. Muntik na ako mapaatras dahil nagkalapit ang mga mukha namin pero itiniim ko ang mga labi ko at pinigilan ang udyok na dumistansiya.

Get used to it.

Paulit-ulit kong sinasabi iyon sa isip ko para lang hindi umatras. Alam ko na nakikita ni Martin ang struggle kong labanan ang discomfort ko. Hinuli niya ng tingin ang mga mata ko at muling pinisil ang kamay ko.

“Ipakita mo sa akin ang ginawa mong listahan,” malumanay na sabi niya. Hindi nilulubayan ng tingin ang aking mga mata.

Napalunok ako at nanlamig sa kaba pero kinuha ko pa rin ang listahan mula sa bag ko. Sa nanginginig na kamay ay inabot ko iyon sa kaniya.

Ilang segundong nilaro lang ng mga daliri niya ang nakatuping papel bago iyon binuksan na hindi inaalis ang tingin sa mga mata ko. Ang bilis ng tibok ng puso ko. At nang sa wakas ay bumaba ang tingin niya sa papel para basahin ang mga sinulat ko ay nahigit ko ang paghinga.

Wala akong mabasang reaksiyon sa kanyang mukha habang nagbabasa siya. Samantalang ako ay parang lumolobo na ang ulo sa kahihiyan. Iyon ang unang beses na may ibang makakaalam ng mga pinakalilihim kong pantasya. Pakiramdam ko nakahubad ako sa harap niya dahil ngayon ay alam na niya ang mga erotikong isiping naglalaro sa utak ko.

Nagtagal pa ang tingin niya sa papel bago muling itinupi at saka nag-angat ng tingin sa mukha ko. Kinagat ko ang ibabang labi ko, hinintay ang sasabihin niya.

“Did he ever hold your hand?”

Na-disorient ako sa tanong niya. Hindi iyon ang inaasahan kong sasabihin niya. Ilang segundo tuloy ang lumipas bago ko nagawang pag-isipan ang tanong niya. At sumakit ang puso ko nang marealize ang sagot.

“No. He never held my hand.” Nagbaba ako ng tingin. “Tatlong buwan kaming magkarelasyon pero wala akong matandaang nag-holding hands kami.” Pagak akong natawa. “Couples hold hands, right? Pero kahit minsan ay hindi niya hinawakan ang kamay ko.”

Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa amin.

“Ano ang ginawa ninyo na magkasama sa loob ng tatlong buwan? Aside from sex.”

Lalong tumindi ang kirot sa puso ko. Huminga ako ng malalim. “Dinner date. Sometimes we go dancing at clubs. Ahm…” Uminit ang mga mata ko at muling pagak na natawa. “Iyon lang. We… never really did anything as a couple. Maliban sa sex.”

Naramdaman ko ang tensiyon sa katawan ni Martin at nang sulyapan ko ang mukha niya ay nakita kong may sasabihin siyang hindi ko magugustuhan.

“Are you sure you were in a relationship with him? Na talagang exclusive boyfriend-girlfriend kayo? Dahil masakit man para sa iyong marinig ito, pero mukhang mali ka ng iniisip sa relasyon na mayroon kayo. You were not a romantic couple, Joy. Base sa mga sinabi mo sa akin sa tingin ko hindi ka girlfriend para sa kaniya. You were –”

“A sex partner?” mapait na dugtong ko sa sinasabi niya. Tumiim ang mga labi niya. Namasa na ang mga mata ko, dumeretso ng upo at hindi na itinago ang sakit na nararamdaman ko. Dahil tama siya. Ngayong binabalikan ang nakaraan ko sa piling ni James, narealize ko na ako lang ang nag-isip na magkarelasyon talaga kami. Maybe for James, I was just a convenient fuck. A girl he can do anything with, no matter how dirty and unacceptable it was.

Napakurap ako nang maramdaman ko ang paghigpit ng hawak ni Martin sa kamay ko. Nang tingnan ko siya sa mga mata ay nakita ko roon ang determinasyon at pag-unawa. “Magiging okay ka. Tutulungan kitang unti-unting maibalik ang katahimikan at kaayusan ng nagkakagulo mong mga emosyon. Ibabalik natin sa ayos ang state of mind mo at magiging okay ka. Trust me.”

Sa kabila ng kirot na nararamdaman ko sa puso ko at sa pamamasa ng mga mata ko ay napangiti ako. “I trust you, Martin.”

Hindi ko alam kung bakit pero may dumaang pagkabigla sa mga mata niya na may kasamang emosyong hindi ko mabigyan ng pangalan. Hindi ko rin alam kung para saan iyon. Isang kurap at nawala na ang mga emosyong iyon. Tumango siya, dumeretso na rin ng upo at bahagyang itinaas ang papel na naglalaman ng listahan ng mga pinakatatago kong erotic fantasies.

“From now on, I will keep this list,” sabi ni Martin.

“Okay,” kabadong usal ko na sinulyapan ang listahan bago niya iyon inilagay sa bulsa ng suot niyang slacks.

“Do you want to go out of town next week?”

“Ha?”

Dahan-dahang pinakawalan ni Martin ang pagkakahawak sa kamay ko. Nang tuluyang magkahiwalay ang mga kamay namin ay nagsalita siya ulit. “You need to get out of the city. Sumagap ng sariwang hangin. At magkaroon ng oras para isagawa ang exposure therapy mo.”

Umawang ang mga labi ko. “I-ikaw ang kasama ko na mag-a-out of town?”

Umangat ang kilay niya. “Yes. Ako ang psychiatrist mo, hindi ba?”

“Pero paano ang iba mong pasyente?”

“I can do something about it,” balewalang sagot ni Martin. “So, what do you think?”

Sandali akong nag-isip. May alinlangan ako pero may punto din naman siya. I need to get out of the city. Nasasakal din naman ako kapag lumalabas ako at naiisip na sa kung saan sa siyudad ay naroon si James at may kasamang ibang babae.

Huminga ako ng malalim at determinadong tumango. “Okay.”

“Good,” bahagyang nakangiting sagot ni Martin.

“Saan tayo pupunta?”

Tumayo na siya at namulsa. Naging misteryoso ang ngiti niya. “Basta mag-empake ka ng at least pang isang linggo. I’ll surprise you.”

Sumikdo ang puso ko. Surprise. Isa rin iyon sa hindi ginawa ni James para sa akin na inaasahan ko kung magkakaroon ako ng boyfriend. Pero may ginawa ba si James para sa akin sa loob ng tatlong buwan bukod sa ilibre ako ng dinner at ikama ako?

Wala akong matandaan. Ang tanging sorpresa lang na nakukuha ko mula sa kaniya ay kapag magtatalik kami.

Ipinilig ko ang ulo ko nang may sumaging alaala sa isip ko. Mainit na eksena, na nangyari nang bigyan akong muli ni James ng ‘regalo’.

“Joy?” untag ni Martin.

Tumayo na rin ako at pilit na ngumiti. “Okay. Just surprise me. Mag-e-empake ako.”

Maya-maya pa ay narinig ko na naman ang tunog ng tila alarm ni Martin. Patunay na may susunod siyang pasyente. Kaya nagpaalam na ako sa kaniya. Ang sabi niya ay tatawagan na lang niya ako para sa detalye ng out of town trip at sumang-ayon na lang ako.

Lumabas ako ng ospital at dumeretso ng uwi sa apartment ko katulad ng dati. Pero hindi ko nagawang mag-empake o kahit masabik sa pag-alis namin ng psychiatrist ko.

Dahil mula pa kanina sa biyahe ay may mga alaala nang naglalaro sa isip ko. Alaala ni James. Alaala ng isa sa mga gabing pinagsaluhan namin sa kama. Alaala ng huli naming pagsasama bago siya nanlamig sa akin at tuluyan na akong ipagpalit sa iba.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.