BUMALIK kami sa cottage namin na gabing-gabi na. Pero sa kung anong dahilan ay gising na gising pa rin ang diwa ko. Mukhang ganoon din si Martin dahil nang nasa hagdan na ako at akmang paakyat sa kama ay pinigilan niya ako. Nang magtagpo ang aming mga paningin ay kinabahan ako. Narealize ko na may gusto siyang malaman mula sa akin.
Inilahad niya ang kamay. “Mag-usap muna tayo.”
Huminga ako ng malalim, sandali lang nag-alangan bago tinanggap ang kamay niya at bumaba ng hagdan. Hinigit niya ako hanggang sa bandang ulunan ng kama. Sumampa ako roon at sumandal sa headrest. Ganoon din ang ginawa niya at pumuwesto sa tabi ko. Mahabang sandali na tahimik lang kami.
Napatitig ako sa silya sa gilid ng pinto kung saan ipinatong ni Martin ang corset na hindi na niya pinasuot sa akin nang umahon kami mula sa tubig. Naalala ko na naman ang mga nangyari sa lover’s pool kaya uminit ang mukha ko. Samantalang hindi naman ako apektado na wala akong suot sa loob ng blouse ko habang katabi siya.
Ang sabi sa akin ni Lizzy noon, malaki daw ang pagkakaiba ng naghuhubad ka dahil intensiyon ninyong magtalik ng kapareha mo at ng kakulangan mo ng suot nang hindi naman iyon ang gagawin ninyo. She said that when you can go about a room with no bra and just outside clothing; or without your clothes and just on your undies, it means that you are very comfortable and intimate with the person you are with. At ayon kay Lizzy, kahit daw marami pang lalaking dumaan sa buhay niya o kung ilang beses siyang nakipagtalik sa iba’t ibang kapareha, hindi daw madali ang makaramdam ng ganoong comfort at intimacy sa piling ng isang tao.
“Joy,” malumanay na basag ni Martin sa katahimikan.
Kumurap ako at nilingon siya. Seryoso ang ekspresyon niya kaya sumikdo ang kaba sa dibdib ko. “Paano kayo naghiwalay? Paano ka napunta sa kalagayan mo nang una kitang makita sa ospital? Breathing but not really living? Sumuko na sa buhay? How can a relationship gone wrong do that to someone as wonderful as you?”
May bumikig sa lalamunan ko at hindi agad nakasagot. Bumabalik kasi ang mga alaala sa isip ko na pilit kong kinalimutan sa nakaraang mga linggo. Nabigla tuloy ako sa pagbaha ng sakit. Mukhang nakita niya sa mukha ko ang nararamdaman ko dahil maingat niyang inabot ang kamay ko.
He laced our fingers together. “Sabihin mo sa akin.”
Huminga ako ng malalim. “Halos tatlong buwan mula nang maging regular ang pagkikita namin nang magsimula kong mapansin na iniiwasan na niya ako.” Napahinto ako at napatitig sa mukha ni Martin. Kinagat ko ang ibabang labi at umiling. “This is awkward,” usal ko. Paano ko magagawang sabihin sa kaniya ang tungkol sa huling gabing may nangyari sa amin ni Martin kung wala pang isang oras ang nakararaan ay nasa lover’s pool kami at nagtatalik. Nasasagwaan ako. “Pwede bang sa ibang araw na lang natin ito pag-usapan?”
Akma akong kikilos paalis sa kama pero humigpit ang hawak ni Martin sa kamay ko. “Stay here, Joy.” Napahinto ako sa pakiusap sa tinig niya at sa determinasyon sa mga mata niya. “Gusto ko nang malaman ngayon. It’s fine. Baka kapag pinatagal ko pa… sa susunod hindi ko na talaga magagawa pang pakinggan ang mga nangyari sa pagitan ninyo noon. Kaya ngayon na natin ito pag-usapan.”
Umawang ang mga labi ko sa makahulugang sinabi niya. Nagkaroon ako ng udyok na magtanong kung bakit niya nasabi iyon pero… pero nakikita ko na ang sagot sa mga mata niya.
Sa mga sandaling iyon ay hindi ko na malaman kung ano ba talaga ang mayroon kami ni Martin. Parte pa rin ba ito ng treatment method niya bilang psychiatrist ko? Ang nangyari kanina sa lover’s pool at ang mga namagitan sa amin sa mga nakaraang araw, bahagi pa rin ba ng paggamot niya sa akin? Or are we having an affair?
“Joy,” malumanay na untag niya sa akin. Kaya muli akong sumandal sa headrest ng kama at kahit naiilang ay sinabi ko sa kaniya ang tungkol sa gabing nagtalik kami ni James na nagalit siya sa akin dahil sinubukan kong kumilos na hindi ayon sa gusto niya. Hindi ko na idinetalye kay Martin ang mga ginawa namin nang gabing iyon at naipagpasalamat ko na hindi na siya nagtanong pa.
“Dalawang linggo ang lumipas pagkatapos ng gabing iyon na hindi ako tinatawagan ni James at hindi ko rin siya matawagan. Kapag tine-text ko siya ay hindi naman siya nag-re-reply. Dumating sa point na kailangan ko pang lakasan ang loob ko para tanungin ang boss ko kung may alam ba siyang show na si James ang director. Baka kasi iyon ang dahilan kaya hindi siya nagpaparamdam sa akin. Pero sa pagkakaalam dawn g boss ko ay walang show si James sa mga sandaling iyon. Pagkatapos, isang araw ay…” May bumikig sa lalamunan ko. Hindi ko maituloy ang sasabihin.
“Isang araw ay ano?” tanong ni Martin.
Lumunok ako, tumitig sa pader sa harapan ko at nakuyom ang malaya kong kamay sa kandungan ko. “Isang araw… sinabi sa akin ni Lizzy ang mga gusto kong malaman…” Huminga ako. Saka hinayaan ang utak kong bumalik sa nakaraan.
“GUSTO kong ihanda mo ang puso mo sa sasabihin ko, Joy,” seryoso ang pagkakasabi ni Lizzy kaya kinabahan ako. Nagkita kami nang gabing iyon sa isang restaurant katulad ng madalas naming gawin kapag biyernes ng gabi. Pagkakita ko pa lang sa kaniya ay nagkaroon na ako ng hindi magandang kutob sa kislap sa mga mata niya.
“A-anong sasabihin mo?”
Ginagap niya ang mga kamay ko at pinisil ang mga iyon. “Hindi ba ang sabi mo sa akin ay dalawang linggo ka nang walang balita kay James? At nang magalit ako ay ipinagtanggol mo siya. Ang sabi mo baka busy siya o wala sa bansa. Pero Joy, nandito sa Pilipinas si James. Hindi siya umalis mula nang bumalik siya galing sa show niya isang buwan na ang nakararaan. At hindi siya abala sa trabaho. Katunayan ay hindi muna siya tumanggap ng project dahil gusto daw muna niyang mag-relax.”
Kumurap ako. Hindi makapaniwala. “Paano mo nalaman?”
“Mula sa isang kilala kong stylist na malapit sa team ni James. Ang assistant niya ang nagsabi sa kakilala ko tungkol sa hindi niya pagtanggap ng project. At ang kakilala ko ring iyon ang….” Huminga ng malalim si Lizzy bago nagpatuloy sa pagsasalita, “Ang nakakakita kay James sa kung saan-saang party kasi nga marami silang common friends. And he’s always with… Isabella Wilson.”
Parang akong binuhusan ng malamig na tubig. “Isabella Wilson? Iyong pilipina na sumali sa Asia’s Next Top Model? I-iyong mukhang anghel?”
Humigpit ang hawan ni Lizzy sa mga kamay ko at kumislap ang galit sa mga mata. “Yes. He’s cheating on you, Joy. Kailangan mo na makipaghiwalay sa kaniya.”
Kumurap ako at mabilis na binawi ang aking mga kamay mula sa pagkakahawak niya. Marahas akong umiling. “No. Hindi niya gagawin sa akin ito. Bakit ako makikipaghiwalay sa kaniya? Mahal namin ang isa’t isa,” tarantang litanya ko.
“Ano ka ba, Joy?!” manghang bulalas ni Lizzy. Marahas lang akong umiling. Ayokong tanggapin ang sinasabi niya. Imposibleng niloloko ako ni James.
“Besides, don’t you think it’s weird that you’re relationship is a secret? Ako lang ang nakakaalam sa side mo na may relasyon kayo. At sa side niya? Sino ang nakakaalam? For all we know umaakto siyang single at unattached kapag hindi kayo magkasama,” giit pa rin ni Lizzy.
Muli ay marahas akong umiling. Hindi ko kayang tanggapin ang mga sinasabi niya.
Tumiim ang labi ng kaibigan ko bago naging marahas ang boses, “Fine. Ayaw mo maniwala? Gusto mo pa talagang makita ng sarili mong mga mata ang katotohanan bago mo marealize na kailangan mo na kumalas sa kaniya? Sige. May party ang isang socialite bukas ng gabi na inimbitahan ako dahil nabihisan ko na siya dati. Ang sabi niya ay pupunta daw si James. Isasama kita. Para once and for all ay malaman natin kung ano ba talaga ang nangyayari sa inyong dalawa.”
Bigla akong natakot. Bigla ay gusto kong tumanggi. Pero gusto ko rin patunayan kay Lizzy na hindi totoo ang sinasabi ng mga kakilala niya. Na okay pa rin kami ni James. Kaya itinaas ko ang noo at pumayag sa suhestiyon niya.
Na pinagsisihan ko kinabukasan ng gabi, kung kailan nasa bukana na kami ng isang club kung saan ginaganap ang party. Nang batiin namin ang birthday celebrant at kaswal na itanong ni Lizzy kung naroon na bad aw si James Salgado at sumagot ng oo ang socialite. Pero bago pa ako makaatras ay hinawakan na ni Lizzy ang kamay ko at hinatak ako papasok.
“Now where is he?” Narinig kong sabi ng kaibigan ko habang iginagala ang tingin sa karagatan ng mga taong nagsasayaw, nag-uusap at umiinom sa loob.
Huminga ako ng malalim at nag-angat ng tingin. Isang pasada ko lang ng tingin sa paligid ay nakita ko na agad kung nasaan si James. Nasa bar counter siya, mukhang may kausap sa unang tingin. Pero nang makita kong babae ang kasama niya at halos walang espasyo sa katawan nilang dalawa ay parang may sumipa sa sikmura ko at nanlamig ako. Napansin ko rin na ang isang kamay niya ay humahaplos sa likod ng babae. Parang sinaksak ng punyal ang puso ko at hindi ako nakagalaw, ni hindi nakahinga.
Hanggang sa maramdaman ko ang paghawak ni Lizzy sa braso ko. Kumurap ako at nilingon siya. Bakas ang protectiveness sa mukha niya habang nakatingin din sa direksiyon kung saan alam kong nakikita niya si James. “Anong gusto mong gawin?” mahinang tanong niya.
Gusto kong umiyak. Pero ang pinakagusto ko ay makita ang mukha ng lalaking mahal ko na dalawang linggo ko nang hindi nakikita. Gusto kong marinig mula sa kaniya ang katotohanan. Kaya kahit parang may lumalamutak sa mga bituka ko ay itinaas ko ang noo ko at naglakad palapit sa bar counter habang si Lizzy ay sumunod sa akin, handang rumesbak kung kailangan.
Malapit na ako sa bar counter nang eksaktong makita kong akmang hahalikan ni James sa leeg ang babaeng kasama niya. Namilog ang mga mata ko at para akong sinaksak sa puso. Lalo na nang mapatingin sa akin si James at sandali lang dumaan ang pagkagulat sa mga mata niya bago nawalan ng emosyon at itinuloy ang paghalik sa babaeng kasama niya.
Nilukob ng paghihimagsik ang puso ko. Kumuyom ang mga kamao ko at mabilis na lumapit sa kanila. “What do you think you’re doing?!”