HIDDEN PARADISE. Bagay na bagay ang pangalan niyon sa mismong resort. Isa nga iyong paraiso na natatago sa gitna ng nagtataasang mga puno at ng kabundukan. Malamig at nang huminga ako ng malalim ay naamoy ko ang sariwang hangin na may halong amoy ng kakahuyan at basang lupa mula sa kabundukan. At sa unang pagkakataon mula nang huling beses kong nakita si James, nakaramdam ako ng pagkasabik at katuwaan. Sa unang pagkakataon, napangiti ako ng tunay.
Na agad ding napalis nang talikuran ako ni Martin at malalaki ang hakbang na iniwan ako sa tabi ng kotse papunta sa kung saan. “Saan ka pupunta?” tawag ko sa atensiyon niya.
“Reception. Diyan ka lang, babalik ako,” sagot niya na hindi man lang ako nilingon.
Walang magawang napasandig na lang ako sa gilid ng kotse at muli na lang iginala ang tingin sa paligid.
Nang muling bumalik si Martin makalipas ang halos dalawampung minuto ay may kasama na siyang staff ng resort, may tulak na trolley. Para siguro sa mga bag namin.
“Let’s go. Nasa akin na ang susi ng cottage natin,” sabi ni Martin pagkatapos mailagay ang mga gamit namin sa trolley at mauna na.
Dahil mabilis maglakad si Martin ay halos patakbo ang ginawa ko para makasunod sa kaniya. Matagal tuloy bago rumehistro sa isip ko ang sinabi niya. “Wait! Cottage… natin?” manghang tanong ko sa kaniya.
Hindi siya sumagot at tumakbo na talaga ako para lang makaagapay sa kaniya. Tiningala ko siya. “Anong ibig mong sabihin na cottage natin?” ulit ko.
Sinulyapan niya ako hanggang sa huminto siya sa paglalakad at hinarap ako. Napahinto rin ako at kinabahan nang makitang seryoso ang ekspresyon niya. “We have a list to do, Joy.”
Napasinghap ako at may kilabot na kumalat sa buo kong katawan. Hindi lang sa sinabi niya kung hindi sa paraan ng pagkakasabi niya. Mababa ang boses niya at mapang-akit. O baka praning lang ako. Kasi wala naman akong nakikitang bakas ng emosyon sa mukha niya.
Para bang sapat na dahilan na ang sinabi niya na nagpatuloy siya sa paglalakad. Samantalang ako, uminit ang mukha nang maisip kung ano ang mga nakasulat sa listahang ginawa ko na nasa pangangalaga niya.
Nakatayo pa rin ako roon nang biglang huminto sa paglalakad si Martin. Bigla siyang lumingon at inilahad ang kamay sa direksiyon ko. Natigilan ako at napatitig sa kamay niya bago nagtatakang umangat ang tingin ko sa mukha niya. “Nasa therapy session ka mula nang tumapak ka sa loob ng resort na ito. Sinabi ko na sa iyo na kailangan mo masanay na hinahawakan, hindi ba? Come here and hold my hand. I will not let you go.”
Napalunok ako at muling napatitig sa nakalahad niyang kamay. Saka ako huminga ng malalim at lakas loob na humakbang palapit sa kaniya. Kumakabog ang dibdib ko at may malamig na pawis ang namumuo sa noo ko habang papaliit ng papaliit ang distansya sa pagitan naming dalawa. Nang nasa mismong harap na niya ako ay huminga ako ng malalim at kahit nanginginig ang kamay ko ay inabot ko pa rin ang kamay niya.
My stomach clenched when he entangled our fingers and held my hand firmly. Nang magtama ang mga mata namin ay bahagya niya akong tinanguan. Na para bang ikinatuwa niya na hinawakan ko ang kamay niya. Saka siya pumihit at muling naglakad. Pero ngayon ay hatak na niya ako.
MALAKI ang cottage namin. May malaking kama pagpasok mo sa pinto pero mayroon ding isa pang kama sa ikalawang palapag. Isa nga lang ang banyo na nasa unang palapag. Ibinigay sa akin ni Martin ang kama sa itaas. Siya na lang daw sa baba. Nag-ayos lang kami ng gamit at nag-wash-up bago niya ako inaya sa dining hall para mananghalian.
Katulad kaninang papunta kami sa cottage, pagkalabas namin sa pinto ay inilahad niya ang kamay. Nahigit ko ang hininga at nanlamig pa rin pero lakas loob ko pa ring inabot ang kamay niya.
Magkahugpong ang aming mga kamay na nagpunta kami sa dining hall. Ganoon din nang maglibot kami sa resort, paakyat sa direksiyon ng kabundukan kung saan ko naririnig ang lagaslas ng tubig. Hindi ko magawang magsalita dahil aware na aware ako sa pagkakahugpong ng mga kamay namin. Mabuti na lang ay wala kaming nakakasalubong.
Nawala lang sa isip ko ang pagkailang nang makita ko sa unang pagkakataon ang umaagos na batis mula sa kinatatayuan namin sa hanging bridge. Nahigit ko ang hininga at nasabik nang makita kong malinaw ang tubig niyon, nakakahalina. Parang ang sarap lumusong.
“Gusto mo bang bumalik sa cottage para magpalit ng panligo?” biglang tanong ni Martin.
Napalingon ako sa kaniya. Nahuli ko ang munting ngiti sa mga labi niya. Na para bang may nakikita siyang nakakaaliw habang nakatitig sa mukha ko. “Sinabi ko sa iyo na magdala ng swim wear, hindi ba?”
Tumango ako. Saka muling tumingin sa umaagos na batis. Nakakahalina talaga. “Okay,” anas ko.
“Okay?” gagad ni Martin.
Nilingon ko siya at bahagyang ngumiti. “I want to swim.”
Ngumiti siya at tumango. “Then let’s go and change.”
Makalipas ang halos tatlumpung minuto ay nagbalik kami sa batis, ngayon ay may swimsuit na ako sa loob ng suot kong summer dress habang si Martin ay nagpalit lang ng shorts at puting t-shirt. Nagbitbit siya ng dalawang tuwalya para sa aming dalawa.
Hapon na iyon at hindi katulad kanina na walang katao-tao, pagdating namin sa hanging bridge ay may nakita na akong mga turistang naliligo sa tubig sa ibaba. Nadismaya ako at biglang nag-alangan. Ayokong mapalapit sa ibang tao.
“May iba pang batis na puwede natin pagliguan,” biglang sabi ni Martin na para bang nababasa ang iniisip ko. Pagkatapos ay hinigit ang kamay ko na hawak na naman niya at nagpatuloy kami sa paglalakad.
Makalipas ang pasikot-sikot na paglalakad at pagbaba sa isang hagdang gawa sa bato ay natagpuan namin ang isang tagong batis. Lover’s pool. Iyon ang nakalagay sa signage na nadaanan namin. Walang tao roon at sobrang tahimik maliban sa lagaslas ng tubig sa batuhan.
Ipinatong ni Martin ang mga tuwalya sa railing ilang dipa ang layo sa pool at akmang huhubarin na rin ang t-shirt nang mapatingin sa akin. “Bakit nakatayo ka pa diyan? Akala ko ba gusto mong mag-swimming?”
Uminit ang mukha ko. “W-were not lovers,” nasabi ko bago ko pa napigilan ang sarili.
Natigilan si Martin. Pagkatapos ay lumampas ang tingin sa akin at bumakas ang pagunawa sa mukha nang makita siguro ang signage. Saka niya ibinalik ang tingin sa akin. “Pero gusto mo ng privacy, hindi ba?”
Lumunok ako. Ngayon ay parang ayoko nang mapagsolo kasama siya. Bumuntong hininga si Martin. “Joy. I am aware that we are not lovers. Hindi ko nakakalimutan kung ano ang koneksiyon natin sa isa’t isa. Now, do you want to swim or not?”
Bumuntong hininga ako. Medyo napahiya sa naging reaksiyon ko. Saka ako tuluyang lumapit sa kinatatayuan ni Martin na tuluyan nang hinubad ang bestida at ipinatong sa tabi ng mga tuwalya. Hindi ko intensiyong tumingin pero nakita ko pa rin ang hubad niyang katawan. It actually surprised me that he has a well-toned body. Hindi kasi halata kapag may damit siya. Hindi katulad ni James na isang tingin pa lang ay alam mo nang maganda ang pangangatawan. And it will even make you crave to undress him to see more –
Napaiwas ako ng tingin at may bumikig sa lalamunan ko na bigla kong naalala si James. Nang lumayo sa akin si Martin at narinig ko ang paglusong niya sa tubig ay saka ko lang hinubad ang suot kong bestida. Itinira ko ang two piece swimsuit na ilan lang sa kakaunting panligong kasya pa sa akin ngayon. Kahapon, nang nagsusukat ako ng dadalhin ay narealize ko kung gaano kalaki na ang ipinayat ko. Maluluwag na ang mga damit ko. Maging ang iba kong swimsuit.
Narealize ko rin na kung hindi dahil kay Martin at sa pakiusap ni Lizzy sa akin na tanggapin ang tulong na alok ng lalaki, baka buto’t balat na lang ako ngayon. Worst, baka may ginawa akong bagay na pagsisishan ko sa kabilang buhay.
Huminga ako ng malalim saka pumihit paharap sa pool. Natigilan ako nang makitang nasa kabilang dulo na si Martin, nakapuwesto sa ilalim ng lumalaglas na tubig mula sa kabundukan, tinatamaan ng liwanag ng papalubog na araw. Titig na titig siya sa akin.
I was struck again with the realization that he’s very handsome. At himbis na mailang sa titig niya ay may lumukob na kakaibang enerhiya sa buo kong katawan. I felt a sense of power I’ve never felt for a long time. Nagbibigay sa akin ng lakas ng loob at kompiyansa. Kaya sinalubong ko ng tingin ang titig niya habang lumulusong ako sa tubig.